Thursday, June 29, 2023

LGU-Bayambang Accomplishments - June 2023

EVENTS COVERED

             Isa na Namang Job Fair, Isinagawa

             40 Skills Training Graduates, Tumanggap ng PESO Financial Assistance

             Bayambang, pinaka-unang data user ng DSWD Listahanan 3 sa Region 1

             DepEd Usec Densing, Nakipagpulong sa Bayambang

             Wire-Clearing Group, Tuluy-Tuloy ang Operasyon

             District 9, Nasungkit ang Kampeonato sa 2023 Inter-District Basketball Tournament

             Bagong Batch ng Rice Inbred Seeds, Ipinamahagi

             CDWs, Dumalo sa CDW Regional Convention

             Sanlibo Blood Drive, Nakaipon ng 30 Blood Bags

             National Library of the Philippines, Nagvalidation Activity

             Outreach Program para sa PWD Kids

             Mayor Niña, Namigay ng Portable Ceiling Fan sa Meat Vendors

             Kahandaan sa Sakuna, Muling Ipinamalas sa 2Q NSED 2023

             Kauna-unahang ICTO Disaster Recovery Drill, Isinagawa  

             BPC, Sumali sa NSED sa Unang Pagkakataon

             Espejo, Inihalal na VP ng KALIPI Region I

             Public Hearing para sa Tatlong Proposed Ordinance, Isinagawa

             SK Federation Updates

             KSB Year 6, Walang Patid sa Pagtulong

             Pagtuklas ng mga Makabagong Kaalaman sa Pagsasaka, Tuluy-Tuloy

             Accountant for Barangay Financial Affairs, Umasiste para sa Barangay SGLG

             Ika-125 na Araw ng Kalayaan, Ginunita

             PWD Association of Bayambang, Naghalal ng mga Panibagong Opisyal

             Orientation ukol sa Student Employment Program ng DOLE, Isinagawa

             Public Hearing on Ordinance Establishing the VAWC Desk in Every Barangay

             Bayambang, Muling Sumailalim sa SGLG Assessment        

             Isa na namang Kuwago, Nirescue

             Cooperative Development Updates

             KSB Year 6, Lumakbay sa Caturay

             Mobile Blood Drive sa mga Barangay, Nagtungo sa Inirangan

             Pagsaliksik ng Pinakamainam na Rice Seed Variety, Patuloy

             "Idol ko si Nanay" Refresher Training, Isinagawa

             Mayor Niña, May Father's Day Treat sa LGU

             Tatay Roger, Pinahanap at Pinasundo ni Mayor Niña

             ISO Mock Audit, Isinagawa ng LGU

             ONGOING: Exhibit ng Rare Book Collection ng Municipal Library

             Mga Natulungan ng Emergency Rescuers, Nagpapasalamat

             BNHS Students, Wagi sa Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities

             3 Bayambangueño, Nakatanggap ng Livelihood Package mula DOLE

             Mga Bagong Proposed DSWD Livelihood Projects, Nirepaso

             SK Federation, Nakiisa sa BNHS Research Congress 2023

             MOA Signing, Ginanap para sa BPC Beneficiaries

             Mga Serbisyo ng Munisipyo, Ipinarating sa Amancosiling

             Mobile Blood Drive ng RHU III, Lumipat sa Pangdel

             Lions at Eagles, Sanib-Puwersa sa Feeding Program

             Mayor Niña, Nagpadala ng mga Dentista sa Palawan

             Bayambangueña, Nagdonate ng Painting sa Museum

             CDWs, Nag-Skills Training

             DSWD, Nagsagawa ng Provincial-Level Review Session para sa mga Bagong SLP 

             MAO, Muling Umasiste para sa Crop Insurance

             "Tapat Ko, Linis Ko," Isinulong sa Pamilihang Bayan

             BNHS Student, Nagsauli ng Napulot na Wallet

             BNHS Students, 80% Passer sa National IT Challenge

             RHU III, Level I Adolescent-Friendly Health Facility

             BPC TESDA, 100% Compliant!


SUMMARY OF LGU ACCOMPLISHMENTS IN S.O.M.A. FORMAT

GOOD GOVERNANCE

KSB Year 6, Walang Patid sa Pagtulong

Sa pagbabalik ng KSB Team sa Barangay Tanolong Covered Court noong June 9, kanilang ibinuhos ang mga serbisyong de-kalidad ng Munisipyo para sa mga residente ng Brgy. Tanolong, Maigpa, at Batangcaoa.

Isang mainit na pagtanggap naman ang natamo ng grupo mula sa mga opisyales ng mga nabanggit na barangay. Sa maikling programa ay kinumusta ng mga opisyales ng Munisipyo ang lahat ng mga pamilya roon. Sa ulat ni KSB Year 6 organizer Dr. Roland Agbuya, may higit 1,000 na katao ang nakinabang sa isa na namang outreach activity na ito.

