Tuesday, December 23, 2025

Monday Report - January 5, 2026

Monday Report - January 5, 2026


Intro 


[ENERGY, VOLUME, SMILE!]


Ako po si ____ mula sa _____ Office.


At ako naman po si _____ mula sa __________ Office.


Patuloy na naghahatid ng makabuluhan at napapanahong balita bilang opisyal na daluyan ng impormasyon ng bayan ng Bayambang. 


Tampok sa mga ulat na ito ang mga programang nagbibigay-serbisyo, malasakit, at kaunlaran para sa bawat Bayambangueño.


Ito ang...BayambangueNews!


***


1. LCR, Dinala ang Info Drive sa Buenlag 1st at Mangayao


Muling nagsagawa ang Local Civil Registry Office ng information and education campaign sa Brgy. Buenlag 1st at Brgy. Mangayao noong December 17 at 18, upang palawakin ang kaalaman sa tamang civil registration. Tinalakay sa aktibidad ang mga update sa PSA Memorandum Circulars at iba’t ibang serbisyong may kaugnayan sa birth, death, at marriage registration, upang maiwasan ang mga clerical error at aberya. 



2. Feeding Angels of Bayambang, May Pamaskong Handog Muli!


Muling naghatid ang grupong Feeding Angels of Bayambang ng pamaskong handog, katuwang ang MNAO at MSWDO. Nakinabang dito ang may 61 na mag-aaral mula sa Brgy. Tococ East at West noong December 8, at walong batang undernourished at 60 indigent families mula sa Brgy. M.H. del Pilar noong December 20. Taos-pusong nagpapasalamat ang LGU sa FAB sa patuloy na malasakit ng grupo at kanilang mga donors sa kalusugan, nutrisyon, at kapakanan ng mga pamilyang Bayambangueño, 'di lang sa Kapaskuhan kundi sa loob ng buong taon.



3. Medical Mission at Feeding Activity, Isinagawa sa Bical Sur


Isang medical mission at feeding activity ang isinagawa sa Brgy. Bical Sur noong December 21 na pinakinabangan ng 280 na benepisyaryo sa tulong ng Senior Citizens of Canada, Bayambang Matikas Eagles Club, Gabriel Medical Clinic, at Gabs Pharmacy. Kabilang sa mga serbisyong inihatid ang libreng konsultasyong medikal, gamot, at masustansyang pagkain para sa mga bata at nakatatanda. Ikinalulugod at pinupuri ng LGU-Bayambang ang pakikipagtutulungan ng pribadong sektor sa pagsusulong ng mas malusog na komunidad.



4. Pantol Pumping Station, Binuksan ng BayWaD! 


Ganap nang konektado sa serbisyo ng Bayambang Water District (BayWaD) ang lahat ng 77 na barangay ng Bayambang, kasunod ng pormal na pagbubukas ng Pantol Pumping Station noong December 19. Itinuturing ito ng ahensya na makasaysayang yugto sa kanilang paghatid ng ligtas at maaasahang suplay ng tubig sa bawat kabahayan at establisimyento sa Bayambang. 



5. Mga Residente Pantol, Nilibre ni Mayor Niña sa Blue Sky


Bilang pamasko, hinandugan ni Mayor Niña ang 229 na residente ng Brgy. Pantol ng libreng entrance ticket sa Blue Sky Theme Park noong December 23. Dahil ang mga ito ay manggagaling pa sa pinakamalayong barangay ng bayan, sinagot na rin ng alkalde ang kanilang transportasyon. Tumulong ang MSWDO sa pag-organisa sa naturang aktibidad, na labis na ikinatuwa at ipinagpasalamat ng mga residente.



6. Bagong LandBank ATM, Pinasinayaan!


A. Isang bagong automated teller machine o ATM ang binuksan ng LandBank of the Philippines sa harapan ng Municipal Annex Bldg. noong December 23, matapos humiling ang LGU ng adisyunal na ATM. Malaking tulong ito sa mga kliyenteng nagtitiis sa mahabang pila para lamang makapag-withdraw. 


(JAMES: Just flash a generic photo of LandBank here.)


