Thursday, November 19, 2026

MONDAY REPORT – NOVEMBER 23, 2026

 

 

MONDAY REPORT – NOVEMBER 23, 2026

 


[INTRO]

 

[Please observe proper volume, speed/pacing, attire, posture… and don’t forget to smile.]

 

 

NEWSCASTER 1: Isang masaya at produktibong umaga, Bayambang! Ako po si ______ ng _______.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si ______, at kami ay mula sa __________.  Handog namin ang mga balitang sumasalamin sa bayang progresibo.

 

NEWSCASTER 1: Sama-sama nating sulyapan ang mga kwentong nagpapakita ng malasakit at aksyon.

 

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang ka-partner sa impormasyon…

 

SABAY: Ang… BayambangueNews!

 

***

 

[SALITAN NA KAYO RITO]

 

 

1.       Kabataan ng Bayambang, Bumisita sa Senado

Limang piling kabataan mula sa Bayambang ang nabigyan ng pagkakataong bumisita sa Senado ng Pilipinas noong November 11 upang masaksihan at higit na maunawaan ang proseso ng pamamahala, paggawa ng batas, at paglilingkod-bayan. Sa pangunguna ng Talindeg Kalangueran Youth Organization, LYDO, at SK Federation, naipakita sa kanila na mayroong mahalagang papel ang kabataaan sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

 

2.       Mga Bagong Kawani ng LGU, Dumalo sa Orientation Activity

Ang HRMO ay nagbigay ng isang Employee Orientation program para sa mga bagong tanggap na kawani noong November 12, upang sila ay magkaroon ng tamang kaalaman hinggil sa mga patakaran, tungkulin, responsibilidad, at mga inaasahan sa kanila bilang mga lingkod-bayan. Tinalakay rito ang vision at mission ng LGU, employment status, mga uri ng appointment, expectations, administrative offenses, at ang tungkol sa BIR at SSS contributions.

 

3.       Recruitment Activity, Isinagawa ng Pangasinan Solid North Transit

Isinagawa noong November 12 sa PESO-Bayambang ang isang local recruitment activity katuwang ang kumpanyang Pangasinan Solid North Transit Inc. Kabilang sa mga inalok na bakanteng posisyon ang Bus Driver, Conductor, Auto Painter, CCTV Technician, Plumber, Foreman, Service Driver, Carpenter, at Accounting Head.

 

4.       MNC, Nag-benchmarking sa Bacnotan

Ang Bayambang Municipal Nutrition Committee ay nag-benchmarking activity noong November 11 sa Nutrition Center ng LGU ng Bacnotan, La Union, upang matuto ng best practices ng Bacnotan pagdating sa nutrition program management. Sila ay winelcome ni Mayor Divina Fontanilla. Partikular na kanilang inalam ang tungkol sa isang learning hub, na isang capacity‑building platform para sa mga nag-iimplementa ng local nutrition projects.

 

5.       Senior Citizen, Nakatanggap ng Cash Gift

Namahagi ang National Commission of Senior Citizens Region 1, katuwang ang MSWDO at OSCA, ng cash gift sa mga kuwalipikadong senior citizen sa Bayambang noong November 16. Alinsunod sa Expanded Centenarians Act, maaaring makatanggap ng ₱10,000 ang mga senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95, habang ₱100,000 naman ang para sa mga centenarian. Sa paunang payout, isang centenarian at 13 senior citizens ang nakatanggap ng kaukulang cash assistance.

 

6.       Dr. CTQ at Mayor Niña, May Birthday at Anniversary Treat!

Gaya ng nakagawian, muling nagbahagi ng blessings si SATOM, Dr. Cezar Quiambao, sa kanyang kaarawan at sa wedding anniversary nila ni Mayor Niña noong November 17. Sa kabila ng pag-ulan ng pagbati ng iba’t ibang sektor na mula sa LGU, TODA members, public market vendors, at iba’t ibang kumpanya ay ang lubos na pasasalamat sa kanilang mabuting pamamahala at pagiging bukas-palad, at ang panalangin ng ibayong pagpapala sa kanilang buong pamilya.

 

7.       Basic BNS Training, Isinagawa para sa MNC Members

Isang basic training course para sa mga Barangay Nutrition Scholar ang ibinigay ng Nutrition Office para sa mga bagong aapoint na BNS at para sa lahat ng miyembro ng Municipal Nutrition Committee noong November 17. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga miyembro tungkol sa nutrisyon, kalusugan ng ina at bata, pagsubaybay sa paglaki, pag-iwas sa malnutrisyon, at pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa barangay.

 

8.       GAD Governance, Pinaigting sa Training

Mas pinahusay ang kakayahan ng mga kawani sa pagsubaybay at pagsusuri ng mga programa ng Gender and Development sa pamamagitan ng isinagawang GAD Monitoring and Evaluation Framework Training noong November 18. Dinaluhan ito ng mga miyembro ng GAD Focal Point System Executive Committee at GAD Technical Working Group, upang matalakay ang mga pamamaraan sa pagsukat ng epekto ng mga programa, pagtukoy sa mga kakulangan sa implementasyon, at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo.

 

9.       S.E.E., Naglakbay Aral sa Nueva Ecija

Nagsagawa ng benchmarking visit ang Special Economic Enterprise (SEE) Office ng Bayambang sa Bantug Agricultural Multipurpose Cooperative sa Talavera, Nueva Ecija, upang matutuhan ang epektibong operasyon ng isang kooperatiba. Sa aktibidad, natuto ang S.E.E. ng mga bagong kaalaman na maaaring iangkop upang higit pang mapahusay ang pagpapatakbo nito ng ating pamilihang bayan.

 

10.  Tatlong Wildlife Animals, Inilagak sa CENRO

Tatlong wildlife animals na kinabibilangan ng cockatiel, iguana, at scops owl ang boluntaryong isinuko o iniulat ng mga residente ng Bayambang at pormal na itinurn-over sa DENR-CENRO Dagupan noong November 17.  Ang iguana ay native species sa Central at South America at Carribbean, at ang cockatiel ay native sa Australia, samantalang ang scops owl ay native sa Pilipinas. Sa pagreport ng publiko sa mga ito, natitiyak ang kanilang kaligtasan at pati na rin ng mga residente.

 

11.  Farmers Association, Natuto sa Nursery Management

Ang Municipal Agriculture Office ay nagdaos ng isang orientation program para sa mga miyembro ng Corn-Onion-Rice Farmers Association sa San Gabriel 2nd tungkol sa wastong pagpapatakbo ng isang community vegetable nursery. Gamit ang GAD Fund ng LGU, layunin ng proyekto na makapagbigay ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan ng mga miyembro sa pamamagitan ng produksyon at pagbebenta ng de-kalidad na mga punla ng gulay.

 

12.  Mayor Niña, Panauhin sa Pagbubukas ng Travel Agency

Si Mayor Niña ay guest of honor sa grand opening at blessing ng bagong tatag na Rhaphil Travel and Tours Services sa Poblacion Sur noong November 18. Siya ay nirepresenta ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na hatid ang pasasalamat at pagbati ng alkalde. Ang Rhaphil Travel and Tours Services ay maghahatid ng mga serbisyong kailangan sa paglalakbay at pangturismo ng mga Bayambangueño. 

 

13.  KSB Year 9, Nagtungo sa Manambong

Noong November 19, sumunod namang nagtungo ang team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 9 sa Bascos Elementary School sa pangunguna ni Mayor Niña upang maghatid ng lahat ng serbisyo ng Munisipyo sa mga residente ng Brgy. Manambong Norte, Manambong Sur, at Manambong Parte. Ang mga residente ay nag-avail ng iba't ibang libreng medical at dental services, late registration of birth, libreng bakuna sa hayop, libreng buto at punla, employment services, libreng gupit, at legal advice, at marami pang iba, nang di na kailangan pang mamasahe papuntang sentro ng bayan.

 

14.  Mga Usaping Kooperatiba, Tinalakay sa Pulong

Sa ika-apat na quarterly meeting ng Municipal Cooperative Development Council noong November 18, tinalakay ang mga usaping magpapatibay sa kooperatibismo sa bayan ng Bayambang: ang compliance ng mga lokal na kooperatiba sa requirements ng Cooperative Development Authority; pagsusumite ng mga Board Resolution para sa pagtatag ng Union Cooperative; at ang Year-End Assessment at Evaluation ng Municipal Cooperative Development Office at MCDC para sa 2026.

15.  BPC, Nagdaos ng 3-Day College Fest

Nagdaos ng Bayambang Polytechnic College noong November 18 to 20 ng tatlong araw na College Festival na kinatampukan ng iba’t ibang kumpetisyon upang ipakita ang iba’t ibang talento ng BPC students. Kabilang dito ang sports tournament, quiz bee, Mr. & Ms. BPC, folk dance competition, BPC Idol, Mental Health Seminar, at BPC Drag.

 

16.  Orientation on Marriage Laws, Isinagawa

Isang orientation activity ang isinagawa ng Local Civil Registry Office noong November 19 ukol sa Marriage Laws, Duties and Responsibilities ng Solemnizing Officers, at Proper Accomplishment of Certificate of Marriage. Tinalakay dito ang mga mga dapat gawin upang maiwasan ang problema sa civil registry. Sa ganitong paraan, nasisiguro na, sa bawat kasal, hindi lang maganda ang seremonya, kundi legal at protektado rin ang karapatan ng magkabilang partido.

 

17.  ICT Office, Nakilahok sa Communication Workshop

Inanyayahan ng DILG Pangasinan ang LGU na lumahok sa Phase 2 ng programang “Knowledge, Product Development, Validation, and Dissemination of LGU Best Practices” na ginanap noong November 20 sa Lingayen. Aktibong sumali ang ICT Office upang maibahagi, mapalalim, at maipalaganap ang mga natatanging gawain at pinakamahuhusay na practices ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng iba’t ibang serbisyo at implementasyon ng iba’t ibang programang pangkaunlaran.

 

18.  Children’s Festival 2026, Matagumpay

Noong November 21, matagumpay na ginanap ang Children’s Festival 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng 34th National Children’s Month. Dito ay nagtagisan ang mga kabataan sa Retro Dance Competition, Draw & Tell, at Oratorical Contest sa Events Center. Sa aktibidad na ito ng MSWDO at mga Child Development Center, muling napayabong ang talento ng mga kabataang Bayambangueño.

 

19.  Mr. & Ms. Little Pre-K 2026, Kinoronahan

Pagkatapos nito, sumunod namang isinagawa ang coronation ceremony para sa Mr. & Ms. Little Pre-K 2026, sa pagtutulungan ng MSWDO, Child Development Workers Association, at mga magulang ng mga Child Development Learner. Itinanghal at kinoronahan ang mga nanalong Mr. and Ms. Little Pre-K 2026 sa isang makulay at engrandeng coronation ceremony.

 

20.  Bayambang, Awardee sa GSIS Seal of Protection

Ginawaran ng Silver Award ang LGU-Bayambang sa pamamagitan ng General Services Office, sa ginanap na 2026 Seal of Protection Awarding Ceremony. Ito ay pagkilala sa patuloy na pagsisikap nitong pangalagaan ang mga ari-arian ng lokal na pamahalaan at palakasin ang katatagan nito tungo sa isang mas ligtas na munisipalidad. Iginawad ang parangal noong November 11 sa Lapu-Lapu City, Cebu, at personal na tinanggap ni GSO head Chinita de Vera at kanyang staff. 

 

21.  Bayambang, Ginawaran ng ISO 9001:2015 Re-certification

Muling ginawaran ang LGU-Bayambang sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao ng ISO 9001:2015 Recertification noong November 16. Patunay ang recertification ito ng patuloy na pangako ng pamahalaang bayan na maghatid ng mahusay at de-kalidad na serbisyo publiko, at kahusayan sa paglilingkod na nararamdaman ng bawat mamamayan.

 

Bayambang, Nakiisa sa Train LOKAL Initiative ng TESDA

 

Kinatawan ni Mayor Niña si Councilor Zerex Terrado sa pambansang pagtitipon ng TESDA para sa Train LOKAL Initiative sa Tarlac City noong November, upang palakasin ang pagpapaunlad ng kasanayan sa lokalidad. Layunin ng inisyatiba na patatagin ang ugnayan ng mga LGU, TESDA, at mga industriya upang makapaghatid ng de-kalidad at angkop na training para sa pangangailangan ng merkado. Magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga manggagawang may sapat na kasanayan.

 

 

Former Tourism Officer, Nagturn-over ng Kanyang Museum Collection

 

Ipinagkaloob ni Ms. Emma Mula, dating Tourism Officer ng Bayambang at Supervising Curator ng National Historical Institute, ang malaking bahagi ng kaniyang koleksiyong pangkasaysayan sa Municipal Museum. Kabilang sa mga donasyon ang mga pambihirang publikasyon noong dekada 1970, mga lumang litrato, at kopya ng mga mahahalagang opisyal na dokumento. Papanatilihin at ilalaan ang koleksiyon sa Municipal Museum para sa mga mananaliksik, mag-aaral, at mga susunod na henerasyon ng Bayambangueño.

 

 

MCDC, Sinuri ang mga Nagawa sa 2026

 

Idinaos ng Municipal Cooperative Development Council (MCDC) ang ikaapat na quarterly meeting nito noong Nobember 18. Kanilang tinalakay ang pagsunod ng mga kooperatiba sa mga rekisito ng Cooperative Development Authority, paghahanda sa pagtatatag ng Union Cooperative, at pagrepaso sa mga nagawa sa taong 2026. Binigyang-diin din ng mga miyembro ang paghahanda ng komprehensibong accomplishment report upang maidokumento ang mga tagumpay, masuri ang mga programa, at matukoy ang mga dapat pang ayusin.

 

 

Bayambang, Top 8 sa Pangasinan sa SubayBAYANI Awards

 

Napabilang ang Bayambang sa pamumuno ni Mayor Nina sa Top 8 na mga bayan sa Pangasinan sa 2026 SubayBAYANI Awards ng DILG Region I na ginanap noong November 19. Ito ay bilang pagkilala sa mahusay nitong pagganap sa lokal na pamamahala. Kinilala rin si MLGOO Arianne Peralta sa kaniyang mga ambag sa pagsusulong ng transparency at accountability sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.

 

 

***

 

[OUTRO]

 

NEWSCASTER 1: Dito sa Bayambang, bawat proyekto ay may layuning makapaglingkod nang tapat at may puso.

 

NEWSCASTER 2: At bawat kuwento, tagumpay nating lahat bilang isang komunidad.

 

NEWSCASTER 1: Ako pong muli si ____________ ng _________, kasama sa paglalahad ng mga kaganapan sa bayan.

 

NEWSCASTER 2: At ako si ___________, mula sa ___________. Magsama-sama tayong muli para sa susunod na ulat!

 

SABAY: Ito ang… BayambangueNews!

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment