Wednesday, January 8, 2020

November 2019 Editorial: Bayambang: Kumaliman Kabisera’y Bansa


Bayambang: Kumaliman Kabisera’y Bansa

Noong Nobyembre 15, sa pagdiriwang ng SingKapital, ay muli na naman nating ginunita ang isang mahalagang parte ng kasaysayan ng ating bayan: ang pagdating dito nina Heneral Emilio Aguinaldo at mga kapwa rebolusyonaryo at pagdeklara niya sa Bayambang bilang ikalima’t huling kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas.
         Di natin ikinakaila na si Heneral Aguinaldo ay isang kontrobersyal na personalidad. Ngunit hindi rin natin maitatatwa na, kung ’di dahil sa kanya, hindi tayo magiging Fifth Capital ng bansa.
         Sa pagkakataong ito, mahalagang ipaalala sa ating mga kababayan kung bakit bayani si Aguinaldo sa kabila ng iba’t-ibang kuru-kuro sa kanya ng ilan, kung bakit may rebulto siya sa harapan ng ating Munisipyo na pinasadya pang ipagawa sa National Artist na si Napoleon Abueva. Anu-ano ba ang mga pamana ni Aguinaldo sa ating bayan? Ang salitang ‘aguinaldo’ ay nangangahulugan ng ‘regalo’ sa wikang Español – ano ba ang naging regalo ni Aguinaldo sa Pilipinas?
         Ito ay walang iba kundi ang matapang na pag-ako ng responsibilidad sa murang edad na 29 upang tayo ay magkaroon ng isang bansa, may isang bandila, isang konstitusyon na inakda ng kanyang Kongreso, isang hudikatura, at hukbong sandatahan. Sa madaling salita, utang natin ang lahat ng ito kay Aguinaldo: ang pagtatag niya ng Unang  Republika ng Pilipinas, ng ating unang independienteng gobyerno -- may sariling executive, legislative, at judicial branches, at militar.
         Dahil rin sa pamumuno ni Aguinaldo kung kaya’t sa Bayambang naisulat ni Jose Palma ang pambansang awit ng Pilipinas na pagdako’y pinamagatang “Lupang Hinirang.” Hindi niya kinailangang mamuno dahil komportable naman ang kanyang pamilya, at di naman siya isang desperadong tao. Ngunit pinili niya ang manungkulan upang maipagtanggol ang ating kalayaan mula sa mga mananakop. Parte ng kanyang sakripisyo ay ang pagkamatay ng kanyang sanggol na anak na si Flora Victoria habang ang kanyang pangkat ay hinahabol ng mga mananakop, at dito sa simbahan ng Bayambang dali-daling inilibing ang kanyang mga labi.
         Sa mabilis na pag-usad ng makabagong panahon, madaling makalimutan ang mga bagay na ito, kaya’t mahalaga ang papel ng Department of Education sa patuloy na pagmulat sa mga kabataan sa parteng ito ng kasaysayan ng Bayambang.
         Sa simpleng paggunita sa pamamagitan ng SingKapital at ang institusyonalisasyon nito sa Municipal Ordinance No. 17, s. 2017, ang lokal na pamahalaan ay nagbibigay-hudyat na ang mga Bayambangueño ay hindi nakakalimot, at bagkus ay nagbibigay ng tamang pagpapahalaga sa makasaysayang yugtong ito ng bayan ng Bayambang.

No comments:

Post a Comment