Sunday, July 28, 2019

Editorial (June 2019): Walang Pagod Maglingkod


Walang Pagod Maglingkod

Hindi pa man nag-umpisa ang Team Quiambao-Sabangan sa kanilang pangalawang termino ay walang puknat na ang mga aktibidad para sa tuluy-tuloy na serbisyo publiko.

          Isang Dagupan media columnist ang nagsabing “dizzying” o nakakahilo sa dami ang mga development projects sa bayan ng Bayambang, kaya’t nakakamangha kung paano ang mga ito naisasakatuparan ng LGU.

          Ang sagot diyan ay dahil inspirado ang lahat na magkaroon ng ibayong sipag at sigasig upang tapatan ang dedikasyon ng ama ng bayan sampu ng mga kasamahan sa Sangguniang Bayan.

          Madali nga namang magresulta sa burnout o pagod kapag sabay-sabay at sunud-sunod ang paggawa, kahit ito pa ay para sa ikabubuti ng lahat. Ngunit ang totoo niyan ay hindi nakakapagod ang pagbibigay-serbisyo kung ito ay mula sa puso, mula sa kagustuhang sundin ang itinitibok nito ayon sa pangangailangan ng ating mga kapuspalad, lalo na sa ating umiiral na Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

          Marahil din ay naging mas positibo na rin ang pananaw ng mga kawani sa kani-kanilang puwesto nang masanay sa bagong pamamahala ng Team Quiambao-Sabangan. Isang manunulat, si Henri Nouwen, ang tumukoy sa ganitong pagbabago ng pananaw bilang “downward mobility.” Sa mundo na kung saan ang lahat ay nag-uunahan upang mas umangat sa iba, ang mundo ng serbisyo publiko ay pag-uunahan upang makatulong sa iba. At ito ang itinuturo ng magandang ehemplong ipinakita ng ama ng ating bayan sa kanyang marubdob na pagsilbi sa bayang kinagisnan. Sa “downward mobility,” ang mga pasanin ay nagiging pribileyo na makapaglingkod at isang oportunidad na maging daluyan ng pagpapala ng Diyos para sa lahat.

          Sana ay pagkalooban ang lahat ng kawani ng gobyernong lokal ng puso na handang maglingkod ng may galak, upang ang kanilang pasanin ay gumaan at ang naiatas na responsibilidad ay maging mas madali, tulad ng sabi sa Banal na Aklat.
At sa likod nito, sila nawa ay gantimpalaan ng kalusugan, lakas ng pangangatawan, pagtustos sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, at higit sa lahat, ng puso na puno ng malalim na kagalakan at ng buhay na makabuluhan.


No comments:

Post a Comment