EDITORIAL
CSOs, Kabalikat sa Pag-Unlad
Sabi nila, “Human
beings are social animals.” Tayong mga tao, nais nating sumali sa isang
komunidad upang maging isang miyembro. Iba’t-iba ang ating dahilan kung bakit
tayo sumasapi – mayroong gusto lang magkaroon ng mga kabarkada, isang adhikain
na hindi masama. Mayroong nababagot lang sa buhay at gustong maghanap ng
pampalipas-oras. Mayroon namang gustong makatagpo ng magandang oportunidad.
Ngunit karamihan ay
sumasama dahil gustong magkaroon ng kabuluhan ang buhay, at isang paraan nito
ay kung paano makatutulong sa kapwa o maiangat ang sarili kasama ang marami
pang iba.
Mabuti na lang dahil
“Man is not just a social animal” – sabi nila, “We are also problem-solvers.”
Dahil bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang talento na bigay ng Diyos at mga kakayahan
na ating nalinang, kapag mayroon tayong narinig na isang pangangailangan sa ating
komunidad, malaki ang tsansa na ito ay marinig ng isa sa ating mga myembro na
may kakayahang tumulong. At dahil doon, madaling nareresolba ang isang concern
o problema kumpara kung tayo ay nag-iisa.
Iyan ang kapangyarihan
ng civil society groups (CSOs), ang kabutihan ng koneksyon, komunidad, at
pagsasama-sama! Totoo nga ang tinuran ng isang lumang kanta – “No man is an
island.” Kaya’t kahanga-hanga ang mga CSO, non-government organization (NGO), at
people’ organization (PO), sapagkat isinasabuhay nila kung ano ang ibig sabihin
ng bolunterismo para sa ikauunlad ng pamayanan.
Ang pagsali sa isang NGO
o civil society group ay isang indikasyon ng pagnanasang lampasan ang
pansariling kapakanan upang magampanan ang mas matayog na adhikain: ang maging lingkod-bayan.
Maituturing na pagiging isang makabayan ang mag-alay ng sarili para sa
kapakanan ng iba bukod sa sariling pamilya or kaanak. Kinakailangan nito ng
ibayong dedikasyon sapagkat hindi
maiiwasan sa isang grupo ang ’di pagkakaunawaan. Kapag may tao, laging may
gusot, dahil hindi laging nagtutugma ang pananaw ng bawat isa sa isang isyu.
Ang adhikaing mapagaan
at mapaganda ang kabuhayan sa buong bayan ay napakalawak. Hindi ito kayang
gampanang mag-isa ng lokal na pamahalaan. Dito pumapasok ang papel ng mga CSO,
dahil sila ang nagsisilbing katulong ng gobyerno sa mabubuti nitong adhikain.
Kinakailangan ng ating bayan ng mas marami pang mga grupo tulad ng mga CSO
upang mas mapabilis ang pag-unlad ng bayan at mapag-ibayo ang kalidad ng buhay para
sa lahat.
No comments:
Post a Comment