Editorial (August 2017): Ang Buwan ng
Wika 2017
Isang mapagpalayang Buwan ng Wika sa lahat!
Ang wika ay isang mainit na usapin, puno ng kontrobersya. Ito ay sa kadahilanang napakarami na nga ng lenggwahe sa ating kapuluan, sinakop pa tayo ng tatlong bansa. Ang resulta, mayroong tayong halos 200 na wika ngayon sa Pilipinas.
Sa Bayambang, apat ang malimit gamitin na wika: ang Pangasinan, Ilocano, Ingles at Tagalog/Filipino. Hindi nakapagtatakang malimit tayong di magkaintindihan dito. Ang ‘walâ’ sa Tagalog, nagiging ‘meron’ sa Pangasinan.
Kaya’t minarapat ng ating gobyerno noong panahon ng Pangulong Quezon ang magkaroon ng isahang wika para sa lahat o lingua franca. At ito na nga ang wikang Filipino base sa katutubong wikang Tagalog na siyang umiiral na pinakapopular na medium of communication sa maraming larangan mula pa noon hanggang ngayon.
Alam nating hindi lahat ay natuwa rito, lalo na ang mga Bisaya na may sariling wika na marami rin ang gumagamit. Nang di maglaon, tayo ay nagkaroon ng batas ukol sa “mother tongue,” at dahil dito, protektado na rin at isinusulong ang iba pang wika o lenggwahe na tinatawag dating ‘dialekto,’ na isang kamalian dahil ito ay nauuwi sa pagmamaliit sa mga ‘dialektong’ ito.
Totoong kailangan natin ng isang wikang pambansa gaya ng Filipino dahil mahalaga na tayo ay nagkakaindihan upang sa gayon ay magkaisa. Subalit kaya nating gawin ito nang hindi minamaliit ang ibang wika, kundi parehong isinusulong din. Bawat wikang ating gamit ay isang yaman. Samakatwid, pagyamanin natin ang mga ito at huwag kalimutan.
Ang mga mauunlad na bansa gaya ng Japan, China, South Korea, at iba pa ay yumaman kahit na – o dahil sa – sila ay may sariling wika. Sana tayo na mas marami ang gamit na wika ay umunlad din tulad nila. Hindi siguro kailangang maging balakid ang pagiging multilingual natin upang umangat din. Sa kabilang banda, maaari natin itong gamitin din sa pag-unlad. Dahil mahilig tayong mangibang-bayan, maaari nating gamitin ang ating kaalaman sa iba’t-ibang wika upang makipag-ugnayan sa ibang kultura at lumawak ang ating kamalayan. Maaari rin nating pakinabangan ang mga wika ng mananakop tulad ng Ingles at Español upang makahanap ng trabaho o negosyo sa mga bansang gamit ang mga lenggwaheng ito.
Ang ating sariling wika ay parte ng ating sariling identidad o pagkakakilanlan, kaya’t ito ay nagsisilbi ring tatak ng pagka-Pilipino na dapat nating ipagmalaki at patuloy na pagyamanin. Maraming kultura ang humubog sa wikang Filipino – Malay, Tsino, Indian, Español, Ingles, atpb., ngunit marami ring kultura ang patuloy na pinagyayaman ng ating sariling wika. Noong June 2015 lamang, kwarentang (40) salitang Filipino at Philippine English ang naging bagong entry sa English Oxford Dictionary. Halimbawa ay ang presidentiable, barkada, gimmick, KKB, carnap at salvage. Ang Chamorro – ang wika sa Guam at Marianas – ay impluwensiyado ng wikang Filipino. Dahil sa galleon trade noong panahon ng mga Kastila, naimpluensiyahan din natin ang kulturang Mehikano (Mexican), pati na ang lengguwahe nito.
Patunay ito na ang pagkakaroon natin ng sariling wika ay mayroong naiaambag di lang sa ating sarili kundi pati na rin sa buong mundo.
Mabuhay ang wikang Filipino, at mabuhay ang lahat ng katutubong wika ng Pilipinas!
No comments:
Post a Comment