Friday, January 24, 2020

Editorial - February 2020 - “Pusuan Mo, Bes”


“Pusuan Mo, Bes”

Madalas nating mabasa ngayon sa Facebook ang comment na “Pinusuan ko na bes,” na nangangahulugang na-click na ng commenter ang “heart react” icon para sa isang post na “relate much” o nagustuhan niya ng husto.

Sa Buwan ng mga Puso, “alam na this”! Uulanin na naman tayo ng mga hugot lines para sa mga magsing-irog at broken-hearted at pati na sa mga kawawang “walang forever.” Pihadong maglilitawan na naman ang mga ‘espesiyalista’ sa puso na animo’y mga licensed cardiologist. (Ayon sa mga eksperto, ang tunay na “seat of love” ay nasa hypothalamus.) Nasa social media man tayo o wala, di tayo makakaiwas sa usapang puso, dahil kung walang pagmamahalan, wala tayong lahat dito ngayon sa mundo.

          Sa kabila nito, alam ba natin na may tinatawag na “hierarchy of love”? Kung may tinatawag na “four kinds of love” si C.S. Lewis (eros, filia, storge, agape), mayroon namang konsepto na ang pag-ibig ay ’di lang magkakaiba ng uri, kundi magkakaiba rin ng antas. Kapag ang mga ito’y nag-umpugan na, mapapaisip tayo kung alin ba sa mga antas ng pag-ibig ang mas mabigat para sa atin.
         
Sa military world, madalas marinig ang hierarchy na ito: 1. love of God, 2. love of country, 3. love of family, 4. love of self. Kapag nagkagipitan, lumalabas kung alin sa mga ito ang tunay na mas mahalaga para sa atin.

          Tayong mga Pinoy ay sinasabing napaka-family-oriented. Hindi tayo magdadalawang-isip na magsakripisyo para sa ikabubuti ng pamilya. Ayon sa OWWA, ang Bayambang ay pang-apat sa pinakamaraming OFW sa buong Pangasinan, at ang Pangasinan naman ang number one sa Region I.  Ang pagmamahal natin para sa ating pamilya ay tunay na kahangahanga.

          Subali’t dahil ang Pilipinas ay may halos 200 ethnolinguistic groups, madali nating makalimutan na may mas malaki pang pamilya sa labas ng ating bahay at barangay. Maging sa pangkaraniwang pagkakataon man o sa mga ’di inaasahan tulad ng kalamidad o sakuna, tayo ay inaasahang gumawa rin ng kaunting sakripisyo para sa Inang Bayan at hindi lang sa paggawa ng malalalim na hugot lines upang makakalap ng isang laksang heart reacts at maging viral meme sa Facebook.

          Tungkol naman sa romantikong pag-ibig, madaling maintindihan kung ang isang tao ay handang magpakasakit para sa isang sinisinta. Kung di pa natin napapansin, naglipana rin ngayon ang mga love songs na magpapatunay nito, na may mga linya at titulong tulad ng “No Air,” “I can’t live without you,” atbp. Subali’t huwag sana tayong makalimot na hindi laging ganito noong unang panahon. Sabi nga ng isang sikat na kanta ni Basil Valdez na “Ngayon at Kailanman” noong dekada ’70: “Bakit labis kitang mahal/Pangalawa sa Maykapal?”

          Huwag din sana nating kalimutan na masama ang magmahal ng labis, sa puntong wala na tayong itinira para sa ating sarili. Lahat ng kakulangan at pagmamalabis ay nakasasama sa kalusugan – ng puso man, ng buong katawan, o ng buong bayan.

          Kung tutuusin, ang apat na lebel ng pag-ibig na nabanggit ay ’di naman kinakailangang magkaumpugan. Wika nga ng isang karakter sa kwento ng manunulat na si Anton Chekhov, “My love…is not like a pie that I have to divide equally….”

          Ang pag-ibig ay pag-ibig at kapag ito ay tunay at dalisay, ang pag-ibig sa isa ay pag-ibig sa lahat, sapagkat ’di puwedeng kontrahin ng pag-ibig ang kanyang angking katangian. Ito ay laging “other-oriented” at handang magsabing “Tis better to have loved and lost than never to have loved at all,” sa kadahilanang ang umibig at ibigin ay siyang likas sa lahat ng taong tulad natin.

Maligayang Araw ng mga Puso sa lahat!

Saturday, January 11, 2020

Editorial – February 2020: Gapiin ang Kahirapan Gamit ang Social Media


Editorial – February 2020

Gapiin ang Kahirapan Gamit ang Social Media

          Kadalasan ginagamit natin ang social media network gaya ng Facebook bilang isang libangan lang at pampalipas-oras. Ang ilan naman sa atin ay ginagawa ito upang maging troll at basher gamit ang fake account.

Sa kabilang banda, may mga taong matitinik at nakakakita ng oportunidad sa makabagong teknolohiya. Gamit ang kanilang Facebook page, sila ay nagpopost ng photos ng kanilang mga paninda para sa kanilang mga kaibigan at contacts. Karamihan sa kanilang ibinibenta ay pagkaing panghimagas tulad ng kakanin at iba pang dessert.

          Usong-uso ngayon ang online shopping, at bihira sa mga may disposable income ang walang smartphone. Kaya ibig sabihin nito ay napakadali nang mag-advertise sa social media ng mga produkto, ano pa man ito, sa halip na magselfie lang o magforward ng fake news. Mainam ding magamit ang account upang makatulong sa mga hikahos sa buhay at iba pang may matinding pangangailangan

Gamit ang social media, iba't-ibang mga produkto at serbisyo ang maaaring gawing pangkabuhayan, propesyunal ka man o hindi. Ilan dito ay home service massage, haircut, mani-pedi, o cell phone, aircon o electronic repairMaaari ring proof-reading, writing at editing services, tutorials, o online assistant services. O direct selling ng mga organic farm produce, with extra-charge for door-to-door delivery. O kaya’y assistance sa senior citizens o PWDs tulad ng home chores, pamamalengke, rolling sari-sari store, caregiving, atbp. O transport services na parang Grab o Uber. Napakarami ng oportunidad online, kahit ilang pindot lang ang kailangan sa FB Messenger. I-PM lang o i-email ang kliyente at mapapabilis na ang transaksyon – di na kailangan pa ang koreo, landline phone, at iba pang makalumang teknolohiya. Ayon sa Wired magazine, ang mga marurunong sa computer programming ay kayang-kaya gumawa ng mga app (computer applications) para sa mga layuning ito.



         Uso rin ngayon ang mga YouTube superstars, na kumikita sa mga sponsored ads matapos magpost ng vlog o video na may temang kinagigiliwan ng libu-libong ‘followers.’

Atin sanang pagmasdan ang ating paligid at suriin ang pangangailangan ng iba na maaari nating punuan. Baka nasa social media lang ang sagot sa ating mga pangarap? Gawin sana nating lahat ito na sandata upang tulungang magapi ang kahirapan sa bayan ng Bayambang.

Wednesday, January 8, 2020

September 2019 Editorial: May Trabaho sa Turismo


EDITORIAL

May Trabaho sa Turismo

Akmang-akma ang tema ng Tourism Week Celebration sa taong ito, at ito ay “Tourism & Jobs: A Better Future for All.” Dahil dito, mapapaisip tayo kung paano nga ba nagdudulot ng kabuhayan ang turismo.

        Nakita po natin kung ilang libong katao buwan-buwan ang dumadalaw sa ating St. Vincent Ferrer Prayer Park kahit di pa ito natatapos. Matatandaang ang Prayer Park ay isang regalo ng pasasalamat, ngunit dahil sa dami ng bumibisita rito, isang malaking hamon sa atin na isipin kung paano ito makapagdudulot ng economic opportunities para sa malilit nating mga kababayan.

        Isang dahilan kaya nag-culture-mapping project ang Tourism Office kamakailan, sa tulong ng Bayambang National High School at Center for Pangasinan Studies, ay upang makita nang malinaw kung anu-ano ang ating mga natatanging yaman na maaaring ipagmalaki at lalo pang payabungin upang mapakinabangan sa kasakuluyang panahon. Alam nating lahat na maraming wala sa atin – walang bundok, walang beach – ngunit anu-ano naman ang mayroon sa atin? Isa ang farming tourism sa lumalabas na posibilidad, kaya maaari nating gawing inspirasyon ang ideyang ito. Anu-ano pa kaya ang maaari nating gawin upang makahikayat ng mga turista at, dahil doon, ay makalikha ng mga bagong oportunidad? Mayroon din tayong potensiyal sa fieasta/festival, food, religious, arts and crafts, at historical heritage, at iba pang cultural tourism models.

Dahil sa mga katanungang ito kaya natin pinupursige ang mga proyektong tulad ng St. Vincent Ferrer Prayer Park, Langiran Agri-Aqua Eco Park, at iba pa kahit sa umpisa ay mukhang imposible. Dahil sa kabutihang loob ng ating ama ng bayan at ng kanyang pamilya, tayo ay may lakas ng loob na mangahas mangarap o managinip kahit sa umpisa ay tanging pananampalataya lamang sa Diyos ang puhunan. Ito ay sapagkat malinaw na ang turismo ay isa sa mga sagot sa ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

October 2019 Editorial (Unpublished): CSOs, Kabalikat sa Pag-Unlad


EDITORIAL

CSOs, Kabalikat sa Pag-Unlad

Sabi nila, “Human beings are social animals.” Tayong mga tao, nais nating sumali sa isang komunidad upang maging isang miyembro. Iba’t-iba ang ating dahilan kung bakit tayo sumasapi – mayroong gusto lang magkaroon ng mga kabarkada, isang adhikain na hindi masama. Mayroong nababagot lang sa buhay at gustong maghanap ng pampalipas-oras. Mayroon namang gustong makatagpo ng magandang oportunidad. 