Accountant for Barangay Financial Affairs, Umasiste para sa Barangay SGLG

Noong June 7 at 8, ang Office of the Accountant for Barangay Financial Affairs sa ilalim ng OIC nito na si Elsie Dulay ay nag-asiste sa mga Barangay Treasurers sa pagprepara ng kani-kanilang financial reports para sa Seal of Good Local Governance for Barangays. Ang aktibidad ay ginawa sa Municipal Annex Conference Room, bilang parte ng pagpapaigting ng lokal na pamahalaan sa mabuting pamamahala maging sa lebel ng mga barangay.

Bayambang, Muling Sumailalim sa SGLG Assessment        

Ang bayan ng Bayambang ay muling sumailalim sa Regional Assessment ng DILG para sa 2023 Seal of Good Local Governance o SGLG. Dumating si Provincial DILG Director Virgilio P. Sison at nagpahayaag ng suporta. Kabilang sa mga naging validators sina Bishop Reynaldo Lazo, LGOO III Ma. Beverly Ines-Baquiran, at CLGOO VIII Roger P. Daquiaog bilang Provincial Cluster Team Leader. Kanilang inispeksyon kung maayos ang mga papeles ng bawat departamento at kung mahusay ang lagay ng mga major facilities ng Munisipyo gaya ng Events Center, MRF, Wawa Evacuation Center, PWD access ramps, public market, at public restrooms.

KSB Year 6, Lumakbay sa Caturay

Sumunod na dinala ng Munisipyo ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 6 sa Brgy. Caturay noong June 16 kung saan ang mga residente ng Brgy. Caturay, Hermoza, at Malioer ay nakatanggap ng iba't-ibang uri ng libreng serbisyo. Ayon sa ulat ni overall organizer, Dr. Roland Agbuya, mayroong 840 na benepisyaryo ang aktibidad.

ISO Mock Audit, Isinagawa ng LGU

A. Noong June 20, nagsagawa ng ISO 9001:2015 Mock Audit sa buong LGU ang mga auditor mula sa Alaminos City Government upang masuri ang antas ng pagsunod ng LGU Bayambang sa ISO standards at matukoy kung saan-saang aspeto pa ang kinakailangang pagbutihin. Nagsimula ang mock audit sa isang orientation na dinaluhan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, at pagkatapos ay ang deployment naman ng mga auditor sa lahat ng tanggapan.

B. Kinabukasan ay nagkaroon naman ng isang post-activity report at analysis sa Events Center sa tulong pa rin ng Neo-Amca. Dito ay pinag-aralan ang mga dapat gawin upang pag-ibayuhin pa ang implementasyon ng Quality Management System ng LGU, base sa findings ng Internal Audit at sa mga ginanap na pre-mock at mock audits.

Mga Serbisyo ng Munisipyo, Ipinarating sa Amancosiling

Noong June 23, ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 6 ay dumayo sa Amancosiling Sur Covered Court upang direktang maiparating ang mga serbisyo mula sa Munisipyo para sa tatlong barangay ng Amancosiling Sur, Amancosiling Norte, at San Gabriel 1st. Ayon sa report ng overall organizer na si Dr. Roland Agbuya, may 744 na benepisyaryo sa nasabing aktibidad.

Vice-Mayor IC, Pinamunuan ang SGLGB Assessment Team 

Si Vice-Mayor Ian Camille 'IC' Sabangan ay inappoint ni Mayor Niña upang mamuno sa Municipal Performance Assessment Team (MPAT) para sa DILG Seal of Good Local Governance for Barangays - Year 2. Noong June 26, nagpulong ang Team upang aralin kung paano maging compliant ang lahat ng barangay sa SGLG for Barangays, at paano paghitian ang mga mga evaluation tasks na kinakailangang gawin.


FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION

LGU-Bayambang, Nakakuha ng "Unmodified Opinion" sa COA sa Unang Pagkakataon!

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Bayambang, nakakuha ang LGU ng "unmodified opinion" mula sa Annual Audit Report ng Commission on Audit. Ito ay inanunsyo ni OIC Municipal Accountant Flexner de Vera noong June 30. Ito aniya ang pinakamataas na rating na maaaring ibigay ng COA sa isang LGU, nangangahulugang maayos ang financial transactions ng Munisipyo at walang discrepancy sa pangangasiwa ng pondo at ari-arian ng bayan.


ECONOMIC DEVELOPMENT

Mayor Niña, Namigay ng Portable Ceiling Fan sa Meat Vendors

Noong June 8, ipinamahagi ng Office of the Special Economic Enterprise ang 35 na portable energy ceiling fan sa mga meat vendors sa Public Market. Ang naturang mga portable ceiling fan ay idinonate ni Mayor Niña dose-Quiambao noong June 5.


SPORTS & PHYSICAL FITNESS

District 9, Nasungkit ang Kampeonato sa 2023 Inter-District Basketball Tournament

Nasungkit ng District 9 ang kampeonato kontra District 3 sa Best of 3 championship series ng 2023 Inter-District Basketball Tournament na ginanap sa Barangay Tamaro Covered Court noong June 1. Nanaig ang koponan ng nasabing distrito sa final score na 97-91, at sila ay nag-uwi ng P30,000 cash prize, at itinanghal namang MVP si Onofre Basan. Sila ay sinundan ng District  3 as 1st runner-up, District 5 as 2nd runner-up, at District 4 as 3rd runner-up. Ang sportsfest ay inorganisa ng Municipal Physical Fitness and Sports Development Council.


EDUCATION

DepEd Usec Densing, Nakipagpulong sa Bayambang

Kasama si Mayor Niña Quiambao, Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar Quiambao, at ang mga Schools Division Officer mula sa iba’t ibang parte ng Pangasinan, nakipagpulong si Department of Education Undersecretary, USec. Epimaco Densing III noong June 1 ukol sa kasalukuyang estado ng mga paaralan at mga paraan upang magkaroon ng mas komportableng pag-aaral ang mga estudyante sa probinsya ng Pangasinan. Nangako naman si Usec. Densing na tututukan ang mga programang pang-imprastraktura sa mga paaralan at ang pagbawi ng bayan sa Bayambang Central School.

National Library of the Philippines, Nagvalidation Activity

Noong June 7, dumating ang dalawang staff ng National Library of the Philippines upang magsagawa ng validation activity. Sila ay winelcome ni Municipal Librarian Leonarda Allado. Tuwang-tuwa ang mga NLP staff sa Bayambang Municipal Library, dahil sa magandang itsura ng istruktura, sa napaka-organisadong koleksyon, sa dami ng libro nito na may rare books collection pa, at sa sampung gumaganang computer na konektado sa Internet (lima para sa library users at lima para sa staff).

SK Federation Updates

A. Patuloy ang SK Federation of Bayambang ng pagbibigay ng suporta sa Project Aral Foundation volunteers sa kanilang supplemental learning activities. Ang SK ay patuloy na namamahagi ng 50 packs ng educational materials/school supplies kada session, at ito ay para naman sa mga young learners ng Brgy. Carungay.

B. Ang SK Federation of Bayambang at Kasama Kita sa Barangay Foundation ay nagbigay din ng suporta sa Moises Rebamontan National High School volunteers sa kanilang implementasyon ng Project READ sa Tatarac-Apalen Elementary School sa pamamagitan din ng pagbibigay ng school materials.

ONGOING: Exhibit ng Rare Book Collection ng Municipal Library

Inanunsyo ng Bayambang Municipal Library ang ongoing exhibit nito ng koleksyon ng rare books o mga aklat na bihira nang makita. Kabilang sa koleksyon -- na maaaring mabasa lamang sa loob ng naturang pasilidad -- ay ang mga lumang Pangasinan translation ng mga nobela ni Dr. Jose Rizal, ang "Agmo ak Didiwiten" o "Noli Me Tangere" at ang "Say Isusungpad Uley" o "El Filibusterismo," na pawang mga salin ni Lourdes Bengson Ungson noong 1963 at 1964.

BNHS Students, Wagi sa Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities

 Itinanghal na 1st Placer at 3rd Placer ang dalawang estudyante ng Bayambang National High School, sa ginanap na Provincial IT Challenge for Youth with Disabilities noong June 21 sa capitol grounds. Si Renz Baring ay nagchampion sa E-tool Microsoft Powerpoint category, kaya’t siya ng representative ng Pangasinan sa national I.T. Challenge. Si Mark John Reynosa naman ay 2nd runner up sa E- Life Google Search category. Kasama nila ang mga coaches na sina Mr. Raffy Carungay at Ms. Angelus Ferrer, Local Youth Development Officer Johnson Abalos, at MSWDO Focal Person on PWDs Alta Grace Evangelista.

SK Federation, Nakiisa sa BNHS Research Congress 2023

Nakiisa ang Sangguniang Kabataan Federation sa isinagawang 2023 Research Congress na inorganisa ng Bayambang National High School noong June 23. Itinampok sa Research Congress ang discoveries, innovations, at creative solutions ng mga estudyante para sa mga suliraning panlipunan na napili nilang hanapan ng solusyon.

BNHS Students, 80% Passer sa National IT Challenge

Naging passer sa robotics contest ang dalawang estudyante mula sa Bayambang National High School na pambato ng Pangasinan sa ginanap na 2023 National IT Challenge for Youth with Disabilities sa Maynila noong June 26-27. Sina Renz Baring at Mark John Reynosa ay naging national qualifiers sa naturang I.T. Challenge na may 80% passing. Dahil dito, inisponsoran ng lokal na pamahalaan ang kanilang pamasahe at accommodation expenses kasama ng kanilang coaches at ang Local Youth Development Officer.

