Sunday, March 6, 2022

LGU Accomplishments for February 2022

                    
GOOD GOVERNANCE

Bochang Karne, Kumpiskado

Noong January 29, mahigit na 70 kilo ng bochang karne o double dead meat ang kinumpiska ng Municipal Slaughterhouse sa Meat Section ng Bayambang Public Market, sa pangunguna nina Dr. Joselito Rosario, katuwang ang mga elemento ng PNP, SEE at POSO. Matagumpay na naisagawa ang operasyon sa tulong ng impormasyong nakalap ng SEE staff. Dinala ang mga nakumpiskang karne sa Materials Recovery Facility (MRF) sa Barangay Dusoc para sa maayos na disposal ng mga ito. Ang double dead na karne ay hindi dumaan sa inspeksyon ng sanidad, kaya't itinuturing itong ilehitimo at di ligtas para sa mga consumers.

Mayor CTQ, Muling Namigay ng Libreng Uniporme

Sa ika-anim na pagkakataon, namigay ng libreng set ng uniporme si Mayor Cezar Quiambao para sa mga empleyado ng LGU-Bayambang. Naatasan ding muli ang Human Resource Management Office, sa pangunguna ni Department Head Nora Zafra, na ipamahagi ang mga ito sa lahat ng kawani. Ayon kay Gng. Zafra, dahil sa pagsuot ng de kalidad na uniporme, nagiging presentable ang mga kawani ng pamahalaan at nadaragdagan ang kanilang kumpiyansa sa sarili lalo na sa pagharap araw-araw sa mga kliyente. Buong galak na nagpapasalamat ang mga empleyado dahil ang kanilang clothing allowance ay hindi nababawasan at buo nilang naiuuwi sa kanilang pamilya.

Free Registration for Smart Infocast Service

Bilang pagpapalakas ng kapasidad ng LGU na makapagpadala ng mabilisang anunsyo sa pamamagitan ng text blast, ang ICT Office ay nagtayo ng booth para sa libreng registration sa Infocast service ng Smart Telecommunications mula February 2 hanggang 4. Ang Smart Infocast service ay libre para sa mga Smart, TNT at Sun subscribers, at ang unang isang libong katao na walang SIM ng alinman sa mga networks na ito ay binigyan ng libreng Smart SIM. Ang Smart Infocast service ay makatutulong para sa mabilis na pagtanggap ng mahahalagang impormasyon anumang oras sa pamamagitan ng text message mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.

IPCR Orientation, Ginanap

Ginanap ang isang orientation ng HRMO para sa lahat ng Job Order employees patungkol sa kanilang Individual Performance Contract Rating. Si ICT Officer Ricky Bulalakaw ang naging tagapagsalita sa nasabing orientation, na isang pagtalima sa direktiba ng Civil Service Commission Memorandum Circular No. 6, series of 2012. Ang IPCR ang gagamitin bilang isang objektibong basehan ng HRMO para sa promotion at evaluation ng mga empleyado kung sila ba ay karapat-dapat sa kanilang puwesto bilang mga lingkod-bayan.

Bayambang Millennial Challenge, Nasa Coaching Round Na

Nasa coaching round na ang Bayambang Millennial Challenge, ang patimpalak na nakabase sa Mayors Challenge ng Bloomberg Philanthropies New York, na naglalayong hikayatin ang mga kabataan na mag-isip ng mga malikhaing paraan kung paano masosolusyunan ang mga problema sa kanilang barangay. Sa ginanap na coaching session sa Municipal Annex Building na inorganisa ng Local Youth Development Office at Bayambang Poverty Reduction Action Team, tumayong coach sina Dr. Mary Ann Junio mula sa DepEd; PSU-Bayambang Campus Executive Director, Dr. Liza Quimson; College of Arts, Science and Technology Dean, Dr. Gudelia Samson; Social Sciences Department Chair, Dr. Cheryl Mendoza; at Dr. Madlyn Tingco na nirepresenta ni Ms. Kazel Ramos.

Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year V, Ikinasa

Noong nakaraang linggo, nagkaroon ng isang serye ng pagpupulong para sa Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year V, at ito ay pinangunahan ni Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya. Sa mga orientation meetings ay pinulong ng hiwa-hiwalay ang lahat ng Department Head, Punong Barangay, at ang mga dental, ultrasound at laboratory services personnel ng mga RHU, upang siguraduhing maayos ang panibagong implementasyon nito sa iba’t ibang distrito.

Komprehensibong Serbisyo, Dinumog sa Sanlibo
    
Noong February 18, dinala ng Munisipyo ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5 sa Sanlibo Covered Court, Brgy. Sanlibo upang maghatid ng iba’t-ibang serbisyo ng LGU-Bayambang sa Sanlibo, Idong, at Inanlorenza. Naging mainit ang pagtangkilik ng lahat sa programa bagamat mayroong pandemya.  Hindi ipinagpaliban ng mga opisyales at kawani ng LGU ang pagdala sa lahat ng serbisyong pampubliko gaya ng medical at dental, agricultural, at social services, kabilang ang bagong services na libreng pagbabakuna laban sa COVID-19.

KSB Year 5, Sumabak sa Tatarac
    
Ginanap ang ikalawang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa taong 2022 sa Tatarac Covered Court noong February 11 sa pag-oorganisa ni Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya. Dito ay naging benepisyaryo ang mga residente ng Brgy. Tatarac, Pangdel, at Apalen ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan, di lamang ng mga health and medical services kundi mga serbisyo mula sa lahat ng departmento. Kabilang sa mga bagong serbisyo ay ang libreng pagbabakuna laban sa COVID-19.

KSB Year 5 Goes to Ambayat

At noon na ngang February 4 ay ginanap ang pinaka-unang bugso ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5 sa Ambayat 2nd Covered Court, Brgy. Ambayat 2nd, upang ilapit ang mga serbisyo ng LGU sa Brgy. Ambayat 1st at Ambayat 2nd. Bukod sa medical services ay mayroong distribution of food packs para sa malnourished children, anti-rabies vaccination, seed at seedling distribution, appraisal of new buildings, cattle branding, police clearance assistance, zoning certification, free haircut, at marami pang iba. Siyempre ay laking katipiran ang natamasa ng ating mga kababayan sa nasabing lugar dahil sa katuparan ng pangakong ito ng Team Quiambao-Sabangan.


FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION

Updates mula sa Municipal Treasury Office

a. Paniningil para sa mga Permit
Naging abala ang tanggapan ng Treasury sa unang buwan ng taong 2022 dahil sa pagkuha ng mga kaukulang permit gaya ng Business Permit, Mayor's Permit, at prangkisa at paniningil ng amilyar, Community Tax Certificate, at miscellaneous fees.

b. Registration at Renewal ng Business Permit
Laking ginhawa para sa mga business owners ang pagkakaroon ng One Stop Shop sa munisipyo kung saan mas mapabibilis ang pagproseso ng business permit. Mula January 3 hanggang 31, may naitalang 46 newly registered businesses at 679 business renewals.

c. Inspection of Medical & Diagnostic Clinic
Ininspeksyon naman ng Business Permit & Licensing Office ang isang medical and diagnostic clinic sa Brgy. Poblacion Sur kung ito ba ay may kaukulang permit.

d. 20% Discount sa Amilyar
Dagsaan naman ang mga property owners sa pagbabayad ng amilyar o buwis ng lupa at bahay dahil mayroong 20% discount sa tax ang mga makakaabot sa pagbayad ng kanilang buwis mula Enero hanggang sa katapusan ng Marso 2022.

e. Tax Amnesty Extension    
Malaki rin ang pasasalamat ng mga taxpayer dahil sa pagkakaroon ng extension ng Tax Amnesty program mula Enero hanggang Hunyo 2022.

f. IEC ukol sa Tax Bill at Notice of Delinquency
Patuloy ang mga staff ng Treasury sa pag-iikot sa mga barangay para sa pagfollow-up ng Tax Bill at Notice of Delinquency. Bahagi ng tax campaign ang ipagbigay-alam sa mga taxpayer ang tungkol sa extension ng tax amnesty.

g. Paggawad ng Titulo sa Property Owners
Naigawad din sa dalawang property owners sa Brgy. Magsaysay ang kanilang titulo ng lupa matapos mabayaran ito ng buo sa munisipyo.

h. Renewal ng MTOP at Prangkisa
Ayon naman sa tala ng naka-assign sa Motorized Tricycle Operators Permit o MTOP,  mayroong 149 na tricycle drivers ang nagrenew ng Mayor's Permit at 26 naman ang nagrenew ng prangkisa mula January 3 hanggang 31, 2022. Hinihikayat ang lahat ng mga operators na kumuha o magrenew ng mga kaukulang permit ng kanilang mga tricycle para maiwasan ang anumang problema pagdating sa kani-kanilang prangkisa.

Appraisal ng Communication Towers at Machineries ng Smart
    
Nagconduct ang Assessor's Office ng appraisal at assessment ng siyam na tore at sampung makinarya ng Smart Communications na nasa iba't ibang barangay. Sila ay nagprepara ng tax declaration para sa mga nabanggit na properties, at ito ang naging basehan ng naturang kumpanya upang makapagbayad ng property tax na umaabot sa P1,069,043.



LEGISLATIVE WORK

Public Hearing on Land Use Reclassification

Noong February 2, ang Sangguniang Bayan (SB) Committee on Land Use and Zoning ay nagconduct ng isang public hearing sa SB Session Hall upang dinggin ang merito ng isang panukalang ordinansa na magrereclassify sa isang lote sa Brgy. Buayaen mula sa pagiging agricultural land tungo sa pagiging commercial land. Ang proponent ng proyektong ito ay ang Citihardware, isa sa mga pinakamalaking retail stores ngayon, na kasalukuyang may 76 branches sa buong Pilipinas. Ang proyektong ito ay nakatakdang magdala ng maraming trabaho at mas malaking revenue sa ating bayan.
        
SB, Inextend ang Deadline ng Business Permit Renewal

Noong January 24, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan na nag-eextend ng deadline hanggang June 30 para sa renewal ng Business Permit at Mayor’s Permit nang walang penalty at surcharges sa ating Business One Stop Shop. Ito ay bunsod ng naging banta ng Covid-19 Omicron variant sa bayan ng Bayambang, kung saan muling biglaang tumaas ang mga kaso ng Covid-19 at maraming business establishments ang naging apektado.

Committee Hearing para sa PDAO

Ang pinagsamang Sangguniang Bayan Committee on Rules, Laws and Ordinances at Committee on Social Services ay nagsagawa ng isang pagdinig noong February 14 sa SB Session Hall ukol sa panukalang "Ordinance Establishing Persons with Disability Affairs Office (PDAO)." Sa pangunguna nina Committee Chairman on Social Services, Councilor Benjie de Vera, at Committee Chairman on Rules, Laws and Ordinances, Councilor Amory Junio, dumalo sa nasabing committee hearing sina MLGOO Royolita Rosario, Budget Officer Peter Caragan, HRMO Department Head Nora Zafra, at MSWDO OIC Kimberly Basco.

Sangguniang Panlalawigan, Inaprubahan ang 3 Ordinansa

Narito ang latest updates mula sa Sangguniang Bayan, ayon sa report ni SB Secretary Joel Camacho.

M.O. No. 2. s. 2022

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang Ordinance No. 2. series of 2022, o An Ordinance Prohibiting the Falsification, Mutilation, Alteration, Tampering, and Unauthorized Reproduction of Covid-19 Vaccination Card within the Municipality of Bayambang and Providing Penalties for Violation Thereof.

M.O. No. 1, s. 2022

Ang Municipal Ordinance No. 1, Series of 2022, entitled “Ordinance Adopting The Local Public Transport Route Plan (LPTRP) of the Municipality of Bayambang na pinagtibay ng Sanggununiang Bayan ng Bayambang ay aprubado na ng
Sangguniang Panlalawigan of Pangasinan. Ang Route Plan Ordinance ay naglalayong magbigay ng ligtas, sapat, accessible, environment-friendly, at komportableng pampublikong transportasyon para sa lahat at ang pangmatagalang solusyon sa “lumalalang sitwasyon ng pampublikong transportasyon sa bayan.” Ayon sa LTFRB, ang Bayambang ang pinakauna hindi lamang sa Pangasinan kundi sa buong Region 1 na nakagawa ng route plan.  Kaya naman, ang Bayambang ay kinilala ng lLTFRB bilang pilot municipality na magsisilbing modelo ng iba pang LGU sa rehiyon 1 para sa route plan na ito. Ang pagbabalangkas ng plano ng ruta ay pinangunahan ni OIC-MPDC Ms. Ma-lene S. Torio.

M.O. no. 17, s. 2021

Ang Municipal Ordinance no. 17, series of 2021 o “Videoke Ordinance” na pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Bayambang ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan. Ang ordinansang ito ay naglalayong i-regulate ang paggawa o paglikha ng labis, hindi kailangan, o hindi pangkaraniwang malakas na tunog mula sa mga videoke/karaoke system o iba pang amplified audio device na lampas sa limit lalo na sa disoras ng gabi na siyang nagdudulot ng malubhang discomfort na nagiging dahilan ng maraming reklamo at pagkondena ng publiko habang sila ay nakakapinsala sa public health, comfort, convenience, safety, welfare at prosperity ng pangkalahatang publiko.

Public Hearing Ukol sa Tech-Voc College, Ginanap

Sa pangunguna nina Sangguniang Bayan Committee Chair on Education, Councilor Mylvin Junio, at Committee Chair on Rules, Laws and Regulations, Councilor Amory Junio, nag-organisa si SB Secreatary Joel Camacaho ng isang Public Hearing ukol sa dalawang panukalang ordinansa na may titulong “An Ordinance Establishing the Bayambang Technical and Vocational (Tech-Voc) College in Bayambang” at “An Ordinance Establishing a Comprehensive Scholarship and Educational Assistance Program” sa Balon Bayambang Events Center noong February 28. Ito ay upang makapagbukas ng isang kolehiyo na kayang magbigay ng de-kalidad na kurso sa mababang matrikula ng maiksing panahon para sa mga Bayambangueñong hindi na makapasok sa eskwela dahil sa estado da buhay. Mayroon ding scholarship program na ibibigay sa mga kabataang makakapasa sa kwalipikasyon para rito. Kaugnay nito, si Mayor Cezar Quiambao at ang kanyang pamilya ay agad nang nagdonate ng apat na ektaryang lupa sa Brgy. Amanperez para sa pagpapatayo ng naturang eskwelahan.


HEALTH

Immunization Day sa Barangay

Walang kapaguran ang mga midwife ng RHU at ng mga barangay sa pagbabakuna ng ating mga tsikiting, kahit na holiday basta’t may schedule ng bakuna. Alang-alang sa kaligtasan at kalusugan ng mga sanggol at kahit may kahirapang hagilapin ang kanilang mga nanay noong Chinese New Year, buong sipag na ginampanan ng mga nasabing health workers ang kanilang tungkulin.

February is Dental Month

Ang buwan ng Pebrero ay Dental Month, kaya't naglunsad ang RHU ng isang serye ng aktibidad upang ipromote ang dental hygiene lalo na sa kabataan, sa temang "Orally Fit Pinoy para sa Healthy Pilipinas." Nanguna ang ating dentist na si Dr. Dave Francis Junio kasama ang consultant na si Dr. Alma Arenas sa pagtungo sa mga barangay upang maghatid ng mga libreng dental services sa ating mga kababayan tulad ng fluoridization, pamimigay ng libreng dental kits, lecture on oral health.
    
350 na Buntis, Tumanggap ng Food Packs Mula NNC
    
Noong February 10 sa Events Center, muling namahagi ang Municipal Nutrition Action Office ng food packs mula sa National Nutrition Council para sa 350 na buntis na Bayambangueña bilang parte ng 90-Day Dietary Supplementation Program for Nutritionally At-Risk Pregnant Women at First 1000 Days Program ng pamahalaan. Ito ay upang makaiwas sa malnutrisyon ang mga buntis at sa pagkabansot ang mga sanggol sa kanilang sinapupunan. Ang mga benepisyaryo ay napili base sa pagiging nutritionally at-risk o pagkukulang sa nutrisyon, o pagiging at-risk dahil sa edad ng pagbubuntis.

National Vaccination Day, Muling Idinaos
    
Naging matagumpay muli sa ikatlong pagkakataon ang implementasyon sa Bayambang ng National Vaccination Day ng Task Force Bakuna. Ito ay ginanap mula February 10 hanggang 11 sa tatlong venue: ang harap ng Munisipyo, Cadre Site Covered Court, at Tatarac Covered Court, na kung saan naroon ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5. Layunin ng aktibidad na ito na paigtingin ang pagbabakuna sa mga Bayambangueño  upang mas maging ligtas laban sa COVID-19.

MDRRMO Employees, Muling Nagdonate ng Dugo

Sa buwan ng Pebrero, ipinaramdam ng MDRRMO ang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagdonate ng dugo. Noong February 12, sila ay tumulak patungong Ventanilla People's Center sa Brgy. Sapinit, San Carlos City, Pangasinan. Ang blood drive na ito ay isang proyekto na pinangunahan ni Board Member Vici Ventanilla sa ilalim ng kanyang programang "Volunteer to Care."
        
Uniting to Save Lives

Noon ding February 12 sa Events Center, nagkaisa ang iba't-ibang grupo sa Bayambang para sa isa na namang bloodletting drive, kung saan 110 blood bags ang nalikom. Nagkaroon din ng libreng blood sugar screening, at may 70 clients ang nag-avail.  …Salamat sa pagkakaisa sa pagitan ng Xtreme Rider's Club, Municipal Association of NGOs, Bayambang Bayanihan Lions Club, at Reaction 166 Animal Kingdom, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross Dagupan, LGU-Bayambang, Kasama Kita sa Barangay Foundation, at Niña Cares Foundation.

Jollibee Bayambang, Narenew ang Safety Seal; Kuya Tiano's, May Safety Seal na Rin
    
Noong February 18, muling umikot ang inspection tema ng LGU para sa Safety Seal certification. Narenew ang Safety Seal ng Jollibee Bayambang matapos itong muling pumasa sa lahat ng requirements, samatalang ang Kuya Tiano's Restaurant ay may Safety Seal na rin dahil sa consistent compliance nito sa Safety Seal checklist.

Massive Anti-rabies Drive sa Brgy. Tococ West

Upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Bayambangueño laban sa impeksyong dulot ng rabies, patuloy na nag-iikot ang team ni Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario, sa lahat ng mga barangay ng Bayambang. Noong January 19, kanilang isinagawa ang pagbabakuna ng anti-rabies sa mga alagang hayop ng mga residente ng Brgy. Tococ West.


EDUCATION

Coun. Mylvin Junio, Nagdonate ng School Equipment at Supplies

Noong January 24 at 28, tumanggap ng panibagong batch ng school equipment at supplies ang DepEd Bayambang I at Bayambang II Districts, matapos paunlakan ni Sangguniang Bayan Committee on Education Chairman, Councilor Mylvin 'Boying' Junio, ang kanilang kahilingan gamit ang kanyang subsidy para sa financial assistance. Kabilang sa donasyon ang mga electric fan, A4 bond paper, brown envelope, drum, water hose, at iba pa. Ang kabuuang donasyon ay nagkakahalaga ng P50,000, na siyang pinaghatian ng dalawang distrito.

Maraming Salamat po Muli!

Samantala, ang LGU-Bayambang ay muling nagpapasalamat sa bagong batch ng donasyon ni G. Joey Ferrer ng Pittsburgh, Pennsylvania, USA na tubong Roxas St., Bayambang. Si G. Ferrer ay nagpadala ng mga bagong set ng libro at magazine para sa ating Municipal Library, at mga PPE naman para sa mga kawani ng Ecological Solid Waste Management Office. Mula pa noon ay daan-daang libro na ang naidonate ng pamilya Ferrer sa Bayambang Municipal Library. 

Updates Mula sa LSB
    
Noon ding Feb. 17, nagdaos ng meeting ang Local School Board sa Niñas Cafe, at kabilang sa mga tinalakay ang ukol sa mga budget proposal para sa taong 2022, ang planong new century classroom sa Bayambang National High School, ang planong pagpapatayo ng Ligue Elementary School, at iba pang isyu. Ayon sa LSB, ang Children's Fund para sa 2022 ay nagkakahalaga ng P6M.
    
UPDATE | 3-Classroom Project, Bascos ES
    
Bilang huli, ating silipin ang malapit nang matapos na three-classroom project para sa mga mag-aaral ng Bascos Elementary School sa Brgy. Manambong Parte. Ito ay naging posible sa pagtutulungan ng Rotary Club of Bayambang, Rotary Club International, Rotary Club of Tamjin, South Korea, at Kasama Kita sa Barangay Foundation.

DepEd Bayambang II Teachers Receive Printers, Bond Paper

Noong February 18, malugod na tinanggap ng DepEd Bayambang II District ang mga tatlumpung printer with photocopier machine mula sa LGU. Ang pondong pinambili ng mga ICT equipment ay galing sa Supplemental Budget I ng Special Education Fund para sa Calendar Year 2021.

Noong February 21 naman, tinanggap ng Bayambang II teachers ang bond paper na kanila ring hiniling sa Local School Board sa ilalim ng nasabing pondo sa taong 2021.



LIVELIHOOD & EMPLOYMENT 

TWG, Binuo para sa Co-op Dev’t Plan 2022-2024

Sa isang consultative meeting noong January 24, ang Municipal Cooperative Development Office ay bumuo ng isang Technical Working Group upang buuin ang panukalang Municipal Cooperative Development Plan mula 2022 hanggang 2024 para sa pagpapaunlad ng sektor ng kooperatiba sa bayan ng Bayambang. Ito ay ginanap sa Mayor’s Conference Room, at nilahukan ng mga representante ng iba’t ibang lokal na kooperatiba

Accounting and Bookkeeping Seminar-Workshop, Nilahukan ng mga Kooperatiba

Lumahok sa isang Accounting and Bookkeeping Seminar-Workshop ang mga miyembro ng iba’t ibang kooperatiba sa Bayambang mula February 8 hanggang 10 sa Balon Bayambang Events Center. Ang naturang seminar ay inorganisa ng Municipal Cooperative Development Office (MCDO) upang mabigyang kaalaman ang mga kooperatiba sa tamang pagpapatakbo ng kanilang negosyo. Ilan sa mga tinalakay ang Elements of Financial Statement, Basic Accounting Equation, Debit and Credit, at iba pang paksa.

OFW, Tinulungan ng PESO
    
Isa na namang OFW na taga-Bayambang ang natulungan sa pamamagitan ng Public Employment Services Office. Ayon kay Gng. Elvira Muñoz ng Zone I, naging biktima ang kanyang anak na si Amy Sebio sa Dubai ng contract violation at maltreatment. Matapos irefer ng PESO-Bayambang ang kaso ng biktima sa Overseas Workers Welfare Administration-Regional Office I, nakatakas ang OFW at nakahanap ng bagong employer sa Oman.



OTHER SOCIAL SERVICES

Unang Pagpupulong ng GAD TWG, Idinaos
    
Isinagawa ang unang pagpupulong ng Gender and Development-Technical Working Group sa Mayor’s Conference Room noong Feb. 9, sa pangunguna ng GAD Council at MSWDO. Layunin nito na mapaigting ang GAD program sa pamamagitan ng pagreview ng mga naisagawang programa ng bawat departamento ng LGU. Sa pangunguna ni Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr., kabilang sa mga tinalakay ang 2023 GAD Plan at Budget, ang planong GAD Database, at ang nakatakdang GAD Planning and Workshop for a Gender-Responsive Community.

GAD Planning Workshop
    
Muling nagsagawa ang LGU ng dalawang araw na Gender and Development (GAD) Planning Workshop for a Gender-Responsive Municipality sa pangunguna ng MSWDO sa Balon Bayambang Events Center.  Ito ay dinaluhan ng mga kawani ng LGU na may mandated GAD budget.  Naging resource speaker si Makati City LGU GAD Desk Officer Cheryl Lyn Abordo. Sa workshop na ito, muling napahusay ang kaalaman at ng mga departamento sa paghahanda ng kani-kanilang GAD Plan at GAD budget na tutugon sa mga isyung pangkasarian sa bayan ng Bayambang.

DSWD Pay-out para sa Typhoon Ulysses Damages
    
Noong Feb. 14, isinagawa ang pay-out sa MSWDO para sa mga partially damaged houses na nasalanta ng bagyong Ulysses. Sa pangunguna ng DSWD Field Office I, nakatanggap ang bawat isa sa 15 na benepisyaryo ng emergency shelter assistance na P6,700 para sa pagpapaayos ng mga bahagi ng kanilang mga tahanan na nasira ng kalamidad. Ang bagyong Ulysses ay nanalasa sa bansa noong November 8, 2020.

Validation of Social Pension Beneficiaries
    
Noong Feb. 15 hanggang 16, nagsagawa ang DSWD Region I ng validation ng mga senior citizen para sa social pension program sa 3rd Floor, Royal Mall. Sa tulong ng MSWDO, sumailalim ang 327 na senior citizens sa validation ayon sa Republic Act 9994. Ayon sa polisiya, ang mga maaaring benepisyaryo ay yaong nasa edad 60 pataas, may sakit o kapansanan, walang natatanggap na public o private pension, walang permanenteng kabuhayan, at hindi nakakatanggap ng regular na suporta mula sa mga kaanak.

2 Bayambangueno, Nakatanggap ng Centenarian Gift
        
Noong February 22, nakatanggap ang dalawang Senior Citizens sa Bayambang ng Centenarian Gift mula sa Office of the President sa tulong ng Department of Social Welfare and Development Field Office I at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). Ito ay isang mandato na naka-angkla sa Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016, kung saan lahat ng Pilipino na umabot sa edad na 100 ay makakatanggap ng Centenarian Gift na nagkakahalaga ng P100,000.00. Ang mga benepisyaryo ay mula sa Barangay San Vincente at Zone II. Ayon naman sa MSWDO, may tatlong benepisyaryong sasailalim sa validation para makumpleto ang mga hinihinging dokumento.

Orientation/Seminar on Women and Children’s Rights

Idinaos ang pinakaunang Orientation and Seminar on the Rights of Women para sa kasalukuyang taon noong ika-24 ng Pebrero sa Barangay Malioer Covered Court. Sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang aktibidad ay naglalayong magtatag ng ligtas na komunidad, lalo na ang pagpapaigting ng mga karapatang pambata at pangkababaihan. Nakilahok ang 53 opisyales ng Barangay Caturay at 26 opisyales ng Barangay Malioer. Inimbitahan si Atty. Glee-ce Macaranas–Basco, Public Attorney III, at Atty. Glamour John Tulagan, mula sa Public Attorney’s Office (PAO), San Carlos City, at tinalakay nila ang RA 11313 o Safe Spaces Act of 2019.



PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY

70% Capacity sa PUVs, Patuloy na Ipinapatupad

Bilang compliance sa mga direktiba ng IATF, ipinatutupad ng POSO sa ating bus terminal ang 70% maximum capacity requirement para sa mga commuter. Ito ay alinsunod na rin sa dalawang memorandum circular na ibinaba ng LTFRB, ang Memorandum Circular Nos. 2021-076 at -080.  Araw-araw ay sinusubaybayan ng mga tauhan ng POSO ang ating mga pampublikong sasakyan at iniinspeksyon ang mga pasahero kung sumusunod ba ang mga ito sa minimum health protocol. Siyempre ito ay upang maiiwas ang lahat sa pagkalat ng COVID-19 at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat pasahero, habang hinahayaan namang magpatuloy sa operasyon ng mga PUVs.

Oplan Sita, Pinaigting ng POSO at PNP
    
Muling pinaigting ng mga traffic enforcers ng POSO kasama ang PNP-Bayambang ang pagpapatupad ng Oplan Sita upang maimplementa ang batas na nagbabawal sa illegal mufflers, alinsunod sa Municipal Ordinance No. 5, series of 2016. Sa pamumuno ni Ret. Col. Leonardo Solomon, POSO Chief, maayos na nagampanan ng mga tauhan ang kanilang mga tungkulin lalo na sa mga tagapangasiwa ng kalsada. Ang pinagsanib na puwersa ng POSO at PNP ay nakasabat ng mga pasaway na motorista na may violation tulad ng paggamit ng illegal muffler, o kaya ay not wearing helmet, driving without license, at iba pa.

POSO, Sumabak sa Firefighting Seminar ng BFP

Muling nadagdagan ang kaalaman ng mga security force ng Public Order and Safety Office nang sila ay sumabak sa Basic Firefighting and First Aid Seminar na ibinigay ng Bureau of Fire Protection noong February 12 sa Balon Bayambang Events Center at Municipal Hall grounds. Kabilang sa mga paksang tinalakay ng mga fire officers sa ilalim ni Acting Municipal Fire Marshal, SFO4 Randy Fabro, ang Actual Demonstration on Firefighting, Basic Equipment in Firefighting, Proper Use of Fire Extinguisher, at Basic First Aid. Malaking tulong ang seminar na ito sakaling kailanganin ang mga natutunan habang sila ay nagbabantay sa mga pasilidad ng LGU.




TOURISM, CULTURE & ARTS

Tourism Office, Kinilala ng PSU-DOST FIC
    
Ginawaran ng Plaque of Appreciation ng PSU-DOST I-Food Innovation Center ang Municipal Tourism and Cultural Affairs Office ng LGU sa programang ginanap noong February 17 sa PSU Bayambang Campus. Tinanggap ni Municipal Supervising Tourism Operations Officer Rafael Saygo ang pagkilalang ito na iginawad para sa inisyatibo ng opisina na i-promote ang mga produktong gawa mula sa PSU-DOST FIC. Sa naturang programa ay kinilala rin ang 1Food Corporation para sa tulong sa komersalisasyon ng teknolohiya ng FIC. Naroon sa programa ang mga opisyales ng PSU at naging panauhing pandangal naman si DOST Secretary Fortunato dela Peña.



AGRICULTURAL MODERNIZATION

Survey of Public Fishery Properties

Noong January 21, nagconduct ang Assessor's Office ng actual survey ng mga inland fisheries at tributary creeks sa Brgy. Tanolong, Macayocayo, at Maigpa upang personal na mainspeksyon ang sakop at boundary ng mga ari-ariang ito ng munisipalidad at maprotektahan ang interes ng taumbayan.

Onion Demo Farm, Binisita

Binisita ng Municipal Agriculture Office ang onion demo farm sa Brgy. Wawa upang inspeksyunin ang kalagayan nito, matapos ang 72 na araw mula sa pagtatanim. Layunin ng proyektong ito ng Department of Agriculture Regional Office I na suriin kung anu-anong variety ng sibuyas ang resistant sa harabas at iba pang sakit at matulungan ang mga magsasaka sa kanilang suliranin sa harabas.

Limang Alagang Baka, Nilapatan ng Lunas

Noong February 8, nagtungo ang team ni Municipal Veterinarian, Dr. Joselito Rosario, sa mga barangay ng Dusoc, Carungay, at Tatarac upang bigyang lunas ang limang baka na may mga karamdaman, gaya ng walang gana sa pagkain, hindi umiihi o dumudumi, at hirap sa pagtayo, na nagsasanhi ng paglobo ng tiyan ng mga ito na maaari nilang ikamatay. Nananawagan si Dr. Rosario sa mga nag-aalaga ng baka na kung ang kanilang mga alaga ay may mga ganitong sintomas ay agad na ipasuri ang mga ito upang agad na malapatan ng lunas at maiwasan ang malalang sakit.

Update on Municipal Hatchery

Ang Municipal Hatchery sa Brgy. Langiran ay tapos na, maliban sa ilang adjustment na kailangang isagawa ayon sa instruction ni Fishery Consultant Glicerio Legaspi. Kaugnay nito, ang Municipal Agriculture Office ay nakakuha ng 40,000 na piraso ng tilapia fingerlings mula sa Central Luzon State University bilang future breeders. Ang mga fingerlings ay inilagak muna sa isang private hatchery, at nakatakdang ilipat sa Municipal Hatchery matapos ang dalawang linggo.
    
Photo Documentation ng Rice Farmers

Simula February 15, nagsagawa ng malawakang photo-taking activity ang Municipal Agriculture Office bilang isa sa mga requirement ng Intervention Monitoring Card para sa mga rice farmers sa lahat ng distrito. Ang aktibidad ay parte ng implementasyon ng departamento ng Rice Farmers Financial Assistance Program sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund ng Department of Agriculture sa pakikipagtulungan sa Land Bank of the Philippines.

Seed Inspection at RiceBIS Meeting sa Pantol

Noong February 23, nagtungo sa Brgy. Pantol ang Agriculture Office para sa ocular inspection ng rice seed production doon. Doon ay inorganisa rin ang ikalimang meeting para sa Farmers Field School (FFS) ng Rice Business Innovation System ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice.
    
Technical Briefing sa Harabas; Updates sa Corn Cluster Development

Noong February 23, nagsagawa ang Office of the Provincial Agriculturist sa pakikipagtulungan sa Municipal Agriculture Office ng isang Technical Briefing para sa pagpuksa ng fall armyworm o harabas. Nagbigay din sila ng update ukol sa corn cluster development sa Brgy. Manambong Sur na dinaluhan ng mga corn cluster association president ng District 1 at 8, at ng mga corn farmer sa mga naturang distrito.

Orientation sa Sure Aid Loan Program ng DA

Ang Municipal Agriculture Office ay nagsagawa ng Orientation Briefing sa Sure Aid Loan Program ng DA-RFO-1 katuwang ang Nueva Segovia Consortium of Cooperatives (NSCC) para sa mga magsasakang Bayambangueño na nakaranas ng pinsala sa kanilang pananim dulot ng bagyong Maring noong nakaraang taon. Ang mga kwalipikado sa naturang programa ay yaong mga nakapagsumite lamang ng mga kaukulang dokumento na nagpapatunay na ang kanilang mga pananim ay lubhang naapektuhan ng bagyo.

GMO Corn, Tinalakay sa 15th Meeting ng Corn FFS sa Ligue

Sa ika-15 na meeting para sa Corn Farmers' Field School ng Department of Agriculture at Municipal Agriculture Office sa Brgy. Ligue, nagkaroon ng diskusyon ukol sa genetically modified corn na tinatawag na Bt-corn (Bacillus thuringiensis-corn) para sa pagtatanim, ang mga kabutihan nito at mga posibleng hindi mainam na epekto sa kapaligiran at sa mga consumer.



INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT

12 Solar Dryers, 3 Covered Courts, Pinondohan ng Pamilya Quiambao

sa na namang makabuluhang proyekto ang sinimulan noong Enero sa taong 2022, kung saan muling ipinakita ng ating butihing Mayor Cezar Quiambao ang kanyang suporta at pagmamahal sa mga magsasaka ng Bayambang. Ito ay ang labindalawang solar dryers na kasalukuyang ginagawa sa iba’t-ibang barangay.

Bukod dito ay mayroon pang karagdagang proyekto -- mga Covered Court sa tatlong barangay na sisimulan na rin nitong Pebrero at inaasahang matatapos ng Abril. Ilan lamang ito sa napakarami nang proyektong pang-imprastraktura na di pinondohan ng gobyerno na tahimik na isinasagawa ng pamilya Quiambao at Team Quiambao-Sabangan simula pa noong 2016.



DISASTER RESILIENCY

Dalawang Rescue Vehicles, Binili
    
Dalawang bagong rescue vehicle ang binili ng MDRRMO upang lalong palakasin ang kapasidad ng LGU sa agarang pagtugon sa mga sakuna at kalamidad. Ang karagdagang rescue at disaster vehicle na ito ay malaking tulong sa anumang sitwasyong pang-rescue at emergency kagaya ng pagsagip sa mga locally stranded individuals, returning overseas Filipino workers, at iba pa.

MDRRMO, Muling Sumabak sa Standard First Aid Training

Muling nagsanay ang mga empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa 3-day training na Standard First Aid sa pangunguna ni LDRRMO Genevieve Benebe. Ang first-aid training ay isang paghahanda para sa mas mahusay na pagtugon sa sunog, aksidente sa daan, bagyo, at iba pang sakuna na nangangailangan ng pangunang lunas.


AWARDS & RECOGNITION

Bayambang, Top 16 Nationwide sa Disaster Resiliency
        
Noong February 8, ginawaran ang LGU-Bayambang ng Top 16th Place sa Disaster Resiliency para sa 1st and 2nd Class Municipalities, sa awarding ceremony na ginanap para sa 2021 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Survey ng Department of Trade and Industry sa San Fernando City, La Union.
Naroon para tanggapin ang parangal para sa LGU ang Municipal Planning and Development Office sa pangunguna ni MPDO Coordinator Ma-lene Torio.

Bayambang, Top 9 sa Region I sa Covid Vaccination
    
Ang LGU Bayambang ay kinilala at binigyang parangal ng DOH bilang Rank 9 sa buong rehiyon na may highest administered doses ng Covid-19 vaccine. Ito ay dahil sa mabilis na aksyon sa pagbabakuna sa mga Bayambangueño ng mga aktibo at masisipag na Taskforce Bakuna members na pinamumunuan ni POSO Chief Ret. Col. Leonardo Solomon, RHU 1,2 at 3 at ng iba pang departamento. Sa loob ng ilang buwan pa lamang, mula Marso hanggang Disyembre ay umabot na sa 72% ang nakapag-1st dose at 60% ang fully vaccinated na mga Bayambangueño. Kaya naman isa ang Bayambang sa mga masasabing ligtas na lugar laban sa COVID-19.

Bayambang, Umani ng mga Parangal sa 2020 Provincial Health Summit

Sa ginanap ng 2020 Provincial Health Summit sa Sison Auditorium, Lingayen, Pangasinan, umani ng mga parangal ang ating mga Rural Health Unit at Municipal Nutrition Committee. Nakuha ng Bayambang Rural Health Units ang Most Outstanding LGU in Covid-19 Response at 2nd Place sa Best Performing LGU sa sa Mental Health Program sa 2020.

Nasungkit naman ng Municipal Nutrition Committee ang pangalawang puwesto sa Monitoring and Evaluation of Local-Level (Nutrition) Plan Implementation o MELLPI Pro para sa taong 2019. Patunay ito na nagbubunga ang pagpupursige ng ating masigasig na health cluster upang isulong ang kalusugan at tamang nutrisyon sa ating mamamayan.


No comments:

Post a Comment