BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO! –
SEPTEMBER 28, 2026
(Estimated runtime: 3 minutes
and 35 seconds)
(Kuya Ngen Intro)
Bayambang, Dapat Alam Mo na papalapit na
naman ang Undas, panahon ng pag-alala sa ating mga mahal sa buhay na pumanaw
na. At siguradong marami sa atin ang bibisita sa sementeryo para mag-alay ng
kandila at bulaklak, magdasal, at makasama ang pamilya.
Pero bukod sa paghahanda ng mga dadalhin,
mahalagang alam din natin ang mga dapat at hindi dapat gawin para maging
maayos, ligtas, at makabuluhan ang ating pagdalaw.
Una, panatilihing malinis ang sementeryo.
Magdala ng sariling supot para sa basura at
itapon ito sa tamang lalagyan. Kung walang malapit na basurahan, iuwi muna ang
inyong mga kalat. Tandaan, ang sementeryo ay hindi tambakan, at ang paglilinis
dito ay responsibilidad nating lahat.
Pangalawa, mag-ingat sa paggamit ng kandila.
Ilagay ang mga kandila sa ligtas na lugar,
malayo sa tuyong dahon, papel, at iba pang madaling masunog. Huwag iwanang
nakasindi ang mga ito nang walang nagbabantay. Sundin din ang mga patakaran ng
sementeryo tungkol sa paggamit ng kandila at iba pang materyales.
Pangatlo, igalang ang mga puntod at ang ibang dumadalaw.
Iwasang tapakan ang mga puntod, galawin ang
mga palamuti ng ibang pamilya, o harangan ang mga daanan. Kung may makakasabay
kayong nagdarasal o nagluluksa, panatilihing mahinahon ang boses at iwasan ang
sobrang lakas na tugtog.
At panghuli, maging responsable sa pagbiyahe.
Bago bumiyahe, tiyaking maayos ang sasakyan
at alamin ang posibleng daloy ng trapiko. Sundin ang mga traffic sign at utos
ng mga awtoridad. Kung magmamaneho, huwag magmaneho kapag inaantok o nakainom
ng alak. Mas mabuting ma-late nang kaunti kaysa malagay sa panganib ang sarili
at ang ibang tao.
At higit sa lahat, dapat alam mo ang mga
ipinatutupad na patakaran sa araw na iyon, kabilang ang mga posibleng
limitasyon sa pagpasok ng sasakyan at mga ipinagbabawal na bagay.
Ngayon, ano naman ang mga HINDI DAPAT gawin
tuwing Undas?
Huwag magkalat.
Huwag mag-iwan ng kandilang walang
nagbabantay.
Huwag magdala o gumamit ng mga ipinagbabawal
na bagay.
Huwag gumawa ng anumang makagagambala sa
ibang dumadalaw.
Bayambang, dapat alam mo na ang Undas ay
hindi lang tungkol sa mga kandila, bulaklak, at pagdalaw sa puntod. Panahon din
ito para magnilay, magdasal, at alalahanin ang mga taong naging bahagi ng ating
buhay.
Kaya sa papalapit na Undas, sama-sama nating
panatilihing malinis ang sementeryo, igalang ang bawat pamilya, at unahin ang
kaligtasan sa lahat ng pagkakataon.
Bayambang ang lahat ng ito ay dapat alam mo
Muli ako si kuya na nagsasabing:
No comments:
Post a Comment