Saturday, March 1, 2025

Editorial - February 2025

 

Editorial

 

Bakit May Buwan ng Kababaihan

Kung ang nakalipas na Pebrero ay tinatawag na "love month" o Buwan ng Pag-ibig, ang ikatlong buwan naman sa kalendaryo ay tinatawag na "Buwan ng Kababaihan."

Hindi lamang sa Pilipinas binibigyang-pagkilala, parangal at pagpapahalaga ang kababaihan, kundi sa buong daigdig. At kapag sumapit na ang ika-walo ng Marso, masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang ang "International Women's Day" o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ang Pilipinas ay isa sa mga hindi nakalilimot na makiisa sa pagdiriwang.

Ang Buwan ng Kababaihan ay magandang pagkakataon upang mabigyan ng pagkilala ang mga Pinay sapagkat malayo na ang kanilang narating, nagawa, naiambag at naitulong sa pag-aangat ng kanilang kalagayan sa ating lipunan. Sa halos lahat ng sektor ng ating lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at mga potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at maging sa pamayanan o komunidad.

 Sa kasaysayan, ang "International Women's Day" ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910, bilang pagkilala sa pakikipaglaban ng mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German labor leader na si Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan ng mga manggagawa. Pagsapit ng 1977, isang resolution ang pinagtibay ng General Assembly ng United Nations, na nag-aatas sa mga bansang kasapi na ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8 ng bawat taon. Simula noon, lumaganap sa daigdig ang pagdiriwang. Nagsimula naman sa Pilipinas ang pagdiriwang noong Marso 8, 1981, kasabay ng pagkontra ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan.

Matapos ang isang linggo ng unang International Women's Day, ang sunog sa Triangle Shirtwaist Factory sa New York City ay pumatay ng 146, at halos lahat sa kanila ay mga kabataang babaeng imigrante. Ang aksidente ay naging daan sa maraming pagbabago sa kalagayan sa trabaho at mga industriya, at ang alaala ng mga taong nagbuwis ng buhay ay malaki ang bahagi sa mga pagdiriwang ng International Women's Day mula noon. 

 

***

Fire Prevention Month: Ano Ito? 

Sa bisa naman ng Proclamation No. 115-A, na nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, at Proclamation No. 360 noong 1986, ang buwan ng Marso ay idineklara bilang "Fire Prevention Month" o "Burn Prevention Month."

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kada buwan ng Marso nagaganap ang pinakamaraming sunog na naitatala taun-taon. At ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa Marso rin nagsisimula na tumaas ang temperatura sa bansa. Ibig sabihin, nagsisimula na ang summer at painit na nang painit.

 Mahalaga ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month dahil sa iba’t ibang dahilan:

 Una ay ang pagtaas ng kamalayan sa fire safety.  Ang mga kampanya at aktibidad tulad ng fire drills, information drives, at seminar ay naglalayong turuan ang publiko tungkol sa tamang pag-iingat laban sa sunog.

Ikalawa ay ang pag-iwas sa peligro at sakuna. Ang pagtuturo tungkol sa mga sanhi ng sunog at mga tamang hakbang upang maiwasan ito ay nakakatulong na mabawasan ang bilang ng mga insidente ng sunog, lalo na sa panahon ng tag-init.

Ikatlo ay ang ppagpapalakas ng kaalaman tungkol sa emergency response. Sa pamamagitan ng mga pagsasanay, natututo ang mga tao kung ano ang tamang gawin sa oras ng sunog, kabilang ang wastong paggamit ng fire extinguisher, mabilis na paglikas, at tamang pagtawag ng tulong.

Ikaapat ay ang pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad. Sa koordinasyon sa pagitan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at iba't ibang sektor, napapalakas ang kahandaan ng komunidad laban sa panganib na dulot ng sunog.

Ikalima ay ang pagsulong ng responsableng paggamit ng mga resources. Pinapaalala nito sa publiko ang kahalagahan ng maingat na paggamit ng kuryente, gas, at iba pang maaaring pagmulan ng sunog sa pang-araw-araw na buhay.

 

 

No comments:

Post a Comment