[EDITORIAL]
Kagandahan at Progreso
Sa Pista’y Baley 2024, ipinagdiriwang natin ang ika-410 na anibersaryo ng araw ng pagkakatatag ng ating bayan, sa temang, “Magangganan Bayambang: Nidumaduma” (Magandang Bayambang: Naiiba). Sa temang ito, atin ngayong binibigyang-diin ang papel ng kagandahan sa buhay ng ating komunidad, lalo na sa ating tahakin tungo sa pag-unlad.
Ang usapin ng kagandahan, ayon sa ating pang-unawa, ay hindi lamang usapin ng pisikal na kagandahan kundi pati na rin ng iba pang makabuluhang bagay.
Ang pisikal na kagandahan ng isang lugar, halimbawa, ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mayabong na industriya ng turismo. At ano nga ba ang dala ng turismo kundi oportunidad sa kabuhayaan at ekonomiya, bukod pa sa reputasyon at katanyagan ng isang bayan?
Ang isang magandang bayan ay inaasahan din na malinis, maayos, at luntian, katumbas ng pagkakaroon ng maayos na mga parke at espasyo na hitik sa mga puno at bulaklak, nakakarelaks at magagandang tanawin, malinis na hangin, produktibong mga taniman ng gulay, malawak na bukirin, kaaya-ayang kalikasan.
Ang isang maayos na pamayanan ay nagpapahiwatig ng marami pang bagay, tulad ng epektibong pagkolekta ng basura, kawalan ng sagabal sa daan, maayos na trapiko, sapat na imprastraktura, naaangkop na arkitektura, disiplinadong mamamayan, proaktibong mga organisasyon, at mabuting pamamahala. Ang mga magagandang bagay na ito ay hindi magiging posible kung walang pagkakaisa ng kaisipan at puso ng komunidad.
Ang kagandahan, siyempre, ay maaaring gamitin din sa personal na antas upang magsilbi sa ating mga kababayan ng may pagmamahal at malasakit. ‘Ika nga ng paboritong mga kataga ng Alkalde Niña Jose-Quiambao, "Beauty for love and service.” (Kagandahan para sa pagmamahal at paglilingkod.) Kapag ito ay ginamit sa ngalan ng pagmamahal at paglilingkod, ang kagandahan ay nagiging instrumento ng kabutihan.
At gaya ng alam na natin, ang kabutihan ay nakakahawa. Ang pagtataguyod ng kagandahan tungo sa layuning ito ay partikular na naaangkop sa taunang patimpalak ng Binibining Bayambang, kung saan inaasahang ang magwawagi ay magkaroon ng mga benepisyaryo sa barangay, at makikiisa sa mga gawain ng lokal na pamahalaan sa paglaban nito sa kahirapan.
Ngunit, siyempre, ang mas nais nating magkaroon ay walang iba kundi ang kagandahang loob, iyung kagandahan na nagmumula sa kaibuturan ng puso, ang kagandahang ’di maiwasang magpamalas din ng kagandahan sa panlabas na anyo.
Naniniwala kami na ang pagtataguyod ng kagandahan ay wala ring pinag-iba sa pagtahak ng landas patungong kabutihan at katotohanan.
Iyan ang uri ng Bayambang at tipo ng Bayambangueño at Bayambangueña na ating gustong maging: isang komunidad na ang kagandaahan ay nakaangkla sa magandang kalooban at sa katotohanan. Ito ang tunay na kagandahan, ang siyang uri na naghahasik ng magagandang pangitain saanman mapadpad.
Maliket tan magayagan Pista’y Baley 2024 ed sikatayon amin ed magangana tan nidumaduman baley na Bayambang!
No comments:
Post a Comment