Ano nga ba ang tax o buwis?
Nagsimula ito ilang libong taon na ang nakararaan sa iba't ibang panig ng mundo na ipinatupad bilang koleksyon para sa kaban ng bayan upang maging "lifeblood" o pagkukunan ng gastusin ng pamahalaan. Kapalit nito ay serbisyo publiko sa iba't ibang pamamaraan.
Ang pagbubuwis ay isang "give-and-take process" na sumisimbolo sa pakikiisa sa iyong kapwa, komunidad, at bansa para sa iisa at mabuting hangarin. Hindi ka nito pipiliting magbigay ng sobra at higit sa iyong kakayahan. Ibabalik nito sa iyo ang pagpapahalagang kapantay ng halagang iyong ibinigay.
Kapag minasdan sa ganitong perspektibo, ang tax ay hindi kalugihan sa sinumang mamamayan, bagkus ay nagdadala ng proteksyon at benepisyo mula sa gobyerno para sa lahat. Preparasyon para sa kalamidad, kaginhawaan para sa pang-araw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng proyektong pang-imprastrasktura, pag-alalay para sa mga pinakamahihirap -- ilan lamang ito sa mga kayang ipagkaloob ng gobyerno sa pamamagitan ng mga proyektong nabuo at naisagawa gamit ang ambag mong buwis, mapa-amilyar man, sedula, business tax, o iba pang uri.
Hindi mo ba ikasisiya na mamuhunan para sa kinabukasan ng iyong mga anak? Hindi ba't isang pribilehiyo na may parte ka sa progreso ng iyong bayan? Kaya tinatawag ding "duty" o obligasyon ang buwis dahil parte na ito ng pagiging isang Filipino citizen o bilang mamamayan ng bansang Pilipinas.
Gamit ang ilang porsyento ng iyong pinaghirapang salapi, iyo nang maipagmamalaki na isa ka sa mga naging daan sa pagkamit ng maunlad at progresibong bayan. Magsisilbi rin itong pamana para sa susunod na henerasyon at magbibigay benepisyo para sa lahat ng BayambangueƱo. Ang ambag mo, sa gayong paraan, ay nagiging isang investment o puhunan para sa kinabukasan nating lahat.
Dito sa bayan ng Bayambang, di maipagkakailang ramdam na ramdam ng bawat isa sa atin kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad ng mga tagarito. Dahil sa zero corruption policy ng mga namamahala, wala ni isang sentimo ang nasasayang; ang bawat ambag mo ay hindi napupunta sa walang saysay na proyekto. Sa halip nito, ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Cezar Quiambao at Vice-Mayor Raul Sabangan ay inilalaan ang pondo para sa mga epektibong programa at proyekto upang mapagwagian ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan
Ang inipong sentimo mula sa pinagsama-samang sakripisyo ng bawat BayambangueƱo ay higit na malakas kaysa sa anumang sakuna, sakit, at kahirapan na kakaharapin ng bayan. Dahil sa ambag mo, nagiging posible ang "total quality service" ng bawat empleyado.
Kaya't huwag panghinayangan ang pagbabayad ng buwis o tignan ito bilang isang pasanin o kaparusahan, dahil walang ibang dulot ito kundi ang ikabubuti ng bawat isa sa atin, ng ating mahal na bayan ng Bayambang.
Thursday, December 2, 2021
Editorial (November 2021): Buwis Mo, Ambag Mo sa Progreso
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment