Iba't Ibang Mukha ng Kahirapan
Bakit nagiging mahirap ang isang tao o pamilya?
Ang katanungang ito ay mahirap sagutin dahil, sa aming pagtanto, iba't iba ang maaaring maging dahilan ng naturang suliranin. Nariyang ipinanganak ang tao na mahirap. 'Ika nga ng isang lumang kanta, "Grade 1 lang ang inabot ko, no read no write pa 'ko." ...Kaya naman walang mapasukang maayos na trabaho o hanapbuhay. O kung may kabuhayan man ay maliit naman ang kita.
Base sa aming mga obserbasyon, maaari ring pagmulan ng kahirapan ang pagkakaroon ng sakit (kabilang ang sakit sa pag-iisip), kapansanan, kawalan ng oportunidad, korapsyon sa gobyerno, di pantay na access sa mga oportunidad, pagwaldas ng kabang-yaman ng bayan, kalamidad, nakagisnang kaugalian, mga maling personal na desisyon tulad ng maagang pagbubuntis, kawalan ng kaalaman sa pananalapi, adiksyon sa droga o sugal at iba pang bisyo, at marami pang iba.
Ang mga dahilang ito ay karaniwang sala-salabit at madalas ay nagiging dahilan din o 'di kaya'y epekto ng isa't isa. Mahirap maging mahirap, at mahirap ding puksain ang kahirapan.
Masasabi natin kung gayon na isang kumplikadong usapin ang kahirapan.
Paano ba matatakasan ang kahirapan? Sa aming palagay, makakawala lamang sa hawla ng kahirapan kapag malinaw nating matutukoy kung anu-ano ang mga naging sanhi nito. Kaya naman sa bayan ng Bayambang, nagkaroon tayo ng Bayambang Poverty Reduction Action Plan 2018-2028 at Bayambang Poverty Reduction Action Team.
Sa pamamagitan ng mga ito, hindi lamang natin malinaw na natutunton ang mga sanhi ng kahirapan matapos ang mahaba-habang pag-aaral at konsultasyon sa lahat ng sektor, kundi nagkaroon din tayo ng komprehensibong mga plano, proyekto, at aktibidad upang isa-isang malunasan ang mga nakitang dahilan.
Base sa aming personal karanasan, marami sa ating mga kababayan na mabilis na umangat ang kabuhayan ay dahil isa sa miyembro ng kanilang pamilya ay nakahanap ng magandang trabaho abroad. Kaya naman, hindi natin inaalis ang pagbubukas ng mga pagkakataon sa mga nais tahakin ang landas na ito.
Ngunit hangga't maaari sana ay dito tayo mismo sa ating bayan makakita at makagawa ng mga oportunidad upang 'di na mawalay pa ang mga magkakapamilya sa isa't isa, na siyang malimit -- at mapait -- na kapalit ng pag-angat sa buhay ng pamilya ng mga OFW.
Pitong taon na ang ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Tatlong taon na lang ang nalalabi rito, kaya't inaasahan natin na ang iba't ibang mukha ng kahirapan na ating natunghayan sa mga nakaraang taon at hanggang ngayon ay magiging ngiti naman ng tagumpay pagdating ng taong 2028.
Ating ipanalangin na maalpasan nawa ng lahat ng pamilya ang hirap ng buhay sa ating bayan sa pamamagitan ng marubdob na pagsusumikap sa araw-araw at walang tigil na paghahanap ng ating ikaaangat sa pamamagitan ng ating Rebolusyon. Ito ay sa pamamagitan ng edukasyon, maayos na hanapbuhay o trabaho, sapat na nutrisyon at wastong kalusugan, modernong agrikultura, mabuting pamamahala, serbisyong panglipunan at pinagyaman na kultura, modernong imprastraktura, mayabong na industriya, seguridad at kaayusan, at kahandaan sa kalamidad.
No comments:
Post a Comment