Friday, December 1, 2023

Tiwala - Editorial - November 2023

 

Tiwala

 

“Tiwala” – isang salita na may anim na letra ngunit walang katumbas ang halaga kaya’t hindi basta-basta ipinagkakatiwala. Iyan ang regalong natanggap ng ating mga bagong halal na barangay officials, lalo na ang mga Sangguniang Kabataan (SK) official, mula sa ating mga kababayan, partikular na yaong mga nasa murang edad.

 

Sa kanila ay nakahanap ng bagong pag-asa – pag-asang mapakinggan, madamayan, at maipaglaban.

 

Sa libu-libong kabataan sa kani-kanilang barangay, iisang chairperson at pitong kagawad lamang ang napiling kinatawan. Kaya’t sa kanilang pag-upo sa puwesto, huwag nawa nilang kaligtaan ang mga pangako at platapormang binitawan.

 

Bilang nabansagang “pag-asa ng bayan,” panahon na para mas maipakita nila ang kanilang kakayahan at katapangan upang maging mga modelo sa susunod pang henerasyon. Mabigat man ang kanilang magiging responsibilidad bilang miyembro ng SK, kami’y nagagalak at hindi sila nagdalawang isip na sumubok at tumanggap ng hamon upang pagsilbihan ang ating pinakamamahal na bayan at mamamayan.

 

Sa kanilang pagsuong sa magulong mundo ng pulitika, sila ay nagpakita ng ideyalismo na di nalalayo sa ipinamalas ng ating mga bayani noong panahon ding kinaharap nila ang hamon ng panahon sa gitna ng kanilang kabataan.

 

Kaya’t ngayon pa lang, kami ay nagbubunyi at mainit na bumabati sa lahat ng mga nagwagi sa halalan, lalo na sa mga lider ng kabataan.

 

Congratulations sa mga bagong halal na Punong Barangay, Barangay Kagawad, SK Chairperson, at SK Kagawad. Sana ay huwag sayangin ang tiwalang ipinagkaloob ng buong-puso.

 

Sa mga hindi naman pinalad sa ngayon, pakiusap namin ay ang pakikiisa sa mga nagwagi, alang-alang sa ikabubuti ng ating mga barangay.

 

Mabuhay kayong lahat! Mabuhay ang Bayambang!

No comments:

Post a Comment