B. Sa kaugnay na balita, nag-umpisa na ang pagproseso ng mga dokumento para sa konstruksyon ng isang branch ng LandBank sa Poblacion, kaya't di na kailangang bumiyahe pa ang mga kliyente ng bangko sa ibang lugar para sa iba't ibang transaksyon.



7. Street Sweeper ng ESWMO, Nagbalik ng Napulot na Wallet


Isang street sweeper ng ESWMO ang nagpakita ng huwarang katapatan matapos niyang isauli ang isang pitaka na may lamang pera at mahahalagang ID na kanyang napulot noong December 20. Matapos ang ilang araw na pagsisikap na makontak ang may-ari, personal na ibinalik ni Ms. Marites Fernandez ang pitaka kay G. Kenneth Ramirez ng Brgy. San Vicente sa Materials Recovery Facility. 



8. LSB, Muling Namahagi ng Kagamitang Pang-edukasyon 


Muling namahagi ang Local School Board ng iba’t ibang kagamitang pang-edukasyon sa mga pampublikong paaralan, sa direktiba ni Mayor Niña. Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga laptop, printer, coupon bond, at television set na may kabuuang halagang mahigit 1.2 milion pesos. Ang mga donasyong ito ay siguradong higit pang magpapahusay sa kalidad ng pagtuturo at pagkatuto, gayundin ang pagpapagaan ng gawain ng mga guro at kawani ng paaralan.



***


Bayambang, Dapat Alam Mo! - National Helmet Law at Anti-Drunk Driving


Alam mo ba na ang ating bansa ay may tinatawag na National Helmet Law? Ito ay ang Repubic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009. Meron din tayong Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013. 


Alinsunod sa mga batas na ito, pinaiigting ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, sa pamamagitan ng Task Force Disiplina, ang masusing kampanya para sa wastong pagsusuot ng helmet at ang pagmamaneho nang nakainom o driving under influence, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Bayambangueño sa lansangan. 


Ang pagsusuot ng standard at maayos na helmet ay hindi lamang pagsunod sa batas kundi isang mabisang paraan upang makaiwas sa malulubhang pinsala sa ulo sakaling magkaroon ng aksidente. Ipinapaalala na ang helmet ay dapat akma ang sukat, maayos ang pagkakakabit ng strap, at may ICC mark upang masiguro ang kalidad at proteksyon para sa rider at backrider.


Kasabay nito, mariing tinututulan ng Task Force Disiplina ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga, na isa sa pangunahing sanhi ng malulubhang aksidente sa kalsada. Ang drunk driving ay nagdudulot ng mabagal na reaksyon, maling paghusga sa distansya at bilis, at kawalan ng kontrol sa sasakyan — mga panganib na maaaring ikapahamak hindi lamang ng drayber kundi pati ng mga inosenteng pedestrian at kapwa motorista.


Bilang bahagi ng kampanya, patuloy ang information drive, checkpoint operations, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang palaganapin ang disiplina at responsableng pagmamaneho. 


Ang paghubog sa kultura ng pagsunod sa batas-trapiko ay nangangahulugan ng pangangalaga sa buhay ng lahat ng motorista at pedestrian.


Ang pagsuot mo ng helmet ay maliit na sakripisyo kumpara sa buhay na maaari mong mapinsala dulot ng kapabayaan. 


Huwag ring magmaneho nang lasing at huwag na huwag tumikim ng ipinagbabawal na gamot! 


Ang kaligtasan ay responsibilidad nating lahat. 


Sa sama-samang pagsunod at disiplina, makakamit natin ang mas ligtas at mas maayos na lansangan para sa buong Bayambang.


Bayambang, ang lahat ng ito ay... Dapat Alam Mo!



***


[ENERGY, VOLUME, SMILE!]


Outro


Manatiling nakatutok sa para sa mga pinakabagong kaganapan, programa, at inisyatiba ng Lokal na Pamahalaan at mga katuwang na organisasyon. 


Sama-sama nating isulong ang isang mas maunlad, malasakit, at nagkakaisang Bayambang.


Hanggang sa muli... Ito ang...


BayambangueNews!

No comments:

Post a Comment