BPC TESDA, 100% Compliant!

We are very proud to announce that BPC TESDA has successfully passed the Compliance Audit for CSS NC II and EIM NC II last June 22. The inspection was conducted by the TESDA Provincial Office led by TESDA Regional Auditor and Expert, Ms. Leona Cayapan, to ensure that the school meets all the necessary regulations and standards.

Congratulations to the TESDA Compliance Audit Team led by BPC College President, Dr. Rafael Saygo!

PWD Student Winners sa Robotics, Pinarangalan ng Probinsya

Ang provincial government ay nag-award ng Plaque of Recognition sa mga Global I.T. Challenge qualifiers na may 80% and above score sa robotics na mula sa Pangasinan team, na kinabibilangan nina Renz Baring at Mark John Reynosa ng Bayambang National High School. Ayon kay LYD Officer Johnson Abalos, ito ay ginanap noong June 29, sa Capitol grounds, sa presensiya ng PSDWO, provincial DICT, at provincial DILG officials.


LEGISLATIVE

Public Hearing para sa Tatlong Proposed Ordinance, Isinagawa    

Nagsagawa ng isang public hearing ang Sangguniang Bayan ukol sa tatlong panibagong proposed ordinances, at ito ay ginanap noong June 8 sa SB Session Hall, pangunguna ni Sangguniang Bayan Committee Chairman on Laws, Rules, Ethics and Privileges, Konsehal Amory Junio, at sa pag-oorganisa ni SB Secretary Joel Camacho.  Ang mga proposed ordinances na isa-isang tinalakay ay ang mga sumusunod: 

- An Ordinance Institutionalizing the Seal of Good Local Governance for Barangay Local Government Units and Allocating Funds and for Other Purposes

-An Ordinance Institutionalizing the Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project in the Municipality of Bayambang

-An Ordinance Institutionalizing the Citizen’s Charter of the Municipality of Bayambang, and for other Purposes

Ang pagdinig ay dinaluhan ng 77 na Punong Barangay at mga LGU department head.

Public Hearing on Ordinance Establishing the VAWC Desk in Every Barangay

 Noong June 13, isang public hearing ang isinagawa ng Sangguniang Bayan ukol sa panukalang "An Ordinance Establishing the VAWC Desk in Every Barangay of the Municipality of Bayambang Prescribing the Protocol in the Handling of All VAWC Cases Filed Thereof." Layon ng ordinansa na paigtingin ang pagbibigay ng proteksyon sa barangay level para sa mga kababaihan at kabataan na nagiging biktima ng karahasan sa loob ng kanilang tahanan. Naging resource persons ang MSWDO at PNP.

 

LIVELIHOOD& EMPLOYMENT

Isa na Namang Job Fair, Isinagawa

Noong June 1, isang panibagong job fair ang isinagawa ng MESO sa Balon Bayambang Events Center. Mayroong 21 lokal na kumpanya at 1 overseas na kumpanya ang sumali sa recruitment activity. Ayon sa ulat ng MESO, mahigit dalawang daang aplikante ang nagparehistro, at marami sa mga ito ang qualified, near hires, at hired on the spot.

40 Skills Training Graduates, Tumanggap ng PESO Financial Assistance

Kasabay ng naturang job fair ang pamamahagi ng financial assistance mula sa provincial government sa pamamagitan ng PESO Provincial Office at MESO. May 40 beneficiaries ang tumanggap ng tig-P2,000, at sila ay pawang nagsipagtapos kamakailan sa Basic Sewing Skills Training.

Orientation ukol sa Student Employment Program ng DOLE, Isinagawa

Noong June 13, nagsagawa ng isang orientation activity ang DOLE at MESO sa Balon Bayambang Events Center ukol sa programang SPES o Special Program for the Employment of Students ng DOLE. Sa batch na ito, mayroong 35 na estudyante ang nagqualify sa limitadong slots ng DOLE. Sa ilalim ng programa, makakatanggap ang mga student interns ng P512.05 kada araw para sa dalawampung (20) araw ng pagseserbisyo sa iba't-ibang departamento ng Munisipyo at sa Niñas Cafe.

Cooperative Development Updates

A. Ang Municipal Cooperative Development Office ay nagsagawa ng 2nd quarterly meeting ng Municipal Cooperative Development Council noong June 14 sa Mayor's Conference Room. Dumalo doon ang iba’t-ibang cooperative officers at stakeholders, kasama si Councilor Martin Terrado II.

B. Nagsagawa rin ang MCDO ng isang orientation activity para sa proposed Managos Farmers Agriculture Cooperative noong June 9 sa Brgy. Managos.

3 Bayambangueño, Nakatanggap ng Livelihood Package mula DOLE

Tatlong Bayambangueño ang nakatanggap ng livelihood package mula DOLE noong June 22, sa DOLE Central Pangasinan Field Office, Dagupan City sa pakikipagtulungan ng MESO-Bayambang. Ayon sa MESO, ang tatlo ay nakatanggap ng rice store, street food vending, at frozen food vending livelihood package.

MOA Signing, Ginanap para sa BPC Beneficiaries

Lumagda sa isang Memorandum of Agreement ang sampung Bayambang Polytechnic College graduates, DOLE at Municipal Employment Services Office ng LGU-Bayambang noong June 23 para sa isa na namang livelihood grant. Ang sampung graduates ng kursong Electrical Installation and Maintenance NC II ay nakatakdang makatanggap mula sa DOLE ng electrical tool kit na nagkakahalagang P30,000 bawat isa.

OTHER SOCIAL SERVICES

Bayambang, Pinaka-unang Data User ng DSWD Listahanan 3 sa Region 1

Tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang listahan ng mga mahihirap na sambahayan mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan noong May 31. Mahalaga ang datos na ito sa ating pagkamit ng “zero poverty” sa bayan at sa pagkapanalo sa ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

CDWs, Dumalo sa CDW Regional Convention

Ang mga Child Development Worker (CDW) ng Bayambang ay dumalo sa Child Development Worker Regional Convention sa Crown Legacy Hotel, Baguio City, mula June 5 hanggang June 7 bilang parte ng 2023 National Child Development Workers Week celebration. Ayon kay Focal Person on Child Development Marvin Bautista, kabilang sa aktibidad ang tatlong araw na seminar-training ukol sa pinakabagong kaalaman sa child development service. Nagkaroon din ng awarding ceremony para sa mga may matagal nang length of service bilang CDW.

Outreach Program para sa PWD Kids

Noong June 3 at 4, nagkaroon ng isang Outreach Program sa Balon Bayambang Events Center sa inisyatibo ng Victory Bayambang at iba pang sponsor, sa pakikipagtulungan ng Municipal Nutrition Action Office at Municipal Social Welfare and Development Office. Naging benepisyaryo ang 51 special children at isang severely underweight na bata. Ang aktibidad ay parte ng selebrasyon ng kaarawan ni RHU Nurse Lady Philina Duque, na siyang nangalap ng pondo para mabigyan ng food packs ang mga naturang benepisyaryo.

Espejo, Inihalal na VP ng KALIPI Region I

Inihalal si Mayor's Action Center head, Jocelyn Santos Espejo, sa ginanap na eleksyon para sa bagong set of officers ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) Region I noong June 1, sa DSWD Region 1, San Fernando, La Union. Si Gng. Espejo ay siya ring tumatayong KALIPI-Bayambang Chapter President at KALIPI-Pangasinan Chapter President sa taong ito.

PWD Association of Bayambang, Naghalal ng mga Panibagong Opisyal

Noong June 13, ang Municipal Social Welfare and Development Office ay nagsagawa na naman ng isang eleksyon para sa mga miyembro ng PWD Association of Bayambang para sa taong 2023. Nanalo sa naturang eleksyon si Carlito Suyat bilang President. Ang eleksyon ay ginanap sa Events Center sa presensya nina MSWD Officer Kimberly Basco, PWD Affairs Officer Johnson Abalos, at MSWDO PWD Focal Person Alta Grace Evangelista.

Mayor Niña, May Father's Day Treat sa LGU

Noong June 19, may surprise treat si Mayor Niña Quiambao sa lahat ng tatay at kalalakihang lider ng iba't-ibang departmento ng LGU bilang paggunita ng Father's Day. Siya ay namigay ng fruit basket sa mga department at unit head matapos ang flag-raising ceremony sa Events Center. May libreng pa-ice cream din ang alcalde mula sa Bani Delicious Ice Cream para sa lahat ng mga tatay na empleyado ng Munisipyo.

Tatay Roger, Pinahanap at Pinasundo ni Mayor Niña

Noong June 19, agad na ipinahanap ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang nagviral sa Facebook na si Tatay Roger na napabalitang nangangailangan ng agarang tulong ayon sa isang concerned citizen sa Quezon City. Agad na hinanap si Tatay Roger at sinundo pauwi ng Barangay Buayaen sa pamamagitan ng MSWDO, BPSO, at BPRAT. Sa ngayon ay nasa piling na ng kanyang mga kamag-anak ang pasyente, at patuloy din ang pagbibigay ng iba pang tulong sa kanya.

Mga Bagong Proposed DSWD Livelihood Projects, Nirepaso

Noong June 22, nirepaso ng isang Technical Working Group ang mga bagong panukalang Sustainable Livelihood Projects (SLP) ng DSWD para sa mga 4Ps members sa Bayambang. Ayon kay DSWD-RO I Implementing Project Development Officer Gemalyn Labajeros, may 12 SLP Associations ang maghahati-hati sa total budget na P3.75M para sa rice retailing, agricultural supply, at grocery store livelihood projects na nakatakdang iimplementa ng DSWD at MSWDO, katulong ang BPRAT at SLP Technical Working Group sa siyam na piling barangay.

Lions at Eagles, Sanib-Puwersa sa Feeding Program           

Noong June 25, nagsanib-puwersa ang dalawang CSOs para sa isang supplemental feeding activity sa Brgy. Del Pilar. Ang Bayambang Bayanihan Lions Club International, kasama ang Bayambang Maaro Leo Club, Bayambang Royalty Matikas Eagles Club, Bayambang Matikas Eagles Club, Team Gabriel, Barangay M.H. Del Pilar officials at LGU-Bayambang-Nutrition Section ay namigay ng vitamins at pagkain sa may tatlumpu’t limang (35) undernourished na kabataan sa lugar.

CDWs, Nag-Skills Training

Noong June 26 to 29, isang skills training ang isingawa para sa mga Child Development Workers ng Bayambang bilang parte ng pagdiriwang ng 2023 National Child Development Workers' Week. Ang training na ito ay isang requirement sa accreditation process, at kabilang sa mga tinalakay doon ang guidelines ukol sa bagong tools para sa accreditation.

DSWD, Nagsagawa ng Provincial-Level Review Session para sa mga Bagong SLP 

Nagsagawa ng orientation ang Department of Social Welfare and Development para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program nito noong June 27 sa Bayambang Polytechnic College. Layunin ng oryentasyon na matukoy ang skill set ng 12 qualified SLP Associations mula sa iba't-ibang barangay upang mabigyan sila ng tamang pagsasanay para sa kanilang kabuhayan at upang matiyak na ang tulong na ibibigay sa kanila ay bubuo ng kita.

 

TOURISM

 Ika-125 na Araw ng Kalayaan, Ginunita

Isang maikli ngunit makabuluhang programa ang idinaos sa Balon Bayambang Events Center noong June 12 upang gunitain ang ika-125 na Araw ng Kalayaan sa pag-oorganisa ni Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office head Dr. Rafael Saygo. Naging tampok ang isang makabagbag-damdaming tableau presentation na binuo ng mga guro at estudyante ng Bayambang Polytechnic College, at mga mensahe ukol sa halaga ng paggunita ng araw na ito at ang pagpapahalaga sa natamong kasarinlan, salamat sa sakripisyo ng ating mga pambansang bayani.

Bayambangueña, Nagdonate ng Painting sa Museum

Isang mural painting na ginamitan ng mga butil ng bigas ang idinonate sa Bayambang Museum noong June 26 ni Ms. Chona Terrado Cabel na isang Bayambangueña. Ang naturang obra na likha ng isang pintor na taga-Pangasinan na si Bernard Paragas, ay sumasalamin sa tradisyunal na kultura ng sayawan at kasiyahan sa bayan ng Bayambang tuwing kapistahan.

              

HEALTH

Sanlibo Blood Drive, Nakaipon ng 30 Blood Bags

Isang mobile blood donation ang ginanap noong June 7 sa Brgy. Sanlibo, kung saan nagkaroon ng 60 registered potential donors, at 30 rito ang successful blood donors. Kasama ng Rural Health Unit III sa aktibidad na ito ang Region 1 Medical Center. Sa susunod na linggo, sa June 15, ay sa Brgy. Inirangan Covered Court naman magsasagawa ng mobile drive ang grupo. Pagkatapos ay lilipat naman ang team sa Brgy. Pangdel. 

Mobile Blood Drive sa mga Barangay, Nagtungo sa Inirangan

 Ang RHU III at Region 1 Medical Center ay muling nagsanib-pwersa upang magsagawa ang isa na namang Mobile Blood Donation drive sa mga malalayong barangay. Ginanap sa Barangay Inirangan noong June 15 ang latest blood drive, kung saan umabot ang nagregister sa 42 katao, at 26 dito ang naging matagumpay na blood donor. Nagbigay ng suporta si Inirangan Punong Barangay Jonathan Espejo sa pamamagitan ng kaniyang donasyong pagkain at assistance para sa mga staff at donor.

"Idol ko si Nanay" Refresher Training, Isinagawa

Isa na namang Refresher Training ang inorganisa ng Municipal Nutrition Action Office para sa mga Rural Health Midwife, Barangay Nutrition Scholar, at Barangay Health Worker.  Kasama sa mga naging resource speaker si Nutritionist-Dietitians' Association of the Philippines-Pangasinan Chapter President Melita Castillo. Nagbigay naman ng cooking demo si Ligene Neri ng Provincial Nutrition Office.

Mobile Blood Drive ng RHU III, Lumipat sa Pangdel

Dinala sa Brgy. Pangdel Covered Court ang Mobile Blood Donation Drive ng RHU III at Region 1 Medical Center noong June 21. Sa ulat ni Dr. Agbuya, may 57 katao ang nagregister, at 43 sa mga ito ang naging successful donors. Nag-donate ng dugo ang mga Barangay Kagawad at Barangay Health Workers ng Pangdel. Umasiste rin ang buong Pangdel Barangay Council at nagbigay pa ng pagkain para sa mga staff at donors doon.

Mayor Niña, Nagpadala ng mga Dentista sa Palawan

Personal na sinagot ni Mayor Niña Quiambao ang gastos nina Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio, kasama ang iba pang mga dentista mula sa Pangasinan noong June 22-26 upang sila ay maging parte ng isang medical mission sa Punta Baja, Rizal, Palawan kung saan walang access sa dentista ang mga residente. Sa tulong ng mga dentista, iba't-ibang libreng dental services ang naihatid sa halos limang daang (500) pasyente.


PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY

Wire-Clearing Group, Tuluy-Tuloy ang Operasyon

Tuluy-tuloy ang Bayambang Wire Clearing Group sa pagbabaklas ng mga nakalaylay at mga unserviceable wires at cables ng iba-ibang telecommunication firms. Tulung-tulong dito ang MDRRMO, Engineering, BFP, CENPELCO, Globe, Smart, DITO, USATV, at Converge. Ang BPSO ay nagbibigay ng traffic assistance, at ang ESWMO naman ang kumukulekta at nagdidispose ng mga inalis na wire at tinigpas na halaman. Ang aksyon na ito ay bunsod ng Public Hearing na isinagawa ng SB tungkol sa proposed Anti-Dangling Wire Act ng Bayambang.

Mga Natulungan ng Emergency Rescuers, Nagpapasalamat

Isa na namang pasyente ang agad-agad na natulungan ng LGU-Bayambang ambulance sa tulong ni BPSO Chief, Ret. Col. Leonardo Solomon. Ayon sa nagrequest ng emergency rescue na si Sammy Lomboy, mabilis na nabigyan ng tulong si Gng. Lea Joson ukol sa mabilisang paglipat ng kanyang naaksidenteng anak mula sa Bayambang District Hospital patungong Region I Medical Center. Sila ay nagpapasalamat din sa Mayor’s Action Center at BPRAT na hindi nagdalawang-isip na umasiste sa emergency situation.

BNHS Student, Nagsauli ng Napulot na Wallet

Agad na idinulog ng Grade 11 student na si Rolin Cardinoza sa Bayambang Public Safety Office ang isang pitaka na kanyang napulot sa kahabaan ng Bical Norte road noong June 27. Dahil dito, agad na naisauli sa may-ari ang pitaka, pati na ang laman nitong mga mahahalagang dokumento at pera. Nagpasalamat naman ang may-ari nang mabawi ito, at sa tuwa ay nagbigay ng pabuya sa nakapulot na estudyante.

AGRICULTURAL MODERNIZATION

Bagong Batch ng Rice Inbred Seeds, Ipinamahagi

A. Nakumpleto noong June 2 ang delivery ng 5,895 bags ng tig-20 kilo ng rice inbred seeds galing sa PhilRice-Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Kaya nitong taniman ang 2,947.5 ektarya ng sakahan, ayon ulat ng Municipal Agriculture Office. Matapos ang hakutan, ipinamahagi ang bagong seed allocation sa mga rice farmers sa Brgy. Amanperez Covered Court mula May 29 hanggang June 7.

B. Pinangunahan ang unang bugso ng pamamahagi nito ni Vice-Mayor IC Sabangan sa nasabing venue.

Pagtuklas ng mga Makabagong Kaalaman sa Pagsasaka, Tuluy-Tuloy

Ginanap noong June 9 ang 2nd Farmers' Farm School meeting para sa eksperimentong 'Hybrid Seed Varietal Derby' ng Department of Agriculture sa Brgy. Dusoc. Binisita ng mga kalahok ang mga itinanim na trial seedlings at nakinig sa pagtalakay sa iba't-ibang makabagong pamamaraan sa pagsasaka. Ipinaliwanag naman ng Pangasinan Agriculture Office ang konsepto ng 'corporate farming' gamit ang E-Agro farm business app.

Pagsaliksik ng Pinakamainam na Rice Seed Variety, Patuloy

Ginanap noong June 16 ang pangatlong Farmers’ Field School meeting para sa pag-aaral ng mga seed company at MAO na “Rice Varietal Derby.” Nagtanim ang mga kalahok sa kanilang kinabibilangang grupo ng hybrid palay variety at tinalakay naman ang ukol sa mga tamang elemento na kailangan ng bawat sakahang lupa upang maging malusog ang mga naturang variety ng palay.

MAO, Muling Umasiste para sa Crop Insurance

Ang Municipal Agriculture Office ay kasalukuyang umiikot sa mga barangay para i-assist ang mga magsasaka para sa kanilang crop insurance application. Sa ganitong aktibidad, matutulungan ang mga magsasaka na mapasiguro ang kanilang mga pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation mula sa posibleng pagkasira dulot ng natural na kalamidad.

 

INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT

Dismantling of street posts obstructing the national road (Rizal Ave).

Declogging operations at Brgy. Zone III, Poblacion Sur, and Zone II.

Congresswoman Arenas, Naka-secure ng Pondo para sa Wawa Bridge

Sigurado na ang pondo para sa reconstruction ng Carlos P. Romulo Bridge sa Brgy. Wawa, salamat sa pagdulog ni Congresswoman Rachel Arenas sa Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan. Ang makabago, mas matibay at mas ligtas na tulay ay nakatakda nang maitayo sa susunod na taon upang magsilbing daanan ng mga sasakyan mula sa iba’t ibang parte ng bayan.

Mula sa buong Bayambang, maraming salamat, Congresswoman Arenas!

Anti-Dangling Wire TWG Update

Ongoing Project: Declogging Activities, Puspusang Muli

ENVIRONMENTAL PROTECTION

Isa na namang Kuwago, Nirescue

Isa na namang kuwago ang nirescue at isinurrender ng mga concerned na kabataan kay MENRO Joseph Anthony Quinto. Ang naturang kuwago ay natagpuan sa Public Cemetery ng mga kabataan ng Zone 6. Ang kuwago ay kaagad na itinurn-over ng opisina sa CENRO-Dagupan.

"Tapat Ko, Linis Ko," Isinulong sa Pamilihang Bayan

Noong June 27, nagpaskil ang Office of the Special Economic Enterprise sa iba’t-ibang lugar sa loob ng pampublikong pamilihan ng mga tarpaulin signage kung saan nakasulat ang “Tapat Ko, Linis Ko” ayon sa P.D. No. 856 o Code on Sanitation in the Philippines. Hinihikayat ng SEE na magkaroon ng sense of responsibility ang lahat ng stall owners sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa Public Market.

LGU, Nakiisa sa Pangasinan Green Canopy Program 

Nakiisa ang LGU at PNP-Bayambang sa isang tree-planting activity na inisyatibo ng Provincial Population, Cooperative and Livelihood Development Office noong June 30 sa San Gabriel 2nd Evacuation Center at dike area. Kasama sa mga lumahok ang MAO, MENRO, MCDO, MSWDO, iba pang opisina, at local farmers at cooperative associations. Ang aktibidad ay parte ng Pangasinan Green Canopy Program ng probinsya, isang climate change mitigation program. May 500 tree seedlings ang ibinahagi ng probinsya sa aktibidad na ito.


DISASTER RESILIENCY

Kahandaan sa Sakuna, Muling Ipinamalas sa 2Q NSED 2023

Sa pangunguna ng MDRRMO, kasama ang PNP, BFP, BPSO, at Engineering, nakilahok ang lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan ng Bayambang sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2023 noong June 9. Aktibo ring nakiisa ang lahat ng mga kliyenteng may transaksiyon sa loob ng munisipyo sa oras ding iyon. Ayon sa tala ng MDRRMO, may 22,300 participants sa nasabing aktibidad.

Kauna-unahang ICTO Disaster Recovery Drill, Isinagawa

Kasabay rin ng naturang earthquake drill ay ang ICT Office Disaster Recovery Drill na isinagawa upang masubok ng mga ICTO staff ang kanilang kakayahan na agarang maibalik ang internet connection at mapagana ang mga importanteng application kung sakaling magkaroon ng malaking pinsala sa main internet ng Munisipyo. Umabot sa 1 minuto at 35 na segundo bago matagumpay na ilipat ang internet connection ng mga departamento ng Munisipyo sa back-up Internet Service Provider (ISP) ng LGU mula sa main o primary ISP nito.

[Ang aktibidad na ito ay parte ng adhikain ng bayan ng Bayambang na maging isang smart town.]

BPC, Sumali sa NSED sa Unang Pagkakataon

Sa unang pagkakataon ay lumahok ang Bayambang Polytechnic College sa ginanap na 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2023. Ayon sa report ng MDRRMO, mayroong 16 participants ang BPC sa aktibidad.

 

AWARDS & RECOGNITION

 RHU III, Level I Adolescent-Friendly Health Facility

Ang Bayambang Rural Health Unit III ay accredited na ng Department of Health bilang “Level 1 Adolescent Friendly Health Facility." Ang Certificate of Compliance ay iginawad ng Provincial Health Office noong June 5, 2023.

No comments:

Post a Comment