LGU Accomplishments - March 2023
GOOD GOVERNANCE
ISO Trainings, Nagpatuloy
Tuluy-tuloy ang LGU Bayambang sa mga training activities patungo sa ISO certification. Matapos ang audit sa iba’t ibang opisina noong February 27 at 28, nagkaroon naman ng Internal Quality Audit Calibration noong March 1, Training on Management Review noong March 2, at Consolidation of Documents naman noong March 3. Kabilang sa mga programa sa Bayambang Poverty Reduction Plan ang ISO Certification ng bawat opisina ng Lokal na Pamahalaan.
KSB Year 6, Dinala sa Macayocayo
Noong March 3, dinala naman sa Brgy. Macayocayo ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year VI. Sinalubong nina Macayocayo Brgy. Captain Mario Cariño at ng Macayocayo Elementary School ang buong team ng Komprehensibo na nagbigay serbisyo sa mga residente ng Brgy. Beleng, Macayocayo at Balaybuaya. Ayon ay Dr. Agbuya, may 865 total clients ang nasabing aktibidad.
NEDA, Dumating para sa Isang Consultation Visit
Noong March 10, bumisita ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng Central Office-Regional Development Group sa Bayambang para sa isang consultation visit. Sa pulong na ginanap sa Mayor's Office sa pangunguna ni Atty. Raj Vidad at Economic Cluster department heads, tinalakay ni NEDA Assistant Secretary Greg Pineda ang kanilang layon na maintindihan ang lokal na ekonomiya sa barangay level upang makapag-generate ng mga trabaho at masuportahan ang national mid-term at long-term goals ayon sa Ambisyon Natin 2040. Matapos ang pulong ay ipinasyal ng LGU ang NEDA group sa Food Innovation Center ng PSU-Bayambang Campus.
ICT Office, Nag-train ng 3rd Batch ng Developers
Patuloy ang ICT Office bilang pangunahing departamento sa pagsulong sa Bayambang bilang isang “smart town.” Noong March 8-10, nagsimula na ng training ng next-generation system development ang tanggapan para sa pangatlong batch ng trainees. Ang training ay parte ng isang serye ng pagsasanay na inoobliga ng ICTO sa kanilang mga staff upang itaas ang kahusayan ng mga kawani nito sa paggawa ng systems at applications. Layunin ng applications na ito na mas mapabilis ang mga transaksyon sa lokal na pamahalaan, siguruhing tama ang mga impormasyon, at masunod ang tamang proseso.
Libreng Gupit, Masahe, at Manicure/Pedicure, Handog ng LGU sa mga Kawaning Kakabaihan
Noong March 16 sa Events Center, hinandugan ng Human Resource Management Office (HRMO) ang mga kababaihan ng LGU ng libreng serbisyo tulad ng haircut, back massage, manicure, at pedicure, bilang parte ng pagdiriwang ng International Women’s Month 2023. Sa simpleng aktibidad na ito, ipinakita ng HRMO ang pagpapahalaga ng LGU sa maraming kababaihang nagtatrabaho para sa kanilang pamilya. Ayon kay HRM Officer Nora R. Zafra, ang mga libreng serbisyo ay naging posible sa pamamagitan ng Kasama Kita sa Barangay Foundation In
Mga BNS, Inorient sa Pinahusay na RCBMS at Document Management System
Upang tuluy-tuloy na makakuha ng updated na datos ukol sa mga pamilya sa Bayambang, nag-orient ang ICTO at ang MNAO noong Marso 13 sa mga Barangay Nutrition Scholars tungkol sa Restructured Community-Based Monitoring System o RCBMS. Ang RCBMS ay isang system na binili ng LGU nuong 2018 at ngayon ay pinaghuhusay pa ng ICTO upang mapalabas ang mga report na kailangan ng mga LGU department at unit para sa planning, programming, budgeting at monitoring ng mga development initiatives. Kasama sa napag-usapan ay ang paggamit ng mga barangay ng Document Management System o DMS upang sila ay madaling makapagpadala ng mga opisyal na komunikasyon.
KSB Team Year 6, Sinalubong sa Idong
Noong March 17, ang Komprehesibong Serbisyo sa Bayan Year 6 ay nagpunta sa Idong-Inanlorenza Elementary School (I-IES) upang maghandog ng libreng serbisyo na may tatak "Total Quality Service" sa lahat ng Bayambangueño sa tatlong barangay, ang Idong, Sanlibo at Inanlorenza. Malugod na sinalubong ang buong Team ng KSB Year 6 ng mga residente, guro, barangay officials, at volunteers. Mula sa ulat ng overall organizer na si Dr. Roland Agbuya, mayroong 717 total registered clients ang naging benepisyaryo ng KSB sa Idong.
BIR, Nagbigay ng Tax Seminar para sa mga JO Employees ng LGU
Noong March 24, nagbigay ang BIR ng Tax Seminar para sa mga Job Order employees ng LGU sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park sa pangunguna ni BIR Group Supervisor Delia Lapeña. Ipinaliwanag dito kung paano ang proseso at legal basis sa pagpataw ng buwis sa JO employees.
