Sunday, May 1, 2022

Editorial - March 2022 - Matutong Mangarap

 

Editorial

Matutong Mangarap

Sadyang nakakapagbigay-inspriasyon ang ginanap na Bayambang Millennials' Challenge dahil sa oportunidad na ibinigay nito para sa mga kabataan na mag-isip ng malalim at mangarap, hindi lang para sa kanilang sarili, kundi para sa kanilang barangay. Ang mga project proposals na isinumite para rito ay pawang mga kakikitaan ng inspirasyon. Maihahalintulad ang mga ito sa mga sunud-sunod na proyekto ng Team Quiambao-Sabangan sa loob ng anim na taong panunungkulan nito, kung saan maraming mga bagay na mukhang imposibleng mangyari ang nangyari na animo'y kidlat sa bilis, at kapag inisa-isa natin ay mauubusan tayo ng oras at espasyo.

Mapapaisip tuloy tayo kung ano pa ang posibleng gawin, kung meron din lang namang mapagkukunan ng suporta at resources.

Kung kami ang tatanungin, kung hindi problema ang pondo at hindi isyu ang kapangyarihang mag-implementa, nais naming unahin ang mga pinaka-obvious na problema sa kanya-kanyang barangay. Dahil halos lahat naman ng daan ay sementado na, maaari na tayong mangarap para punuan ang kakulangan sa drainage system, ang kawalan ng maluwang na parke o playground para sa mga bata, ang relokasyon ng mga informal settler sa mga delikadong lugar gaya ng tabing-ilog at gilid ng creek... Nais naming makita na ang bawat barangay ay may sariling greenhouse, nursery, at seed bank para tuluy-tuloy ang backyard gardening, at may food bank o community pantry para sa mga tunay na lubhang naghihirap.

Dahil sa RCBMS, nais naming may tututok sa pag-update at pag-monitor ng database ng mga unemployed, PWD, malnourished, at yaong mga may espesyal na medical condition para maikonek ang mga ito sa anumang database ng mga helping institutions, agencies, at private groups.

Sa dami ng nakatiwangwang na lupain sa Bayambang, nais naming iconvert ang mga ito upang maging produktibo bilang farm tourism site kung saan ma-eexperience ng mga bisita kung paano mabuhay noon sa isang barrio at paano mamitas ng mga ilulutong gulay at mamingwit ng mga ilulutong isda.

Nais naming makakita ng mga parke ng mga native trees at bungangkahoy at halaman na bihira nang makita sa ngayon, at mayroon din boating rides, bird watching platform, zipline, picnic ground, cafe, floating restaurant, zoo, flea market, 'mercato' -- basta't naaayon sa ating Local Tourism Plan at Comprehensive Land Use Plan na ipinagawa pa ni Mayor Cezar Quiambao sa prestihiyosong urban planner na Palafox Associates.

Nais naming ma-eksperimento ang ating mga magsasaka sa alternatibong mga pananim para sa high-end market gaya ng vegetable salad greens at exotic herbs at spices at ikonek ang mga ito sa mga hotel, resort, at restaurant sa mga lungsod. Idagdag na rin dito ang medicinal herbs farm at plantita/plantito shops.

Upang lumuwang sa sentro at mawala ang problema sa trapiko, nais naming magkaroon ng sariling mga oportunidad na tutugon sa pangangailangan ng mga residente sa lahat ng barangay, nang di na mamasahe pa ng mahal patungong Poblacion.

Sa sentro naman, nais naming makakita ng mga bagong business na wala pa sa Bayambang, tulad ng mga restaurant na nagseserve ng iba't ibang international cuisine. Nais naming makita ang iba't ibang serbisyo na sa ngayon ay sa mga siyudad lang natatamo, gaya ng Grab o Uber Taxi, Grab Food, at iba pang online-oriented services na angkop para sa isang smart town.

Katulad ng nanalong entry sa Millennials' Challenge, nais naming makita ang buong kahabaan ng tabing-ilog ng Agno na maging pasyalan (promenade) at eco-tourism site na may biking at hiking trail.

Nais naming marestore ang mga historic sites sa ating bayan at gawing tourist attractions ang mga ito. Nais naming makita ang ating Municipal Museum na parating dinadayo dahil sa mga kakaibang exhibits nito, at may cafe at gift shop na nagtitinda ng mga specialty products ng Bayambang.

Nais naming i-upgrade ang Bayambang Municipal Library bilang isang Center for Pangasinan Literature dahil sa rare books collection nito sa wikang Pangasinan. Nais naming dagdagan ito ng mga bagong publications sa wikang Pangasinan at mga bagong libro ukol sa Bayambang at sa kulturang Pangasinan. Nais din naming ang bawat barangay ay may sariling library na may internet connection din.

Dahil sa pagpapatayo ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center, maaari na ngayong mangarap na abot-kamay na natin ang mga mahirap hanaping espesyalista, gaya ng mga allergologist, ENT, psychologist, psychiatrist, counselor/psychotherapist, atbp.

Higit pa rito, nais naming ang bawat barangay ay may sariling klinika, duktor, nurse, ambulansya, bumbero, police station, talipapa o public market, beterinaryo…

Wala namang masama kung mangangarap dahil wala namang mawawala. At sa Bayambang, hindi ka manghihinayang na mangarap ng gising, sapagkat mataas ang tsansang magkatotoo ang mga ito dahil sa visionary at transformational na istilo ng pamamahala ng Team Quiambao-Sabangan at sa di biro-biro na resources na ipinamamahagi mula sa kabutihang loob ng pamilya Quiambao.

Sa Bayambang, dahil na rin sa inspirasyon ni Dr. Cezar T. Quiambao at Mayora Niña Jose-Quiambao, matututo ka talagang mangarap.

No comments:

Post a Comment