SUMMARY OF LGU ACCOMPLISHMENTS IN S.O.M.A. FORMAT
EDUCATION FOR ALL
- (LSB, Library, DepEd)
Team Bayambang, Humakot ng Karangalan sa 2nd Pangasinan IT Challenge
Tatlong estudyante mula sa Bayambang National High School ang nag-uwi ng anim na parangal sa iba't ibang kategorya, sa ginanap na 2nd Pangasinan IT Challenge dito sa Bayambang noong March 6. Sila ay sina Dallin Jeff E. Moreno, Jeremy Miguel G. Junio, at Joseph Lenor P. Maniling, na nagwagi ng 1st, 2nd, at 3rd places sa apat na kategorya. Dahil dito, naging overall champion ang Bayambang National High School.
Mayor Niña, Dumalo sa College Financial Payout
Noong March 12, dumalo si Mayor Niña Jose-Quiambao sa payout activity para sa financial assistance ng isang libong estudyante ng PSU-Bayambang. Ang payout ay ginanap sa St. Vincent Ferrer Prayer Park sa tulong ng Local School Board at Treasury Office. May kabuuang isang milyong piso mula sa Special Education Fund ang ipinamahagi sa naging kwalipikadong enrollees matapos ang screening ng LSB.
HEALTH FOR ALL
- Health (RHUs)
RHU III, Nagkick-off Ceremony para sa World Tuberculosis Month
Ang RHU III ay nagsagawa ng isang kick-off IEC bilang parte ng pagdiriwang ng World Tuberculosis Month kahapon at ngayong araw, March 6-7, 2024, sa Brgy. Malioer at Hermoza, at ito ay dinaluhan ng 100 participants. Ito ay inisyatibo ni RHU III head, Dr. Roland Agbuya, at Angel Grace Fabia, TB-DOTS Coordinator ng RHU III.
Komprehensibong Serbisyo, Dinala sa Bongato
Sa pagdala ng buong Munisipyo sa Brgy. Bongato East noong March 15, sari-saring libreng serbisyo na nagkakahalaga ng daan-daang libong piso ang naihatid sa mga taga-barangay Bongato East at Bongato West. Sa kabuuan, mayroong 2,283 total registered clients sa naging aktibidad, na tumanggap ng mga 60 uri ng serbisyo.
Mga Bb. Bayambang, Nakilahok sa Blood Drive
Lumahok ang 2024 Binibining Bayambang candidates sa naging blood donation drive ng mga Rural Health Unit, kasama ang Region 1 Medical Center noong March 18. Dito ay binigyan ng pagkakataon na bumoto ang kada isang blood donor para sa kandidata sa Binibining Bayambang 2024 na napusuan niyang manalo ng titulong Ms. Red Cross. Sa 117 na registered donors, nakalikom ang RHU ng 110 blood bags.
Animal Bite Treatment Center, Opisyal nang Nagbukas sa RHU III
Kasabay ng selebrasyon ng Rabies Awareness Month ngayong Marso, opisyal na inilunsad ang Animal Bite Treatment Center sa RHU III noong March 19. Dahil dito, nailapit na ang pagbabakuna ng anti-rabies sa mga barangay na sakop at kalapit nito. Ang schedule ng ABTC ay tuwing Martes at Biyernes, 8:00 a.m.-4:00 pm.
Samantala, naglibot ang mga RHU sa mga barangay at sa mga paaralan upang magconduct ng information drive laban sa rabies. Ipinapaalala sa lahat na ang pinakamabisang solusyon pa rin para mapuksa ang rabies ay ang pagiging isang 1responsableng pet owner.
Mga KALIPI President, Nag-seminar sa Reproductive Diseases at Oral Health
Noong March 20, ang RHU ay nagbigay ng isang seminar tungkol sa pinaka-karaniwang reproductive illneses ng mga kababaihan, pati na ang oral health problems, partikular na ang pag-iwas, pinagmulan, pagkahawa, at gamutan nito. Ang seminar ay dinaluhan ng lahat ng presidente ng KALIPI mula sa 77 barangays.
RHU II, Nag-info Drive para sa Teenage Health
Nagsimula nang mag-ikot sa barangay ang RHU II upang magsagawa ng information-education campaign sa teenage reproductive health. Isinagawa ang IEC sa Ambayat Integrated School noong March 21, na dinaluhan ng 138 participants at A.P. Guevarra Integrated School noong March 22, na dinaluhan ng 241 participants.
