Monday, June 26, 2023

Editorial - January 2023 - Bunga ng Pagkakaisa

 

Bunga ng Pagkakaisa

 

“Para umunlad ang isang bayan, hindi lang disiplina ang kailangan. Ang taumbayan ay dapat ding magkaroon ng respeto sa otoridad, maging masunurin, at makiisa sa mga magagandang proyekto at programa.” Ito ang mga katagang sinambit ng dating hepe ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Mel Senen Sarmiento nang bumisita sa bayan ng Bayambang noong ika-10 ng Oktubre taong 2022.

Isang makabuluhang komento ang sinambit niyang ito dahil ito ay makatotohanan at, kung tutuusin, ay common sense. Halimbawa, kung hindi iisa ang isipan at damdamin ng Executive branch at Legislative branch (Sangguniang Bayan) ng Bayambang, walang maisasakatuparang development projects ang lokal na pamahalaan.

Kung ang pakay din lamang ng lahat ay kabutihan, lalo na ang agarang pag-unlad ng bayan sa lahat ng aspeto, ang kawalan ng pagkakaisa sa lahat ng lebel (national, regional, provincial, at municipal, at barangay) ay isang malaking sagabal. Kaya naman nakakalungkot na makita kung sakaling hindi lubusang makapasok ang isang proyekto ng gobyerno sa isang lugar nang dahil lamang sa pulitika, nang “dahil kalaban iyan (sa pulitika).’’ Ubod na nakakadismaya na masaksihan ang ganitong mga pangyayari.

Kaya’t nakagagalak dahil sa kauna-unahang pagkakataon mula July 30, 2016, nagkaroon ng pagkakaisa ang gobyernong lokal at probinsyal. At isa sa mga naging bunga nito ay ang pagsasaayos sa Bayambang District Hospital, na hawak ng provincial government, sa tulong ng First Couple, former Mayor Cezar T. Quiambao at Mayor Niña Jose-Quiambao. Dahil sa pagkakaisang iyan, nagkaroon ang BDH ng isang bagong Operating Room na siyang pinakamalaki at pinaka-equipped ngayon sa lahat ng district hospitals ng ating probinsiya.

Nakapapanabik na malaman kung ano pa ang posibleng mangyari dahil sa bagong ipinamamalas na pagkakaisang ito sa pagitan ng dalawang kampo.

Huwag nawa tayong maging balakid o hadlang sa mga ito, dahil ang tunay na makabayan ay may malasakit para sa ikabubuti ng nakararami anuman ang partido ng pamunuan. Tayong lahat ay magkakaisang susuporta rito, alang-alang sa mabuting pagbabago, ‘yung magbibigay ng matatamis na bunga ng pag-unlad, ’di lang para sa iilan kundi para sa lahat.

No comments:

Post a Comment