MONDAY REPORT - OCTOBER 12, 2026
Magandang araw, Bayambang!
Narito na ang mga pinakahuling balita at kaganapan sa ating bayan.
Tampok ang iba’t ibang hakbang tungo sa kaunlaran.
Ito ang... BayambangueNews!
1. 30 Katao, Tumanggap ng Sewing Machine
Tatlumpung benepisyaryo mula sa marginalized sector ang tumanggap ng sewing machines sa ilalim ng PESO-Bayambang Livelihood Program upang magkaroon ng dagdag na oportunidad sa kabuhayan. Mga graduate sila ng 45 days ng TESDA training sa rag-making at basic sewing machine repair. Ang livelihood assistance at ang natutuhang kasanayan ay inaaasahang magdaragdag sa sariling pagkakakitaan.
2. Cybersecurity Awareness Seminar, Isinagawa
Isinagawa noong October 5 ang isang Cybersecurity Awareness Seminar para sa mga personnel ng LGU sa pangunguna ng ICT Office. Dito ay pinalakas ang kaalaman ng mga kawani ukol sa cybersecurity at itinaguyod ang wastong pangangalaga sa government information at digital resources.
3. 36 Work Immersion Students, Mainit na Tinanggap
Winelcome ng LGU ang 36 na mag-aaral mula sa Tococ National High School para sa sampung araw na Work Immersion Program simula October 5. Personal silang binati ni Mayor Nina, at sila ay hinikayat na sulitin ang pagkakataong matuto mula sa isang aktuwal na work environment, sa gabay ng PESO-Bayambang.
4. BPSO at TFD, Nakipagpulong sa Royal Mall at CSI
Nakipagpulong ang BPSO at Task Force Disiplina sa pamunuan Royal Mall, Royal Supermarket, at CSI Bayambang upang mapabuti ang pamamahala ng parking at daloy ng trapiko sa paligid ng kanilang mga establisimyento. Tinalakay ang parking discipline, pag-iwas sa obstruction, at mga praktikal na hakbang para sa mas ligtas at maayos na galaw ng mga sasakyan at pedestrian.
5. Managos FAC, Tumanggap ng Pondo para sa Fertilizer Facility
Pormal na tinanggap ng Managos Farmers Agriculture Cooperative ang P150,000 funding intervention mula sa Agricultural Training Institute ng DA para sa pagtatatag ng organic at biological input production facility sa kanilang Learning Site for Agriculture. Gagamitin ang pasilidad sa paggawa ng organic concoctions at pataba at bilang karagdagang learning facility para sa mga magsasakang nais matuto ng organic farming technologies.
6. School Security, Pinaigting; Vendors, Nabigyan ng Alternatibong Puwesto
Nakipagpulong kay Mayor Niña ang mga vendor malapit sa Bayambang Central School at pangatlong gate ng Bayambang National High School upang talakayin ang epekto sa kanilang kabuhayan ng pagsasara ng naturang gate bilang bahagi ng pinaigting na school security. Bilang tugon, pinag-usapan ang pagbibigay sa kanila ng alternatibong puwesto sa gilid ng lumang Bayambang Central School upang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay habang napapanatili ang seguridad ng mga mag-aaral at school personnel.
7. Nutrisyon ng mga Mag-aaral, Tinutukan sa Pulong
Tinalakay sa 3rd Quarter Meeting ng Municipal Nutrition Committee (MNC) noong October 6 ang pagpapalakas ng mga nutrition progrm para sa mga mag-aaral, kabilang ang feeding program, libreng gatas, at pamimigay ng multivitamins. Dinaluhan ni Mayor Niña ang pulong, kung saan iniulat din ang pagbabalik ng Bayambang bilang contender sa CROWN Award ng National Nutrition Council. Inilatag din sa pulong ang mga estratehiya para sa mas tumpak na school-based nutrition data mula sa DepEd.
8. Tatlong Wheelchair, Hatid-Ginhawa sa mga Bayambangueño
Tatlong Bayambangueño na may mobility limitation mula sa Brgy. San Vicente, Tamaro, at Buenlag 2nd ang tumanggap ng libreng wheelchair mula kay Mayor Niña upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Dahil dito, naging mas ligtas at madali nilang nagagawa ang paglabas ng bahay at pakikibahagi sa mga simpleng gawain kasama ang pamilya, kaya't laking pasasalamat ng mga nasabing residente at kani-kanilang pamilya.
9. Karapatan ng Kabataan, Itinampok sa Legal Education Program
Isinagawa sa Bayambang ang kauna-unahang Legal Education and Awareness Program on Juvenile Justice System noong October 7, sa pag-oorganisa ng Municipal Legal Office. Tampok dito ang talakayan ni Deputy Provincial Prosecutor Emmanuel Laforteza hinggil sa R.A. 10630 at Juvenile Justice and Welfare Act. Dumalo rito ang mga Punong Barangay, SK Chairperson, school head, at PTA president upang higit na maunawaan ang mga karapatan at pangangailangan ng kabataan at mapalakas ang paggabay at proteksyon sa kanila.
10. DILG-Pangasinan, Nagmonitor ng Kanilang mga Proyekto Rito
Ang DILG-Pangasinan ay nagsagawa ng project monitoring sa LGU noong October 7, bilang bahagi ng pagsusuri sa mga proyektong pinondohan ng ahensya sa ilalim ng Local Government Support Fund–Financial Assistance to LGUs at Seal of Good Local Governance Incentive Fund. Kabilang sa mga sinuri ang ang konstruksyon ng Teen Hub, pagbili ng ambulansya, at Assistance to Indigent Individuals or Families, mga kinakailangang dokumento at papeles, at iba pang mga bagay na kinakailangang subaybayan ng ahensya.
11. Urban Barangays, Pinagtibay ang Koordinasyon sa Solid Waste Management
Pinangunahan ng ESWMO ang isang consultative meeting kasama ang mga pinuno at kinatawan ng 11 urban barangays upang palakasin ang koordinasyon sa wastong pamamahala ng basura, kabilang ang segregation at waste management information campaigns. Tinalakay rin ang mga mungkahi ng mga barangay, at inanunsyo naman ng ESWMO ang planong pagkilala at parangal sa mga best practices sa Solid Waste Management Summit sa susunod na taon.
12. Kabataan at Senior Citizens, Nagbonding sa Board Games Battle
Naging masaya at makabuluhan ang Board Games Battle ng mga kabataan at senior citizen bilang bahagi ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week 2026 at Linggo ng Kabataan 2026. Sa chess at Scrabble, nagtagisan sila sa talino at diskarte, na naging daan din sa bonding, kuwentuhan, at palitan ng kaalaman at karanasan ng dalawang henerasyon. Nagwagi sina Jesus Gangano at Kim Canilang sa Scrabble, at Marcelo Ambat at Agapito Saulon sa chess. Tumanggap ang mga nagwagi ng tig-isang chess set at Scrabble set bilang gantimpala.
13. Elderly Filipino Week, Ipinagdiwang
"Mayroong halaga at karapatan, boses, at ambag sa bayan ang mga nakakatandang Bayambangueño." Ito ang naging diwa ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week noong October 8, sa pag-oorganisa ng OSCA at Federation of Senior Citizens-Bayambang Chpter. Dito ay masayang nagbonding ang mga senior citizen sa iba't ibang aktibidad, kabilang ang mga health talk, free check-up, sayawan, fun and games, at paggawad kina Gng. Iluminada Mabanglo at G. Casemero Peralta ng Distinguished Service Award. Nagkaroon din ng awarding of cash grants para sa mga centenarian.
14. Feeding at Gift-Giving, Inihatid ng Camacho Family and Friends sa San Gabriel 2nd
Nagsagawa ang pamilya at mga kaibigan ni G. Oscar Camacho ng taunang feeding program at gift-giving outreach activity para sa mga batang Bayambangueño sa Bical, Manambong Sur, at San Gabriel 2nd Elementary School at Sitio Botut, Lagare, at Nalseban ng Brgy. San Gabriel 2nd. Hatid ang pagkain, regalo, at saya sa mga komunidad, taunang isinasagawa ng pamilya ang outreach program bilang paraan ng pagbabahagi sa mga bata at komunidad, lalo na sa mga nangangailangan.
15. Limang Proyektong Pinondohan ng Landbank, Sumabak sa Assessment
Limang proyektong pinondohan ng LandBank sa Bayambang ang sumailalim sa Environmental and Social Assessment (ESA), kabilang ang walong warehouses, Central Terminal, RHU, Public Market Extension, at Cold Storage Facility. Isinagawa ang assessment noong October 8 sa pakikipagtulungan ng mga kaukulang tanggapan ng LGU upang masuri ang mga aspetong pangkapaligiran at panlipunan ng mga proyekto. Matagumpay na natapos ang assessment, at lahat ng designated Pollution Control Officers ng LGU ay naiulat na accredited na ng DENR-EMB.
15. Teachers' Day, Ipinagdiwang sa Isang Engrandeng Selebrasyon
Isang engrandeng pagkilala sa mga guro ng Bayambang ang idinaos ni Mayor Niña noong October 9 sa The Tent Sports Hub sa BYB Metro, Brgy. Bani, isang makabagong sports facility. Ang aktibidad ay napuno ng mga surpresa gaya ng raffle draw, mga regalo, at live performances, bilang pagpupugay sa lahat ng sakripisyo ng mga guro sa kanilang tungkulin. Naging espesyal na panauhin ang trending content creator na si 'Unfiltered Karla' o Ms. Karla Ong-Bagtas, isang public school teacher.
16. Organic Agriculture, Isinusulong
Muling isinusulong ng Agriculture Office ang sustainable at organic farming sa bayan ng Bayambang sa pamamagitan ng training sa paggawa ng organic foliar fertilizers noong October 8. Tinuruan dito ang mga magsasaka na gumawa ng sariling organic farm inputs gamit ang mga lokal at madaling makuhang materyales. Layunin nitong mabawasan ang gastusin sa pagsasaka at maisulong ang mas ligtas at makakalikasang produksyon.
***
Ang mga balitang ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpupunyagi ng ating pamahalaan.
Sa bawat programa at serbisyo, sama-sama nating itinataguyod ang isang progresibong Bayambang.
At ito ang... BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment