Sunday, April 7, 2024

Editorial – March 2024: Sumabay sa Pag-unlad

 

Editorial – March  2024

 

Sumabay sa Pag-unlad

Kamakailan ay napuno ng batikos ang Bayambang Water District o BayWaD matapos makarating kay Mayor Nina Jose-Quiambao ang isang reklamo kung saan nagbitiw diumano ang isa sa kanilang kawani ng mga salitang di naaangkop para sa isang empleyado ng gobyerno.

Agad na ipinatawag ng alkalde ang naturang kawani upang mapagsabihan.

Bagamat ang BayWaD ay isang national government agency at hindi ito nasa ilalim ng hurisdiksyon ng lokal na pamahalaan, may karapatan at tungkulin ang alkalde na punahin ang serbisyo nito at magreklamo lalo na’t ang tubig ay isang pangunahing pangangailangan ng lahat, mula sa pag-inom hanggang sa pagluto, pagligo, paglaba, atbp. Lubhang apektado ang ating mga mamamayan sa oras na magkaaberya o hindi maayos ang serbisyo nito.

Totoo man o hindi ang alegasyon, kami ay natutuwa dahil ang insidente ay nauwi sa pagtutok ng lahat sa napakahalagang isyu ng tubig.

Sa tinagal-tagal ng panahon ay maraming naging mabuting pagbabago sa serbisyo ng ahensya. Subalit sa panahon ng mabilis na pagbabago sa ating bayan sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan, at lalo na sa panahon na nauuso ang social media kung saan ang halos lahat ng tao ay madali at malaya nang magbigay ng saloobin, hinihiling namin na ang BayWaD at lahat ng basic utility providers ay sumabay din sana sa mabilis na agos ng pag-unlad dahil sila ay may napakalaking papel dito, lalo na ang pagpuksa ng kahirapan.

Ang anumang balakid na may kinalaman sa serbisyo ng tubig, kuryente, at telekomunikasyon ay nagiging balakid din sa paggapi sa kahirapan at sa pagbabago tungo sa pag-unlad. Mawawalan ng saysay ang napakaraming pagbabago sa bayan ng Bayambang, kung mapag-iiwanan ang basic services na hatid ng mga utility provider gaya ng BayWaD.

Kaya naman nakatutok sa ngayon ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ng alkalde, sa BayWaD upang alalayan ang ahensya at tulungang iparating sa publiko ang mga hakbangin nito at makasabay sa bilis ng mga pagbabago, at upang sa gayon ay sama-sama tayong lahat sa tungo sa pag-unlad.

 

 

 

No comments:

Post a Comment