MONDAY REPORT – October 26, 2026
Newscasters:
Larilyn C Ventanilla and Jacquiline F. Sanchez
[INTRO]
[Observe proper VOLUME, ENERGY, PACING, and don’t forget to SMILE!]
1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Mula sa inyong lingkod na laging naka-duty para sa kapakanan ng nakararami. Narito kami para sa tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si ___, mula sa ___________.
2: At ako naman po si ___, ng ___ (office), handang maglingkod saan mang sulok ng Bayambang dahil ang ating serbisyo publiko ay tunay na tunay.
1: Hatid namin sa inyo ngayon ay mga balitang may saysay…
2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa serbisyong buhay na buhay…
SABAY: …Ito ang—BayambangueNews!
1. Senior Citizens, Nakatanggap ng Rice Assistance
A. Namahagi ang LGU ng tig-sampung kilong bigas para sa mga kwalipikadong senior citizen noong October 19, sa ilalim ng limang-milyong pisong programa na Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units ng pangulo. May kabuuang 100,000 kilo ng bigas ang ipinamahagi para sa mga benepisyaryo sa 77 barangays. Alinsunod sa Sagip Saka Act, direktang binili ang bigas mula sa mga accredited na kooperatiba at asosasyon ng mga lokal na magsasaka.
B. Sinagot naman ng LGU ang gastos sa paghahakot at distribusyon upang matiyak ang maayos na paghahatid ng nasabing tulong.
(Note: Use another set of photos for B.)
2. DRRM Course para sa Public Servants, Muling Nagpatuloy
Muling nagsagawa ang MDRRMO ng tatlong araw na Disaster Risk Reduction and Management Course for Public Sector mula October 19 to 21 sa Wawa Evacuation Center. Dinaluhan ito ng mga kawani ng munisipyo, opisyal ng barangay, at punong-guro upang palakasin ang kanilang kakayahan sa paghahanda, pagtugon, at pagbangon mula sa mga sakuna. Naging resource speaker ang mga opisyal ng OCD, PAG-ASA, DENR, BFP, at Philippine Red Cross.
3. Feeding Angels, Muling Namahagi ng Food at Gift Packs
Muling mamahagi ang Feeding Angels of Bayambang, katuwang ang Nutrition Office, ng food packs at mga regalo sa 64 na benepisyaryo sa ECCD Centers ng Barangay Zone 6 at Macayocayo at sa Sapang Elementary School noong October 20. Nakatanggap ang 52 na mag-aaral ng pagkain, tig-isang kilong bigas, school bags, at payong, habang anim na indigent learners at anim na indigent families ang nakatanggap ng family food packs.
[Observe proper pronunciation of indigent.]
4. Metrobank Foundation, Mental Health Youth Hub PH, Bumisita
Nag-courtesy call kay Mayor Niña ang Metrobank Foundation Bayambang Branch at Mental Health Youth Hub PH noong October 20. Dala nila ang mungkahi na libreng mental health seminar para sa ating mga kabataan sa darating na Nobyembre. Tinalakay rin ang mga posibleng partnership at taunang aktibidad para sa mga susunod na taon.
5. LGU Heads, Sumabak sa Adaptive at Resilient Leadership Seminar
Nagsagawa ang HRMO ng seminar na “Adaptive and Resilient Leadership in Public Service” noong October 20, upang palakasin ang kakayahan ng mga pinuno sa pagharap sa mga pagbabago sa pamahalaan. Tinalakay ni CSC Field Office Western Pangasinan Director Rainier Repollo ang mga praktikal na estratehiya sa pamumuno, pamamahala sa pagbabago, at pagpapanatili ng mahusay na pagganap sa trabaho.
6. Joint LCPC, LCAT-VAWC, at MAC Meeting, Idinaos
Sa pinagsanib na pagpupulong ng LCPC, LCAT-VAWC, at Municipal Advisory Council noong October 19, muling pinalakas ang mga programa at serbisyong nagtataguyod sa kapakanan ng mga bata at pamilyang nangangailangan. Tinalakay rito ang mga aktibidad para sa 34th National Children’s Month, mga accomplishment report ng PNP kaugnay ng violence against women and children, at mga update sa 4Ps at Sustainable Livelihood Program.
7. LGU, Suportado ang Inisyatibang Ideklara ang PSU-Bayambang bilang Heritage Zone
Sinuportahan ng LGU-Bayambang ang panukalang ideklara ang Pangasinan State University (PSU)–Bayambang Campus bilang isang heritage zone upang mapangalagaan ang makasaysayang gusali at mga pamanang pang-edukasyon nito. Sa public hearing noong October 20, nagkaisa ang mga kinatawan ng LGU, PSU, at Bayambang Retirees Association na isulong ang pagkilala sa mahalagang ambag ng dating Bayambang Normal School sa kasaysayan ng edukasyon sa Pilipinas.
8. Mga RHU, Accredited
Ulit bilang Adolescent-Friendly Health Facilities!
