Friday, December 6, 2024

Editorial - November 2024 - Ang Papel ng Negosyante

 Ang Papel ng Negosyante

Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, ’di natin gaanong napagtutuunan ng pansin ang halaga ng isang negosyo sa ating lipunan. Dahil sanay na tayong makita at makitungo sa mga tao sa isang business enterprise, mula sa sidewalk vendor at sari-sari store sa kanto hanggang sa malalaking multinational corporation, ’di nakapagtataka kung ang ating tingin sa mga ito ay isang uri lamang ng hanapbuhay, upang kumita lang ng pera.

Ang katotohanan ay ang mga negosyo ay may sari-saring ambag sa ating pamumuhay at may malawak at malalim na papel sa ating lipunan.

Sila ay lumilikha ng mga trabaho para sa maraming tao at nagdudulot pa nga ng pagkakaroon ng maraming propesyon. Sila rin ay nagbibigay ng mga produkto at serbisyo na lubos na kinakailangan at inaasahan ng mga tao sa araw-araw. Dahil dito, napagyayaman ng mga negosyo ang pamumuhay ng mga tao at ng buong komunidad.

Dahil matindi ang kumpetisyon lalo na sa pribadong sektor, ang mga entrepreneur ay kailangang magkaroon ng daring o lakas ng loob at mapalakas ang creativity o pagkamalikhain na siyang nagpapalaganap ng inobasyon at nadudulot ng production efficiency, hangga’t walang pumipigil sa kanila upang lutasin ang isang challenge sa mapanglikhang pamamaraan.

Ang mga negosyo ay ’di lamang nagpapasok ng kita sa may-ari, sila rin ay nagbabayad ng malaking buwis sa ating pamahalaan, bukod pa sa pagbibigay ng suweldo sa mga manggagawa at kawani, at bayad naman sa mga ka-partner at suppliers nila. Dahil dito, sila ay nagsisilbing makina ng paglago ng ekonomiya at nagdudulot ng progreso sa ating lipunan.

Ang mga maliliit at katamtamang laki ng mga negosyo (SMEs), lalung-lalo na, ay responsable sa isang malaking bahagi ng workforce, at sa ganitong paraan, nakakatulong sila sa katatagan ng ekonomiya.

Kadalasan pa, nanganganak ang isang negoyso ng iba pang mga negosyo, dahil ang tipikal na business enterprise ay nangangailangan ng service and utilities provider, office spaces, office supply at iba pang produkto mula sa mga suppliers at partners/contractors.

Dahil sa kita mula sa buwis na ibinabayad ng mga negosyante, pati na ng mga kawani nito, ang pamahalaan ay may magagamit upang pondohan ang mga pampublikong serbisyo, tulad ng imprastruktura, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at mga programa sa kapakanan ng lipunan. Sa ganitong paraan, ang tagumpay ng isang negosyo ay tagumpay nating lahat.

Hindi lang ‘yan. May mga ambag pa ang business sector na hindi masyadong kasing-obvious ng mga nabanggit na. Dahil ang lahat ay may produktibong pinagkakaabalahan sa buhay, nakatutulong ang mga negosyo na bigyan ang lahat ng manggagawa nito ng dignidad at sariling pagkakakilanlan. Sa nasabi ring kadahilanan, inililihis ang ating mamamayan sa madilim at marahas na landas ng kahirapan, kriminalidad, adiksyon sa droga, at iba pang masamang bisyo.

Dahil sa mga kontribusyong ito, ang mga negosyo ay nagiging instrumento ng mabilis at makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga tao at sa kanilang pamayanan.

At hindi lang iyan! Ang mga negosyo naman na lumilikha ng pangalan sa isang lugar ay nagiging tourist attraction pa at isang brand na naiiugnay sa isang lugar, dahilan upang ipagmalaki ang mga ito ng mga tagaroon, maging ito man ay isang lokal na kapehan, isang restawran o resort na pag-aari ng isang pamilya, o kahit anumang tindahan man na may natatanging produkto.

Malinaw kung gayon na malawak ang epekto ng mga negosyo sa ating pamayanan. Ang mga negosyo ay hindi mistulang mga kabuteng sumusulpot na lamang mula sa kawalan; sila ay parte ng malawak at sala-salabit na ugnayan sa ating lipunan, kabilang na ang mga customer, empleyado, supplier, service provider, mamumuhunan (investors), pamahalaan, at mga komunidad kung saan sila nagpapatakbo.

Ang kanilang impluwensya ay umaabot nang higit pa sa mga numero o balance ng kita, dahil pinagyayaman nila ang iba’t ibang aspeto ng lipunan at kultura. Samakatwid, ang mga negosyante at ang kani-kanilang negosyo ay instrumento ng nation-building o pagbuo ng isang maayos na lipunan at bansa.

Napakahalaga, kung gayon, na gawin nating business-friendly ang Bayambang gamit ang lahat ng uri ng istratehiya.

 

No comments:

Post a Comment