Layunin ng IEC na matigil na ang maagang pagbubuntis at matutunan kung paano panatilihing maayos ang mental health.
- Nutrition (MNAO)
Update sa TNT Challenge 2024
Samantala, narito ang TOP 10 out of 36 teams ng TNT Challenge 2024 na nanguna sa buwan ng Pebrero:
Orientation, Isinagawa para sa Integrated Management of Acute Malnutrition
Isang orientation activity ang isinagawa ng MNAO ukol sa Integrated Management of Acute Malnutrition (PIMAM) mula March 25 hanggang March 26, sa Gina’s Events Garden Resort at Events Center. Ipinaunawa ng mga resource speaker mula sa provincial government at RHU ang mga tamang kaalaman sa management ng mga kaso ng acute malnutriton sa Bayambang.
- Sports and Physical Fitness (MPFSDC)
- Veterinary Services (Mun. Vet.)
– Slaughterhouse
PROTECTION OF WOMEN AND CHILDREN
- Social Services (MSWDO, MAC)
Rotary Club, Nag-feeding Activity sa Batangcaoa
Pinalawig ng Rotary Club of Bayambang ang kanilang feeding program sa Brgy. Batangcaoa noong February 3, sa pangunguna ni Rotary President Sammy Camorongan Lomboy. Ang grupo ay naghain ng masusustansyang pagkain tulad ng sopas, lugaw, itlog, at sandwich. Lubos ang pasasalamat ni Punong Barangay Santillan Abalos at kanyang mga kagawad sa naging aktibidad.
Women's Month at Fire Prevention Month, Sabayang Inilunsad
A. Nanguna ang Bureau of Fire Protection sa sabay na paglunsad ng pagdiriwang ng National Women's Month at Fire Prevention Month, sa pamamagitan ng iba't ibang aktibidad. Binigyang pugay ang lahat ng kababaihan sa pamamagitan ng pagsariwa sa kasaysayan ng women's rights movement at isang harana at iba pang performances bilang show of solidarity mula sa kalalakihan.
B. Kasabay nito ang pagpapakilala ng 23 na dilag bilang bagong batch ng Binibining Bayambang.
C. Pagkatapos ng programa ay nagkaroon ng isang motorcade ang BFP upang paigtingin ang kanilang information drive laban sa di inaasahang sunog.
Noong March 6 naman, nag-guesting ang mga nagga-guwapuhang bumbero ng Bayambang sa “Dapat Alam Mo” show ng GMA 7 sa 5:30 pm, at kanilang ipinamalas ang talento sa pagsasayaw.
5th DSWD-SLP Regional Congress, Nakatakdang Ganapin sa Bayambang
Ang Bayambang Poverty Reduction Action Team ay nagpatawag ng pulong kasama ang DSWD-SLP regional at provincial team noong March 5, upang talakayin ang nakatakdang 5th DSWD-SLP Congress, isang Sustainable Livelihood Program Trade Fair at Exhibit na gaganapin sa Bayambang sa buwan ng Mayo. Ang tatlong araw na Congress ay naglalayong imulat ang publiko ukol sa mga aktibidad ng ahensya patungkol sa Sustainable Livelihood Program at ang magagandang naidudulot nito sa mga benepisyaryong 4Ps at sa buong komunidad.
43 CDCs, Pasado sa Revalidation
Ang 43 Child Development Centers ng Bayambang ay pumasa sa revalidation ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, kung kaya't sila ay nakatanggap ng Certificate of Recognition mula sa nasabing ahensya. Isang mainit na pagbati sa lahat ng revalidated CDC.
LGU, Bumuo ng 2025 GAD Plan & Budget
Mula March 13 hanggang 15, lumahok sa tatlong araw na workshop sa Gender and Development Planning & Budgeting para sa taong 2025 ang mga piling kawani ng LGU, sa San Juan, La Union. Ito ay upang maisulong ang gender equlity sa bayan ng Bayambang. Ipinaunawa ng resource speaker galing Philippine Commission on Women ang tamang paggamit ng gender analysis tools, na siyang makatutulong sa pagbuo ng mga proposed programs, activities, at projects na maituturing na gender-sensitive o gender-responsive.
Mayor Niña, Magbibigay ng Tulong sa 6 4Ps Survival Cases
Sa unang quarter ng pagpupulong ng Municipal Advisory Council, nangako ng tulong si Mayor Niña Jose-Quiambao sa anim na 4Ps members sa "survival cases." Ang mga ito ay bibigyan ng mga livelihood program. Ang isa naman na may medical condition ang anak ay tutulungan sa medical needs nito. Ang apat na iba pa na walang maayos na tirahan ay bibigyan naman ng pabahay.
Validation, Isinagawa para sa Ulirang Bayambangueña
Ang MSWDO, kasama ng mga Binibining Bayambang, ay nag-ikot sa mga barangay upang magsagawa ng validation activity para sa mga nominadong Ulirang Bayambangueña. Sa nasabing patimpalak, mabibigyan ng parangal ang mga lokal na kababaihang mayroong natatanging accomplishment o katangian na nagsisilbing inspirasyon sa komunidad.
Community Gardening Projects ng KALIPI, Ininspeksyon
Nagsagawa naman ng validation activity ang MSWDO sa mga Community Gardening Project ng Kalipunan ng Liping Pilipina o KALIPI Bayambang sa walong barangay. Kasama bilang judge ang MLGOO, MNAO, Agriculture Office, at MAC Office. Sila ay nag-inspect sa Dusoc, Zone II, Zone III, Magsaysay, Buenlag II, Poblacion Sur, Idong, at Tampog.
Mga Men's Team, Nag-Basketball Match nang Nakabestida
Isang men's basketball match ang ginanap noong March 19 sa pagitan ng LGU at national agencies pero ito ay may kakaibang twist. Ang bawat miyembro ng dalawang koponan ay rumampa at nagbestida upang ilagay ang kanilang sarili sa sitwasyon ng kababaihan o "by putting themselves in the shoes of women." Nagwagi ang Team LGU sa score na 94-85, subalit ang parehong koponan ay panalo sa pagpapahalaga sa estado ng kababaihan.
Girls' Night Out, Nagpugay sa Women Leaders mula ng Iba't Ibang Sektor
Kinagabihan ng March 22, nagkaroon naman ng Girls' Night Out, bilang natatanging gabi ng pagpupugay sa lahat ng mga namumunong kababaihan at pagkilala sa kanilang tagumpay sa iba't ibang larangan, sa pamamagitan ng isang formal sit-down dinner party sa Events Center. Ito ay dinaluhan ng mga kababaihan mula sa iba't ibang sektor at sinuportahan ng mga tinaguriang "honorary women" na sina Dr. Cezar Quiambao at Councilor Benjie de Vera.
PES Training, Ginanap para sa mga Guardian ng Daycare Pupils
Isang Parent Effectiveness Service (PES) Training ang sabay-sabay na isinagawa noong March 21 sa mga Child Development Centers para sa mga magulang at guardians ng mga naka-enrol na child development learners, kaugnay sa paggamit ng bagong Early Childhood Care and Development (ECCD) Assessment Tool.
Ang Cluster training ay isinagawa sa Brgy. Buayaen, Carungay, at San Vicente.
10 Ulirang Bayambangueña, Kinilala
Naging major highlight ng National Women's Month 2024 ang search for the 1st 10 Ulirang Bayambangueña, na naglalayong kilalanin ang mga kababaihan ng Bayambang na nagpamalas ng mga personal na katangian at accomplishment na talagang kahanga-hanga at nakaka-inspire. Sila ay sina Belinda Fajardo ng Bical Norte, Nancy Espinoza ng Zone VI, Lerma Padagas ng Tamaro, Cresilda Malbog ng Buenlag 1st, Josephine Ramos ng Beleng, Merly Sigua ng Cadre Site, Jennifer Alupig ng Cadre Site, Milanie Centeno ng Cadre Site, Rebecca Agbuya ng Buenlag 1st, at Gretchen Pacis ng Magsaysay.
Apat na 4Ps Beneficiaries, Pinagkalooban ng Mga Kubo ni Mayor Niña
Apat na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pinagkalooban ni Mayor Niña ng mga bagong bahay kubo matapos sila ay dumaan sa validation activity ng MSWDO at DSWD. Noong March 25, ihinatid ng LGU ang mga kubo kina Loreto Sibayan Gonzales ng Brgy. Darawey, Brenda Verdida Henese ng Paragos, Jomar Tamondong Zulueta ng Banaban, at Gerry Patayan Datuin ng Sanlibo. Naghatid ng mensahe ng pasasalamat ang buong pamilya ng mga nabanggit kay Mayor Niña.
