Wednesday, May 4, 2022

Editorial (February) - Marites: Huwag Tularan

 

Marites: Huwag Tularan

 

Sa mga biru-biruan ngayon ay nauuso ang inimbentong salitang kanto na “Marites,” halaw sa “Mars, ano ang latest?,” na nangangahulugang ‘’isang taong tsismosa o mapanirang puri.’’ (Di dapat mag-alala ang mga kababaihan, sapagkat mayroon din daw bersyon para sa mga kalalakihan: ang “Tolits” para sa “Tol, anong latest?”)

Panahon na naman ng kampanya para sa eleksyon, kaya’t naglipana rin ang mga Marites mula sa lahat ng panig sa buong bansa. Nariyan ang pagkalat ng mga impormasyong sinadyang maging kulang-kulang o half truths. Ang mas masama pa, nariyan din ang mga tahasang pagsisinungaling upang makapanira ng buhay ng iba upang maiangat naman ang sarili.

Noong kasagsagan ng pandemya ay buhay na buhay na rin si Marites dito sa Bayambang kung tutuusin, dahil naging paulit-ulit ang pagkalat ng maling balita ukol sa paglolockdown daw sa Bayambang kahit wala namang anunsyo ang pamunuan ukol dito.

Ang kawalan ng takot sa pagpapakalat ng mga ganitong tsismis ay lubos na nakababahala sapagkat, sa isip ni Marites, ito ay walang gaanong epekto o masamang kahihinatnan. …Subalit ito ay isang maling akala, at gaya ng ating kasabihan, “Marami ang namamatay sa maling akala.” Ang pagpapakalat ng balitang may lockdown kahit wala naman ay nagdudulot ng agam-agam at takot, kasama na ang panic-buying. At huwag nating kalimutan na ang paninirang-puri ay katumbas ng pagyurak sa dangal ng isang inosenteng nilalang o pagkitil ng katauhan nito kahit na wala itong kinalaman. Sa oras na ang isang paninira ay pinakawalan sa apat na sulok, para itong isang sunog na mahirap apulain.

Hindi saklaw ng usaping ito ang mga opinyon sa isyung pampubliko, at mga isyung kung nakaugnay sa mga personalidad na itinuturing na “public property” kung saan maaaring pag-usapan sa publiko ang kanilang personal na buhay hangga’t ito ay makatotohanan. Sa kabilang banda, may maaaring magandang idulot din naman ang mga Marites – kung ang kanilang ipinapakalat ay mga bagay na makatotohanan at kapaki-pakinabang sa lahat, ‘yung pumapasa sa 4-Way Test o panuntunan ng Rotary Club: “Is it the truth? Is it fair to all concerned? Will it build goodwill and better friendships? Will it be beneficial to all concerned?”

Ang ating tinutukoy ay ang mga gawa-gawang kwento na sadyang ipinapakalat upang makasira ng reputasyon ng ibang tao o mga institusyon at lalo na sa mga pribadong buhay ng mga pribadong indibidwal, at sa halip ay makaiskor si Aling Marites ng ilang ganda points.

Subalit kahit ang mga usapang pampubliko ay may limitasyon din: Hindi pa rin katanggap-tanggap ang fake news, half-truth, o kahit pa mga opinyon na walang basehan sa facts, datos, o katotohanan. “Not all opinions are equal” – hindi lahat ng opinyon ay may katuturan at kabuluhan.

Ang pagiging talamak na gawain ng isang Marites ay nagbabadya ng kawalan ng konsiderasyon sa mga maaaring masamang idulot ng di kanais-nais na kaugaliang ito. Dito ay dapat magkaroon ng kahit konting takot at kaba si Marites. At siya ay ’di dapat tularan.

Hindi nangangahulugang ang panahon ng eleksyon ay lisensya para mag-imbento ng istorya na ikasisira ng katunggali, sapagkat panahon man ng halalan o hindi, kailanman ay hindi nagiging mabuti ang paninirang puri o slander. At hindi komo ginagawa ito ay ng karamihan, ito ay nagmumukhang tama na sa paningin. Kailanman ay ’di dapat ito maging uso dahil sa bigat ng epektong dulot nito. Ito ay isang malaking kasalanan na ating pagbabayaran ng mahal balang araw.

 

 

No comments:

Post a Comment