Ang ating mga RHU ay ginawaran ng Provincial Health Office ng Compliance
Certificate bilang isang Adolescent-Friendly Health Facility Level II noong
October 20, matapos nilang makumpleto ang mga requirement ng Department of
Health. Ang sertipiko ay isang katibayan sa abilidad ng RHU na makapagbigay ng
medical at health services na akma sa mga adolescent, kabilang na ang
counseling services.
[Adolescent – pronounce as AH-do-les-cent.]
9. LGU, Kumikilos sa Pagtugon sa Pagbaha
Noong October 21, nagsagawa ang LGU ng pagpupulong kasama ang Asyana Construction Consultancy and Trading upang talakayin ang mga paunang natuklasan sa isinagawang Flood Study of Bayambang, kabilang ang kondisyon ng mga kanal, irigasyon, at iba pang daluyan ng tubig sa ilang bahagi ng bayan. Gagamitin ang mga ito sa hydrological analysis at flood modeling upang matukoy ang mga angkop na rekomendasyon at posibleng proyektong makatutulong sa pagresolba sa suliranin sa pagbaha.
10. Programa kontra Overweight at Obesity, Idinaos sa 2 Paaralan
Noong October 21 at 22, nagdaos ang Nutrition Office ng Overweight and Obesity Prevention Program sa Inirangan Elementary School at Sanlibo Elementary School upang itaguyod ang wastong nutrisyon, malusog na pamumuhay, at regular na pisikal na aktibidad. Tinalakay rin ang mental health, obesity management gamit ang Pinggang Pinoy bilang guide, habang isinagawa ang mga larong Pinoy upang hikayatin ang aktibong pamumuhay.
[Obesity = pronounce as o-BEE-see-tee]
11. Sectoral Meeting para sa BPRP, Nagpatuloy
Nagsagawa ng ikatlong quarterly meeting ang Environmental Protection, Disaster Resiliency, at Agricultural Modernization Sectors upang suriin ang mga accomplishment at antas ng implementasyon ng mga programa sa ilalim ng Bayambang Poverty Reduction Plan o BPRP para sa ikatlong quarter ng taon. Binigyang-diin ang napapanahong pagsasakatuparan ng mga nakaplanong aktibidad at pagtutulungan ng mga sektor upang makamit ang mga itinakdang target.
12. Health Promotion Series, Isinagawa
Nagsagawa ang Municipal Health Office ng mga health promotion activity sa Bayambang National High School at Tococ National High School. Sa pamamagitan ng tinaguriang Project P.A.S.Y.A.K. o Proteksyon sa Aming Sarili, Yaman ng Aming Kinabukasan, tinalakay rito ang ukol sa reproductive health, mental health, anti-bullying, substance abuse prevention, at pag-iwas sa teenage pregnancy. Nagbigay rin ang programa ng counseling at psychosocial support, kabilang ang rapid assessment, upang gabayan ang mga kabataan sa pagharap sa mga hamon ng pagdadalaga at pagbibinata at sa paggawa ng responsableng mga desisyon.
13. Oral Health Monitoring ng mga Buntis, Isinagawa
Nagsagawa ang Philippine Dental Association-Pangasinan at RHU ng oral health monitoring para sa Batch 1 at 2 ng mga benepisyaryo ng Project Buntis: First 1,000 Days Oral Health Program noong October 21 sa RHU 1, 2, at 3. Kabilang sa mga naging aktibidad ang fluoride application para sa mga sanggol at pamamahagi ng oral health kits para sa mga ina at anak, gayundin ng bath towels at sippy cups. Sa programang ito, napalawak ang kaalaman ng mga ina sa wastong pangangalaga ng ngipin at bibig at naitaguyod ang kalusugan ng mga ina at sanggol sa unang 1,000 araw ng buhay.
14. Bayambang, May 100% Barangay Participation sa KALINISAN Program
Sa ulat ng DILG, naitala ng Bayambang ang 100% barangay participation sa KALINISAN Program o Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan noong September 6 hanggang October 3, kaya kabilang ito sa 18 LGUs sa Pangasinan na nakakamit ng naturang resulta. Layunin ng programa na palakasin ang pakikilahok ng mga komunidad sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa mga barangay.
15. Budget at Treasury Office, Binigyan ng Komendasyon!
Ang Bureau of Local Government Finance (BLGF) ay nagbigay ng commendation sa Municipal Budget Office at Treasury Office matapos makitang compliant ang mga ito sa pagsumite ng Statement of Receipts and Expenditure Reports para sa 3rd quarter ng Financial Year 2026.
16. Update sa Konstruksyon ng BPC Academic Building
Samantala, patuloy ang pagsasakatuparan ng pangarap na magkaroon ng moderno at sariling kampus ang Bayambang Polytechnic College sa Barangay Bical Norte sa pamamagitan ng pagtatayo ng 4-storey Academic Building na may 32 na silid-aralan. Ang proyektong ito ay isang kongkretong patunay ng walang-sawang dedikasyon at matibay na commitment ni Mayor Niña sa kanyang adbokasiyang “Edukasyon para sa Lahat.”
[OUTRO]
[VOLUME, ENERGY, SMILE!]
1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.
2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.
1: Ako po si ___, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.
2: At ako po si ___, mula sa ___________, kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.
SABAY: Ito ang... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment