Bayambang, Dapat Alam Mo! - National Helmet Law at Anti-Drunk Driving
Alam mo ba na ang ating bansa ay may tinatawag na National Helmet Law? Ito ay ang Repubic Act 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009. Meron din tayong Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Alinsunod sa mga batas na ito, pinaiigting ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, sa pamamagitan ng Task Force Disiplina, ang masusing kampanya para sa wastong pagsusuot ng helmet at ang pagmamaneho nang nakainom o driving under influence, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat BayambangueƱo sa lansangan.
Ang pagsusuot ng standard at maayos na helmet ay hindi lamang pagsunod sa batas kundi isang mabisang paraan upang makaiwas sa malulubhang pinsala sa ulo sakaling magkaroon ng aksidente. Ipinapaalala na ang helmet ay dapat akma ang sukat, maayos ang pagkakakabit ng strap, at may ICC mark upang masiguro ang kalidad at proteksyon para sa rider at backrider.
Kasabay nito, mariing tinututulan ng Task Force Disiplina ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga, na isa sa pangunahing sanhi ng malulubhang aksidente sa kalsada. Ang drunk driving ay nagdudulot ng mabagal na reaksyon, maling paghusga sa distansya at bilis, at kawalan ng kontrol sa sasakyan — mga panganib na maaaring ikapahamak hindi lamang ng drayber kundi pati ng mga inosenteng pedestrian at kapwa motorista.
Bilang bahagi ng kampanya, patuloy ang information drive, checkpoint operations, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang palaganapin ang disiplina at responsableng pagmamaneho.
Ang paghubog sa kultura ng pagsunod sa batas-trapiko ay nangangahulugan ng pangangalaga sa buhay ng lahat ng motorista at pedestrian.
Ang pagsuot mo ng helmet ay maliit na sakripisyo kumpara sa buhay na maaari mong mapinsala dulot ng kapabayaan.
Huwag ring magmaneho nang lasing at huwag na huwag tumikim ng ipinagbabawal na gamot!
Ang kaligtasan ay responsibilidad nating lahat.
Sa sama-samang pagsunod at disiplina, makakamit natin ang mas ligtas at mas maayos na lansangan para sa buong Bayambang.
Bayambang, ang lahat ng ito ay... Dapat Alam Mo!
No comments:
Post a Comment