BAYAMBANG, DAPAT ALAM MO! – November 16, 2026
(Estimated Runtime: 3 minutes and 34 seconds)
(Kuya
Ngen Intro)
Bayambang, Dapat Alam Mo na hindi lang basta
pagkakaroon ng certificate ang ibig sabihin ng pagiging ISO Certified ng ating
bayan. May pamantayan at sistemang kailangang panatilihin upang matiyak na ang
serbisyo ng lokal na pamahalaan ay maayos, consistent, at patuloy na
napapabuti.
Pero ano nga ba ang ISO 9001:2015? Paano ito
nakatutulong sa pagpapatakbo ng ating munisipyo? At higit sa lahat, ano ang
pakinabang nito sa bawat Bayambangueño?
Dapat alam mo na ang International Organization for
Standardization o ISO ay isang pandaigdigang organisasyong bumubuo ng mga
pamantayan para matiyak ang kalidad at pagiging maaasahan ng mga produkto,
serbisyo, at sistema. Samantalang ang ISO 9001:2015 naman ay isang
international standard para sa tinatawag na Quality Management System o QMS.
Sa mas simpleng paliwanag, ito ang sistemang
tumutulong sa isang organisasyon na magkaroon ng malinaw at maayos na proseso
sa trabaho at patuloy na mapabuti ang kalidad ng serbisyong ibinibigay nito.
Pero tandaan mo, Bayambang, hindi ibig sabihin ng
pagiging ISO Certified ay wala nang pagkakamali ang isang opisina o perpekto na
ang lahat ng serbisyo. Bahagi rin ng pamantayang ito ang pagkilala sa mga
pagkukulang, pagwawasto sa mga ito, at patuloy na paghahanap ng paraan upang
mas mapabuti ang sistema.
Dito sa ating bayan, hindi ito nagsimula kahapon
lang.
Noong 2023, unang nakamit ng ating lokal na
pamahalaan ang ISO 9001:2015 certification. At ngayong 2026, muling sumailalim at
nakapasa ang bayan sa recertification audit.
Hindi basta-basta ang prosesong ito ah. Sinuri ng
mga auditor ang mga dokumento, proseso, at aktuwal na operasyon ng ating mga
tanggapan. May mga record na vinerify, mga empleyadong in-interview, at mga process
na sinuri upang matiyak na hindi lamang nasa papel ang mga pamantayan, kundi
naisasagawa rin sa araw-araw na trabaho.
Kaya ang recertification na ito ay hindi lamang
pagkilala sa nagawa ng Bayambang. Patunay din ito ng patuloy na pagsisikap ng
lokal na pamahalaan na panatilihin at paghusayin ang sistema ng serbisyo
publiko.
Pero ano nga ba ang ibig sabihin nito para sa
ordinaryong mamamayan?
Simple lang: mas malinaw na proseso, mas maayos na
sistema, at patuloy na pagsisikap na mapabuti ang bawat serbisyong natatanggap
ninyo.
Dahil sa ilalim ng pagsusulong ng Total Quality
Service ni Mayor Niña Jose-Quiambao, hindi sapat na basta makapaghatid lamang
ng serbisyo. Mahalaga ring matiyak na maayos, maaasahan, at patuloy itong
pinagbubuti.
Tandaan, ang certificate ay pagkilala sa isang
pamantayan, pero ang tunay na sukatan ng kalidad ay ang serbisyong nararanasan
ng bawat Bayambangueño.
Bayambang,
ang lahat ng ito ay Dapat Alam Mo!
Muli,
ako si Kuya Ngen na nagsasabing: pangit man ako sa inyong panangin, atleast
hindi ako sinungaling. Ba-bye!
No comments:
Post a Comment