Komprehensibong Serbisyo ng Municipio, Inihandog sa Ambayat 2nd
Noong March 24 pa rin, ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 6 ay ginanap sa Ambayat Integrated School (AIS) upang mailapit sa Distrito I ang mga serbisyo mula sa Munisipyo. Dumayo ang buong team ng KSB Year 6 sa Brgy. Ambayat 2nd para sa mga residente ng Ambayat 1st at Ambayat 2nd, kaya sila ay malugod na tinanggap nina Ambayat 2nd Punong Barangay Maximiano Basilio Jr. at AIS Principal Nancy Gutierrez kasama ang iba pang opisyal, mga guro at residente ng Ambayat.
FINANCIAL ADMINISTRATION & TAXATION
Updates mula sa Municipal Assessor’s Office
Noong nakaraang linggo, nagpatuloy ang Assessor's Office sa pagsasagawa ng survey at pag-inspeksyon ng mga bagong naitayong istruktura sa bayan. Kabilang sa mga pinuntahan ang: proposed warehouse (cold storage facility) sa barangay Nalsian Sur, fuel station sa barangay Tatarac, proposed rice mill sa barangay Tanolong, LGU Bayambang BAYWAD Septageplant site at MRF Complex sa barangay Telbang, at ocular inspection sa Langiran fishery kasama ang DENR Team. Sa pamamagitan nito ay nasisiguro nang may-ari ng mga properties gaya ng lupa at establisimyento ay nakasusunod sa pagbabayad ng amilyar na tugma sa kaukulang halaga na nakasaad sa batas.
May 20% Discount para sa Maaagap na Taxpayers
Ang Assessor’s Office ay muling naglilibot sa mga barangay upang ipagbigay alam sa lahat ng property owners ang tungkol sa 20% discount na maaari nilang matanggap sa maagap na pagbabayad ng kanilang mga buwis hanggang sa katapusan ng 1st quarter. Nitong nakaraang linggo, sila ay nagtungo sa Brgy. Pantol, Nalsian Sur, at Wawa. Ang grupo ay patuloy din sa pag-aappraise ng taxable at non-taxable properties, pag-assist sa mga mamamayan sa kanilang pagpapatitulo ng agricultural at residential properties, at maging sa pagdeklara ng kanilang real properties.
Roving Inspection sa Public Market at Municipal Plaza
Noong Marso 22, isang roving inspection ang isinagawa ng Motorpool at Market staff sa Public Market at Municipal Plaza bilang paghahanda sa fiesta ng bayan. Ito ay upang siguruhing maayos ang daloy ng mga aktibidad sa mga naturang venue sa kabila ng dagsaan ng mamimili at bibisita sa panahon ng kapistahan.
LEGISLATIVE WORK
Committee Hearing, Isinagawa para sa SK Annual Budget at AIP
Nagsagawa ng isang Committee Hearing ang Sangguniang Bayan ukol sa SK Annual Budget at Annual Investment Program para sa Calendar Year 2023. Ito ay dinaluhan ng mga SK Chairman kasama ang iba pang mga Barangay Council members mula sa 77 na barangay.
Committee Hearing on Temporary Road Closure, Kinonsulta ang Iba't-Ibang Pinuno
Isang Committee Hearing ang isinagawa ng Sangguniang Bayan Committee on Rules at Committee on Public Order and Safety para sa panukalang ordinansa na magdedeklara ng temporary closure ng daraanan ng Grand Opening motorcade, streetdancing competition, at Night Market sa darating na town fiesta week. Ito ay ginanap sa SB Session Hall at dinaluhan ng mga concerned agency at department heads.
HEALTH
Oral Health Month 2023 Celebration, Matagumpay
Naging matagumpay ang pagtatapos ng Oral Health Month 2023 celebration sa bayan ng Bayambang. Sa ulat ng ating Municipal Health Officer, mayroong 1,867 na kliyente sa iba't-ibang barangay ang nakatanggap ng oral health services mula sa Rural Health Units 1, 2, 3 at 4.
RHU II, Nag-umpisa na sa Health Info Campaign
Nag-umpisa na ang Rural Health Unit II na magsagawa ng Information-Education Campaign sa iba't-ibang barangay na kanilang nasasakupan upang sila ay manatiling malusog at makaiwas sa mga sakit. Sa inisyal na pag-iikot, sila ay nagtungo sa Amancosiling Sur noong March 1 at San Gabriel 1st naman noong March 2.
March is Rabies Awareness Month
Patuloy ang pag-iikot sa bawat barangay ng RHU upang maghatid ng impormasyon ukol sa rabies at mga paraan upang maiwasan ito. Sa kabutihang palad, ay wala pang naitatalang kaso ng rabies death sa bayan, subalit patuloy na pinaaalalahan ang lahat na mag-ingat at maging responsableng pet owners.
Mobile Drive Donation: "Giving Blood, Saving Lives, Sharing Love"
Muling naging matagumpay ang Mobile Blood Drive Donation na ginanap sa Events Center noong March 20. May 122 donor ang nagregister, at mayroong 100 bags ang nakolekta mula sa qualified donors ang mga organizers, ang Red Cross, RHU I, at Kasama Kita sa Barangay Foundation.
