Wednesday, November 19, 2025

Monday Report - November 24, 2025

 [SMILE, VOLUME, ENERGY!]

 

[INTRO]

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si ___ NG __________ (SCHOOL).

NEWSCASTER 2: At ako naman po si ____, mula sa ________ (SCHOOL). Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon

SABAY: ... BayambangueNews!

 

[SALITAN NA KAYO RITO]

[SMILE, VOLUME, ENERGY PER HEADLINE!]

 

1.Mayor NJQ at Sir CTQ, May Birthday at Anniversary Treat!

A.Noong November 17, naghandog ng libreng tanghalian sina Dr. Cezar T. Quiambao at Mayor Niña, bilang bahagi ng kanilang kaarawan at wedding anniversary celebration. Iba’t ibang sektor ang nabigyan, kabilang ang LGU heads, mga kawani ng Munisipyo, BDH, TODA, vendors, at mga pribadong kumpanya. Nagpahatid ng pasasalamat ang pamayanan kalakip ang panalangin para sa patuloy na biyaya at tagumpay ng first couple. 

B.Sila ay nagpamigay din sa 77 na barangay ng sorbetes na gawa ng Bani Delicious Ice Cream, na nagsilbing pagsuporta na rin sa lokal na kabuhayan.

2.Search for Outstanding School in Nutrition Program Management, Isinagawa

Sinuri ng Municipal Nutrition Committee ang anim na piling pampublikong paaralan upang hanapin ang natatanging implementer ng nutrition program management sa bayan ng Bayambang. Sinuri ng team ang iba’t ibang aspeto tulad ng canteen management, Gulayan sa Paaralan, water sanitation, feeding program, nutritional status, at innovations. Nakatakdang ianunsyo ang nanalong paaralan matapos ang validation.

3.Calibration Activity sa Bagsakan, Isinagawa

Isang calibration activity ang isinagawa ng Office of the Special Economic Enterprises upang masiguro ang tamang pagtimbang ng mga paninda at patas na kalakalan sa pamilihang bayan. Nakumpiska ang limang depektibong timbangan alinsunod sa regulasyon para sa kaligtasan ng mamimili. Nagpasalamat ang ng SEE sa suporta ng mga nagpa-calibrate at nakibahagi sa aktibidad. 

4. BPSO Enforcer, Nagsauli ng Napulot na Cell Phone

Noong November 10, isinauli ni BPSO Traffic Enforcer Team Leader Ronaldo delos Santos ang napulot niyang cell phone sa may HI-PAD. Agad niya itong isinurrender sa kanilang opisina at mabilis ding narekober ng may-ari na si Daniel Ver Perez ng Brgy. Tamaro. Pinuri ang matapat na aksyon ng enforcer bilang magandang ehemplo sa publiko.

5.LCRO, Dinala ang Info Drive sa Telbang

Noong November 7, ngpatuloy sa kanilang information drive ang Local Civil Registry Office sa Telbang Covered Court tungkol sa tamang pagrerehistro at ukol sa mga PSA update. Dinaluhan ito ng mga guro, magulang, at barangay officials na nalinawan sa mga proseso upang maiwasan ang errors sa civil registry records

6.Job Fair, May 21 Hired on the Spot

Ang Public Employment Service Office (PESO) ay nagsagawa ng isa na namang job fair na dinaluhan ng 7 local at 2 overseas employers noong November 17. Sa 82 na pumuntang aplikante, 21 ang naging hired on the spot.

7.PWD Federation, Nagseminar ukol sa Kooperatiba

Sumailalim ang PWD Federation of Bayambang sa isang Orientation on How to Organize a Cooperative and Pre-Registration Seminar na pinangunahan ng PDAO at MCDO, katuwang ang CDA. Tinalakay sa pagsasanay ang mahahalagang hakbang at legal requirements sa pagtatatag at tamang pamamalakad ng kooperatiba.

8.Sanitasyon at Iba pang Isyu, Tinalakay ng Local Health Board

Ang Local Health Board ay nagpulong noong November 17 upang pagtuunan ang mas mahigpit na sanitation measures at pagpapahusay ng serbisyong pangkalusugan sa pagpasok ng taong 2026. Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapatuloy ng sanitation inspections, pagpapatibay ng Sanitation Standard Rating Sticker para sa mga negosyo, at pag-update ng mga requirements para sa sanitary permit.

9.TODA Members, Nagseminar sa Road Safety Act

Dinaluhan ng may 120 na LGU drivers at TODA members ang isang seminar ukol sa Road Safety and Safe Spaces Act noong November 18 na inorganisa ng BPSO. Ang aktibidad ay tumutok sa tamang asal sa kalsada, pagsunod sa batas-trapiko, pagrespeto sa karapatan ng bawat indibidwal, at pag-iwas sa aksidente. Layunin ng programa na makatulong sa pagtatatag ng mas ligtas at mas responsableng daloy ng trapiko sa Bayambang.

10.Financial Literacy Orientation, Isinagawa
Nagsagawa ng Financial Literacy Orientation activity ang PPCLDO at MCDO sa Sanlibo National High School upang turuan ang senior high students sa wastong paghawak ng pera, pag-iimpok, at financial planning. Tinalakay din ang mga konsepto ng kooperatibismo bilang oportunidad sa kabuhayan.

11.Pagsasanay sa Katarungang Pambarangay Documentation, Pinaigting
Isang training sa pagbalangkas ng legal forms ang ibinigay ng Municipal Legal Office para sa mga Punong Barangay, Barangay Kagawad, at Barangay Secretary. Layunin nitong palakasin ang implementasyon ng Katarungang Pambarangay sa pamamagitan ng tamang dokumentasyon at mas epektibong pagresolba ng anumang usaping legal. Nagtapos ang programa sa isang open forum.

12."Bright Smiles, Bright Futures" Project, Dinala sa ANCOP Ville
Naghatid ang RHU Bayambang at MSWDO ng oral health services sa 55 na batang residente ng ANCOP Ville bilang bahagi ng National Children’s Month. Kasama sa mga serbisyo ang dental lectures, toothbrushing drill, sealant at fluoride application, at dagdag kaalaman mula sa Yakult Philippines. Nagbigay rin ng laruan at damit ang PDA-Pangasinan na nagpasaya sa mga bata sa naturang okasyon.

13.BPRAT Cluster Meetings, Tinalakay ang 4th Quarter Accomplishments
Idinaos ng BPRAT ang isa na namang serye ng cluster meetings upang repasuhin ang 4th quarter accomplishments ng mga sektor at tiyaking nasa tamang direksyon ang mga programa ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan bago matapos ang taon. Pinangunahan ito ng mga sectoral head ng Good Governance at Economic and Infrastructure na si Mr. Ricky Bulalakaw kasama ang iba’t ibang departamento.

14.Training laban sa Acute Child Malnutrition, Isinagawa
Sumailalim ang health at nutrition workers ng Bayambang sa Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition (PIMAM) training upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagtukoy at paggamot ng severe acute malnutrition. Bahagi rin ng layunin ang pag-avail ng LGU sa PhilHealth package para sa severely malnourished children. Pinangunahan ng iba’t ibang eksperto mula sa LGU-Alaminos, PhilHealth, at iba pang medical field ang serye ng talakayan.

15.Bayambang Christmas Bazaar 2025, Nagbukas Na!
Noong November 17, binuksan ng SEE ang Bayambang Christmas Bazaar 2025, at ito ay dinagsa ng mga mamimili at bisita mula sa iba’t ibang lugar. Tampok dito ang lokal na produkto, food stalls, at live music mula sa Vien Band na nagbigay-sigla sa opening day. Nagdala rin ito ng malaking suporta para sa lokal na negosyo habang pinalalakas ang diwa ng Kapaskuhan sa bayan.

16.National Children’s Festival, Naging Makulay!

Naging makulay ang Children’s Festival 2025, kung saan naging tampok ang magkakasunod na Hawaiian group dance presentation, Draw and Tell, at singing contest sa mga daycare learners. Kinahapunan ay kinoronahan ang mga nanalong Mr. and Ms. Pre-K 2025 na sina Alpheus Andrew Asher Q. Gavino ng Inirangan CDC at Arianne Samantha G. de Vera ng Wawa CDC.

17.Diskusyong Legal, Inihatid ng Legal Office sa mga Bayambangueño

Noong November 19, nagsagawa ang Legal Office ng diskusyong legal para sa mga Bayambangueno ukol sa Registration of Lands Used as School Sites. Dito ay nilinaw partikular na ang legal bases, requirements, at proseso ng naturang land registration. Ito ay dinaluhan ng mga kaguruan ng Bayambang.

18. Project NIÑA, Inilunsad para sa ALS Learners

Inilunsad ng LGU Bayambang katuwang ang DepEd Bureau of Alternative Education ang Project NIÑA, isang tatlong-araw na livelihood skills training para sa mga ALS learners mula November 19 to 21. Ito ay upang palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa paggawa ng mga produktong maaaring pagkakitaan, bilang suporta sa adbokasiya ni Mayor Niña na palawakin ang edukasyon sa labas ng tradisyunal na paaralan. Iinaasahang maghahatid ang Project NIÑA ng mas magandang oportunidad sa kabuhayan para sa ALS learners ng Bayambang.

19.Mayor Niña, Pinulong ang mga Kapitan

Noong November 19, pinulong ni Mayor Niña ang mga kapitan upang kumustahin at linawin ang iba’t ibang maiinit na isyu sa mga barangay, kabilang ang batas-trapiko, paghahanda sa kalamidad, at iba pang suliraning nangangailangan ng masinsinang koordinasyon.

20.Mga Farmers’ President, Pinulong

Kasunod nito ay ginanap naman ang pulong ng mga presidente ng farmers’ association upang talakayin ang Philippine Coconut Authority programs orientation, Syngenta at E-Agro corn seed production, fertilizer at palay seed allocation mula DA, at iba pang paksa.

21.Buklat Aklat, Dinala sa Bongato East

Ang literacy project na "Buklat Aklat” ni Mayor Niña ay nagpatuloy sa Bongato East Elementary School noong November 20 upang bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral doon na makaranas ng book reading at reading tutorial sessions at mahasa ang kanilang reading skills at hindi mapag-iwanan sa edukasyon. Mismong si Mayor Niña ang naging guest storyteller kasama ang LYDO, SK Federation, MNAO, BPRAT, at Task Force Disiplina.

22.KSB Year 8, Dinala sa Sapang

Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 ay dinala noong November 20 sa Sapang Covered Court upang pagsilbihan naman ang mga residente sa magkakalapit na barangay sa lugar. Sa pangangasiwa ni Dr. Roland Agbuya, daan-daang muli ang nag-avail ng mga libreng serbisyong medical at non-medical services mula sa Munisipyo, kaya’t siguradong malaking ginhawa at katipiran ito sa mga residente roon.

23.Bayambang, Nagliwanag sa Ceremonial Christmas Lighting

Naging simple ngunit makabuluhan ang idnaos na traditional Christmas ceremonial lighting sa municipal plaza noong November 20 -- salamat sa pailaw na personal na donasyon ni Mayor Niña! Ang payak na seremonya ay nakatutok sa belen bilang tunay na diwa ng Kapaskuhan: ang kagalakan sa pagsilang ng ating panginoong tagapagligtas.

24.Bayambang, Ginawaran ng Seal of Protection Award 

Ang bayan ng Bayambang ay ginawaran ng GSIS ng Seal of Protection Award - Gold Category dahil sa consistent na pagpupunyagi nitong maipa-insure ang mga local government property at equipment nito. Ang pagkilalang ito ay tinanggap ng General Services Office sa seremonyang ginanap sa Iloilo City noong November 20.

***

[SMILE, VOLUME, ENERGY!]

[OUTRO]

NEWSCASTER 1: Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.

NEWSCASTER 2: At bawat kwento, tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.

NEWSCASTER 1: Ako pong muli si _____, kasama sa paglalahad ng mga kaganapan sa bayan.

NEWSCASTER 2: At ako si _____, mula sa ______. Magsama-sama tayong muli sa susunod na ulat!

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

No comments:

Post a Comment