Banta ng Tagtuyot, Paghandaan
Ayon sa PAGASA, isa ang Pangasinan sa mga lugar sa bansa na tatamaan ng tagtuyot sa mga darating na buwan, mula 4th quarter ng 2023 hanggang sa kalagitnaan ng 2024, kung saan ang dami ng ulan ay bababa ng mula 21% hanggang 60%.
Isa sa mga posibleng epekto nito ay ang pagbaba ng suplay ng tubig na inihahatid ng Bayambang Water District (BayWad).
Ang pagbaba ng suplay ng tubig mula sa BayWad at sa tubig-ulan ay makakaapekto siyempre sa maraming bagay, tulad ng pagsasaka, suplay ng pagkain, pang-araw-araw na gawaing bahay (pagluluto, paglilinis, pagliligo, atbp.), at kalusugan.
Dahil dito, pinapakiusapan ang lahat na magtipid sa paggamit ng tubig at gumawa ng lahat ng maaaring paraan upang iwasan ang pag-aksaya ng tubig sa araw-araw.
Alam ba ninyo na marami tayong maaaring gawin upang makatipid sa tubig? Kabilang dito ang: pag-double check ng mga linya ng tubig sa mga posibleng pagtagas, at pagrepair ng lahat ng pagtagas ng tubig sa mga gripo; pagsalo sa tubig na pinampaligo gamit ang batya at paggamit ng pinampaligo sa paglilinis ng bakuran; at pagsalo ng buhos ng ulan gamit ang mga drum. Maaari ring magtoothbrush gamit ang isang baso ng tubig sa halip na diretsong nakabukas ang gripo.
Sa malilit na paraang ito, nakatipid ka na, bababa pa ang konsumo mo ng tubig at babayarang bill.
Sa banta ng tagtuyot, kailangan nating maging maparaan. Sa ating pagtutulungan, ang pagsubok na dulot nito ay kayang-kaya nating malampasan.
Samantala, sama-sama tayong manalangin sa Panginoon na huwag nang tumuloy sa ating bansa ang bagsik at hagupit ng tagtuyot.
No comments:
Post a Comment