MONDAY REPORT – NOVEMBER 11, 2024
[INTRO]
NEWSCASTER 1: Magandang Monday morning, Bayambang! Ako po si _____ (name).
NEWSCASTER 2: At ako naman po si __________ (name), at kami po ay mula sa Municipal Agriculture Office.
NEWSCASTER 1: Narito na ang buong puwersa ng LGU-Bayambang...
NEWSCASTER 2: Maghahatid sa inyo ng mga maiinit at napapanahong balita...
SABAY KAYO: Ito ang…. BayambangueNews!
***
[SALITAN NA KAYO RITO]
Sa ulo ng nagbabagang balita:
1. Pagdiriwang ng Undas 2024, Naging Maayos at Ligtas
Naging maayos at ligtas ang pagdalaw ng mga Bayambangueño sa kani-kanilang namayapang mahal sa buhay sa tatlong sementeryo sa bayan, salamat sa matagumpay na operasyon ng Task Force Kaluluwa 2024. Sa pamumuno ng Bayambang Public Safety Office, tanging minor incidents lamang ang naitala, bukod pa sa inasahang pagsikip ng trapiko dahil sa pagdagsa ng mga 25,000 na katao sa mga sementeryo.
2. Libreng Sopas, Inihandog ni Gov. Guico noong Undas
Noong araw ng Undas, nagpamahagi si Governor Ramon Guico III ng mainit na lomi sa mga bumisita sa pampublikong sementeryo. Bukod pa rito, nag-alok din ang Bayambang District Hospital sa ating mga kababayan ng libreng profiling at rehistrasyon para sa PhilHealth Konsulta.
3. LSB, Tinalakay ang mga Plano sa 2025
Sa pulong ng Local School Board noong October 30, tinalakay ang paghahanda ng budget para sa 2025 Special Education Fund o SEF. Kabilang sa mga plano ang paglaan ng isang milyong piso para sa pagpapatayo ng isang bagong silid-aralan sa Don Teofilo Mataban Memorial School sa Brgy. Ligue.
4. Kick-off Activity para sa National Children's Month, Idinaos
Bilang kick-off activity para sa National Children's Month 2024 celebration, nagsilbing host ang mga lokal na kabataan sa ginanap na flag ceremony noong November 4 sa Events Center. Sila ay nagpamalas ng kani-kanilang talento sa pagiging emcee, newscaster, at group dance performer, sa pangunguna ng mga winners ng Little Mr. and Ms. Bayambang 2023 at 2024. Sa programa ay sabayang binigkas ng lahat ang Panatang Makabata bilang pakikiisa sa pagtaguyod ng mga karapatang pambata.
5. Bayambang Pre-K Learners, Tinuruan ng Backyard Gardening
Ang mga pre-kindergarten learners ng 77 Child Development Centers ng Bayambang ay sabay-sabay na tinuruang magtanim ng mga gulay noong November 11, bilang bahagi pa rin ng Children's Month. Mismong ang mga bata ang nagtanim ng mga gulay sa mga paso o katabing bakuran, matapos silang turuan ng kanilang mga Child Development Workers ng mga wastong hakbang sa backyard gardening. Ito ay bahagi ng pagsulong ng kanilang "survival rights."
6. HRMO, Nagbigay ng Seminar sa Writing at Public Speaking
Isang seminar sa "Effective Written Communication & Public Speaking" ang inihandog ng HRMO sa mga kawani ng LGU noong November 11 sa Events Center. Ito ay para sa lahat ng mga kawani na kailangang matuto sa mga communication at public speaking skills na magagamit nila sa pang-araw-araw na transaksyon. Naging lecturer sina Dr. Vincent Capanang at Mrs. Josephine Loresca ng Bayambang National High School.
7. GAD Monitoring and Evaluation Training, Isinagawa
Noong November 5 to 7, muling nagsagawa ang MSWDO ng isang Gender and Development Training para sa mga miyembro ng GAD Focal Point System, upang matuto sa tamang monitoring and evaluation ng mga gender-sensitive programs, projects and activities ng bayan ng Bayambang. Naging lecturer ang isang independent GAD specialist, at naging facilitator naman ang mga taga-Municipal Planning and Development Office.
8. P15,000 Start-up Capital, Ibinigay ng DSWD sa 129 Katao
Noong November 5, nagpamahagi ang Department of Social Welfare and Development ng panibagong ayuda sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program nito para sa 129 na Bayambangueño na nakitang kwalipikado at may kapasidad na magtayo ng maliit na negosyo. Ang mga benepisyaryo ay nagmula sa iba’t ibang barangay at nakatanggap ng P15,000 start-up capital kada isa at samakatwid ay tumanggap ng may kabuuang 1,935,000 pesos. Ang payout activity ay ginanap sa St. Vincent Ferrer Prayer Park.
9. Buklat Aklat Project, Inilunsad
Noong November 6, inilunsad ng Local Youth Development Office ang Buklat Aklat project sa Alinggan-Banaban Elementary School, bilang parte ng pagdiriwang ng National Children's Month. Ito ay isang programang naglalayong mapabuti ang reading comprehension ng mga mag-aaral at mapataas ang literacy rate sa bayan ng Bayambang. Kabilang sa mga magtuturo sa mga piling kabataan sa sampung elementary schools ay mga Sangguniang Kabataan members at iba pang boluntaryo. Ang proyekto ay magtatagal ng 10 linggo.
10. Mga Serbisyo ng Munisipyo, Dinala sa Bacnono
Noong November 7, ang team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan ay nagtungo sa Bacnono Elementary School upang direktang magbigay ng mga serbisyo ng Munisipyo sa mga taga-Brgy. Bacnono, Ataynan, at Buenlag 1st. Ayon sa ulat ni KSB chairperson, Vice-Mayor IC Sabangan, may 2,458 na katao na naman ang nabigyan ng KSB team ng iba't ibat uri ng serbisyo, gaya ng libreng medical checkup at dental services, bakuna sa hayop, legal advice, at pagproseso ng iba't ibang dokumento. Sa kabuuan, sila ay nakatipid ng halagang P316,615.
11. Monthly Meeting ng Pangasinan Budget Officers, Idinaos Dito
Noong November 7, ang buwanang pagpupulong ng na Pangasinan League of Local Budget Administrators ay ginanap sa Niña’s Café. Ito ay pinangunahan ng kanilang presidente na si Atty. Jessa Joy Royupa. Ang mga bisita ay mainit na winelcome ni OIC Municipal Budget Officer Christine Bautista at kanyang staff.
12. Local Farmers, Nakilahok sa Bamboo Product Technology Demo at Research
May 80 local farmers ang nakilahok sa isang bamboo product technology demo at research ng Department of Science and Technology - Forest Products Research and Development Institute noong November 7. Kabilang sa mga iprinisenta ng FPRDI ang kanilang naimbentong bamboo soap, bamboo liquor, bamboo deodorizer, at bamboo leaf fertilizer. Pagkatapos ng technology demo ay nagsagawa naman ng isang survey at product acceptability test sensory evaluation.
13. Technical Briefing for Corn Model Farm, Isinagawa sa Bani
Isang technical briefing ang isinagawa ng Department of Agriculture-Regional Field Office I noong November 7 para sa gagawing Corn Model Farm sa Brgy. Bani. Layunin ng aktibidad na ihanda ang mga magmamais para sa isasagawang 50-hectare model farm, isang proyekto ng DA-RFO 1 Corn Program upang mapataas ang produksyon ng mais bilang isa sa mga importanteng pananim sa bansa.
14. Corn Seeds at Inorganic Fertilizer, Ipinamahagi ng PAO
Ang Provincial Agriculture Office ay nagpamahagi ng corn seeds at inorganic fertilizer sa farmer-cooperators sa ilalim ng Corporate Farming Program ng probinsya noong November 7. Layunin ng korporasyong pagsasaka na mapabuti ang produktibidad sa agrikultura at pagpapataas ng kita.
15. Bayambang MADAC, Highly Functional sa Ginanap na 2024 ADAC Audit
Ang Bayambang Municipal Anti-Drug Abuse Council ay nagtamo ng "High Functional" rating, sa ginanap na 2024 audit ng Anti-Drug Abuse Council ng Department of the Interior and Local Government. Patunay ito ng commitment ng LGU at partner agencies na panatiling drug-free ang bayan ng Bayambang.
16. Bayambang, 3rd Place sa Infrastructure Pillar sa Regional CMCI
Ang LGU-Bayambang ay nagkamit ng 3rd place region-wide sa business competitiveness sa larangan ng imprastraktura (1st-2nd Class Municipalities category), sa ginanap na awarding ng 2024 Cities and Municipalities Competitiveness Index ng Department of Trade and Industry noong November 6 sa Candon City, Ilocos Sur. Sa ngalan ng LGU, tinanggap ang parangal nina MPDO Ma-lene Torio bilang CMCI focal person at Engr. Genuel Mabanglo ng Engineering Office.
17. Bayambangueño, Nagwagi sa Global IT Challenge for Youth with Disabilities
Si Dallin Jeff E. Moreno ng Bayambang National High School ay nagwagi ng dalawang medalya sa ginanap na IT Challenge for Youth with Disabilities sa Manila Hotel mula November 4 hanggang 8. Si Moreno ay pinarangalan ng isang gold medal sa e-Tool Presentation/Hearing category at silver medal sa e-Tool Spreadsheet/Hearing category. Siya ay kabilang sa Philippine team na nakipagtagisan sa nasabing international competition kung saan may labing-anim na bansa ang nakilahok.
***
Magbayad na ng Amilyar (iflash na lang sa screen ang graphic, do not read na lang this title.)
Samantala, pinapaalalahanan ang lahat na magbayad na ng amilyar nang maaga upang makapag-avail ng discount, at maisawan ang pagkakaroon ng penalty. Mayroong 20% discount sa mga magbabayad ng maaga hanggang December 31, 2024, at 10% discount naman sa mga magbabayad hanggang March 31, 2025.
***
It's Trivia Time!
Ang Municipal Agriculture Office ng LGU Bayambang ang responsable sa pagtataguyod sa pag-unlad ng mga magsasaka at implementasyon ng mga programang pang-agrikultura ng LGU Bayambang, Department of Agriculture, at mga katuwang na ahensya.
ALAM N’YO BA na ang Bayambang ay may total land area na 16,800 hectares, at ang 9,746.81 hectares dito ay nakalaan sa agrikultura? Ang agricultural land ng Bayambang ay naka-divide sa walong (8) agricultural districts na binubuo naman ng ibat-ibang agricultural barangays. Bawat agricultural district ay may naka-talagang district technicians ang Municipal Agriculture Office. Ang Bayambang ay mayroong 72 Farmer Associations at 8 Farmer Cluster Associations na nabuo at katuwang ng Agriculture Office at ng Lokal Government sa pagpapatupad at pagpapaabot ng mga programa para sa makabagong pagsasaka at mai-angat ang pamumuhay ng mga magsasaka at malabanan ang kahirapan.
At ALAM NIYO BA na ang Municipal Agriculture Office ay may anim na Agricultural Banner Programs? Ito ay ang:
• Rice
Banner Program
• Corn
Banner Program
• High-Value
Crop Development Program
• Organic
Banner Program
• Livestock
Banner Program
• Fishery
Banner Program
Ang agricultural sector ng Bayambang ay binubuo ng 10,115 (as of September 2024) na rehistradong farmers sa Registry System for Basic Sector in Agriculture (RSBSA) kung saan sila ay kwalipikadong makatanggap ng mga tulong o interventions mula sa Department of Agriculture at Lokal na Pamahalaan ng Bayambang.
Ang mga pangunahing produkto ng magsasaka ng Bayambang ay palay, mais at sibuyas. Ang Bayambang ay tinaguriang “Corn Belt of Pangasinan” at “Onion Capital of Northern Luzon,” dahil sa malawak nitong produksyon na may sukat na 5,782.38 hectares sa mais at 1500 hectares naman sa sibuyas (as of February 2024).
Ang MAO ay patuloy ang assistance sa mga magsasaka at farmer associations upang palakasin ang kanilang kapasidad at kaalaman ukol sa moderno at ligtas na pagsasaka sa pamamagitan ng trainings. Tuluy-tuloy din ang opisina sa pag-agapay sa mga magsasaka upang matugunan ang mga proseso at dokumentong kanilang kailangan para makatanggap ng mga binhi, abono, at makabagong makinarya mula sa Department of Agriculture at iba pang ahensya.
***
[OUTRO]
NEWSCASTER 1: At iyan po ang mga balitang nakatutok sa iba't ibang programa at proyekto ng LGU-Bayambang.
NEWSCASTER 2: Mga balitang may tatak Total Quality Service.
NEWSCASTER 1: Muli, ako po ang inyong lingkod, ______ (name).
NEWSCASTER 2: At _________ (name) mula sa Agriculture Office.
[SABAYANG BIGKAS]: At ito ang... Bayambangueñews!
***
Samantala, 41 days na lang… Pasko na!
No comments:
Post a Comment