Tuesday, June 6, 2023

Editorial for May 2023: Pabahay na Abot-Kamay

 Pabahay na Abot-Kamay


Ang pag-unlad ng lipunan ay hindi lamang nasasalamin sa matatayog na imprastraktura sa bayan o magagarbong selebrasyon ng iba’t ibang okasyon, kundi mas higit itong nasasalamin sa uri ng pamumuhay na mayroon ang mga mamamayan nito. ...Kung sila ba ay may maayos at komportableng buhay sa araw-araw kung saan mayroong malinis at masustansyang pagkain, maisusuot na disenteng damit, ligtas at payapang pamumuhay, at higit sa lahat, maayos na tahanan.


Ngunit paano na lamang kung sila’y walang seguridad para sa kanilang kaligtasan at komportableng masisilungan sa kadahilanang sila’y palaboy-laboy lamang sa kalsada o naghihintay ng araw kung kailan mapapalayas sa tinitirhang bahay na nakatirik sa lupang hindi naman sa kanila? Paano na lamang ang mga bata, matatanda, may kapansanan, at mga hikahos sa buhay na walang kakayanang magpatayo ng tahanan?


Mabuti na lamang at bukas ang mata ng liderato ng Bayambang sa kalalagayan ng ilan sa mga Bayambangueño na “informal settlers” kung tawagin. Dahil naniniwala si Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, na tahanan ang isa sa mga pinakaimportanteng bagay sa mundo para sa isang indibidwal, nakatatak na sa puso nito ang paghahanap ng mga paraan upang tulungang masolusyunan ang problema sa kakulangan sa pabahay, lalo na't mayroong nakatalang 2,764 informal settlers sa bayan ng Bayambang, ayon sa Local Housing Board. 


Noon pa man ay pinangunahan na ng pamilya Quiambao ang proyektong ANCOP Ville sa Brgy. Sancagulis, sa pakikipag-ugnayan sa Couples for Christ-Answering the Cry of the Poor, kung saan dito pinatitira ang mga kapus-palad na Bayambangueño upang magsimula ng maayos na pamumuhay at bumuo ng kanilang pangarap. Nasundan pa ito agad ng pagpapatayo ng LGU Ville, para naman mabigyan ng oportunidad ang mga manggagawa ng lokal na pamahalaan ng Bayambang na makapagpundar ng sariling kumportableng tahanan. Bukod pa rito ang mga naitulong nilang munting pabahay sa ilang mga kababayan na maituturing na "poorest of the poor."


Hindi pa natatapos dito ang kanilang pagsisikap at sakripisyo para sa proyektong pabahay dahil kamakailan lamang ay nagdonate silang mag-asawa ng limang ektaryang lupain sa Brgy. Cadre Site upang mapagpatayuan ng proyektong pabahay sa pakikipag-ugnayan kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang parte ng kanyang nationwide housing project.


Dahil dito, marami na namang Bayambangueño ang mapagkakalooban ng pag-asa para sa kinabukasan ng kanilang sarili at pamilya. Ang pabahay project na ito ang magsisilbing kanlungan at silungan para sa kanila sa mainit man na panahon o sa tag-ulan lalo na tuwing may bagyo. Magkakaroon na rin sila ng pribado at mas payapang pamumuhay nang hindi natatakot na mapalayas at walang banta ng panganib mula sa masungit na panahon o sa mga masasamang-loob na maaaring magdulot ng kanilang kapahamakan.


Ang pabahay ay hindi lamang nangangahulugan ng bubong na masisilungan o istrakturang may pader at haliging nakabaon sa lupa. Ito rin ay nangangahuugan ng pagkakaroon ng isang maayos na tahanan. At kung may maayos at kumportableng tahanan ang isang pamilya, mas mapagtuunan ng pansin ng mga magulang ang kahalagahan ng edukasyon ng kanilang mga anak. 


Sa pamamagitan ng tiyak na abot-kaya at matatag na pabahay, binibigyang kapangyarihan din natin ang mga susunod na henerasyon na umunlad at makapagbigay ng positibong ambag sa lipunan. Malaki rin ang impluwensya ng pabahay sa pisikal at mental na kalusugan ng isang tao. Ang ligtas, malinis, at maayos na pabahay ay nagbabawas ng pagkakalantad sa mga panganib sa kalusugan at pagkalat ng mga sakit. Ang kahit anong housing construction project ay nagbubukas din ng oportunidad na makapagtrabaho para sa maraming Bayambangueño.


Higit sa lahat, kung lubos na maisasakaturapran ang ganitong uri ng proyekto sa bayan ay tiyak na mapapabilis din na mawakasan ang kahirapan.


No comments:

Post a Comment