Monday Report - November 10, 2025
NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si ___.
NEWSCASTER 2: At ako naman po si _, at kami po ay mula sa Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.
NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.
NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon
SABAY: ... BayambangueNews!
1. Kabataang Bayambangueña, Wagi sa Global IT Challenge!
Isang kabataang Bayambangueña, na si Lina A. Junio ng Bayambang National High School, ang kabilang sa mga nagwagi sa Global IT Challenge for Youth with Disability 2025 sa Ulsan, South Korea, kasama ang ibang delegado ng Pilipinas. Sinagot ng LGU-Bayambang ang gastusin ng koponan sa pamamagitan ng PDAO fund.
2. Mga Panibagong Tulong Pang-Edukasyon, Tinalakay
Sa isinagawang Local School Board Meeting, tinalakay ang P1.37M savings na gagamitin bilang supplemental budget para sa 60 printers para sa lahat ng paaralan at limang laptop, dalawang 75-inch smart TV, coupon bond para sa lahat ng teachers, SPED comfort room sa Bayambang Central School, at konstruksyon sa Malioer Elementary School.
3. Barangay Officials sa QC, Nag-benchmarking sa MRF
Ilang barangay officials mula sa Quezon City ang nag-benchmarking activity sa Materials Recovery Facility sa Brgy. Telbang upang matutunan ang best practices ng ESWMO sa waste management. Pinangunahan ang pagtanggap sa mga bisita ni MENRO Ma-Lene Torio at ng kanyang staff.
4. Undas 2025, Naging Maayos at Ligtas
Sa direktiba ni Mayor Niña, naging maayos at ligtas ang paggunita ng Undas ng mga Bayambangueño, salamat sa walang-patid na serbisyo ng mga kawani mula sa MDRRMO, PNP, BFP, BPSO, Task Force Disiplina, mga RHU, SEE, ESWMO, Engineering, at MSWDO sa pakikipag-koordinasyon sa mga barangay officials. Pinuri ng publiko ang pagtutulungan ng mga ahensya bilang patunay ng dedikadong paglilingkod ng LGU kahit sa mga araw ng bakasyon.
5. Mayor Niña, Naghandog ng Portable Canopies
Sa mga araw ding iyon, naghandog si Mayor Niña ng mga libreng portable shades o canopies sa public cemetery upang maprotektahan ang mga bumisita laban sa init at ulan habang inaalala ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Laking pasalamat ng mga residente rito, na anila ay isang patunay ng taos-pusong pangangalaga ng LGU sa mga mamamayan sa panahon ng Undas.
9. Mayor Niña, Binuksan ang 33rd National Children’s Month
Pormal na binuksan ni Mayor Niña ang pagdiriwang ng 33rd National Children’s Month noong Nobyembre 3. Tampok sa programa ang pag-emcee at pagiging news anchor ng mga Little Mr. and Ms. Bayambang, sabayang pagsayaw, at sabayang pagbigkas ng Panatang Makabata.
10. Mayor Niña, Nagkaloob ng Motorsiklo sa BFP
Personal na naghandog si Mayor Niña ng isang motorsiklo sa Bureau of Fire Protection–Bayambang mula sa sariling pondo bilang tulong sa mas mabilis na pagresponde sa sunog at iba pang sakuna. Ang donasyon ay magagamit ng BFP sa agarang paghatid ng tulong at pati na rin sa kanilang mga information drive sa mga barangay.
11. LGU at GCash, Lumagda sa MOA para sa Community Service Card
Noong November 3, pumirma ng kasunduan ang LGU at GCash para sa pagpapahusay ng Bayambang Community Service Card. Layunin nitong mapabilis at mapadali ang mga transaksyon sa tulong ng digital at financial innovation. Ang proyekto ay isang hakbang patungo sa pagiging “smart town” ng Bayambang at sa mas inklusibong serbisyo publiko.
12. Eight Care Medical Supplies, Nagkaloob ng Assistive Devices
Malugod na tinanggap ng LGU ang ilang assistive devices o mobility aids na donasyon ng isang kaanak ni former LGBTQI Federation President Sammy Lomboy sa mga PWD at senior citizens. Kabilang sa mga donasyon ni G. Morris F. Camorongan ng Eight Care Medical Supplies Manila ang wheelchair, quad cane, at crutch. Mayroon ding kasamang 40 boxes ng face mask.
13. Clearing Operations, Tinalakay ng TFD
Pinangunahan ni Dr. Cezar Quiambao ang isang pulong ng Task Force Disiplina (TFD) noong November 4 upang talakayin ang mga clearing operations bilang paghahanda sa nalalapit na Christmas Bazaar at pagkabit ng Christmas lights sa Poblacion area. Kabilang sa mga napag-usapan ang pagtanggal ng mga lumang tarpaulin, road clearing sa mga pangunahing lansangan, at ang panukalang pagbuo ng TFD sa bawat barangay. Iprinesenta rin ng traffic consultant ang kanyang ginawang pag-aaral sa daloy ng trapiko.
14. Supplemental AIP, Inaprubahan sa MDC Meeting
Inaprubahan ng Municipal Development Council (MDC) ang Supplemental Annual Investment Program No. 2 for CY 2025 sa pulong na ginanap noong November 4. Ito ay dinaluhan ng mga Punong Barangay, CSOs, Local Finance Committee, at ni Councilor Jose Ramos at representante ni Cong. Rachel Arenas.
15. Safe and Conducive Workplace Seminar, Isinagawa
Noong November 5, nagsagawa ang HRMO ng Safe and Conducive Workplace Seminar upang palakasin ang kamalayan ng mga kawani sa kahalagahan ng kaligtasan, kalusugan, at kaayusan sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Si Dr. Madlyn D. Tiangco, Campus Executive Director ng PSU–Bayambang Campus, ang naging pangunahing tagapagsalita, at siyang nagbahagi ng praktikal na gabay para sa pagpapanatili ng isang positibo at kaaya-ayang workplace environment para sa mas epektibong serbisyo.
16. ONGOING: School-Based Immunization
Kasalukuyang isinasagawa ng RHU ang isang school-based immunization activity sa lahat ng paaralan upang maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa tigdas, tetanus, diphtheria, at cervical cancer. Binabakunahan ang mga Grade 1, Grade 7, at mga babaeng edad 9 to 11, at kabilang dito ang pagbibigay ng measles booster dose. Ang immunization ay mabisang proteksyon ng mga mag-aaral laban sa mga mapanganib na karamdaman.
17. Feeding Angels, May Anniversary Feeding Activity
Noong November 5, nagsagawa ng espesyal na feeding activity ang Feeding Angels of Bayambang bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang unang anibersaryo. Pitong undernourished na bata, 43 na indigent na benepisyaryo, at isang buntis mula sa Brgy. Cadre Site ang nabigyan ng tulong sa aktibidad na isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office. Ito ay pagpapakita ng grupo ng kanilang patuloy na malasakit sa kalusugan at nutrisyon ng mga kapwa Bayambangueño.
18. Malawakang Clearing Operation, Isinagawa
Isang malawakang clearing operation ang isinagawa ng iba’t ibang departamento ng LGU sa kahabaan ng Rizal Avenue, kabilang ang harap ng Bayambang Central School, upang alisin ang mga sirang karatula, illegal signages, at overgrowth ng mga punongkahoy. Pinangunahan ang operasyon ng MDRRMO, BPSO, Engineering, BPLO, Task Force Disiplina, at ESWMO sa iba’t ibang barangay na binabagtas ang pangunahing kalsada ng bayan. Tatlong truck ng sirang karatula ang nakolekta at agand na itinurn-over sa ESWMO.
19. Aktibidad para sa mga “Ausome Kids,” Isinagawa
Bilang parte ng 22nd ADHD Awareness Week, ang Rural Health Unit (RHU) ay nagbigay ng mga lecture sa mga tagapangalaga ng mga batang may autism o ADHD at ASD sa Buayaen SPED upang palawakin ang kaalaman ng mga carers hinggil sa tamang pangangalaga, nutrisyon, at oral health ng mga naturang bata. Nagbigay-saya naman ang Yakult Company sa pamamagitan ng libreng inumin at mascot interaction sa 45 na kalahok sa aktibidad.
20. Bayambang, Nakiisa sa 4th Quarter NSED
Noong Nobyembre 6, nakiisa ang Bayambang sa idinaos na Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa huling quarter ng taon. Sa pangunguna ng MDRRMO at MDRRMC members, lumahok ang mga kawani ng munisipyo, iba't ibang sangay ng gobyerno, at mga pampublikong paaralan sa bayan. Muling pinalakas sa nasabing drill ang kahandaan ng komunidad sa mga pagyanig.
21. Buklat Aklat, Nagtungo sa Nalsian ES
Ang literacy project ni Mayor Niña na "Buklat Aklat” ay nagpatuloy sa Nalsian Elementary School noong November 7, kung saan ang mga mag-aaral ay nakilahok sa isang book reading session upang mahasa ang kanilang reading skills at hindi mapag-iwanan sa edukasyon. Naging guest storyteller si Councilor Rhyan de Vera kasama ang LYDO, SK Federation, MNAO, BPRAT, at Task Force Disiplina.
22. Bagong Uniporme ng TODA Members, Muling Ipinamahagi
Muling nagpamahagi ng mga bagong uniporme para sa mga miyembro ng TODA ang LGU at mga donor partners nito noong Nobyembre 6 sa Pinoy Workers Satellite Office. Kabilang sa mga donors sina Mayor Niña at Dr. Cezar Quiambao, Vice Mayor IC Sabangan at BM Raul Sabangan, at Konsehal Zerex Terrado. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng TODA Modernization Roadmap na layong makumpleto bago ang 2026.
