Monday Report - September 14, 2026
[OBSERVE PROPER VOLUME and PACING, and don't forget to SMILE]
[INTRO]
NEWSCASTER 1: Good Monday morning, Bayambang! Ako po si ___ ng _____ (office).
NEWSCASTER 2: At ako naman po si ____ ng ____ (office). Narito upang ihatid ang mga ulat ng pagkilos at pagbabago.
NEWSCASTER 1: Mga hakbang tungo sa mas masigla at mas progresibong bayan.
NEWSCASTER 2: Kaya’t samahan ninyo kami sa lingguhang kwentuhan, impormasyon at serbisyong totoo. Dito sa...
SABAY: ...BayambangueNews!
***
[SALITAN NA KAYO RITO]
1. Mga Nasirang Daan, Isinasaayos
Upang maiwasan ang aksidente, agad nakipag-coordinate ang LGU-Bayambang sa DPWH para sa pansamantalang pagsasaayos ng bahagi ng national road dahil sa sunud-sunod na pag-ulan. At para naman sa permanenteng solusyon, magsisimula na ang pag-aaspalto ng DPWH sa mga susunod na linggo.
2. LGU-Bayambang, Nakiisa sa Search and Rescue Operations
Nagpatuloy ang search, rescue, and retrieval operations noong Setyembre 7 para sa isa sa apat na nawawalang sakay ng SUV na nahulog sa Agana Bridge sa Tarlac. Sa ikatlong araw ng operasyon, mas pinalakas pa ang search and rescue efforts sa pamamagitan ng pagtutulungan ng sa Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, Philippine Army, PNP Tarlac, K9 Units, PDRRMO Tarlac, at MDRRMO Camiling upang palawakin ang paghahanap sa nawawalang indibidwal.
3. Inspeksyon sa Ambayat, Isinagawa upang Maibalik ang Kuryente Roon
Isang joint ocular inspection ang isinagawa MDRRMO kasama ang CENPELCO at kinauukulang barangay officials sa Brgy. Cabayaoasan, Mangatarem, upang matukoy ang ligtas at angkop na proseso sa muling pagtatawid ng naputol na electric cable na tumatawid sa Agno River na nagdulot ng apat na araw na power interruption sa Brgy. Ambayat 1st at Ambayat 2nd, at sa naturang karatig-barangay. Dahil dito, nagawan sa huli ng ibang remedyo ang problema sa pamamagitan ng isang alternative power line habang hindi pa ligtas ang pagbagtas sa ilog.
4. NAPOLCOM, Nag-courtesy Call
Nagsagawa ng courtesy call ang NAPOLCOM Regional Office 1 kay Mayor Niña, sa pamamagitan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, para sa 2026 Annual Monitoring. Layunin nitong suriin ang compliance ng alkalde bilang NAPOLCOM Deputy at patuloy na tiyakin ang kapayapaan at seguridad sa buong bayan ng Bayambang.
5. Food Packs, Ipinamahagi sa mga Magsasakang Nasalanta
Sa pangunguna ni Mayor Niña, ipinamahagi noong September 8 ang food packs para sa 2,987 na magsasakang naapektuhan ng Bagyong Luis, Maymay, at Neneng, kasabay ng habagat sa walong distrito ng Bayambang. Naging maayos ang pamamahagi dahil sa pagtutulungan ng mga barangay at ng Agriculture Office.
6. 3Q Social Pension para sa mga Indigent Senior Citizen, Ipinamahagi
Mula September 8 hanggang 10, nagsagawa ang DSWD at MSWDO ng social pension payout para sa 3,018 na indigent senior citizen beneficiaries para sa 3rd quarter. Isinagawa ito sa iba’t ibang barangay upang mas mapadali ang pagkuha ng pension at maiwasan ang siksikan. Tumulong din ang mga OJT at Treasury Office sa beripikasyon at maayos na pamamahagi.
7. Misa, Ginanap para sa Kaarawan ng Birheng Maria
Nagtipon ang mga kawani ng LGU-Bayambang para sa isang banal na misa bilang pasasalamat at pagdiriwang sa kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria noong September 8, sa pangunguna ni Fr. Anthony Layog, sa inisyatibo ng Office of the Mayor. Naging pagkakataon ito upang humingi ng gabay at pagpapala ang lahat, gayundin ang pasasalamat sa mga biyaya at proteksyon noong panahon ng pagbaha.
8. RHU II, May Blood Donation Drive
Nagsagawa ang Rural Health Unit II ng blood donation drive noong September 8 sa pakikipagtulungan sa Region I Medical Center, kung saan 47 donors ang nakapagbigay ng dugo matapos makapasa sa screening. Muling ipinakita ng mga empleyado ng munisipyo at iba pang kwalipikadong donor ang diwa ng malasakit at bayanihan para sa mga pasyenteng nangangailangan ng blood transfusion, na sinuklian naman ng snacks at grocery package.
9. 4Ps Members, Nagsanay sa Rag-Making
Ang Public Employment Service Office ay nagsagawa ng isang Skills Training on Rag-Making para sa tatlumpung miyembro ng 4Ps sa Pinoy Workers Center. Sa pamamagitan ng pagsasanay na pinangunahan ni Ms. Jocelyn S. Sison ng Pangasinan School of Arts and Trades (PSAT), nabigyan ang mga kalahok ng dagdag na kasanayan at oportunidad upang makalikha ng karagdagang kita.
10. Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 9, Nagtungo sa Bongato East
Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 9 ay sumunod namang nagtungo sa Brgy. Bongato East noong Setyembre 10 para pagsilbihan ang mga residente ng Brgy. Bongato East at Bongato West. Kabilang sa mga serbisyong handog ang libreng medical at dental services, late registration of birth, libreng bakuna sa hayop, employment services, renewal ng business permit, legal advice, libreng buto at punla, libreng gupit, at marami pang iba.
11. AI-Powered DMS ng Bayambang, Sumailalim sa DILG Validation
Sumailalim sa opisyal na validation ng DILG noong Setyembre 9 ang AI-powered Document Management System (DMS) ng LGU-Bayambang bilang entry sa Bahaginan Project, na naglalayong kilalanin at maibahagi ang mga makabagong inobasyon ng mga LGU. Sinuri ng validation team ang buong implementasyon ng sistema, kabilang ang digital routing at AI-powered content indexing na nagpapabilis sa paghahanap at pagsubaybay ng mga dokumento. Inaasahang magsisilbing modelo ang inobasyon sa paperless governance, information retrieval, at mas episyenteng pamamahala ng dokumento sa iba pang LGU.
12. Anim na Panukalang Ordinansa, Isinumite para sa Pampublikong Pagdinig
Anim na mga proposed ordinance ang inilatag ng Sangguniang Bayan sa isang public hearing noong Septembber 10. Kabilang sa mga ito ang mga panukala na naglalayong gawing sistematiko ang municipal clearance system para sa lahat ng relief operations at donation activities sa bayan; magtatag ng mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng El Niño, kabilang ang paglikha ng Municipal El Niño Task Force; pagtibayin ang Local Public Transport Route Plan 2025–2029 at magtakda ng mga patakaran para sa pagpapatupad nito; isakatuparan sa lokal na antas ang Expanded Solo Parents Welfare Act; i-update ang Comprehensive Children’s Welfare Code ng Bayambang; at ayusin ang pagtatatag, franchising, paglilisensya, at operasyon ng mga sabungan at pagsasabong ng manok. Sa nasabing serye pagdinig, nabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor na maglahad ng kanilang mga komento, mungkahi, at saloobin bago isulong ang mga panukala para sa kaukulang pagtalakay at aksiyon ng Sangguniang Bayan.
13. 13. 3Q NSED, Isinagawa
(3Q = read as 3rd quarter)
Ang 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ay matagumpay na naidaos noong September 10, bilang bahagi ng pagsasanay sa kahandaan ng bayan sa posibleng pagyanig. Isinagawa ang earthquake drill sa mga tanggapan ng pamahalaan, paaralan, at iba pa, sa pangunguna ng MDRRMO-Bayambang, kasama ang mga kawani ng pamahalaan, barangay officials, guro, at mga mag-aaral. Sa ganitong paraan, mas magiging handa ang bawat isa at mababawasan ang posibleng pinsala sa anumang di inaasahang pagyanig at sakunang maaaring idulot nito.
14. Maraming Salamat po sa Iba pang Donors!
A. Muling nagpapaabot ang LGU-Bayambang sa iba pang mga donor sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha, kabilang sina Ms. Ina at Ida Laroco, Wingscape family, Child Development Workers (CDWs) Association of Bayambang, Rotary Club of Bayambang, Arangkada Nobenta (BNHS Batch 1990), Mother Butlers Guild, at Alpha Kappa Rho, Oning's Rice Store at Ms. Leonora P. Sagun, Switch Cafe at TESDA Scholars, Bayambang National High School organizations, Child Development Workers Federation of Bayambang, Aboitiz Foundation, at tatlong anonymous donors, at iba pang maaari naming hindi nabanggit o nakaligtaan.
Maraming, maraming salamat po sa malasakit, inisyatibo, at agarang pagtugon sa oras ng mantinding pangangailangan ng ating mga kababayang nasalanta.
FOR VO
Bayambangueño, Binigyan ng Wheelchair ni Mayor Niña
Patuloy ang serbisyong may puso ni Mayor Niña para sa bawat Bayambangueño. Sa edad na 94, mas magiging maginhawa na ang paggalaw ni Tatay Victoriano Tolentino ng Brgy. Manambong Sur matapos siyang makatanggap ng wheelchair mula kay Mayor Niña. Ang tulong na ito ay malaking ginhawa para kay Tatay Victoriano at sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Corn Corporate Farming Orientation, Isinagawa
Isinagawa ng Agriculture Office ang isang Corn Corporate Farming Orientation activity sa mga barangay ng District 1 to 8 upang ipakilala sa mga corn farmer ang oportunidad at benepisyo ng Corporate Farming Program. Sa pakikipagtulungan ng E-Agro at Charoen Pokphand Group, napalawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa hybrid corn, de-kalidad na inputs, tamang farm practices, makabagong teknolohiya, at mas direktang market linkage.
(Cha-ron ata pronunciation ng Charoen)
LYDC, Pinagtibay ang mga Hakbang para sa Mas Aktibong Pakikilahok ng Kabataan
Pinagtibay ng Local Youth Development Council (LYDC) sa 3rd Quarter Meeting nito ang mga hakbang kaugnay ng Youth Organization Registration Program (YORP), reintegrated PPAs, at mga karagdagang programa para sa Local Youth Development Plan (LYDP). Tinalakay din ang paghahanda para sa Linggo ng Kabataan at mga susunod na hakbang upang higit na mapalakas ang koordinasyon at partisipasyon ng kabataan.
Wilcon Depot, Nag-Groundbreaking sa Dusoc!
Nagsagawa noong September 11 ng isang groundbreaking ceremony ang Wilcon Depot sa Brgy. Dusoc, na dinaluhan at kinatawan ni Councilor Jocelyn Espejo sa ngalan ni Mayor Niña. Ipinahayag ng alkalde ang kanyang kagalakan sa bagong investment na inaasahang magbubukas ng trabaho at kabuhayan para sa mga Bayambangueño, habang magbibigay rin ng dagdag na sigla sa lokal na negosyo at ekonomiya.
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: Sa bawat proyekto’t inisyatibo ng LGU, kabalikat ang bawat Bayambangueño.
NEWSCASTER 2: At sa bawat ulat, nariyan ang puso ng serbisyo.
NEWSCASTER 1: Ako po si ___, mula sa ______ (office), kasama niyo sa bawat kuwento ng pagbabago.
NEWSCASTER 2: At ako si ___, mula sa _______ (office), hatid ang balita para sa bawat isa. Hanggang sa muli,
SABAY: Ito ang… BayambangueNews!
No comments:
Post a Comment