Sunday, July 28, 2019

Editorial for March 2019: Mga Pinagpalang Nilalang


Minsan sa isang talumpati ay tinagurian ang Bayambang na “the most spoiled town in the country” ng anak ni Ex-Councilor Levin Uy na si Levinson Uy. Bagamat kami ay bahagyang nagitla sa bansag na ito, aming napagtanto magkalaon na ito ay makatotohanan, bunsod ng napakaraming dahilan.

Noong Marso 4, 2019, tinuran ni Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr. na “pinagpalang nilalang” tayong mga taga-Bayambang, simula noong ilipat dito ni Dr. Cezar T. Quiambao ang headquarters ng Stradcom mula Maynila noong 2007. Mula 3rd class municipality ay naging 1st class municipality ang Bayambang, at sa paglobo ng kita nito dahil sa buwis na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso kada taon ay dumami ang mga proyektong pangkaunlaran at napakaghikayat ang bayan ng iba’t-ibang negosyo.

Sa isang pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines sa Maynila noong Pebrero 25, 2019, napag-alaman ni Atty. Bautista na ang bayad na buwis na ito ng isang indibidwal ay mas mataas pa pala sa buong annual budget ng isang 4th class municipality. Halimbawa ay P71.6M para sa isang bayan sa Visayas kumpara sa buwis na P89M ng isang indibidwal sa Bayambang.

At dahil sa Bayambang din nakabase ang Kasama Kita sa Barangay Foundation ni Dr. Quiambao na nakagawian nang tawaging “LGU 2” sa Munisipyo, hindi mabilang ang tulong na naibigay niya hindi lamang sa lokal na pamahalaan, kundi pati na rin sa Department of Education at mga pribadong indibidwal. Dahil sa KKBSF, matagal nang tumulong si Dr. Quiambao sa mga kabataan at mga walang hanapbuhay sa pamamagitan ng mga training at seminar sa iba't-ibang TESDA-accredited courses at livelihood projects.

Nang maupo bilang Mayor si Dr. Quiambao ay lalong nag-ibayo ang tinatamasang pagpapala ng mga Bayambangueño dahil sa tapat at epektibong pamamahala ng kanyang administrasyon katuwang si Vice-Mayor Raul R. Sabangan. Totoong nangutang ang Munisipyo noong Marso 22, 2017 ng P187 sa EastWest Bank, subalit ito ay sa kadahilanang kailangang mapabilis ang progreso ng bayan, at may kakayanan naman ang bayan na magbayad nito, ayon sa Certificate of Borrowing Capacity na nakuha nito mula sa Bureau of Local Government Finance. Sa buwis pa lang ng mga kumpanyang SAHI, LARES at Stradcom ni Mayor Quiambao kada taon ay kayang-kayang bayaran ang utang na ito Munisipyo.

Idagdag pa rito ang mga magagandang balitang inyong natutunghayan kada isyu ng Balon Bayambang, at malinaw na malinaw kung gaano kapalad tayong lahat bilang mamamayang Bayambangueño.

Isang mapagpalang buwan ng Marso sa lahat!

(Halaw sa talumpati ni Municipal Administrator Atty. Raymundo . Bautista Jr., 3.4.2019)

No comments:

Post a Comment