Kakatwang Alinsangan
Halo-halo, ice
cream, fruit shake, at milk tea – ilan lamang ito sa cravings ng lahat sa
panahon ng tag-init, pansamantalang solusyon pampawi ng uhaw at panlaban sa
nag-iinit na pakiramdam. Pero hanggang kailan nga ba nito kayang labanan ang
tindi ng umaapoy na init ng araw?
Ayon sa ulat
ng PAGASA, magsisimula ang El Niño sa darating na buwan ng Hulyo at
pinangangambahang aabot pa hanggang sa susunod na taon. Subalit, dahil sa pagpailanlang
ng heat index sa danger levels na lampas 40, hindi pa man dumarating sa buwan
na ito ay napakarami nang naiuulat na kaso ng heat stroke, dry season diseases,
pagkahilo at pagkahimatay na sa kasamaang palad ay walang pinipiling edad.
Maging ang mga kabataan, lalo na ang mga estudyante, ay walang takas dito. Kung
kaya naman ilan sa mga paaralan ang minarapat na ibalik sa modular learning ang
kanilang klase at ang iba naman ay nag-adjust na ng oras ng pasok.
Marami ring
manggagawa ang umaaray at nagpupuyos ang damdamin dahil bukod sa tagaktak na
pawis, at mas mabilis na pagkapagod, mas lalo pa silang nanghihina dahil sa
nabubutas na bulsa gawa ng bayarin sa kuryente dahil sa ’di maiwasang paggamit
ng cooling devices.
50/50 rin
ang kalagayan ng mga magsasaka sa banta ng kakulangan sa tubig sa kanilang
irigasyon. Kaya’t takot ang bumabalot sa mga mamamayan sa pag-iisip na baka
lalo pang tumaas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang gulay, prutas, at bigas
kung hindi na sasapat ang produksyon ng mga ito.
Dahil dito,
samu’t saring teorya na ang naglipana. May ilang iniisip na nalalapit na ang
katapusan ng mundo, may nagsasabing paparating na raw ang panahon ng paghahari
ni Satanas, at ang ilan naman ay parusa diumano ng Diyos sa sangkatauhan ang mala-impiyernong
sidhi ng init. Subali’t mayroong isang potensyal na dahilan ang hindi mahirap
paniwalaan kung bakit natin nararanasan ang kakaibang alinsangan. Ito ay marahil
sa hindi maayos na pangangalaga natin sa ating kapaligiran na naging sanhi ng exteme
weather conditions. Tunay na walang kinikilalang propesyon, titulo, o antas ng
pamumuhay ang kalikasan kung ang bagsik nito’y mararamdaman.
Kaya’t
habang may oras pa ay ating ingatan at mahalin ang tahanang ipinagkaloob sa
atin ng Maykapal. Ang bunga ng ating pagkukulang ay nariyan na, ngunit mayroon
pa rin tayong magagawa. Tayo ay dapat na magkaisa sa pangangalaga ng kalikasan
at ingatan at payabungin ang natitirang likas-yaman.
Ito ay ating
magagampanan lamang kung mapapanatili nating ligtas ang ating sarili. Kaya’t
huwag kalimutang uminom ng sapat at malinis na tubig, magdala ng panangga sa
sinag ng araw, at magpakonsulta sa duktor kung kinakailangan. Samantala,
sabay-sabay tayong manalangin na maalpasan ang pagsubok ng kakatwang init at
nawa’y dumating na sa lalong madaling panahon ang muling pagbuhos ng ulan, kasabay
ng pagbulusok pababa ng temperatura at paghupa ng mga agam-agam.
No comments:
Post a Comment