Symposium at Pampering Services: Handog sa Kababaihan
Bilang parte pa rin ng paggunita sa Buwan ng Kababaihan, isang symposium para sa mga kababaihan ng LGU ang isinagawa ng HRMO noong March 8 sa Events Center, kung saan napag-usapan ang iba't ibang paksa ukol sa women empowerment. Naghandog naman kinahapunan ng libreng pampering services, kabilang ang haircut, back massage, manicure, at pedicure bilang pagpapahalaga sa kanilang papel bilang babaeng kawani at kadalasan ay maybahay at ina rin ng tahanan.
LGU, Umindak para sa Kababaihan
Sa nasabi ring araw, isang Zumba activity naman ang sumunod na isinagawa ng HRMO sa harap ng Munisipyo kasama ang Bureau of Fire Protection. Sa bawat pag-indak at paghataw ng mga kawani, naipakita ang kahalagahan ng malusog na pangangatawan sa pagbibigay ng tapat at mahusay na serbisyo publiko.
Women’s Sanitary Kits, Ipinamahagi
Bilang parte pa rin ng selebrasyon ng National Women's Month, isang libong kababaihan ang nabigyan noong March 11 ng mga women's sanitary kit sa mga public school, palengke, at bawat opisina ng LGU. Ang mga sanitary pouches na naglalaman ng napkin at feminine wash ay personal na ipinamahagi ng MSWDO at mga Binibining Bayambang.
Mga Kalalakihan, Tumindig para sa Women's Rights
Sa kaunaunahang pagkakataon ay tanging mga kalalakihan ang nakinig at nakilahok sa isang symposium tungkol sa Violence against Women (VAW) o Karahasan Laban sa mga Kababaihan. Ito ay isinagawa ng MSWDO sa tulong ng MNAO noong March 12 sa Events Center. Ang mga kalahok ay nagpakita ng suporta upang maging bahagi ng solusyon sa isyu, sa halip na maging dahilan ng karahasan laban sa kababaihan. Naging resource speakers ang mga opisyal mula sa Philippine Commission on Women, Public Attorney's Office, at Provincial Prosecutor's Office.
- Civil Registry Services (LCR)
Late-Registrant Birth Certificates, Inaward ng LCR
Ang LCR Office ay nagsagawa ng dalawang araw na awarding ceremony kaugnay ng BIRTH REGISTRATION ASSISTANCE PROJECT ng Philippine Statistics Authority, kung saan nagkaroon ng AWARDING OF BIRTH CERTIFICATE IN SECURITY PAPER (SECPA). Noong February 28, sila ay nasa Brgy. Malimpec Covered Court, at noong February 29 naman, sila ay nagtungo sa Brgy. Bical Norte Covered Court. Ang dalawang araw na aktibidad ay mayroong kabuuang 68 na benepisyaryo mula sa 16 na barangay.
- Environmental Protection (MENRO, ESWMO)
Mga CSO, Vice Mayor IC, Nag-clean up Drive
Ang mga miyembro ng Federation of Civil Society Organizations of Bayambang (FCSOB) sa ilalim ni President Jonathan de Vera at iba pang grupo ay nagtulung-tulong sa isang clean-up drive noong March 2, sa iba't ibang barangay, sa pakikipag-tulungan sa ESWMO. Kasama rin sa aktibidad ang PNP-Bayambang, at may espesyal na partisipasyon naman si Vice Mayor IC Sabangan. Ito ay isang pag-suporta sa Bali-Balin Bayambang project ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
Dalawang Scops Owl, Isinurender sa DENR
Dalawang scops owl ang magkahiwalay na isinurender ng ilang residente sa MENRO. Noong March 18 at March 20, inihatid ng ilang residente ng San Gabriel 1st ang naturang mga kwago na natagpuan at nahulog sa puno. Ang kuwago ay ibinigay ng ESWMO staff sa pangangalaga ng PENRO Lingayen at CENRO Dagupan sa mga sumunod na araw.
- Youth Development (LYDO, SK)
SK Federation at Youth Org, May Libreng Concert
Noong gabi ng March 8, naghatid ng saya ang Sangguniang Kabataan Federation Bayambang at Philippine Youth Organization ng isang libreng thanksgiving concert at variety show sa Events Center, sa pangunguna nina SK Federation President Marianne Cheska Dulay at Outstanding Youth of the Philippines awardee Vandave Paragas. Ilang personalidad mula sa entertainment world ang dumating upang magbigay kinang sa naturang event.
