Friday, December 20, 2024

Editorial - December 2024 - Pagpugay sa mga Kapitan

 

Pagpugay sa mga Kapitan

 

Nang maimbitahang magsalita si dating alkalde, Dr. Cezar T. Quiambao, sa harap ng lahat ng 1,333 kapitan ng buong probinsya ng Pangasinan kamakailan, kami ay napaisip ukol sa papel ng mga kapitan ng barangay sa ating bayan.

Lalo pa kaming napaisip nang aming maalala na naihalal bilang provincial Board Member ang ating dating Vice-Mayor na si Kgg. Raul R. Sabangan, na ngayo’y kapitan na rin mismo ng Brgy. Zone VI sa bayan ng Bayambang habang siya ay tumatayong Liga ng mga Barangay - Pangasinan Chapter President.

Sa paglipas ng panahon, sari-sari ang naging tawag sa kapitan ng barangay: Teniente del Barrio, Cabeza de Barangay, Barangay Chairman, Barangay Captain o Kapitan del Barangay, at ang opisyal na tawag sa ngayon na Punong Barangay (PB) ayon sa Local Government Code.

Anupaman ang itawag sa kanila, ang mga kapitan ang nagsisilbing haligi ng ating mga komunidad. Kung ang pamilya ang “basic unit of society,” ang barangay ang “basic unit of government” sa ating bansa. Kung gayon, sila ang maituturing na frontliners natin lalo na sa pamahalaang lokal – kitang-kita ito lalung-lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Napaka-kritikal ng kanilang papel sa operasyon ng kanilang sariling LGU, dahil ang barangay ay itinuturing ding isang LGU. Katuwang ang kanilang 10 Barangay Council members mula mga pitong Barangay Kagawad, Sangguniang Kabataan Chairperson, Barangay Secretary, hanggang sa Barangay Treasurer, ’di matatawaran ang kanilang pagsisilbi sa komunidad kahit pa dis-oras ng gabi kung kinakailangan. Sa katunayan, 24/7 ang aktuwal na iskedyul ng kanilang tungkulin.

Kaya naman dapat lang na pahalagahan ang kanilang pagsusumikap at dedikasyon, at kilalanin ang di matatawarang papel na kanilang ginagampanan dahil lahat naman tayo ay taga-barangay, kung tutuusin. Kitang-kita nating lahat na naninirahan sa barangay kung gaano ito kabigat. Kung walang kapitan, walang magmamando sa barangay, at walang kikilos dito. Wala ring proyektong maiimplementa ang munisipyo at probinsya sa mga barangay. Alam naman nating lahat na may iba’t ibang programa, proyekto, at aktibidad ang ibinababa ng munisipyo, probinsya, regional offices, at national government sa ating mga barangay.

Sa kabilang dako, malaking sakit ng ulo sa mga nanunungkulan sa itaas kapag ang isang kapitan ay kumukontra sa mga magagandang proyekto ng gobyerno o kaya hinaharangan ang mga dapat gawin sa barangay dahil lamang sa pulitika. Kaya kung walang kooperasyon ang barangay, wala talagang mangyayari sa ating mga lugar at kawawa ang ating mga kababayan. Mahalagang makuha, kung gayon, ang kooperasyon at pagtanggap sa mga serbisyo sa barangay upang mas mapaganda pa ang pamumuhay ng ating mga nasasakupan hanggang sa lebel ng pamilya at residente sa bawat tahanan.

Sigurado namang lahat tayo iisa sa layunin na makitang maging mas maganda, ligtas, maayos, maunlad, at masagana ang ating kanya-kanyang komunidad, kaya’t siguradong nasa puso ng mga kapitan ang layuning ito. Sa kanilang pagsang-ayon at kooperasyon, mapapalaganap ang mga polisiya at programa ng ating gobyerno tungo sa tunay na pagbabago. Sa kanilang pamumuno nabubuo ang mga kongkretong hakbang tungo sa progreso at kaunlaran sa kanilang lebel, mula sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo, pagtutok sa kaligtasan, pagtugon sa mga emerhensiya, hanggang sa pagpapalaganap ng kapakanan ng komunidad.

Sila rin ang pinakamalapit sa mga tao at nakakakilala ng personal sa mga residente, at ang kanilang mga desisyon at aksyon ay may agaran at pangmatagalang epekto sa kanilang buhay. Nasa kanilang mga kamay, halimbawa, kung alin-aling proyektong pang-imprastraktura ang ipaprayoridad, o kung sinu-sino ang pasok sa listahan ng mga bibigyan o hindi bibigyan ng iba’t ibang ayuda. Kaya’t kung may paboritismo o korapsyon na umiiral sa ating barangay, malaki ang impact nito sa ating mga residente, dahil ramdam agad nila ito ng direkta.

Mahalagang ipaala-ala kung gayon sa lahat ng kapitan ang napakalaking responsibilidad nila bilang lingkod-bayan. Mahalagang ang lahat sa kanila ay handang makipagtulungan sa bawat isa, makinig sa mga saloobin, unawain ang mga pangangailangan ng kanilang mga kabarangay, at tiyakin na ang mga kinakailangang suporta ay kanilang matatamo. Sana ay lalong mapagtibay ang kanilang samahan sa ilalim ni OIC Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista at BM Sabangan, at magsilbing tulay ang samahang ito upang mabuo ang kanilang pagkakaibigan at pag-uugnayan upang magtulung-tulong. Sa pamamagitan nito, tiyak na walang barangay ang maiiwan; tiyak na ang mga benepisyo ng kaunlaran ay makakarating sa pinakahuling sulok ng Bayambang.

Huwag sana nilang kalimutan na ang kanilang tungkulin ay nakaugat sa tiwala at transparency, kaya’t dapat nilang panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng integridad upang matiyak na ang bawat desisyon na kanilang ginagawa ay para sa kapakanan ng ating mga mamamayan. Sa usaping legal kasi, ang Punong Barangay ang pinaka-makapangyarihang lider sa buong mundo, mas makapangyarihan pa kaysa sa hari o reyna ng Inglatera, bagamat ang kapangyarihang ito ay may limitasyon. Ito ay dahil mayroon silang otoridad na magdesisyon sa tatlong sangay ng administratibong pambarangay: executive, legislative, at judiciary. ...’Di tulad ng Mayor na limitado lamang sa executive branch.  Sana ay kanilang gamitin ang kapangyarihang ito nang naaayon lamang sa kanilang sinumpaang tungkulin. Sabi nga sa pelikulang “Spiderman,” “With great power comes great responsibility.”

Nawa’y ang tapat na panunungkulan ng dating alkalde at ni Mayor NiΓ±a Jose-Quiambao ay magsilbing inspirasyon sa kanilang lahat upang patuloy na piliin kung alin ang mabuti at kung ano ang siyang magdudulot ng tunay na pagbabago sa ating mga barangay tungo sa progreso. Lagi nawa silang basbasan ng Diyos ng kalakasan at dunong upang makapag-isip ng mga sari-sari at malikhaing solusyon sa mga problema sa barangay.

 

No comments:

Post a Comment