23. Mga Proyektong Magpapayabong sa Wikang Pangasinan at Filipino, Ikinasa
Ang mga guro mula sa Departamento ng mga Wika ng PSU-Bayambang ay nakipagpulong kay Dr. Rafael Saygo ng MTICAO upang talakayin ang mga proyektong magpapalakas sa paggamit at pag-aaral ng wikang Pangasinan at Filipino. Tinalakay sa pulong ang kahalagahan ng ortograpiya bilang susi sa pagpapanatili ng kultura at pagkakakilanlan, at pinag-usapan din ang planong mga seminar, pagsasanay, at extension activities na naaangkop para rito.
23. Orientation on Adoption and Alternative Child Care, Isinagawa
Isang “Orientation on Adoption and Alternative Child Care Programs” ang isinagawa ng MSWDO noong November 7, sa layuning ipaliwanag ang mga batas at proseso ng pag-aampon at alternatibong child care upang mabigyan ng bagong pag-asa ang mga batang walang magulang o tagapag-alaga. Ito ay bilang bahagi ng adbokasiya ng MSWDO sa pagtataguyod ng mga karapatang pambata.
24. 2024 CBMS Data mula PSA, Pormal na Tinanggap ng LGU
Pormal na tinanggap ni Mayor Niña ang mga datos sa 2024 Community-Based Monitoring System mula sa Philippine Statistics Authority, sa isang turnover ceremony noong November 7. Ang nasabing datos ay magsisilbing gabay sa paggawa ng mga polisiya at programang nakabatay sa aktuwal na kalagayan ng mga Bayambangueño. Dumalo at naging saksi sa aktibidad ang mga kinatawan ng PSA, DILG, at DICT na nagpahayag ng suporta sa mas epektibong paggamit ng CBMS data para sa mas epektibong paggamit ng resources ng pamahalaan.
25. FPJ Panday Bayanihan Party List, Nagbigay ng Tulong Pinansyal
Noong November 7, ang FPJ Panday Bayanihan Party List ay nagbigay ng tulong pinansyal sa mga CVO ng Bayambang at mga karatig-bayan para suportahan ang mga pamilyang may mababang kita. Ginanap ang pamamahagi ng cash grant sa Brgy. Nalsian Norte Covered Court sa tulong ng tanggapan ni Mayor Niña.
26. Bayambang, Contender sa 1st Year CROWN Maintenance Award
Kinilala ng National Nutrition Council (NNC) Region I ang Bayambang bilang isa sa mga contender para sa 1st Year CROWN Maintenance Award sa ginanap na 2025 Gawad Parangal ng Nutrisyon sa Bauang, La Union.
Ang pagkilalang
ito ay patunay patuloy na ipinapakita ng Bayambang ang pagiging huwaran sa
pagsusulong ng kalusugan at nutrisyon sa Rehiyon I.
27. Mayor Niña, Nanguna sa PDRA para sa Bagyong "Uwan"
Bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong “Uwan,” pinangunahan ni Mayor Niña ang isang Pre-Disaster Risk Assessment o PDRA kasama ang MDRRMC at mga Barangay DRRM Committee upang talakayin ang mga posibleng epekto ng bagyo at ang mga kinakailangang hakbang. Ibinahagi ng MDRRMO na posibleng direktang daraan ang bagyo sa rehiyon kaya posible rin ang malakas na ulan, hangin, at pagbaha. Ipinabatid din ng mga ahensya at barangay ang kanilang mga ginawang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
28. Dr. Quiambao, Most Notable Stakeholder ng DepEd-R1 SDO I Pangasinan!
Pinarangalan si SATOM, Dr. Cezar Quiambao, bilang Rank 1 o Most Notable Stakeholder ng DepEd SDO I Pangasinan. Ito ay bilang pagkilala sa kanyang ibinigay na suporta sa pagpapatayo ng Don Teofilo C. Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue, kung saan tatlong silid-aralan ang kanyang ipinagawa mula sa pribadong pondo. Tatanggapin niya ang naturang parangal sa 2025 Local Stakeholders’ Convergence sa Nobyembre 21 sa Kapitolyo.
***
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Sa bayan nating may puso, may direksyon, at may malasakit, ang serbisyo ay tuloy-tuloy.
NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat na aming hatid, nariyan ang pangakong hindi kayo pababayaan.
NEWSCASTER 1: Ako po si ___, kaisa ninyo sa pagpapatuloy ng tunay na pagbabago.
NEWSCASTER 2: At ako si ___, mula sa ____, patuloy na naglilingkod sa inyo, sa ngalan ng LGU-Bayambang. Hanggang sa susunod na lingo.
SABAY: Ito ang.... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment