Wednesday, June 18, 2025

Monday Report - June 23, 2025

 

Monday Report - June 23, 2025

 

[INTRO]

 

NEWSCASTER 1: Masantos ya kabwasan, Bayambang! Kami ang inyong mga tagapaghatid ng tama, tapat, at napapanahong balita. Ako po si ___.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si ___, at kami po ay mula sa Assessors's Office, mula sa bayang ang malasakit ay hindi lang sa salita kundi sa gawa...

 

NEWSCASTER 1: ...At ang bawat balita ay patunay ng pagkakaisa at pagkilos.

 

NEWSCASTER 2: Ito ang inyong lingguhang pagtanaw sa tunay na serbisyo...

 

SABAY: ...BayambangueNews.

 

***

 

 

1. Tatlong IQAs ng LGU, Pumasa bilang Lead Auditors

 

Ang mga Internal Quality Auditor ng LGU na sina Charmaine Bulalakaw, Dale Tabion, at Quenelyn Asuncion ay matagumpay na nakapasa sa Lead Auditors Training Qualifying Examination na isinagawa sa ilalim ng QFS Systems Certifications Inc., isang accredited certifying body ng Standard Council of Canada. Kanilang pormal na tinanggap ang sertipiko ng pagpasa noong June 13 sa Maynila. Bilang pagkilala sa kanilang kakayahan, sila rin ay nabigyan ng pagkakataong mapasama sa pool of external auditors ng naturang ahensya.

 

 

2. ONGOING: Info Drive ukol sa Non-Communicable Diseases

 

Ang ating mga RHU ay kasalukuyang nagsasagawa ng health education and promotion activities sa kani-kanilang catchment area. Ang magkakahiwalay na mga health lecture ng RHU I, II, at III ay nakatutok sa pagpapalaganap ng mga impormasyon upang makaiwas sa mga non-communicable disease o mga 'di nakahahawang sakit.

 

 

3. Mandatory 1% Budget Allotment ng mga Senior Citizen, Tinalakay

 

Noong June 11, pinulong ang lahat ng presidente ng mga Senior Citizen Association ng 77 barangay sa Balon Bayambang Events Center upang talakayin sa kanila ang mandatory 1% budget allotment para sa sector. Kabilang sa mga tumalakay sa isyu ang MLGOO, MSWD Officer, at Accountant for Barangay Affairs.

 

 

4. Ikalawang Bugso ng Road Clearing, Isinagawa Bilang Paghahanda sa Pasukan

 

Isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang ikalawang bugso ng road clearing operations noong June 13, bilang bahagi pa rin ng mas pinaigting na kampanya para sa disiplina at kalinisan sa mga pangunahing lansangan, lalo na sa pagbubukas ng klase. Tuluy-tuloy ang koordinasyon ng iba't ibang ahensya at departamento upang alisin ang lahat ng mga ilegal na obstruction sa kalsada. Makikita ang malinaw na epekto ng kampanya sa mga pangunahing kalsada—malinis, organisado, at mas ligtas para sa mga motorista at pedestrian.

 

 

5. Task Force Disiplina, Tinalakay ang Kanilang Magiging Operasyon

 

Noong June 16, tinalakay sa isang pulong ang mga nakatakdang operasyon ng Task Force Disiplina, sa layuning mapalakas ang disiplina at kaayusan sa buong bayan ng Bayambang. Sa pangunguna ng PNP Bayambang, tinalakay ang pagpapatuloy ng road clearing operations sa buong bayan, ang pagpuksa sa problema ng mabahong drainage system sa Quezon Blvd. dahil sa walang pahintulot na pagbebenta ng karne, at ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin laban sa mga pasaway na ilegal vendor sa Brgy. Nalsian Sur.

 

 

6. Bayambang, Wagi Muli sa Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities

 

Muling nag-uwi ng karangalan ang mga estudyanteng Bayambangueño, matapos ang mga ito ay magwagi sa ikatlong taon ng Pangasinan IT Challenge for Youth with Disabilities. Sila ay sina Lina Junio, first placer sa Web Browsing, Jake Adam Fontanilla, second placer sa ETool Powerpoint at third placer sa ETool Excel, at Kyle Jared Aguirre, na third placer naman sa EContent Videomaking. Sila ay pawang mga estudyante ng Bayambang National High School.

 

 

7. Mga IQA ng LGU, Sumabak sa Audit Enhancement Training

 

Noong June 16, aktibong lumahok ang mga Internal Quality Auditor (IQA) ng LGU sa isang online Audit Enhancement Training, kung saan tinalakay ang mahahalagang prinsipyo ng internal audit, pati na rin ang mga katangiang personalidad at etikal na pamantayan na nararapat taglayin ng isang auditor. Nagkaroon din ng isang workshop na nakatuon sa pagsagot ng mga case study, kung saan lalong nahasa pa ang galing ng mga IQA sa pagsusuri at pagbuo ng audit findings.

 

 

8. Mga Bagong Empleyado, Binigyan ng Kaalaman sa ISO 9001:2015

 

Noong June 16, sa inisyatiba ng Office of the Mayor, nagsagawa ang ICT Office ng isang briefing seminar hinggil sa ISO 9001:2015 para sa mga bagong empleyado, upang siguraduhing ang lahat ng new hires ng Munisipyo ay kaisa sa layuning tuluy-tuloy na mapabuti ang serbisyo ng LGU at matiyak ang consistent customer satisfaction nito.

 

 

9. PDEA, Bumisita para sa Nakatakdang On-Site Validation

 

Noong June 17, dumating ang Philippine Drug Enforcement Agency Provincial Office kasama ang DILG upang talakayin ang tungkol sa on-site validation ng ahensya kaugnay ng sustainability ng Drug-Cleared o Drug-Free status ng 77 barangays ng Bayambang. Ipinaliwanag ng PDEA sa orientation activity nito ang mga criteria sa validation, documentation at procedural requirements, at iba pang updates ukol sa anti-drug initiatives.

 

 

10. PhilRice, Muling Pinulong ang RiceBIS TWG

 

Noong June 18, muling dumating ang DA-PhilRice para pulungin ang RiceBIS 2.0 Site Working Group nito sa Bayambang upang kumustahin ang progreso ng RiceBIS implementation dito at ang proposed work plan of activities sa second semester ng 2025 at mga sustainability strategy para masiguro na talagang epektibo ang proyekto.

 

 

11. MNC, Sumabak sa Nutrition Planning Workshop

 

Noong June 18 at 19, ang Municipal Nutrition Committee members ay sumabak sa isang Local Nutrition Action Planning Workshop upang i-finalize ang budget allocation ng LGU para sa nutrisyon sa 2026-2028 Annual Investment Plan nito. Ang budget allocation ay nakatuon sa mga intervention sa first 1,000 days of life at sa mga school children sa pamamagitan ng nutrition action plan na dapat ay naka-angkla sa mga prayoridad ng iba mga mandated plans ng LGU na may kaugnayan sa bagong Philippine Plan of Action for Nutrition 2025.

 

 

12. Public Hearing ukol sa Bayambang Pump Irrigation Project, Isinagawa ng NIA

 

Noong June 19, isang pampublikong pagdinig ang isinagawa dito ng National Irrigation Administration Regional Office I upang mareview ang Environmental Impact Statement para sa proyekto na makakaapekto sa 2,079 na ektaryang pangsakahan. May 21 farming barangays ang nakatakdang magbenepisyo sa makasaysayang proyektong ito.

 

 

13. 2nd Quarter NSED, Sinanayang Lahat sa Kahandaan

 

Ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa second quarter ng taon ay ginanap noong June 19, bilang isa na namang pagsasanay sa kahandaan at pagtugon sa di inaasahang paglindol. Ang pagsasanay ay pinangasiwaan ng MDRRMC Council members at nilahukan ng gobyernong lokal at iba pang ahensya.

 

 

14. KSB Year 8, Nagtungo sa Warding

 

Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 8 ay nagpatuloy naman sa barangay ng Warding, kung saan daan-daang residente ang nabigyan ng mga libreng serbisyo ng munisipyo gaya ng medical, dental, agricultural, at social welfare services. Ito ay malaking katipiran at ginhawa sa mga malalayong barangay dahil hindi na nila kailangang lumuwas pa at mamasahe patungong bayan at pag-uwi upang mag-avail ng mga serbisyo nito.

 

 

15. Joint Meeting ng LCPC, LCAT VAWC, at MAC, Isinagawa

 

Noong June 19, muling pinagsanib ang pulong ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Committee on Anti-Trafficking and Violence against Women and their Children (LCAT-VAWC), at Municipal Advisory Council (MAC), upang talakayin ang mga naging accomplishment ng tatlong nabanggit na council at magbigay ng mga latest updates. Kabilang sa pinagtuunan ng pansin ang pagbalangkas ng LCPC Plan at LCAT VAWC Plan for 2026, at mga isyu kaugnay ng implementasyon ng 4Ps program ng DSWD.

 

 

16.  Solid Waste Management Board, Nagpulong

 

Noong June 19, nagpulong ang Solid Waste Management Board para sa second quarter, kung saan pinag-usapan ang fuel consumption ng ESWMO, schedule ng garbage collection, at ang launching ng Bali-Balin Bayambang 3.0.

 

 

17. Business Forum at Seminar, Idinaos

 

Noong June 20, isang business forum ang idinaos upang pagtibayin ang ugnayan ng LGU at mga negosyante at bigyang-linaw ang proseso ng pagkuha ng business permit at iba pang kinakailangang dokumento. Matapos ilahad ng mga negosyante ang kani-kanilang mga saloobin, binigyang-diin ang kagustuhan ng LGU na gawing mas mabilis, malinaw, at abot-kaya ang proseso ng pagpaparehistro ng mga negosyo sa Bayambang.

 

 

18. Traffic Management Council, Nagpulong

 

Noong June 21, ang Traffic Management Council ay nagsagawa ng pulong sa Multi-Purpose Covered Court ng Barangay Dusoc upang talakayin ang paglulunsad ng Discipline Zone, ang proseso ng TODA franchising, at ang walang tigil na road clearing operation.

 

 

19. Daan-Daang Bayambangueño, Dumagsa sa Medical Mission

 

Noong June 21, daan-daang Bayambangueño ang muling nabigyan ng libre ngunit dekalidad na serbisyong medikal sa isang medical mission na inihatid sa tulong ng ating mga RHU at ng Bankers Institute of the Philippines at SM Foundation. Kabilang sa mga naging serbisyo ang general consultation, chest x-ray, ECG, circumcision, eye checkup, ultrasound, dental services, at iba pang laboratory tests.

 

 

***

 

Bayambang, Dapat Alam Mo!

 

Alam mo ba, ang salitang amilyar ay isang pangkaraniwang salita galing sa wikang Espanyol na "amillaramiento," na ang ibig sabihin ay "assessment of a tax." Ang pagkolekta ng tax o buwis sa Pilipinas ay nag-umpisa noong panahon ng mga Espanyol, nang ang mga datu ang siyang namumuno sa mga barangay, at ang nakolektang buwis ay siyang itinuturing na kapalit ng proteksyon at seguridad mo sa pamayanan.

 

*

 

Noon pa man ay may buwis na. Around the world, mayroon nang buwis, kahit pa noong panahon ni Hesukristo. Kung nagbabasa ka ng Bibliya ay alam mo ito.

 

Ang buwis kasi ay parte ng konseptong tinatawag na "social contract." Ang kapalit nito ay pagiging miyembro ng isang pamayanan (the governed) na may kinikilalang otoridad o gobyerno (government).

 

Ang lahat ng bansa, puwera na lang ang mga napakayaman sa resources gaya ng Brunei, ay naniningil ng tax.

 

Si Mayor Vico Sotto nga ng Pasig eh -- di ba't good boy yun? Siya mismo ay naniningil ng buwis, at parte ng kanyang maayos na pamamahala ang pinaigting na paniningil ng buwis.

 

Bayambang, dapat alam mo na hindi totoong ngayon lang naniningil ng buwis katulad ng amilyar o real property tax o RPT.

 

Dapat alam mo rin na hindi lang sa bayan ng Bayambang iniimplementa ang RPT o anumang local taxes kundi sa lahat ng lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas.

 

Huwag nagpapaniwala sa mga makasarili at mapanlinlang na mga pahayag ng ilan.

 

Papayag ka bang walang mapagkunang panggastos ang lokal na pamahalaan para sa development projects na ikaw rin naman ang makikinabang?

 

Bayambang, ngayon ay alam mo na.

 

 

***

 

[OUTRO]

 

NEWSCASTER 1: Mula sa mga proyekto ng LGU hanggang sa mga tagumpay ng bawat Bayambangueño, salamat sa pagtutok.

 

NEWSCASTER 2: Sama-sama pa rin tayo sa bawat hakbang, bawat kwento, at bawat tagumpay ng ating bayan.

 

NEWSCASTER 1: Muli, ako po si ___, kasama sa pagsulong ng bukas na mas maganda.

 

NEWSCASTER 2: At ako naman po si ___, at kami ay mula sa Assessor's Office, kaisa ninyo sa serbisyong tunay at may puso.

 

SABAY: Ito ang... BayambangueNews!

 

 

No comments:

Post a Comment