- Peace and Order (BPSO, PNP)
AGRICULTURAL MODERNIZATION - (MAO)
ECC Activities para sa Irrigation Project, Pinagpulungan
Palapit nang palapit ang pagsasakatuparan ng inaasam na Bayambang Pump Irrigation Project ng administrasyong Quiambao-Sabangan. Noong March 1, muling dumating ang National Irrigation Administration upang tulungang mabuo ang Environmental Compliance Certificate para sa proyekto. Hiningi ng NIA ang tulong ng LGU para sila ay makakalap ng mga socio-economic at agronomy data. Pagkatapos ay tinalakay ng lahat ng apektadong sektor ang kani-kanilang impresyon sa proyekto.
22 Farmers, Nagtapos sa Corporate Farming Program
Nagsipagtapos ang may 22 farmer-cooperators na taga-Bayambang na naging benepisyaryo ng Corporate Farming Program ng provincial government, noong March 7 sa St. Vincent Ferrer Prayer Park. Ang mga graduate ay binati nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice Governor Mark Ronald Lambino, at iba pang matataas na opisyal. Sa corporate farming project, mas marami ang mabibiyayaan ng pag-unlad sa pagsasaka gamit ang makabagong kaalaman at teknolohiya.
JOBS AND LIVELIHOOD FOR ALL
- Livelihood and Employment (PESO, BPRAT)
OJT at Work Immersion Students, Idineploy ng PESO
A. Nagsagawa ang PESO Bayambang ng isang serye ng orientation activities para sa mga work immersion students at OJT students mula sa iba't ibang paaralan. Ang mga ito ay pormal nang nadeploy sa iba't-ibang departamento ng LGU.
B. Kabilang dito ang ilang hayskul na nagtetraining ngayon sa SMAW o shielded metal arc welding sa Municipal Motorpool.
1,736 Katao, Bagong Batch ng TUPAD Beneficiaries
Dumating noong March 1 si Congresswoman Rachel 'Baby' Arenas upang pangunahan ang pamamahagi ng panibagong ayuda mula sa DOLE-TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers sa tulong ng kanyang tanggapan at ng PESO-Bayambang. May 1,736 na bagong benepisyaryo ang tumanggap ng tulong na umaabot sa halagang P4,350 bawat isa. Kabilang sa mga tumanggap ang mga graduate ng 4Ps at miyembro ng pamilya ng mga BHW, BNS, at BSPO.
Profiling ng Bagong TUPAD Beneficiaries, Isinagawa
Isa na namang profiling activity para sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers ang isinagawa ng DOLE at PESO-Bayambang noong March 22 sa St. Vincent Ferrer Prayer Park. Sa pagkakataong ito, ang target beneficiaries ng emergency employment program ng ahensya ay mga 593 KALIPI members na popondohan ng tanggapan ni Senator JV Ejercito at 164 farmers na apektado ng El Niño na popondohan naman ng DOLE.
- Economic Development (SEE)
- Cooperative Development (MCDO)
- Tourism, Culture, and Arts (MTICAO)
Little Mr. and Ms. Bayambang 2024, Ipinakilala
Matapos ang masusing screening, opisyal nang ipinakilala ang 22 na bibo at talentadong batang Bayambangueño sa Little Mr. and Ms. Bayambang 2024 noong March 11 sa Events Center. Isa-isang nagpakilala sa stage ang mga contenders na may kanya-kanyang kasabihan, hugot lines, at jokes na naging kwelang-kwela sa mga manonood.
Little Mr. and Ms. Bayambang Contenders, Nagtagisan ng Talento
Noong March 15, nagtagisan ng galing ang mga tsikiting sa talent portion ng Little Mr. and Ms. Bayambang 2024, kung saan ipinapamalas ng mga bibong contenders ang kanilang mga natatanging kakayahan at galing sa iba't ibang larangan. Hindi nagpahuli ang bawat isa sa kanyang performance, mula sa pag-awit, modern dance, folk dance, pagtula, drama, at acting. Ang mga nagwagi ay malalaman sa araw ng pageant sa darating na April 3.
