Konting Respeto Naman
Noong kasagsagan ng mga pagbagyo at kinailangang magdeklara ng ating alkalde ng suspensyon ng klase, mayroong isang di makakalimutang insidente. Isang bata ang walang habas na nagkomento ng walang paggalang sa official Facebook page ni Mayor NiƱa Jose-Quiambao matapos magpost ang alkalde ng suspensyon na sa tingin ng bata ay huli na sa byahe.
Ito ay nalakalungkot na gawi sapagkat, ayon na rin mismo sa alkalde, hindi ito ang pinakaunang pangyayari kundi tila nagiging talamak na.
Kailanman ay hindi katanggap-tanggap ang ganitong asal, kaya't kami ay napaisip sa likod ng pagkabigla at pagkalungkot.
Tulad kasi ng lahat ng mga Asyano, kabilang na ang ating mga kapwa Pilipino, tayong mga Pangasinense ay may tradisyon ng pagpapahalaga at pagpapakita ng respeto sa mga nakatatanda. Ipinapamalas natin ito sa iba't ibang pamamaraan, mapa-salita man o gawa.
Isang halimbawa ay ang tradisyon ng "panagpinsiw" (o "pagmamano" sa Tagalog) bilang isang paraan ng pagbati sa mga nakatatanda. Ito ay kadalasang isinasalin bilang "paghalik sa kamay," ngunit ito ay ang paglapat ng kamay ng nakatatanda sa noo. Ang hindi pag-obserba nito, lalo na sa ating mga kaanak na nakatatanda, ay itinuturing na kawalan ng respeto.
Di tulad ng mga Kanluranin gaya ng mga Amerikano, magkaiba ang turing natin sa mga nakatatanda kumpara sa mga nakababata sa atin o mga kaedad natin. Ito'y malinaw na makikita kahit na kakaunti ang pagkakaiba sa edad (tulad na lamang isang taong pagitan), at kahit na kapag kausap natin ang mga taong hindi natin kakilala.
Hindi man tayo gumagamit ng "po" at "opo" tulad ng mga Tagalog, gumagamit naman tayo ng mga plural na mga panghalip gaya ng iba pang mga Pilipino kapag tayo ay nagsasalita nang direkta sa isang tao na malayo ang tanda sa atin o kaya'y hindi natin matiyak ang katayuan sa lipunan.
Marami tayong mga mga katutubo at tradisyunal na tawag bilang tanda ng ating pagmamahal at respeto sa nakatatanda. Mula sa “Laki,” “Apo,” “Bae,” “Amang,” “Inang,” hanggang sa “Atsi,” “Kuya,” “Pangamaen,” “Panginaen,” hanggang sa mga titulong pampropesyunal.
Ang mga opisyal ng gobyerno ay partikular na maingat na tinatawag ayon sa kanilang mga opisyal na titulo bilang paggalang sa taas at halaga ng iniatang na tungkulin sa kanilang balikat upang maging lingkod-bayan. Ang paglabag sa protokol ay itinuturing na kawalan ng paggalang o dili kaya'y isang pambabastos.
Dahil sa social media, nagiging mas madali nang makontak ang isang tao at madalas ay nakakalimutan na rin ang kortesiya dahil mas madali na ring magtago ng identidad at mas madali na ring magpanggap. Kaya siguro may mga kabataan sa ngayon ang nakakalimot na gumalang sa mga otoridad online, kahit pa man din sa pinakamataas na lingkod ng bayan.
Ito'y nakakalungkot kung isiipin sa harap ng ating mayaman at mahabang tradisyon ng paggalang. Sana ay ibalik natin ang kulturang ito ng kortesiya at paggalang, kung hindi man sa nakatatanda ay kundi dahil sa ito ay isang makataong gawi.
No comments:
Post a Comment