March is Rabies Awareness Month
Sinimulan ng RHU I, II, at III ang pagbisita sa mga barangay ngayong RABIES AWARENESS MONTH upang maliwanagan ang mga community leader at stakeholder tungkol sa kahalagahan ng pagiging responsableng pet owners at upang mabigyan sila ng babala tungkol sa mga parusa sa mga violators batay sa R.A. 9482 o ang ANTI-RABIES ACT of 2007.
Ayon sa Municipal Health Officer, sa taun-taong pag-conduct ng IECs, walang naitalang rabies cases ang bayan ng Bayambang sa loob ng apat na tuluy-tuloy na taon.
Kasama rin sa info drive ang pagtalakay sa mga nakakahawang sakit tulad ng dengue, leptospirosis, COVID 19, at pati TB o tuberculosis, bilang parte ng pag-obserba rin ng World TB Day.
SPORTS & PHYSICAL FITNESS
2 Bayambangueño, International Champion Bodybuilders
Kinilala ng LGU Bayambang ang mga Bayambangueño na sina Jayson Paningbatan at Jeniellyn Lou Saldo sa kanilang achievements bilang champion bodybuilders sa isang international competition. Nanalo si Paningbatan sa PRO DIVISION ng NPC WORLDWIDE SINGAPORE REGIONAL SHOWDOWN sa tatlong kategorya, at nakuha naman ni Saldo ang 3rd Place sa kanyang sinalihang kategorya. Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang pagpaparangal sa Balon Bayambang Events Center noong March 20.
Sports Council, May Bagong Pa-Liga
Noong Marso 22 pa rin, nagdaos ng meeting ang Municipal Physical Fitness and Sports Development Council para sa mga Sangguniang Kabataan Chairpersons upang talakayin ang tungkol sa Inter-District Basketball Tournament 2023. Ang nasabing liga ay nakatakda sa darating na Abril. Ginanap ang meeting sa SB Session Hall, Legislative Bldg.
EDUCATION
DepEd Bayambang I at II, Nagpasalamat sa mga Bagong Donasyon ng LGU
A. P300K para sa Sports Meet Delegates
Ang DepEd Bayambang I ay nagpapasalamat sa tulong na nagkakahalagang P300,000 mula sa LGU para sa mga sports delegates sa darating na 2023 SDO 1 Pangasinan Athletic Association Meet. Ito ay bilang suporta sa mga atletang Bayambangueño mula sa elementarya at sekondarya.
B. Risograph para sa BNHS
Sila rin ay nagpapasalamat sa isang Risograph na ipinagkaloob sa Bayambang National High School.
C. Iba't-Ibang Donasyon para sa Bayambang II
Ang DepEd Bayambang II naman ay nagpapasalamat din sa iba't-ibang donasyon mula sa LGU-Bayambang.
Partikular na kanilang pinasasalamatan ang General Services Office, Local School Board, at sina Mayor Niña Jose-Quiambao at former Mayor, Dr. Cezar Quiambao, sa kanilang walang sawang pagtulong sa ating mga pampublikong paaralan.
SK Federation, Naglibot para sa Youth Organization Registration Program
Naglibot si Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan Fernandez para maimbitahan ang mga SSG Organization at Adviser ng bawat secondary school ng Bayambang na i-register ang kanilang mga organisasyon sa Youth Organization Registration Program (YORP) ng National Youth Commission para masigurado ang access at partisipasyon ng bawat kabataan sa mga programa ng bawat organisasyon.
Ang nasabing registration ay maaaring makapagbigay ng libreng training, endorsement, at iba pang programang pangkabataan sa lokal na pamahalaan.
Sports at Campus Journalism Champs, Iprinesenta ng LSB
A. Iprinisinta ng Local School Board ang latest batch ng winners sa katatapos na DepEd SDO 1 Pangasinan Division Meet 2023 at Campus Journalism Competition para sa private schools sa Pre-Division level. Nasungkit ng BNHS ang kampeonato sa Division Meet matapos ang 45 na taon. Ang mga champions ay binati ng mga opisyales at kawani ng LGU sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
B. Kinahapunan ng March 6, ang lahat ng winning team member’s ay nilibre naman ni Mayor Quiambao sa Niña's Cafe.
Municipal Library, Nag-donate ng Reading Materials sa Sancagulis E-Reading Center
Noong March 7, nagdonate muli ng mga reading materials ang Municipal Library sa Sancagulis E-Reading Center sa Sancagulis Barangay Hall. Magiging parte ang naturang mga reading materials ng initial collection ng E-Reading Center ng Brgy. Sancagulis.
Municipal Library, May Reading Activity sa Maigpa
Noong March 9, nagtungo ang Municipal Library sa Maigpa Elementary School
para magconduct ng reading activity bilang parte ng pagdiriwang ng 64th Public Library Day. Ayon kay Municipal Librarian Leonarda D. Allado, naging participants dito ang 28 Grade 3 learners sa ilalim ni Ms. Menarda de Vera at Principal Jaime A. Tamondong.
Local Student Journalists, Muling Inimbitahan para sa Fiesta Coverage
Noong March 22, muling inimbitahan ng Public Information Office ang mga student journalists mula sa local high schools upang makilahok sa kapistahan ng bayan sa pamamagitan ng pag-cover sa mga aktibidad bilang adisyunal na LGU media workforce. Sa pulong na ginanap sa Municipal Annex Bldg. Conference Room, tinalakay ang mga nararapat gawin upang maging matagumpay ang nasabing coverage.
College Financial Assistance Payout, Binisita ni MNJQ
Noong March 23, binisita ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang payout activity ng Local School Board para sa financial assistance para sa isang libong locally enrolled college students. Ito ay ginanap sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park sa tulong ng Treasury Office. May kabuuang P1,000,000 mula sa Special Education Fund ang ipinamahagi sa isang libong qualified students.
Magbasa Kasama si Mayora Niña sa Alinggan-Banaban at Amanperez Elementary School
Patuloy ang paglilibot ni Mayor Niña sa mga paaralan para sa kanyang special project upang ipromote ang pagbabasa. Noong March 24, siya at ang kanyang team ay nagtungo sa Alinggan-Banaban Elementary School at Amanperez Elementary School.
Rotary Club of Gangjin-Tamjin, South Korea, Binisita ang Kanilang Schoolbuilding Project
Binisita ng Rotary Club of Gangjin-Tamjin (RCGT) ng South Korea, sister club ng Rotary Club of Bayambang (RCB), ang 3-classroom project na kanilang dinonate sa Bascos Elementary School sa Brgy. Manambong Parte at matagumpay na naipatupad ng Rotary Club of Bayambang. Nagkaroon ng ribbon-cutting ceremony, Dedication Ceremony, at lunch fellowship sa Niña's Cafe para sa mga bisita, kung saan nagdonate ang RCGT President ng adisyunal na 1,000-dollars para as school supplies.
LIVELIHOOD& EMPLOYMENT
MCDO, Nagbigay ng Policy Formulation Seminar
Ang lahat ng rehistradong kooperatiba sa Bayambang ay umattend sa isang Policy Formulation Seminar na inorganisa ng Municipal Cooperative Development Office noong March 10 sa Balon Bayambang Events Center. Naging resource speaker si former Regional Director CDA Region I, Dr. Josefina Betonio.
Dalawang Distressed OFW, Tinulungang Marepatriate ng MESO
Dalawa na namang OFW na nakaranas ng pang-aabuso sa kanilang amo ang tinulungang makauwi ng Municipal Public Employment Services Office, matapos makatanggap ng request for repatriation mula sa kanilang kaanak dito. Ang isang babae ay galing sa bansang Kuwait, at ang isa naman ay galing sa Malaysia. Kaagad na nakipagcoordinate ang MESO sa Overseas Workers Welfare Administration at Department of Migrant Workers upang mabilis na maproseso ang papeles ng mga naturang OFW.
Provincial PESO, Nagbigay ng Libreng Training sa Nail Care
50 benepisyaryo ang lumahok sa Free Basic Nail Care Training na ibinigay ni Governor Ramon Guico III sa pamamagitan ng Pangasinan Provincial Public Employment Services Office (PESO) noong nakaraang March 21. Nagbigay ang provincial government ng libreng pagkain at nail care kit. Ang LGU-Bayambang naman ang sumagot sa venue at logistics.
MOA Signing para sa Nego-Cart
Noong March 22, nagkaroon ng MOA signing sa pagitan ng sampung vendor-beneficiaries ng mga Nego-Cart na ipapamahagi mula sa proyektong pinondohan ni Sen. JV Ejercito sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment. Ang lagdaan ay ginanap sa Municipal Annex Bldg. Conference Room.
PSU-BC Students, Inorient ng MESO ukol sa OJT
May 147 na estudyante ng PSU ang dumalo sa OJT Orientation na ginanap sa Sangguniang Bayan Session Hall noong Mar. 28. Ipinaliwanag ng MESO sa mga estudyante ang magiging patakaran at sistema sa LGU-Bayambang habang sila ay nasa loob nito. Naroon din sa nasabing orientation sina OIC MESO Gernalyn Santos at PSU OJT Coordinator Peter Pat-Rick Miguel upang magbigay payo.
OTHER SOCIAL SERVICES
Pangasinan PDAOs, Pinulong ang mga PWD
Bumisita noong March 2 ang mga Persons with Disabilities Affairs Officers ng Provincial Social Welfare and Development Office upang makipagpulong ukol sa pagbuo ng PWD Association sa bawat barangay, pagkakaroon ng profiling activity, at iba pang PWD concerns. Ito ay isa sa mga paraan upang pangalagaan ang karapatan ng mga persons with special needs nating mga kababayan.
2 Bata, Libreng Naoperahan sa Puso
Taos-pusong pasasalamat ang laman ng mga liham na natanggap ng Mayor's Action Center kamakailan mula sa pamilya ng dalawang batang nabigyan ng libreng operasyon sa puso. Ipinarating ng kanilang mga magulang kina Mayor Niña Jose-Quiambao at Dr. Cezar Quiambao, pati na rin sa MAC Office at KKSBFI at Niña Cares Foundation, ang kanilang labis na pasasalamat sa libreng heart operation.
Bountiful Children's Foundation, Muling Nag-feeding Activity
Sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Nutrition Action Office, muli na namang nagsagawa ang Bountiful Children's Foundation - Philippines ng isang feeding activity sa Bayambang noong March 4. Sila ay may 15 beneficiaries na indigent undernourished children na pawang taga-Brgy. Inirangan. Maraming salamat pong muli sa Bountiful Children's Foundation-Philippines.
