Wednesday, October 9, 2024

MONDAY REPORT – OCTOBER 14, 2024

 MONDAY REPORT – OCTOBER 14, 2024

 

[INTRO]

 

NEWSCASTER 1: Magandang Monday morning, Bayambang! Ako po si Iluminada Mabanglo.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Dita Pulhin, at kami po ay mula sa Office of Senior Citizen's Affairs.

 

NEWSCASTER 1: Narito na ang buong puwersa ng LGU-Bayambang...

 

NEWSCASTER 2: Maghahatid sa inyo ng mga maiinit at napapanahong balita...

 

SABAY KAYO: Ito ang….BayambangueNews!

 

***

 

[SALITAN NA KAYO RITO]

 

1. 100 BPC Students, Bagong Batch ng TUPAD Beneficiaries

Noong October 4, nagmonitor ang DOLE, katuwang ang PESO-Bayambang, sa 100 TUPAD beneficiaries na mga estudyante ng Bayambang Polytechnic College. Ang nasabing batch ay pinondohan ng Office of the Vice-President. Sa ilalim ng programa, ang mga estudyante ay naglinis ng sampung araw at tumanggap ng P4,350 bawat isa kapag nakumpleto ang kanilang trabaho.

 

2. NNC, Minonitor ang Tutok Kainan Program

Noong October 3, dumating ang National Nutrition Council (NNC) Region 1 upang imonitor ang implementasyon ng Tutok Kainan Program ng ahensya. Kasama ng Nutrition Office, sila ay nagtungo sa Brgy. Sanlibo Covered Court upang ipakilala at talakayin ang tungkol sa programa na naglalayong tutukan ang nutrisyon ng 44 na mga buntis sa distrito na itinuturing na nasa at-risk group.

  

3. Feeding Angels, Namigay ng Food Packs sa Kabataan

 Ang grupong Feeding Angels, sa pakikipagtulungan sa Nutrition Office, ay nagsagawa ng panibagong feeding activity para sa 143 na indigent at undernourished children noong October 5. Sila ay nag-ikot sa Ambayat 1st at 2nd, Warding, Managos, Telbang, at Paragos. Namigay din sila sa mga kabataan ng mga damit at laruan galing sa kanilang mga sponsors.

 

4. Agriculture Office at Iba Pa, Naglakbay-Aral sa UP Los Baños

Ang Agriculture Office, selected farmers' presidents, at mga faculty at estudyante ng Bayambang Polytechnic College ay nagbenchmarking sa Los Baños, Laguna noong October 3 hanggang 5, upang aralin kung paano mas mapapalakas pa ang ating sektor ng agrikultura gamit ang scientific research at makabagong mga pamamaraan. Sila ay nakipagpulong kay UP Los Baños Chancellor Jose V. Camacho at bumisita sa iba’t ibang pasilidad at institusyon, kabilang ang International Rice Research Institute, Dairy Farm, Makiling Botanical Garden, at iba pa.

 

5. 2 Centenarians, Pinarangalan sa Senior Citizen's Week

Sa pagdiriwang ng Senior Citizen's Week noong October 7, kinilala ang dalawang bagong Bayambangueñong centenarian na sina Adriano Herrera ng Brgy. Pangdel at Magdalena Rico ng Brgy. Warding. Sila ay hinandugan ng cash gift mula sa LGU. Bukod pa ito sa mandatory P100,000 cash grant na nakatakda nilang matanggap mula sa national government. Tinalakay din ng mga naimbitahang resource speakers ang mga paksang "Pointers on Settlement and Partitions of Estates," "PhilHealth Konsulta Package Provider," at "Oral Health."

 

6. Winners sa Tourism Poem at Song Writing Contests, Kinilala

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Turismo ay nagtapos sa isang awarding ceremony sa nakabibighaning talento sa pagsulat ng iba’t-ibang klase ng tula at awit, sa Anlong o Poem Writing contest at Cancionan o Song Writing contest na inorganisa ng MTICAO noong October 7. Sa Cancionan, nagwagi bilang grand winner ang energetic na pop song na "Gala Dya" ng grupong JL. Sa Anlong naman ay tatlo ang nagwagi sa English, Filipino, at Pangasinan category. Ang dalawang patimpalak ay nakatulong sa pagsulong ng sining at kultura ng Bayambang at nagpatunay sa walang kupas na talento ng mga Bayambangueño.

 

7. Monkeypox Seminar, Isinagawa ng MTICAO at RHU

Isang seminar ukol sa sakit na monkeypox ang inorganisa ng MTICAO sa tulong ng RHU I sa RHU Conferenece Room noong October 7, bilang parte ng culminating activity para sa Tourism Month 2024. May pitong establisimyento ang naging kalahok, kabilang ang Pook ni Urduja at El Siesta Hotel. Sa seminar, natuto ang mga lokal na tourism establishments kung paano maiiwasan, matutuklasan, at malalabanan ang sakit na monkeypox.

 

8. School Children, Sumali sa Larong Pinoy at Nakinig sa Healthy Lifestyle Lecture

Naghatid-saya sa mga mag-aaral sa elementarya ang aktibidad ng Municipal Nutrition Committee na "Larong Pinoy at Healthy Lifestyle Lecture," na ginanap noong October 8 sa Bayambang Central School at October 11 sa Buayaen Central School. Ang mga mag-aaral ay maglaro, nag-ehersisyo, at nalaman na rin ang ukol sa wastong nutrisyon sa pamamagitan ng masusustansiyang pagkain upang makaiwas sa mga sakit dulot ng improper nutrition at sedentary lifestyle.

