EDITORIAL for December
Pinagtibay ng Pagsubok
Ang daming nangyari sa loob ng taong 2022. Sa wakas ay humupa na ang kaso ng covid-19, datapwat nariyan pa rin ito at patuloy na naghahasik ng karamdaman sa ilan at hatid nitong pangamba. Ngunit dahil ang mga dating mahihigpit na protocol ay suspendido na, patuloy tayo ngayong pilit na ibinabalik sa dati ang lahat. Ang mga may pera ay tila humataw pa sa mga road trip at foreign travel na dati ay pinangarap lang nila dahil biglang naging imposible noong kasagsagan ng pandemya.
Pumutok ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ang mundo ay naipit sa inflation na dulot nito. Sa pagtaas ng presyo ng gasolina at sa domino effect nito, lalong humirap ang buhay ng mga dati nang naghihikahos. Ang mga basic commodities na di kailanman natin naisip na tumaas tulad ng asukal at mantika ay biglang nagtaas-presyo. Ang bill naman sa kuryente ay lubhang naging kahindik-hindik ang pag-akyat, kaya't kanya-kanyang diskarte sa pagtitipid ang kinailangang gawin.
Nadagdagan pa ito ng unos na dala ng masamang panahon, na siyang lalong nagsadlak sa utang sa marami nating kababayang nagsasaka, lalo na ng mga gumastos ng daan-daang libong piso upang sumugal sa sibuyas.
Nagkaroon tayo ng bagong liderato, mula sa presidente hanggang sa alkalde, at di rin inaasahan na sa bayan ng Bayambang, dalawang kababaihan na ni wala sa kanilang hinagap ang maging lider ng bayan balang araw ang biglaan ding iniluklok ng ating mamamayan. Bagamat hindi kanais-nais ang kanilang sinalubong na pagsubok sa pag-upo, buong tapang nilang hinarap ang mga ito, bitbit ang kanilang mandato at tiwala sa sarili at sa Diyos.
Malaking tulong siyempre ang kanilang buong paniniwala sa programang Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng naunang administrasyong Quiambao-Sabangan, kaya't nangakong ipagpapatuloy ang mga nakahanay na gagawin at mas lalo pang paiigtingin sa likod ng pagsidhi ng kahirapan dala ng mga 'di inaasahan.
Kaakibat ng pangakong iyon ang handog na tatak ng mga kababaihan: ang mapag-arugang pamamahala ng isang ina ng tahanan, ang magsilbing ilaw sa gitna ng kadiliman, at ang mapusong pagtingin sa mga sitwasyon at bagay-bagay. Sa kabila ng mga alinlangan at maging mga personal na dagok sa buhay, kanilang naitawid ang uri ng pamamahalang iyon sa pakikiisa na rin ng lahat kahit na magkaiba ang bagong liderato ng istilo sa nakasanayang pakikitungo.
Isang malaking bagay sa liderato -- at sa ating lahat na rin -- ang matagumpay na mairaos ang ganitong uri ng mapaghamong taon sa kabila ng kanya-kanyang pinagdaraanan sa buhay. Ito ay nagbibigay ng pag-asa sa kabila ng kawalang-katiyakan minsan ng hinaharap. Bukod sa ating likas na pananalig sa Poong Maykapal, ito rin ay nagbibigay ng lakas sa ating lahat na kaharapin ang bagong taon ng buong tapang.
Lahat ng simula tulad ng taong 2022 ay may hangganan, at lahat ng hangganan ay tiyak na nauuwi sa bagong simula, tulad ng parating na taong 2023. Kaya't sa bagong taong ito, magpasalamat tayo sa mga pagsubok na ating sinuong dahil sa mga aral na hatid nito, dahil sa pagpapatibay nito sa ating pananampalataya.
Dalangin namin na, hangga't marubdob ang ating pagnanasang makaahon sa hirap at hangga't may pagkakaisa sa kung paano ito masosolusyunan, walang balakid na hindi natin kayang maalpasan gamit ang mga aral na ating natutunan sa loob ng isang mapaghamong taon.
Isang Manigong Bagong Taon sa lahat!
No comments:
Post a Comment