Ngunit karamihan ay sumasama dahil gustong magkaroon ng kabuluhan ang buhay, at isang paraan nito ay kung paano makatutulong sa kapwa o maiangat ang sarili kasama ang marami pang iba.

Mabuti na lang dahil “Man is not just a social animal” – sabi nila, “We are also problem-solvers.” Dahil bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang talento na bigay ng Diyos at mga kakayahan na ating nalinang, kapag mayroon tayong narinig na isang pangangailangan sa ating komunidad, malaki ang tsansa na ito ay marinig ng isa sa ating mga myembro na may kakayahang tumulong. At dahil doon, madaling nareresolba ang isang concern o problema kumpara kung tayo ay nag-iisa. 

Iyan ang kapangyarihan ng civil society groups (CSOs), ang kabutihan ng koneksyon, komunidad, at pagsasama-sama! Totoo nga ang tinuran ng isang lumang kanta – “No man is an island.” Kaya’t kahanga-hanga ang mga CSO, non-government organization (NGO), at people’ organization (PO), sapagkat isinasabuhay nila kung ano ang ibig sabihin ng bolunterismo para sa ikauunlad ng pamayanan.

Ang pagsali sa isang NGO o civil society group ay isang indikasyon ng pagnanasang lampasan ang pansariling kapakanan upang magampanan ang mas matayog na adhikain: ang maging lingkod-bayan. Maituturing na pagiging isang makabayan ang mag-alay ng sarili para sa kapakanan ng iba bukod sa sariling pamilya or kaanak. Kinakailangan nito ng ibayong dedikasyon sapagkat hindi maiiwasan sa isang grupo ang ’di pagkakaunawaan. Kapag may tao, laging may gusot, dahil hindi laging nagtutugma ang pananaw ng bawat isa sa isang isyu.

Ang adhikaing mapagaan at mapaganda ang kabuhayan sa buong bayan ay napakalawak. Hindi ito kayang gampanang mag-isa ng lokal na pamahalaan. Dito pumapasok ang papel ng mga CSO, dahil sila ang nagsisilbing katulong ng gobyerno sa mabubuti nitong adhikain. Kinakailangan ng ating bayan ng mas marami pang mga grupo tulad ng mga CSO upang mas mapabilis ang pag-unlad ng bayan at mapag-ibayo ang kalidad ng buhay para sa lahat.

October 2019 Editorial: Kabataan: Pag-Asa ng Bayan Laban sa Kahirapan


Kabataan: Pag-Asa ng Bayan Laban sa Kahirapan

ni: Khalid S Tawari, Bayambang National High School – Senior High School
(Original Title: “Di Nagkamali si Rizal,”
1st Place Winner, Spoken Word Poetry Contest, August 20, 2019, Balon Bayambang Events Center)

Tik-tak, tik-tak, tik-tak
Anong oras na ba?
Hindi ba’t ito na ang tamang oras upang imulat ang iyong mga mata?
Hindi mo ba nakikita?
Bayan mo sa kahirapa’y nagdurusa.
Kabataan, tayo pa nga ba ang pag-asa ng bayan?
Kabataan pa nga ba ang susi sa tagumpay,
upang wakasan ang kahirapan?
Kung kayo’y aking tatanungin,
“Kabataan pa nga ba ang pag-asa ng bayan?”
Marahil karamihan sa inyo’y nagdududa na.
Marahil karamihan sa inyo’y nawalan na nang pag-asa.
Ngunit makinig kayo sa akin
Bali-baliktaran mo man ang mundo
Kapwa ko kabataan ang magiging sandigan ng bayang ito.
Sabi ng iba, kabataa’y naliligaw na.
Natututo ng mga bisyo kasama ang barkada,
Pati sa pag-uwi’y inuumaga na.
Madalas, si nanay at si tatay ay nasasagot na.
Ngunit ako’y maninindigan, na kapwa ko kabataan ay pag-asa ng bayan.
Kung ako’y iyong tatanungin kung saan ako humuhugot ng paniniwala.
Aking sarili’y ibibigay na halimbawa
Lumaki sa isang payak na pamumuhay
Sa murang edad sa magulang ay naulila’t nawalay
Pinatitigil sa pagpasok sa paaralan
Ngunit ‘di pumayag dahil sa ako’y pag-asa ng bayan.
Nagbenta ng kung anu-ano.
Sa construction ay nagtrabaho.
Pati pagseservice crew ay pinasok ko.
Sa murang edad, hagupit ng kahirapa’y naramdaman.
Ngunit ‘di ako susuko dahil alam kong ako’y pag-asa ng bayan.
Hindi ako mayaman at matalino.
Wala akong maipagmamalaki kahit singko.
Pero pinapangako ko.
Mahirap, na parang matarik na bundok ang aakyatin.
Malalim, na para bang banging di matanaw ang lalim.
Madilim, na parang walang liwanag na tatanawin.
Ngunit alam kong ito’y iyong kakayanin, dahil ika’y isang BayambangueƱo.
Tulad ko, na natumba nang natumba ng natumba.
At ilang beses pang itinumba nang itinumba nang itinumba ng kahirapan.
‘Di papagapi, ‘di papaapi, ‘di papatalo.
Kahirapan, ako’y may Diyo’s na sa aki’y magpapanalo.
Ako si Khalid Salik Tarawi, na sumisimbolo sa bawat kabataan
Nahirapan, tumumba, bumangon, nahirapan, tumumba, bumangon
At patuloy pang nahirapan, tumumba, at bumabangon.
Babangon nang babangon at muling babangon.
Dahil tayo ay kabataan.
Tayo ay lalaban sa kahirapan.
Dahil tayo ang pag-asa ng bayan!



