Editorial for July 2024
Dumiskarte at Magbayanihan
Gaya ng dati, sari-sari ang naging malalaking kaganapan nitong buwan ng Hulyo sa ating bayan. Nariyan ang pagdiriwang ng National Nutrition Month, National Disaster Resilience Month, National Disability Awareness and Prevention Week, at maging ang Police Community Relations Month.
Kasabay nito ang State of the Municipality Address ni Mayor NiƱa Jose-Quiambao na punung-puno ng ulat ukol sa lahat ng naisakatuparan ng kanyang administrasyon sa kanyang ikalawang taon ng panunungkulan.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang implementasyon ng road-clearing sa sentro ng bayan at sa lahat ng barangay. Ito ay isang hudyat ng pamahalaan na seryoso ito pagdating sa kaayusan sa ating pamayanan. Hindi-hindi tayo uunlad kung tayo ay pasaway, walang disiplina, at ipinipilit ang hindi ipinapahintulot ng batas para na rin sa kapakanan ng mas nakararami.
Ngunit ang bagong nakaagaw ng aming pansin sa buwan na ito ay ang panibagong pagsusulong sa backyard gardening. Ito ay dahil kailangang-kailangan nating maging madiskarte sa panahon ngayon ng krisis kung saan pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa mga puwersa na 'di kontrolado ng ating lokal na pamahalaan.
Napakagandang proyekto kung gayon ang HAPAG o 'Halina't Magtanim ng Prutas at Gulay' na isinusulong ng DILG. Lahat tayo ay may maiaambag sa proyektong ito kung tayo bilang isang komunidad ay makapagtatanim at makapag-aalaga ng mga bungangkahoy at gulay na maaaring pakinabangan ng buong sambahayan at maging ng kapitbahayan. Malaking katipiran ito siyempre sa ating mga gastusin sa araw-araw para sa hapag-kainan.
Mapalad tayo na nakatira tayo sa isang lugar kung saan ang halos lahat ng itanim ay nabubuhay at namumunga. Isama na sana natin kung gayon ang pagsubok sa hydroponics farming upang maging produktibo sa pang-araw-araw na pangangailangan sa hapag-kainan kahit pa walang malawak na lupain.
Isama na rin natin sa usapan hindi lang ang communal backyard gardening kundi maging ang backyard fisher, poultry-raising, at egg production, upang hindi na natin kailangan pang bilhin ang ating mga pangunahing pinagkukunan ng protina. Bagkus ay maaari pa natin itong pagkunan ng adisyunal na pagkakakitaan.
Maging sa pag-commute at iba pang mga bagay ay maaari nating ibalik ang bayanihan o barangayan upang makatipid ng husto sa pamasahe, kung atin lang gugustuhin.
Sa panahon ngayon ng krisis, ating pairalin ang bayanihan at pagiging madiskarte, dahil dalawa ito sa mga magagandang katangian at tradisyon ng pagiging isang Pilipino.
No comments:
Post a Comment