Mrs. Bayambang Contestants, Iprinisenta
Noong March 6, ipinakilala ng MSWDO ang mga napiling contestants para sa Search for Mrs. Bayambang 2023. Ang kompetisyon na ito ay parte pa rin ng selebrasyon ng International Women's Month para sa buwan ng Marso.
Mga Reservists, Nag-tree Planting sa Bayambang River Cruise Site
Nagsanib pwersa ang mga barangay officials ng Amancosiling Norte at ang Alpha Company ng 104th Reserve Battalion ng Philippine Army para sa isang Tree Planting Activity na ginanap noong March 7 sa may dike sa Amancosiling Norte. Umabot sa 85 punla ng iba't-ibang fruit-bearing trees ang naitanim ng grupo, at inaasahang magiging kapakipakinabang ang mga ito sa bagong tourist attraction.
Bayambang, Nag-host ng 1Q Meeting ng Pangasinan KALIPI Federation
Noong March 7, napili ang Bayambang bilang host ng 1st Quarter Meeting ng Federation of Kalipunan ng Liping Pilipina, Inc. (KALIPI) Pangasinan Chapter. Ito ay inorganisa ni Pangasinan KALIPI Federation President nito na si Gng. Jocelyn S. Espejo at dinaluhan ng KALIPI Presidents, Focal Persons at representatives mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Pangasinan. Ang mga bisita ay binati ni Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice Mayor Ian Camille Sabangan.
Sustainable Livelihood Program, Pinaigting; BPRAT, Nagprisenta ng "Poverty Status and Trends in Bayambang"
Sa ginanap na 1st quarter meeting ng Municipal Advisory Council noong March 7, ipinahayag ng DSWD ang balitang mabibigyan ng pagkakataon ang mga graduating members ng 4Ps na mapili bilang benepisyaryo ng isang Association Enterprise Project. Sa pagpupulong, iprinisenta ng BPRAT Chairperson ang mga datos ukol sa "Poverty Status and Trends in Bayambang." Naroon din upang magbigay ng suhestiyon si DSWD-RO1 Regional Program Coordinator Rosalyn Descallar.
CVOs, Tumanggap ng Amelioration Pay mula Provincial Gov't
Nakatanggap noong March 7 ang mahigit na 1,000 Civilian Volunteer Organization members mula sa 77 barangays ng amelioration pay mula sa provincial government. Sinalubong ni Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan ang provincial government officials na pinangunahan ni Gov. Ramon Guico III, kasama sina Vice-Gov. Mark Lambino, Board Member Vici Ventanilla, at Board Member Sheila Baniqued.
Bayambang, Host ng LYDO Pangasinan Meeting
Noong March 9, naging host ang Bayambang ng quarterly meeting ng Local Youth Development Officers of Pangasinan, na ngayon ay pinamumunuan ng LYDO ng Bayambang na si Johnson Abalos. Ang pulong ay ginanap sa Niña's Cafe, kung saan tinalakay ang iba’t ibang roles of LYDOs.
Little Mr. and Ms. Bayambang Candidates, Nagtagisan sa Talent Portion
Noong March 11, nagtagisan ng galing ang mga contestants sa Talent Portion ng Little Mr. and Ms. Bayambang sa Events Center. Sa event na ito na inorganisa ng team ng Municipal Administrator, napuno ng hiyawan at tawanan ang venue dahil sa nakakaaliw na talento ng mga tsikiting. Naging hurado sina UP College Law professor, Atty. Ma. Golda Gigi Miñoza, Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brillante Jr., Bb. Bayambang Jan Rlee de Guzman, at Alaminos City BIR officer Aira de Vera.
GAD Seminar, Isinagawa
Noong March 8, 9, 13 hanggang 15, nagsagawa ng Pre-planning at Planning Seminar ang MSWDO para balangkasin ang Gender and Development o GAD projects and activities ng LGU para sa darating na taong 2024. Ito ay ginanap sa Events Center at Baguio City, at dinaluhan ng mga miyembro ng GAD Focal Point System (GFPS). Naging facilitator si Bayambang MLGOO Royolita Rosario, at resource speakers naman sina Anda MLGOO Rhealiza delos Santos, Tayug MLGOO Arianne Peralta, at DILG Pangasinan Cluster Leader Melinda Buada.
Panibagong Bugso ng DSWD Livelihood Project Implementation, Nagkakahalaga ng P3.75M
Noong March 14 to 16, nagsagawa ang DSWD-RO1 at Municipal Social Welfare and Development Office katuwang ang Bayambang Poverty Reduction Action Team at Agriculture Office ng isang orientation activity sa barangay para sa mga miyembro ng 4Ps na malapit nang magsipagtapos para mabigyan ng pagkakataon na mapili bilang benepisyaryo para sa isang Sustainable Livelihood Program ng DSWD. Sila ay nagtungo sa napiling tatlong priority barangay ng Sanlibo, Hermoza, at Tanolong upang hanapin ang 250 na benepisyaryo. Ayon sa DSWD, ang mga barangay na ito ay kabilang sa poorest barangays sa Bayambang.
ERPAT Sessions, Muling Lilibot sa mga Barangay
Ang DSWD at MSWDO ay nagsagawa ng dalawang araw na "Training of ERPAT Trainors" noong March 8 sa Aguinaldo Room ng Events Center. Naging resource person si DSWD Field Office 1 Chief Administrative Officer Melicio Ubilas. Noong March 10 naman ay nag-umpisa nang umikot sa mga barangay ang ERPAT team. Sila ay nagtungo sa Brgy. Sapang para sa unang ERPAT session. Ang ERPAT o Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities (ERPAT) ay naglalayong gawing modelo ang mga tatay sa paghubog ng isang loving and caring environment sa kanilang tahanan at komunidad
DSWD RI, Inassess ang Kapasidad ng LGU sa Delivery ng Social Welfare Services
Noong March 24, bumaba sa LGU-Bayambang ang DSWD Region I upang magconduct ng Service Delivery Capacity Assessment sa tanggapan ng MSWD at sa Mayor's Conference Room. Kabilang sa mga naging assessor sina DSWD RI Administrative Assistant 2 John Carlo Estoesta, Field Planning Officer 3 Marites Ysip, at Social Welfare Officer 3 Rachel Granados.
Bountiful Children Foundation, May Feeding Activity Muli
May feeding activity muli sa Bayambang ang Bountiful Children Foundation-Philippines noong March 25, kung saan nagkaroon ng 15 beneficiaries na indigent malnourished children. Ito ay ginanap sa Brgy. Inirangan, sa pakikipag-ugnayan sa Nutrition Office.
TOURISM
LGU, Naging Abala sa Town Fiesta Preparation
Ang Engineering Office, ESWMO, Agriculture Office, at Special Economic Enterprise ay nagtulung-tulong para sa clearing at trimming activities at streetlighting installation noong March 23 sa PSU grounds papuntang BNHS hanggang BDH, at iba pang lugar sa bayan, bilang parte ng preparasyon para sa 2023 Pista'y Baley. Nagpapasalamat ang LGU sa CENPELCO sa pagpapahiram nito ng powerline at manlift truck para sa operasyon.
Counseling Training, Isinagawa
Isang Interpersonal Communication and Counseling Skills Training ang ginanap noong March 16 sa Events Center para sa mga Barangay Service Point Officers. Gumanap bilang mga resource person sina Marilyn Castro at Rommel delos Santos, mga opisyal ng Provincial Population, Cooperative and Livelihood Development Office. Ang training ay malaking tulong sa mga BSPO sa pakikipag-ugnayan sa mga distressed individuals na lumalapit sa kanilang tanggapan.
1Q Meeting of LCAT-VAWC
Isinagawa ang unang pagpupulong ng Local Council on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC) noong March 17 sa Mayor’s Conference Room, sa pangunguna ng Municipal Administrator at MSWDO. Kasama sa nasabing pagpupulong ang mga representante ng RHU, PNP, KALIPI, SK, atbp. Kabilang sa mga natalakay ang planong pagkakaroon ng isang Men's Summit sa Hunyo kung saan tatalakayin ang mga maiinit na isyung pangkalalakihan.
Mga Bayambangueña, Nag-Cleanup Drive para sa Women's Month
Noong March 18, nanguna sa isang simultaneous clean-up drive ang KALIPI at Mrs. Bayambang contestants sa lahat ng 77 barangays, bilang parte pa rin ng pagdiriwang ng International Women’s Month at pagpapahayag ng buong suporta sa programang Bali-Balin Bayambang ni Mayor Niña at ESWMO.
Mrs. Caparoso ng Zone V, Kinoronahan bilang Mrs. Bayambang 2023
Napuno ng hiyawan at palakpakan ang buong Balon Bayambang Events Center noong March 21, nang tumindig ang labindalawang nanay para sa kanilang adbokasiya at matapang na nakipagsabayan sa kanilang kapwa kandidata para sa pagkamit ng titulong Mrs. Bayambang 2023. Si Mrs. Joycey Lacey Caparoso ng Brgy. Zone 5 ang itinanghal na Mrs. Bayambang 2023, at siya rin ang nakasungkit sa titulong Best in Talent at Best in Long Gown. Siya ay nagwagi ng P15,000 cash prize. Ang patimpalak ay inorganisa ng KALIPI at MSWDO bilang parte ng 2023 International Women’s Month Celebration.
Free Pap Smear
Ang MSWDO, sa tulong ng Provincial Population Commission, ay nagbigay ng libreng Pap smear noong March 22 at 23 sa dalawang daan na Bayambangueña bilang parte pa rin ng 2023 International Women's Month celebration. Ito ay ginaganap sa Aguinaldo Room ng Balon Bayambang Events Center.
PEACE AND ORDER & PUBLIC SAFETY
BFP, Nanguna sa Fire Prevention Month 2023
Nanguna ang Bureau of Fire Protection, sa pamumuno ni Senior Inspector Divine Cardona, sa isang kick-off ceremony noong March 3 para sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month. Dito ay hinikayat ang publiko na makiisa sa pag-observe ng fire safety practices upang ang lahat ng tahanan at establisimyento ay maging ligtas sa sunog sa lahat ng oras.
