Sunday, July 28, 2019

Editorial (February 2019): Iba't-Ibang Uri ng Pag-Ibig

Iba't-Ibang Uri ng Pag-Ibig

Maraming klase ng pag-ibig, at alam nating lahat na ang pinakapopular sa mga ito ay ang uring romantiko (romantic love). At bakit naman hindi? Kung walang romantic love, malamang ay wala tayong lahat dito ngayon sa mundo. Ngunit huwag sana nating kalimutan ang iba pang uri ng love o pag-ibig.

May isang sikat na manunulat nuon na nagsabing may apat na uri ng pag-ibig. Sabi ni C.S. Lewis, author of "Four Kinds of Love," na ang mga Griyego ay may natatanging salita para sa mga ito. Kung ang romantic love ay eros, meron din namang tinatawag na storge o ang pagmamahal ng magulang sa anak at ng anak sa magulang. Ito ay dakila ring uri ng pag-ibig, kahit hindi ito romantiko. Meron ding tinatawag na phileo: ang filial love o brotherly love, ang pag-iibigan ng mga magkakaibigan.

May nagsabing baka naman puwedeng isingit sa apat na klase ng pag-ibig ang patriotismo o pag-ibig sa bayan. Kanais-nais ang ideyang ito, dahil isang uri ng pag-ibig din naman ang magmalasakit, magsakripisyo at magsilbi sa bayan, gaya ng ipinamamalas ng kasalukyang administrasyon. Sana tayong lahat ay may patriotismo o pag-ibig sa bayan, partikular na sa bayan ng Bayambang.

Sa huli, huwag sana nating kalimutan na ang lahat ng klase ng pag-ibig na ating nabanggit ay iisa ang pinanggagalingan. Iyan ay ang agape or divine love o pag-ibig ng Diyos, ang pag-ibig na walang limitasyon at hangganan. Sabi nga sa Bibliya, ito ang pag-ibig na unang nagmahal kaya tayo ay nakakaramdam, nakakatanggap, at nakakapagbigay ng pag-ibig at pagmamahal.

Lahat ng magsing-irog ay sineselebra taun-taon ang Valentine's Day, ngunit sa mga walang maituturing na kapareha sa Araw ng mga Puso, hindi ito dapat maging isang malaking problema sapagkat marami pa namang klase ng pagmamahal at pag-iibigan ang maaaring pagtuunan ng pansin at pagbuhusan ng panahon.

Ang kagandahan ng tunay, dahil dalisay, na pag-ibig ay hindi nito sinasalungat ang iba pang uri o lebel ng pagmamahalan. Bagkus ay tinutulungan nitong umusbong ang iba pang mga nabanggit na uri ng pagmamahal.



No comments:

Post a Comment