Bayambang, Kabilang sa DOT Philippine Experience Program
Noong March 21, dumating ang Department of Tourism, kabilang ang apat na Regional Directors, sa bayan ng Bayambang bilang parte ng Philippine Experience Program ng ahensya. Layunin ng programa na maipromote ang mga bagong tourism attractions sa bansa, at kabilang dito ang mga produkto at tourism sites ng Bayambang. May higit na 80 na bisita mula sa iba't ibang sektor ang winelcome ng MTICAO team sa St. Vincent Ferrer Prayer Park upang ibida ang bayan ng Bayambang bilang isang bagong tourism destination.
- Infrastructure Development (Engineering: Infra, Housing, Transport, Utilities, etc.)
LGU Bayambang at BayWaD, Muling Nagpulong
Muling nakipagpulong ang LGU Bayambang sa Bayambang Water District (BayWaD) noong March 18, upang bigyang solusyon ang mga panibagong isyu at reklamo ng publiko ukol sa suplay ng tubig. Tinalakay ng grupo ang mga sanhi ng maruming tubig at kakulangan ng water pressure sa matataas na lugar. Isa-isa itong sinagot ng BayWad, at nangako ang ahensya na mas pagbubutihin pa nila ang kanilang serbisyo.
LGU Bayambang, Mas Pinaiigting ang Pakikipagtulungan sa BayWad
Noong March 22, dumalo si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, bilang kinatawan ng LGU sa board meeting ng Bayambang Water District (BayWad) kabilang sina Board of Directors Chairman, Atty. Marlon Nonato. Dito ay patuloy na pinag-usapan ang mga planong isasagawa ng ahensya upang mas maglevel-up pa ang kalidad ng kanilang serbisyo sa tulong na rin siyempre ng lokal na pamahalaan. Ilan sa kanilang kasalukuyang proyekto ay ang Drilling of Test/Production Wells sa iba't ibang barangay, na magiging daan upang magkaroon ng sapat at dagdag na supply ng tubig, at masiguro ang water pressure sa mismong bayan at sa areas ng mga nabanggit na barangay.
DISASTER RESILIENCE - (MDRRMO)
LGU-Bayambang, Pinakaunang sa Region 1 na ICS Ladderized Course Completer
Ang LGU Bayambang ay ang unang LGU na makakumpleto ng pagsasanay sa Incident Command System (ICS), ayon sa ulat ng Office of Civil Defense Regional Office 1. Ito ay matapos grumadweyt ang ilang piling opisyal at staff ng LGU ng ICS Level IV o Training for Instructors noong February 12-16, sa Calasiao.
MDRRMO Updates
A. Ang MDRRMO ay nagsagawa ng clearing and cleaning operation sa mga evacuation center sa San Gabriel 1st, Pugo, at Wawa bilang paghahanda sa anumang sakuna at kalamidad.
B. Sila ay nagsagawa rin ng massive soil cultivation, soil enhancement, at soil conditioning, at naglagay ng organic fertilizer sa mga fruit-bearing trees na naitanim sa naturang Evacuation Centers noong nakaraang taon upang tulungang maka-survive ang mga ito ngayong panahon ng tagtuyot.
C. Samantala, ang mga estudyante ng Bayambang National High School at Pangasinan State University na na-assign sa MDRRMO para sa kanilang work immersion ay sumailalim sa orientation ukol sa DRRM operations, mga lecture, at isang demonstration sa Standard First Aid at Basic Knot Tying, upang sila ay magkaroon ng kaalaman at kasanayan na maaaring magamit sa araw-araw at lalo na sa panahon ng kalamidad.
Pagiging Listo, Muling Ipinamalas sa NSED
Muling nakiisa ang bayan ng Bayambang sa 1Q ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED). Lumahok sa pagda-"duck, cover, and hold" ang lahat ng empleyado ng LGU, kasama ang 77 barangays, at maging ang 68 na paaralan, kabilang ang Bayambang Polytechnic College, at lahat ng Child Development Center sa mga barangay. Ang NSED ay inorganisa ng MDRRMO, sa tulong ng PNP, BFP, at BPSO.
HONEST & EFFICIENT PUBLIC SERVANTS
Financial Services
Bayambang, Nag-host ng LGU Accountants Meeting
Noong March 8 pa rin, napiling host ang bayan ng Bayambang ng Pangasinan Association of Local Government Accountants o PALGA para sa monthly meeting nito. Ang pulong ay dinaluhan ng iba't-ibang LGU accountants mula sa buong probinsya ng Pangasinan sa Niñas Cafe, Saint Vincent Village. Dumating bilang resource speaker ang Provincial Director of Civil Service Commission na si Dir. Flordeliza Bugtong.
Property Assessment Services
Assessor's Nag-Survey sa San Gabriel 2nd PRDP Project
Ang Assessor's Office ay nagsagawa ng land survey o pagsusukat sa mga nasementadong bahagi ng ginagawang tulay sa San Gabriel 2nd, kabilang na ang mga approaches nito. Ito ay kaugnay sa proyekto ng Department of Agriculture na Philippine Rural Development Project.
Isa na namang Residente, Tinanggap ang Titulo for Transfer of Ownership para sa Magsaysay Lot
Isa na namang residente ng Brgy. Magsaysay ang nakatanggap ng titulo for Transfer of Ownership para sa kanyang inookupahang lupa ng Munisipyo sa naturang barangay, matapos nitong makumpleto kamakailan ang pagbili ng lote. Siya ay si G. Evangeline Matabang, at kanyang tinanggap ang titulo mula kay Municipal Assessor Annie de Leon noong March 26.
Assessor's Office Updates
A. Patuloy ang Assessor's Office ng kanilang pamamahagi ng Notice of Assessment (NOA) at Real Property Tax Order of Payment (RPTOP) upang mapaalalahanan ang mga property owner sa kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis.
B. Samantala, isang site validation activity ang isinagawa ng Assessor's team sa Brgy. Tatarac noong February 26 para sa proposed RHU 7 Building na nakatakdang maglapit ng serbisyong medikal sa mga residente ng District 4.
- Planning and Development (MPDO)
- Legal Services (MLO)
- ICT Services (ICTO)
Management Review, Isinagawa
Noong March 11, nagtipon ang mga LGU department head, Internal Quality Auditor, at Document Control Custodian para sa isang Management Review sa Events Center. Sa pulong ay minonitor, sinuri, at binigyang-pansin ang iba't ibang isyung lumabas matapos ang Internal Quality Audit alinsunod sa ISO 9001:2015.
- Human Resource Management (HRMO)
- Transparency/Public Information (PIO)
BNHS Students, Official Media Partner sa Pista'y Baley 2024
Noong March 15, pinulong ng MTICAO ang mga student journalist ng Bayambang National High School (BNHS) at ang kanilang mga adviser ukol sa local media coverage sa darating na selebrasyon ng Pista’y Baley 2024. Kanilang tinalakay ang iba’t-ibang aktibidad na magaganap sa darating na Pista’y Baley 2024 at kung paano ang mga ito dapat maiulat ng maayos.
- Property Custodial Services (GSO, Motorpool)
AWARDS AND RECOGNITIONS
ESWMO, Kinilala ng GSO Lingayen
Sa 1st Quarter Meeting ng Provincial Solid Waste Management Board na dinaluhan ni MENRO Joseph Anthony Quinto bilang Resource Speaker, binigyang pagkilala ng General Services Office (GSO) ng LGU-Lingayen ang LGU-Bayambang partikular na ang ESWMO dahil sa mabisang implementasyon nito ng iba’t ibang programa at istratehiya sa pagpapanatili ng kalinisan sa bayan.
Kasabay din nito ay pormal nang nanumpa si Quinto bilang bagong talagang Pangasinan Environment and Natural Resources Officers (PAENRO) Association President.
PESO-Bayambang, Umani ng 3 Parangal
Ang PESO-Bayambang, sa ilalim ni SLEO Gernalyn Santos, ay nakatanggap ng tatlong parangal, sa ginanap na DOLE Region 1 PESO Year-End Performance Assessment (YEPA) noong March 11-13, sa Alaminos City. Ang tatlong Special Citations ay:
- Top Performing PESO in Career Development Support Program
- Timely Submission of Monthly Reports
- at Institutionalization of Barangay Employment Service Offices o BESO
11 GIP Beneficiaries, Idineploy sa LGU
Noong March 13, nag-courtesy call kay Mayor Niña ang 11 na interns na benepisyaryo ng GIP o Government Internship Program ng Department of Labor and Employment, kasama ang PESO Bayambang. Sa araw ring iyon, sila ay i-dineploy sa iba't ibang departamento ng LGU at sila ay nakatakdang magtrabaho sa Munisipyo sa loob ng 66 na araw.
LEGISLATIVE ENACTMENTS - (SB)
No comments:
Post a Comment