Sunday, July 28, 2019

Editorial (May 2019): Bagong Panimula

“Bakit mo iboboto ang kandidatong napili mong iboto?”

Bago mag-eleksiyon, kami ay nagtatanung-tanong sa paligid upang alamin ang isipan ng ating mga kababayan mula sa iba’t-ibang estado ng pamumuhay. Magkakaiba ang aming nakuhang sagot.

May nagsabing, “Iboboto ko si X kasi siya ang boss ng anak ko.”

Ang iba ay iboboto raw ang manok na kandidato dahil kamag-anak ito. “Siyempre X ang apelyido ng asawa ko – natural, si X din ang iboboto ko.”

May nagsabi namang iboboto niya si X dahil “kabandaan” o nakatira malapit sa kanyang lugar.

Aaminin naming nakakabahala ang mga kasagutang ito, dahil ito ay indikasyon na hindi naiintindihan ng ilan ang dahilan kung bakit tayo may halalan.

Mabuti na lamang at mas nakakararami ang sumagot ng, “Iboboto ko kung sinuman ang makakagawa ng pinakamabuti sa bayan.”

Para saan ba ang eleksiyon? Ito ba ay isang popularity contest, na kung saan ang dapat piliin ay kung sino ang guwapo o maganda (at magaling kumanta at sumayaw) sa ating paningin? Ito ba ay upang makaganti sa personal na alitan? Ito ba ay tungkol sa kung ano ang makabubuti sa ating sarili lamang, o sa ating sariling pamilya? Hindi ba’t tayo ay boboto upang pumili ng kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa ating bayan, upang ang bayan ay mapunta sa mabuting pamamahala, sa mga kandidatong may malinaw na plataporma na tunay na may malasakit, may pusong magsilbi para sa kapakanan ng bayan, para sa ikabubuti ng mas nakararami?

Sana ay magsilbing leksiyon ang nakalipas na halalan sa lahat ng kulang ang pang-unawa sa kung para saan ba talaga ang pulitika, ang halalan, ang pagluklok ng sambayanan sa mga mamumuno sa kani-kanilang bayan.

Salamat at sa huli ay nanaig pa rin ang tunay na diwa ng demokrasya sa Bayambang, at sa resulta ay kitang-kita ang naisin ng mas nakararami: ang magkaroon ng bagong panimula para sa tunay at tuluy-tuloy na pagbabago.

No comments:

Post a Comment