[Editorial for December 2021]
Tricycle Blues
Sa bayan ng Bayambang, di maipagkakailang traysikel pa rin ang pangunahing pampublikong sasakyan o public transport ng mga mamamayan kung gagala sa loob ng bayan. Bagama’t naglipana na ang mga pribadong motorsiklo, nangunguna pa rin ang mga traysikel sa dami sapagkat nananatili itong kumbinyente na pampasaherong sasakyan na abot sa kakayahan ng nakararami. Kaya’t lahat ng isyu patungkol dito ay apektado ang karamihan sa ating mga kababayan.
Batid ito ng pamunuang Quiambao-Sabangan, kaya’t di nakapagtataka na ang isa sa pinakaunang naging proyekto nito ay ang pagtayo ng isang maayos na Tricycle Terminal. Bakit ba na sa dinami-dami ng pwedeng iprioritize na proyekto sa bayan ay ito ang napili? Iyan ay walang iba kundi dahil sa tunay na pagmamalasakit sa kapakanan ng ating mga malilit na tricycle driver at kanilang mga parokyanong commuter. Bukod sa maayos na terminal ay binigyan din sila ng TV, electric fan, sariling CR, at may katabi pang basketball court.
Kakulangan sa prangkisa at naglipanang kolorum
Dahil na rin ang traysikel ang madaling makita sa daan, maraming isyu at batikos ang lumalabas kakabit nito. Una na rito ang isyu sa kakulangan sa prangkisa kung kaya’t naglipana ang mga kolorum na driver at operator. Dahil di rehistrado ang mga ito, natural na hinihingi ng batas na ang mga kolorum ay hulihin at kontrolin. Ang dahilan? Una, kailangan nating protektahan ang karapatan ng mga legal at rehistradong traysikel, dahil baka sila naman ang malamangan ng hindi rehistrado. Pangalawa, ang bilang ng prangkisa ay limitado sa 2,000 lamang dahil iyan ang lumalabas na kaya lamang ng ating transport system sa ngayon, ayon sa masusing pag-aaral ng ating Sangguniang Bayan at Municipal Planning and Development Office sa pakikipagkonsultasyon sa mga apektadong sektor gaya ng Tricycle Operators and Drivers Association at mga commuter, at ang desisyong ito ay nakapaloob sa LGU-Bayambang Local Public Transportation Route Plan na aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Kakulangan sa parking space, pagkakaroon ng parking fees
Ikalawang malimit banatan ay ang kakulangan ng parking areas at pagkakaroon ng parking fees para sa mga pribadong sasakayan, kabilang na ang mga traysikel na “pang-service” o personal use. Una, mayroon naman parking areas ang mga traysikel sa plaza at basketball court sa plaza. Ngayon, kung kulang pa rin ito, hindi na siguro natin kasalanan na sobrang sikip na ang espasyo sa sentro ng ating bayan dahil ang disenyo nito ay itinalaga noon pang Spanish colonial times – sa maikling salita, pangkalesa ang disenyo ng sentro -- mula siguro noong 1600s hanggang 1800s. Kaya naman sinisikap ng administrasyong Quiambao-Sabangan na gumawa ng bagong sentro sa may Brgy. Bani.
Ang pagkaroon naman ng parking fees sa mga piling lugar ay dahil, una, para maging paraan ito ng pagkontrol sa siksikan o congestion sa sentro, at pangalawa, bilang additional source of income ng LGU, ayon na rin sa isang lumang ordinansa na ang mga signatory ay mula pa sa nakaraang administrasyon.
‘No Parking’ spaces, trike rerouting
Ang pangatlong paboritong pag-initang isyu ay ang mga ‘No Parking’ areas at road-clearing at rerouting activities ng pamahalaan. Sa mga hindi nakakabatid, ito ay isang direktiba ng pamahalaan nationwide at sa katunayan ay araw-araw pa nga ang coverage ng media sa balitang ito. Kapag hindi ito ipinatupad ng Mayor ay malalagot sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mismong kay Pangulong Duterte – mabibigyan pa ng “Show Cause” order at maaaring mauwi pang makasuhan.
Ang ‘No Parking’ areas naman, tulad ng harap ng Central School, ay ipinagbabawal mismo ng DPWH na siyang may hawak ng ating national road dahil ito anila ay parte ng public eminent domain. Sa madaling salita, ang sidewalk ay para lamang sa pedestrian, na dati ay karaniwang naagawan ng espasyo sa simpleng paglalakad sa gilid ng daan – isang bagay na ‘di makatarungan para sa lahat ng pedestrian.
Ang nangyayaring rerouting naman ay bunsod ng utos na ilayo ang lahat ng accident-prone, slow-moving vehicles gaya ng traysikel sa lahat ng national roads, at hangga’t posible ay gawan ng panibagong daan o ruta ang mga traysikel sa lahat ng bayan at lungsod sa Pilipinas. Ang di alam ng karamihan, ang Tricycle Rerouting Plan na direktiba rin ng national government ay nagsimula sa best practices ng dating Mayor ng Naga City na si Jesse Robredo. Inadopt ito ng DILG at inimplementa ng kasalukuyang administrasyong Duterte.
Private paid parking lots issue
Pati pribadong paid parking lot ay malimit ding ireklamo sa LGU, tulad ng sa simbahan at harap ng CSI. Ang mga espasyong ito ay pribado, at may karapatan din naman ang mga pribadong entity na magpataw ng parking fee bilang parte ng kanilang regulatory fees at income generation.
Nakakalungkot na naglipana ang mga maling paratang at ang laging nasisisi ay ang Public Order and Safety Office (POSO) at siyempre ang nakaupong alkalde ng bayan. Ngunit may mabuting dahilan sa mga aksyong nabanggit; ito ay hindi ang magdulot ng diskriminasyon o pahirapan ang lahat ng nagtatraysikel. Ang pamahalaan ay nais lamang ng kaayusan, road safety, at disiplina para sa lahat.
Marahil ay mas mainam na tignan naman ang mga kabutihang naidudulot ng POSO: ang pagkakaroon ng tanggapan na nakatutok sa sistematikong pagsasaayos ng trapiko sa bayan at pagkaroon ng kaunting disiplina sa daan upang maiwasan ang sakuna at aksidente.
Baka naman
Baka naman maaari ring bigyan pansin ang magandang naidulot ng pagkakaroon halimbawa ng #4357 emergency hotline? Ilan na ba ang natulungan ng ambulansya ng Munisipyo simula pa noong 2016? Ilan na ba ang natulungan ng POSO, MDRRMO, at RHU sa pagrescue ng mga naaksidente sa daan? Nais ba nating bumalik ang ating bayan sa walang kaayusan at labu-labong trapiko sa daan? Kung gayon, tayo ay magtulung-tulong at magkaisa upang suportahan ang mga programang pangtransportasyon para sa ikabubuti ng lahat.
No comments:
Post a Comment