EDITORIAL: Turismo ay Mahalaga
Alam po
natin na ang Bayambang ay walang masasabing tourism industry na gaya ng ibang
bayan dahil wala naman tayong bundok at beach. Kaya’t kailangan nating maging
mas malikhain upang sa ganun ay
kahit papaano ay makapaghikayat tayo ng mga turista sa Bayambang.
Minsan may
nagkomento sa atin ng ganito: “Bakit ninyo inuuna iyan, sa halip na mga mas
importanteng mga bagay?” Ang sagot diyan ay sapagkat importante ang turismo.
Ang turismo ay isang kalugod-lugod ngunit
kumplikadong paksa dahil napakalawak ang sakop nito, ngunit kapag ating
sinuring maigi ay marami palang dulot na kabutihan.
Kapag may
turismo, maeenganyo tayong pagandahin at linisin ang ating bayan, pagandahin
ang plaza, magtanim ng maraming puno at mga bulaklak sa gilid ng daan. Ibig
sabihin nito’y kinakailangan nating maging isang disiplinadong bayan at may
pagpapahalaga sa kalikasan. Kinakailangan din nating maging marunong sa pag-estima
ng panauhin.
Sa turismo,
kinakailangan nating ayusin ang ating imprastraktura at utilities – ang mga
baku-bakong daan, mabahong palikuran, magulong palengke, masikip na terminal,
pantay-sinding ilaw, mabagal na internet connection, maruming tubig, atbp.
Kailangan
ding maayos ang ating trapiko at hindi barumbado at abusado ang ating mga bus,
jeepney, at tricycle drivers, kundi malaking pagkayamot ang idudulot nito sa
ating mga bisita.
Sa turismo,
kinakailangan nating palakasin at lalong pagyamanin kung ano ang meron tayo.
Saan nga ba kilala ang Bayambang, kundi una ay sa pagiging isang makasaysayang
bayan nito – the 5th capital of the Philippines sa panahon ni
Aguinaldo. Sa larangan ng kultura, dito galing ang binasuan dance. Sa larangan
ng culinary arts, kilala tayo dahil sa burong isda, sa inihaw na bangus at
malangsi, sa ating Guinness Book longest barbecue record, sa sibuyas at mais,
sa ilang kakanin tulad ng deremen at gipang. Iyan ang ilan lamang sa mga
kailangan nating pagyamanin.
Kailangan
din nating suportahan ang mga tourism-oriented establishments dahil meron din
naman tayong kaunting mall, hotel, resort at restaurant sa Bayambang – ang
Urduja, Ariel and Fe, Royal Mall, atbp.
Kailangan
din nating itampok ang mga maliliit na homegrown businesses natin para magkaroon
ng isang Pasalubong Center na maipagmamalaki. Sa ngayon, naririyan ang bottled
odorless buro sa PSU, rice cracker sa Sancagulis, peanut butter sa Tococ, organic
lemongrass juice sa Mangayao, atbp.
Ang turismo
ay pumupukaw sa ating isipan upang mag-imbento ng mga bago at malikhaing
atraksiyon. Naging aral sa atin ang ating proyektong Paskuhan sa Bayambang
noong nakaraang taon. Wika nga nila, “If you build it, they will come.”
Sa turismo,
nakapaghihikayat tayo ng maraming negosyo at mangangalakal, at dulot nito ay
ang pagdating ng maraming de kalidad na trabaho para sa ating mamamayan.
Ang turismo
ay isang multidimensional na paksa, at sa lawak ng sakop nito, nahihikayat
tayong pagtuunan ng pansin ang lahat ng aspeto ng ating buhay bilang isang
bayan. Iyan ang dahilan kaya’t tayo ay gumagastos para sa turismo. Ganoon ito
kahalaga.
Kaya’t
nananawagan ang LGU Bayambang sa lahat ng ating mga kabababayan na magtulungan
tayo upang iangat ang ating bayan sa lebel ng isang tourist town. Ang simpleng
bagay na di pagtatapon ng kalat sa daan ay malaking tulong na sa pagsulong ng
ating turismo. Lahat may magagawa, at kayang-kaya natin ito kung tayo ay
sama-samang magsusulong sa naturang adhikain.
No comments:
Post a Comment