BPSO, Maglalabas ng Rerouting Plan at Traffic Advisory Kaugnay ng 2023 Town Fiesta
Pinulong noong March 14 at 15 ni BPSO Chief, Ret. Col. Leonardo Solomon, sa kanyang tanggapan at sa Mayor's Conference Room ang PNP, SB, PIO, at MDRRMO upang talakayin ang napipintong temporary road closures at rerouting plan na kailangang isagawa sa panahon ng kapistahan ng bayan. Sa sumunod na mga araw ay maglalabas ang BPSO ng rerouting plan at signages kaugnay ng nabanggit na aktibidad.
TOURISM
AGRICULTURAL MODERNIZATION
Charoen Pokphand, Magpapakilala ng No. 1 Corn Variety mula Vietnam
Noong March 1, bumisita ang mga opisyal ng CP Seeds mula sa Vietnam upang ipakilala ang Number 1 na corn variety mula sa bansang Vietnam na anila ay resistant sa fall armyworm at kayang mag-produce ng pito hanggang sampung tonelada kada ektarya. Nakatakdang itayo ang isang demo farm sa Bayambang sa buwan ng Marso para sa naturang corn variety.
DA Region I, May Panukalang P10M Hog-Raising Project
Ang Department of Agriculture Regional Field Office 1, sa pamamagitan ng Livestock Banner Program nito, ay nagsagawa ng isang orientation ukol sa Community-Based Swine Production through Clustering and Consolidation Project noong March 8 sa Mayor's Conference Room. Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng P10,000,000, at naglalayong mas mapalawig pa ang produksyon ng baboy sa merkado.
AgriTV, Bumisita para sa Posibleng Episode sa Bayambang
Noong March 10, nakipagpulong ang producer, director at staff ng AgriTV, isang TV show sa Channel 41, upang talakayin ang mga nais nilang ifeature na segment tungkol sa mga agricultural projects ng Team Quiambao-Sabangan sa bayan ng Bayambang, kabilang na ang E-Agro project, farm mechanization, at success stories ng local farmers.
DA-RFO1, Namigay ng Hybrid Yellow Corn Seeds
Noong March 14, tinanggap ng Agriculture Office ang 300 bags ng hybrid yellow corn seeds mula sa “Corn Production Enhancement Project” ng Department of Agriculture Regional Field Office-1. Ang mga naturang buto ay nakatakdang ipamahagi sa mga rehistradong miyembro ng Corn Cluster Association. Ang pagpili sa mga benepisyaryo ay nakabase sa Memorandum Order No. 6 s. 2023 mula sa ahensya. Ang mga seed recipients ay inaasahang magtatanim para sa second crop at off season ngayong taon.
NIA, Bumisita para sa Bayambang Pump Irrigation Project
Noong March 22, bumisita ang National Irrigation Administration (NIA) ng Region I sa Bayambang para talakayin ang ukol sa Bayambang Pump Irrigation Project. Naroon sa maikling pulong na ginanap sa Mayor’s Conference Room sina Mayor Niña Jose-Quiambao at Dr. Cezar Quiambao at iba pang opisyal upang kausapin ang mga NIA Region I officials. Iprinisenta ng NIA ang detalye ng proyekto, at ang mga kinakailangang gawin upang kaagad na maisakatuparan ito.
INFRASTRUCTURE DEVELOPMENT
ONGOING | Extension of Vice-Mayor's Office
ONGOING | Repainting of Public Market
ENVIRONMENTAL PROTECTION
ESWMO, Patuloy sa Kanilang Info Drive
Ipinatawag ng ESWMO ang mga opisyales ng 77 na barangay upang dumalo sa isang seminar ukol sa Republic Act 9003, na mas kilala bilang "Ecological Solid Waste Management Act of 2000." Ipinaliwanag sa seminar na ang RA 9003 ang naglalatag ng mga polisiya, mekanismo, at mandato sa mga LGU upang makamit ang 25% waste reduction sa pamamagitan ng isang integrated solid waste management plan. Binigyang-diin sa seminar ang mandato sa mga barangay na iimplementa ang naturang batas sa kanilang nasasakupan. Sumasabay din sila sa mga Barangay Assembly upang magdisseminate ng impormasyon.
ESWMO, May Special Info Drive para sa 4Ps
Ang kalinisan sa kapaligiran ay responbilidad ng lahat anuman ang estado sa buhay. Noong March 16, nag-umpisa ang ESWMO na maglibot sa mga barangay upang magsagawa ng isang espesyal na information campaign para sa 4Ps members. Sa pakikipagtulungan sa DSWD at MSWDO, kinausap ng Solid Waste officers ang mga miyembro ng 4Ps ukol sa tamang pagtapon sa basura.
Inirangan, “Cleanest Barangay” sa Buwan ng Pebrero
Matapos ang evaluation ng Bali-Balin Bayambang team para sa buwan ng Pebrero, nasungkit noong March 20 ng Brgy. Inirangan ang premyo bilang pinakamalinis na barangay sa Bayambang salamat sa pamumuno ni Barangay Chief Jonathan Espejo at ang kanyang asawa na si Gng. Jocelyn Santos Espejo. Nakatanggap ng cash prize na P25,000 ang barangay mula sa donasyon nina Special Assistant to the Mayor Dr. Cezar Quiambao, Mayor Niña Jose-Quiambao, at ang amang si Mr. Philip Jose.
