Sunday, November 16, 2025

Monday Report - November 17, 2025

 Monday Report - November 17, 2025

 

Newscasters:

1. Hazel Joyce B. Soriano - MCDO

2. Edward M. Dulay Jr. – Municipal Library

Trivia:

Gloria A. Junio - MAC

 

[SMILE, VOLUME, ENERGY]

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si Hazel Joyce B. Soriano ng Municipal Cooperative Development Office.

NEWSCASTER 2: At ako naman po si Edward M. Dulay Jr. ng Municipal Library. Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

1. Mayor Niña, Namahagi ng Hot Meals at Food Packs sa Evacuees

A. Matapos ang pananalasa ng bagyong ‘Uwan’ noong November 10, namigay ng mga hot meal si Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga evacuee na pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation center. Sa tulong ng MDRRMO, MSWDO, at iba pang miyembro ng MDRRM Council, tiniyak na may sapat na pagkain at tulong para sa lahat ng namalagi roon. Naroon din ang mga RHU upang magbigay ng tulong medikal.

B. Agad ding nagpaabot ng mga food pack si Mayor Niña sa mga evacuees, at naging mabilis ang distribusyon sa tulong ng mga barangay captain at volunteer.

C. Kasabay nito, nagkaroon ng damage assessment at mga paghahanda para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

2. Libreng Charging Stations, Agad Inihanda!

Matapos naman ang malawakang power outage dulot ng naturang bagyo, agad na naglatag si Mayor Niña ng mga libreng charging station sa Munisipyo at sa lahat ng 77 barangay halls. Ginamit dito ang mga generator set na dating ipinamahagi ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng disaster preparedness program upang makapag-charge ng libre ang mga residente ng cell phone, flashlight, radyo, at medical device.

3. Clearing Operations, Naging Puspusan

Nagsanib-puwersa naman ang BFP, PNP, MDRRMO, ESWMO, at Engineering Office sa clearing operations para sa mga natumbang puno at debris sa 77 na barangay matapos ang pananalasa ng bagyo. Agad na rumisponde ang LGU sa mga ulat ng road blockage dahil sa mga natumbang puno sa pamamagitan ng pagputol, paghakot, at pag-dispose sa mga ito.

4. Mga Kawani at Kagamitan ng Munisipyo, Ipinahiram sa CENPELCO

Agad namang nagkusa ang LGU na ipahiram ang mga kawani at kagamitan nito sa CENPELCO, upang maibalik agad ang kuryente sa mga barangay kung saan may mga natumbang poste ng kuryente. Katuwang ng Munisipyo ang BFP para sa clearing at safety operations sa pagtiyak sa kaligtasan ng ating mga rescuers.

5. Breastfeeding at Complementary Feeding, Tampok sa Forum

Noong November 5, isinagawa ng Nutrition Office ang isang forum ukol sa kahalagahan ng tamang pagpapasuso at complementary feeding. Tinalakay ng mga tagapagsalita mula sa RHU III ang nutrisyon sa unang isanglibong araw ng sanggol at nagbigay ng praktikal na kaalaman sa maayos na proseso ng pagpapakain ng bagong panganak na supling. Dinaluhan ito ng mga magulang, health workers, at lactating mothers.

6. Supplementary Feeding Program, Matagumpay na Naipatupad

Noong November 6, matagumpay na naisakatuparan ang huling siklo ng 120-Day Supplementary Feeding Program ng DSWD sa 78 Child Development Centers ng Bayambang. Sa ilalim ng programang ito, may 2,530 Pre-Kindergarten learners ang nabigyan ng masustansyang pagkain upang labanan ang malnutrisyon at mapabuti ang kanilang kalusugan.

7. Pinoy Workers Partylist, Nagbigay ng Food Assistance sa Transport Sector

Ang Pinoy Workers Partylist, sa pamamagitan ni Board Member Raul Sabangan, ay nagpamahagi ng food assistance sa mga jeepney at mini-bus drivers nitong November 11. Umabot sa 325 na benepisyaryo ang nakatanggap ng P10,000 bawat isa, na eksklusibong inilaan para sa mga miyembro ng mga kooperatiba.

8. BPC, Sumabak sa Capacity Development Training

Ang Bayambang Polytechnic College (BPC) ay matagumpay na sumailalim sa isang 4-Day Institutional Capacity Building and Development Training noong November 11–14, sa layuning palakasin ang kakayahan ng mga kawani at guro tungo sa pagkamit ng recognition mula sa CHED at sa pagsulong ng makabagong inobasyon sa agrikultura. Tampok sa aktibidad ang presentasyon ng BPC Roadmap ni BPC President, Dr. Rafael Saygo, at ang talumpati ng founder nito na si Dr. Cezar Quiambao. Pinangunahan naman ni Mayor Nina ang Pledge of Commitment bilang simbolo ng kolektibong pangako ng institusyon sa patuloy na pagpapaunlad at kahusayan.

9. QR Payments, Tricycle Schemes, at Business Permit Reforms, Tinalakay sa Public Hearing

Noong November 15, nagkaroon ng pampublikong pagdinig ang Sangguniang Bayan ukol sa mga panukalang ordinansa kaugnay ng QR payments, tricycle schemes, at business permit reforms. Pinangunahan nina Councilor Levinson Nessus Uy at Councilor Zerex Terrado ang pagdinig na may layuning mapabilis ang mga transaksyon sa negosyo, maayos ang daloy ng trapiko, at mapagaan ang proseso ng pagkuha ng mga permit.

***

Bayambang, Dapat Alam Mo!

Gloria A. Junio

Mayor’s Action Center

 

[Andrew, pakiflash onscreen yung mga nakacapitalize na words]

 

Bayambang, dapat alam mo na mayroon na ngayong tinatawag na MALASAKIT CENTER!

Ano nga ba ang Malasakit Center?

Ang Malasakit Center ay tumutukoy sa mga one-stop-shop para sa mga medical at financial assistance na ibinibigay ng iba't ibang ahensya ng ating gobyerno.

Ang Malasakit Center ay sagot sa matagal na nating panalangin, sapagkat kapag nagpaconfine ka sa isang accredited hospital, COVERED ka 100% sa iyong HOSPITAL BILL.

Ibig sabihin nito ay wala kang babayaran sa iyong pagkakaconfine.

Ang pondo ng MALASAKIT CENTER ay galing din sa mga buwis na ibinabayad natin, ngunit salamat sa mga opisyal na nakaisip at nag-apruba nito, nagiging centralized ang mga financial at medical assistance ng gobyerno upang matulungan ang ating mga kababayan.

Pipila ka na lang sa loob mismo ng accredited hospital. Hindi mo na kailangang lumabas at puntahan pa isa-isa ang iba't ibang mga opisina o ahensya. Sobrang laking tulong nito, lalo na roon sa mga pasyente na isa lang ang bantay.

Teka, Bayambang, hindi ba't ganitong-ganito rin ang matagal nang ginagawa ng ating Mayor's Action Center buhat nang maupo ang administrasyong Quiambao-Sabangan? Ang MAC ang umasiste sa mga indigent na pasyente o walang kakayahang magbayad ng kanilang medical/funeral expenses.

Tama! Ang LGU po ay matagal nang mayroong financial at burial assistance na binibigay sa mga indigent nating mga kababayan. Ibigay lamang ang mga requirements na ito:

[Pronounce indigent as IN-dee-jent, not in-DIE-jent!]

=====================================================================

[Flash the list. Don't read]

Medical Assistance Requirements:

1. Photocopy of valid ID of representative and patient

2. Copy ng reseta ng gamot, laboratory test, o hospital bills

3. Original copy of Medical Certificate or Medical Abstract

4. Original copy of Certificate of Indigency (nakapangalan sa pasyente)

 

Funeral/Burial Assistance Requirements:

1. Certified true copy of Death Certificate

2. Photocopy of Funeral Contract

3. Photocopy of valid ID of the deceased and representative

4. Barangay Certificate of Indigency (nakapangalan sa namatay)

=====================================================================

Kung ikaw ay taga-Bayambang, ang Region I Medical Center sa lungsod ng Dagupan at ang Bayambang District Hospital ang may pinakamalapit na Malasakit Center, kung saan puwedeng makapag-avail ng zero-balance billing. Libre din dito ang mga laboratory test.

Ang lahat ng ito, Bayambang, ay... Dapat Alam Mo!

***

[OUTRO]

[SMILE, VOLUME, ENERGY]

NEWSCASTER 1: Sa bayan nating may puso, may direksyon, at may malasakit, ang serbisyo ay tuloy-tuloy.

NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat na aming hatid, nariyan ang pangakong hindi kayo pababayaan.

NEWSCASTER 1: Ako po si Hazel Joyce B. Soriano ng Municipal Cooperative Development Office, kaisa ninyo sa pagpapatuloy ng tunay na pagbabago.

NEWSCASTER 2: At ako si Edward M. Dulay Jr. ng Municipal Library, patuloy na naglilingkod sa inyo, sa ngalan ng LGU-Bayambang. Hanggang sa susunod na linggo.

SABAY: Ito ang.... BayambangueNews!

No comments:

Post a Comment