 

9. Pangasinan League of Municipal Assessors Conference, Idinaos Dito

Noong September 6, ang buwanang kumperensiya ng Pangasinan League of Municipal Assessors ay ginanap sa Niña’s Cafe. Ang mga bisita ay mainit na winelcome ni OIC Municipal Assessor, Atty. Bayani Brillante Jr., at kanyang staff, kasama sina Mayor Niña Jose-Quiambao at SATOM, Dr. Cezar Quiambao.

 

10. Loteng Pagtatayuan ng BPC, Sinurvey ng Assessor

 Noong September 11, ang Assessor's Office ay nagsagawa ng mga site validation o verification survey ng land area, pati na mga topographic survey, para sa panukalang lote na pagpapatayuan ng Bayambang Polytechnic College sa Brgy. Bical Norte.

 

 11. 30 Grads ng Dressmaking NC II, Inirampa ang Sariling Tahing Kasuotan!

 Nagsipagtapos noong October 8 ang 30 trainees sa "Basic Skills Training on Dressmaking NC II" na handog ng TESDA at PESO. Game na game na inirampa ng mga course completers ang mga sariling tahing kasuotan katulad ng blusa at Filipiniana sa kanilang graduation ceremony na ginanap sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.

 

12. Mga Bagong Pinuno, Nagtraining sa ICS at DRRM

Isang executive course sa Incident Command System at training sa Disaster Risk Reduction and Management ang isinagawa ng MDRRMO para sa mga bagong department head ng LGU at bagong barangay federation at SK officials. Dito, ang mga bagong pinuno ay binigyan ng mas malalim na kaalaman sa DRRM response sa tulong ng Office of Civil Defense Region I.

 

13. Lumang Central School, Nilinis para sa SLP Congress

 Ang lahat ng departmento ng LGU, CSOs, at KALIPI Bayambang ay nakilahok sa isang clean-up drive sa lumang Bayambang Central School, bilang preparasyon sa gaganaping Congress ukol sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD. Ang parte ng bakanteng lote ng Central ay pansamantalang patatayuan ng mga booth upang magbenta ng kani-kanilang produkto ang iba't ibang SLP associations mula sa Rehiyon Uno.

 

14. Lactation Management Education Training, Ginanap

Isang capacity-building training tungkol sa Lactation Management Education ang isinagawa ng Nutrition Office para sa mga Nutrition Support Group at iba pang mga tagapagtaguyod ng nutrisyon as Bayambang. Ito ay ginanap para sa iba't ibang batch simula October 9. Dito ay tinalakay ang mahahalagang kaalaman tungkol sa lactation management at mga intervention na may kinalaman sa nutrisyon upang mapabuti ang kalusugan ng mga sanggol, bata, buntis, at nagpapasusong ina.

 

15. Paghahanda sa UNDAS, Pinagpulungan

 Noong October 9, pinagpulungan ng lahat ng departamento at ahensya ang mga gagawing paghahanda sa darating na Undas o All Saints’ Day celebrations na siguradong uuwian ng mga Bayambangueño mula sa iba’t ibang dako. Ito ay upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng lahat sa nasabing okasyon.

 

16. 600 Katao, Benepisyaryo ng DSWD Assistance

Matapos ang isang profiling activity noong October 9, nagsagawa ang MSWDO ng isang payout activity nang sumunod na araw para sa 600 na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation sa Events Center. Ito ay naging posible dahil sa suporta ni Senator Francis Tolentino.

 

17. Komprehensibong Serbisyo Project, Dumako sa Sapang

 Ang buong team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan ay dumako sa Brgy. Sapang noong October 10 upang pagsilbihan ang mga residente ng Brgy. Sapang, Duera, at Banaban. May kabuuang ___ na benepisyaryo sa lugar na nag-avail ng iba’t ibang medical services at iba pang serbisyo mula sa lahat ng departamento.

 

***

 

It's Trivia Time!

 

Alam ba ninyo na ang Office of Senior Citizen Affairs ay ang opisinang nakatutok sa mga concerns ng ating mga senior citizens?

 

Dalawang klase po ang uri ng membership sa OSCA, kung ikaw ay 60 years old na o higit pa.

 

Una ay ang membership para sa Senior Citizen ID para maka-avail ng 20% discount sa mga establisimyento.

Ikalawa ay ang membership sa Federation of Senior Citizen Associations of Bayambang o FSCAB para maka-avail ng benefits kung maayos na maghuhulog taun-taon.

 

Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang na 11,000 na senior citizens sa buong Bayambang.

 

***

 

[OUTRO]

 

NEWSCASTER 1: At iyan po ang mga balitang nakatutok sa iba't ibang programa at proyekto ng LGU-Bayambang.

 

NEWSCASTER 2: Mga balitang may tatak Total Quality Service.

 

NEWSCASTER 1: Muli, ako po ang inyong lingkod, Iluminada Mabanglo.

 

NEWSCASTER 2: At Dita Pulhin mula sa Office of Senior Citizens Affairs.

 

[SABAYANG BIGKAS]: At ito ang... Bayambangueñews!

 

 ***

 

Samantala, 72 days na lang… Pasko na!

No comments:

Post a Comment