Isang Grass Owl, Natagpuan at Sinurender
Noong March 21, isa na namang kuwago ang isinurender sa pulisya, at ito ay napag-alamang ibang species kumpara sa karaniwang natatagpuang Philippine scops owl. Ito ay napag-alamang isang grass owl species. Kaagad itong itinurn-over sa MENRO at ESWMO, na siya namang nagdala ng kuwago sa CENRO Dagupan.
ESWMO, Nag-iisue ng Notice of Violation
Ang ESWMO ay nag-iisyu ng Notice of Violation sa mga barangay na nahuhuling lumalabag sa RA 9003, base sa monitoring and evaluation activities ng tanggapan. Ang nasabing mga barangay ay nakitaan ng violation ng chapter VI, Section 48, paragraph (1) ng RA 9003: "Littering, throwing, dumping of waste matters in public places or causing or permitting the same." Ang bawat violator na barangay ay binibigyan ng direktiba na mag-comply sa pamamagitan ng pagsumite ng isang Action Plan upang matugunan ang reklamo.
ESWMO IEC sa mga Barangay Assembly, Nagpatuloy
Tuluy-tuloy ang ESWMO sa information drive nito sa mga barangay ukol sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Nagtungo si MENRO Joseph Anthony Quinto bilang resource speaker sa Barangay Assembly Day ng Ligue, Amanperez, Tococ East, Sanlibo, at Bical Sur. Naroon din ang RHU, PNP, BFP at DILG.
DISASTER RESILIENCY
Bayambangueñong Alerto, Ligtas sa Anumang Sakuna
Sa unang linggo ng Marso, nag-organisa ang MDRRMO, kasama ang PNP, BFP, at BPSO, ng isa na namang earthquake drill bilang pakikisa sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa first quarter ng taong 2023. Sa regular na pagsali sa earthquake drill, naiiwasan ang pagpapanic ng publiko at naeensayo ang lahat sa pagiging alerto at sa pagresponde ng tama kung sakaling may 'di inaasahang pagyanig.
Ambulance Operation Training, Isinagawa ng MDRRMO
Noong March 13, nagsimula ang 2-day Ambulance Operation Training para sa MDRRMO staff sa Wawa Evacuation Center. Ito ay inorganisa ng MDRRMO upang magbigyan ng kapasidad ang mga staff na maturuan ang 77 na barangay bilang mga first responders sa panahon ng emergency.
Ocular Inspection at Risk Assessment, Isinagwa Pagkatapos ng Lindol
Noong March 16, nagsagawa ng ocular inspection at risk assessment ang MDRRMO at Engineering Office sa mga pangunahing pasilidad ng bayan, matapos ang mahinang lindol noong tanghali ng araw na iyon. Walang naiulat na casualties o damages sa mga imprastraktura.
First Aid at Basic Life Support Training para MDRRMO Staff
Noong March 16, nag-umpisa ang pagsasanay sa mga kawani ng MDRRMO kung paano maging trainer o instructor, para makapagturo ng standard first aid at basic life support. Ito ay inaasahang magiging daan upang maibahagi sa mga barangay ang lahat ng kanilang natutunan. Kasama sa pagsasanay ang wastong pagsasalita sa publiko, konseptwalisasyon ng paksa, at paglikha ng mga presentasyon.
AWARDS & RECOGNITION
Bayambang, DSWD Regional GAPAS Awardee Muli!
Muling iginawad ng DSWD Region I sa bayan ng Bayambang ang GAPAS Award (o Gawad sa Paglilingkod sa Sambayanan Award) para sa kategoryang "LGU Implementing an Outstanding Sustainable Livelihood Program Microenterprise Development Model." Ang Bayambang ay dati nang provincial, regional, at national recipient ng naturang parangal, na kumikilala sa sistematikong suporta na ibinibigay ng LGU sa mga livelihood programs ng DSWD para sa mga 4Ps members at mahihirap na non-4Ps members.
Congratulations, LGU-Bayambang!
Santos, 2023 Rookie PESO Manager sa Regional Congress
Itinanghal na Rookie PESO Manager of the Year si Bayambang PESO Manager Gernalyn Santos, sa ginanap na Region I PESO Congress 2023 sa Tagaytay City noong March 9.
RHU I, Adolescent-Friendly Health Facility Level I
Ang RHU I ay nakatanggap ng Certificate of Compliance mula sa Provincial Health Office matapos nilang makumpleto ang mga requirement ng Department of Health para maging isang Adolescent-Friendly Health Facility Level I. Ang sertipiko na iginawad noong March 14, ay nagkukumpirma sa abilidad ng RHU na makatulong sa mga kabataan na maaaring mangailangan ng counseling services.
ICT Office, Waging Muli sa DICT Digital Governance Awards
Muling nagwagi ang ICT Office ng recognition sa Digital Awards ng Department of Information and Communication Technology na ginanap sa National Museum of Natural History, Manila noong March 30. Nasungkit ng ICTO sa ilalim ni ICT Officer Ricky Bulalakaw ang 2nd Place sa Government Internal Operations - Municipal Level para sa implementasyon nito ng document tracking system sa buong LGU.
No comments:
Post a Comment