“Pusuan Mo, Bes”
Madalas nating mabasa ngayon sa Facebook ang comment na “Pinusuan ko na
bes,” na nangangahulugang na-click na ng commenter ang “heart react” icon para
sa isang post na “relate much” o nagustuhan niya ng husto.
Sa Buwan ng mga Puso, “alam na this”! Uulanin na naman tayo ng mga hugot
lines para sa mga magsing-irog at broken-hearted at pati na sa mga kawawang “walang
forever.” Pihadong maglilitawan na naman ang mga ‘espesiyalista’ sa puso na
animo’y mga licensed cardiologist. (Ayon sa mga eksperto, ang tunay na “seat of
love” ay nasa hypothalamus.) Nasa social media man tayo o wala, di tayo makakaiwas
sa usapang puso, dahil kung walang pagmamahalan, wala tayong lahat dito ngayon
sa mundo.
Sa kabila nito, alam ba natin na may
tinatawag na “hierarchy of love”? Kung may tinatawag na “four kinds of love” si
C.S. Lewis (eros, filia, storge, agape), mayroon namang konsepto na ang
pag-ibig ay ’di lang magkakaiba ng uri, kundi magkakaiba rin ng antas. Kapag
ang mga ito’y nag-umpugan na, mapapaisip tayo kung alin ba sa mga antas ng
pag-ibig ang mas mabigat para sa atin.
Sa military world, madalas marinig ang hierarchy na ito: 1. love of God,
2. love of country, 3. love of family, 4. love of self. Kapag nagkagipitan,
lumalabas kung alin sa mga ito ang tunay na mas mahalaga para sa atin.
Tayong mga Pinoy ay sinasabing
napaka-family-oriented. Hindi tayo magdadalawang-isip na magsakripisyo para sa
ikabubuti ng pamilya. Ayon sa OWWA, ang Bayambang ay pang-apat sa pinakamaraming
OFW sa buong Pangasinan, at ang Pangasinan naman ang number one sa Region I. Ang pagmamahal natin para sa ating pamilya ay
tunay na kahangahanga.
Subali’t dahil ang Pilipinas ay may halos
200 ethnolinguistic groups, madali nating makalimutan na may mas malaki pang pamilya
sa labas ng ating bahay at barangay. Maging sa pangkaraniwang pagkakataon man o
sa mga ’di inaasahan tulad ng kalamidad o sakuna, tayo ay inaasahang gumawa rin
ng kaunting sakripisyo para sa Inang Bayan at hindi lang sa paggawa ng malalalim
na hugot lines upang makakalap ng isang laksang heart reacts at maging viral
meme sa Facebook.
Tungkol naman sa romantikong pag-ibig,
madaling maintindihan kung ang isang tao ay handang magpakasakit para sa isang
sinisinta. Kung di pa natin napapansin, naglipana rin ngayon ang mga love songs
na magpapatunay nito, na may mga linya at titulong tulad ng “No Air,” “I can’t
live without you,” atbp. Subali’t huwag sana tayong makalimot na hindi laging
ganito noong unang panahon. Sabi nga ng isang sikat na kanta ni Basil Valdez na
“Ngayon at Kailanman” noong dekada ’70: “Bakit labis kitang mahal/Pangalawa sa
Maykapal?”
Huwag din sana nating kalimutan na
masama ang magmahal ng labis, sa puntong wala na tayong itinira para sa ating
sarili. Lahat ng kakulangan at pagmamalabis ay nakasasama sa kalusugan – ng
puso man, ng buong katawan, o ng buong bayan.
Kung tutuusin, ang apat na lebel ng
pag-ibig na nabanggit ay ’di naman kinakailangang magkaumpugan. Wika nga ng
isang karakter sa kwento ng manunulat na si Anton Chekhov, “My love…is not like
a pie that I have to divide equally….”
Ang pag-ibig ay pag-ibig at kapag ito
ay tunay at dalisay, ang pag-ibig sa isa ay pag-ibig sa lahat, sapagkat ’di puwedeng
kontrahin ng pag-ibig ang kanyang angking katangian. Ito ay laging
“other-oriented” at handang magsabing “Tis better to have loved and lost than never
to have loved at all,” sa kadahilanang ang umibig at ibigin ay siyang likas sa
lahat ng taong tulad natin.
Maligayang
Araw ng mga Puso sa lahat!
No comments:
Post a Comment