Wednesday, August 21, 2024

Monday Report - August 26, 2024

 

Monday Report - August 26, 2024

[INTRO]

 

NEWSCASTER 1: Magandang Monday morning, Bayambang! Ako po si _____.

NEWSCASTER 1: Narito na ang buong puwersa ng LGU-Bayambang...

NEWSCASTER 2: Maghahatid sa inyo ng mas pinalakas at mas pinalawak...

NEWSCASTER 1: Mga maiinit at napapanahong balita...

SABAY KAYO: Ito ang….BayambangueNews!

 

***

[SALITAN NA KAYO RITO]

NEWSCASTER 1: Sa ulo ng nagbabagang mga balita!

1. 30 Katao, Nagtraining sa Corn Husk Processing

May 30 na corn farmers, asawa ng magsasaka, at 4Ps members mula sa Brgy. Ligue at Sanlibo ang nakilahok sa Skills Training on Corn Byproducts Utilization na inorganisa ng Municipal Agriculture Office sa Sanlibo Barangay Covered Court noong Agosto 13-16. Nagsilbing trainors ang mga taga-Heart and Soil Farm School sa paggawa ng mga bag at iba pang novelty items gamit ang byproduct ng corn farming, ang corn husk na karaniwan ay itinatapon o sinusunog lang.

 

2. Pamilyang Nasunugan sa Nalsian, Tinulungan

Isang pamilya sa Brgy. Nalsian Norte na nasunugan noong August 17 ang agad na tinulungan ng Munisipyo. Matapos maapula ng BFP ang sunog, agad na nagprofiling activity ang MSWDO. Sa sumunod na araw, August 18, ang pamilya ay inabutan ng food packs. Sila ay nakatakda ring bigyan ng cash assistance at ilang building materials upang tulungang maitayong muli ang kanilang natupok na tahanan.

 

 

3. Free Treatment ng Skin Diseases, Inihatid ng RHU at R1MC

Ang RHU, sa tulong ng Dermatology Department ng Region I Medical Center, ay nag-sponsor ng isang libreng dermatologic consultation at treatment noong August 19 sa Saint Vincent Ferrer Prayer Park. May 56 residente ng Bayambang na may iba't ibang problema sa balat ang nakinig sa isang maikling lecture ukol sa skin diseases at proper skin care, at nag-avail ng mga libreng serbisyo.

 

 

4. Bayambangueña, Tumanggap ng Libreng Prosthetic Leg

Lubos na nagpapasalamat si Gng. Letecia de Guzman ng Brgy. Ligue kay Mayor Niña Jose-Quiambao, matapos niyang makatanggap ng isang prosthetic leg noong August 17 galing sa Kapampangan Development Foundation, sa tulong ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng MSWDO at Provincial Social Welfare and Development Office. May apat pang Bayambangueño na PWD ang sumailalim naman sa prosthesis assesment noong August 16 upang sila ay masukatan.

 

5. Youth Leaders, Nagdiwang sa SK Night

Noong August 16, ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Bayambang ay nagdaos ng isang SK Night bilang kick-off event para sa pagdiriwang Linggo ng Kabataan (LNK) at International Youth Day 2024 na naglalayong itampok ang potensyal, talento, at kontribusyon ng mga kabataan sa buhay ng ating pamayanan. Naging highlight ng event ang Mr. and Ms. Linggo ng Kabataan 2024, Gawad Parangal, at pa-raffle at live concert ni Mayor Niña Jose-Quiambao.

 

6. Korapsyon, Naging Mainit na Paksa sa Kick-off Ceremony

Sa isang kick-off ceremony para sa pagdiriwang ng ika-pitong anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan noong August 19, tinalakay ang problema ng korapsyon bilang isa sa mga pangunahing sanhi ng kahirapan sa komunidad. Dineliver dito ni BPRAT Chair, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang kanyang State of Corruption Address, at naging resource speaker si Pastor Jeff Eliscupidez ng Rebuild City Church. Ang usapin ay dinaluhan ng lahat ng local government officials at employees at mga estudyante.

 

 

7. Usec Vergeire, Naghatid ng Free Medical Services sa Bani

May 958 na residente ng Purok Pocdol, Brgy. Bani ang tumanggap ng iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan sa isang medical mission na inihatid ni DOH USec. Maria Rosario Singh-Vergeire, kasama ang Ilocos Center for Health Development, sa St. Vincent Ferrer Prayer Park noong August 20. Kasama ni Vergeire si Dr. Paula Paz M. Sydiongco ng ICHD, at iba pang health agencies bilang parte ng programang 'Purok Kalusugan para sa Bagong Pilipinas' at 'National Family Planning Month Celebration.'

 

8. Bayambangueño, Kampeon sa "The Voice PWD Edition" ng PSWDO

Ang batang si Christian Joel Dueñas ng Brgy. Zone VI ay nagwagi bilang kampeon sa "The Voice PWD Edition" ng Pangasinan Provincial Social Welfare and Development Office at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Pangasinan. Ang patimpalak ay ginanap noong August 20 sa SM Urdaneta, kung saan nakalaban ni Dueñas ang 37 na kalahok mula sa iba't ibang bayan. Si Dueñas ang naging representative ng Pangasinan sa "PWD Got Talent" sa Vigan City noong August 22.

 

 

9. Aktor na si Lito Gruet, Ibinahagi ang Healing Journey sa Drug Symposium

Pinukaw ng dating aktor at fashion model na si Lito Gruet ang damdamin ng mga kabataan sa kanyang inspirasyunal na testimonya bilang dating drug abuser, sa ginanap na symposium na pinamagatang "Poverty at Drugs" noong August 20. Tinalakay ni Gruet, na ngayo'y Director na ng Battle Against Ignorance Foundation, ang kanyang mga pinagdaanan sa buhay magmula noong siya ay maging tanyag at kumita ng malaki hanggang siya ay malulong sa droga, dumanas ng matinding paghihirap, at mahulog sa mga kamay ng batas. Ang kanyang pagbabagong buhay matapos nito ay nagbigay naman ng inspirasyon sa lahat.

 

 

 

 

 

10. 64 Stalls at Slots sa Public Market, Now Open for Rent!

May kabuuang 64 na stalls/slots ang maaari nang upahan ngayon sa ating Pamilihang Bayan, anunsyo ng Special Economic Enterprise Office noong August 21. Ang mga bakanteng stalls ay matatagpuan sa 2nd floor ng Quadricentennial Building, Mezzanine Area, 2nd Floor ng Block 3 o RTW section, Meat Section, at 2nd Floor ng New Building Phase 2. Ang mga interesadong mag-appy ay maaaring magtungo sa Special Economic Enterprise Office sa Public Market, at hanapin lamang si Ms. Mercedes Serafica.

 

11. BNS Association, Namigay ng Groceries sa Indigent Senior Citizens

Noong nakaraang buwan, ang Bayambang Barangay Nutrition Scholars Association ay nagsimula nang magpamahagi ng mga grocery packs sa mga senior citizens na naidentify na "poorest of the poor" bilang parte ng kanilang community service. Sila ay namigay ng limang kilong bigas, powdered milk, biscuits/bread, at iba pang food items kada isang benepisyaryo. Ang charity work ito ay nakatakdang maging taunang aktibidad ng asosasyon.

 

12. Mental Health and Wellness, Muling Tinutukan

Noong August 22, sunod namang tinutukan ng BPRAT ang mental health bilang isang sanhi ng kahirapan, sa ginanap na Symposium on Poverty and Mental Health. Kabilang sa mga tinalakay ang mga istatistika at epekto ng mental health sa kahirapan, pati na rin ang mga intervention programs ng LGU-Bayambang, mga paraan upang mapabuti ang mental health, ang epekto ng peer support at peer counseling sa kabataan, at ang papel ng spirituality sa mental health.

 

**

 

[OUTRO]

 

NEWSCASTER 1: At iyan po ang mga balitang nakatutok sa iba't ibang programa at proyekto ng LGU-Bayambang.

 

NEWSCASTER 2: Mga balitang may tatak Total Quality Service.

 

NEWSCASTER 1: Muli, ako po ang inyong lingkod, __________.

 

[SABAYANG BIGKAS]: At ito ang... Bayambangueñews!

No comments:

Post a Comment