November 2019 Editorial: Bayambang: Kumaliman Kabisera’y Bansa


Bayambang: Kumaliman Kabisera’y Bansa

Noong Nobyembre 15, sa pagdiriwang ng SingKapital, ay muli na naman nating ginunita ang isang mahalagang parte ng kasaysayan ng ating bayan: ang pagdating dito nina Heneral Emilio Aguinaldo at mga kapwa rebolusyonaryo at pagdeklara niya sa Bayambang bilang ikalima’t huling kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas.
         Di natin ikinakaila na si Heneral Aguinaldo ay isang kontrobersyal na personalidad. Ngunit hindi rin natin maitatatwa na, kung ’di dahil sa kanya, hindi tayo magiging Fifth Capital ng bansa.
         Sa pagkakataong ito, mahalagang ipaalala sa ating mga kababayan kung bakit bayani si Aguinaldo sa kabila ng iba’t-ibang kuru-kuro sa kanya ng ilan, kung bakit may rebulto siya sa harapan ng ating Munisipyo na pinasadya pang ipagawa sa National Artist na si Napoleon Abueva. Anu-ano ba ang mga pamana ni Aguinaldo sa ating bayan? Ang salitang ‘aguinaldo’ ay nangangahulugan ng ‘regalo’ sa wikang EspaƱol – ano ba ang naging regalo ni Aguinaldo sa Pilipinas?
         Ito ay walang iba kundi ang matapang na pag-ako ng responsibilidad sa murang edad na 29 upang tayo ay magkaroon ng isang bansa, may isang bandila, isang konstitusyon na inakda ng kanyang Kongreso, isang hudikatura, at hukbong sandatahan. Sa madaling salita, utang natin ang lahat ng ito kay Aguinaldo: ang pagtatag niya ng Unang  Republika ng Pilipinas, ng ating unang independienteng gobyerno -- may sariling executive, legislative, at judicial branches, at militar.
         Dahil rin sa pamumuno ni Aguinaldo kung kaya’t sa Bayambang naisulat ni Jose Palma ang pambansang awit ng Pilipinas na pagdako’y pinamagatang “Lupang Hinirang.” Hindi niya kinailangang mamuno dahil komportable naman ang kanyang pamilya, at di naman siya isang desperadong tao. Ngunit pinili niya ang manungkulan upang maipagtanggol ang ating kalayaan mula sa mga mananakop. Parte ng kanyang sakripisyo ay ang pagkamatay ng kanyang sanggol na anak na si Flora Victoria habang ang kanyang pangkat ay hinahabol ng mga mananakop, at dito sa simbahan ng Bayambang dali-daling inilibing ang kanyang mga labi.
         Sa mabilis na pag-usad ng makabagong panahon, madaling makalimutan ang mga bagay na ito, kaya’t mahalaga ang papel ng Department of Education sa patuloy na pagmulat sa mga kabataan sa parteng ito ng kasaysayan ng Bayambang.
         Sa simpleng paggunita sa pamamagitan ng SingKapital at ang institusyonalisasyon nito sa Municipal Ordinance No. 17, s. 2017, ang lokal na pamahalaan ay nagbibigay-hudyat na ang mga BayambangueƱo ay hindi nakakalimot, at bagkus ay nagbibigay ng tamang pagpapahalaga sa makasaysayang yugtong ito ng bayan ng Bayambang.