Wednesday, May 4, 2022

Editorial - Gising na para sa 408th Town Fiesta!

 

 

EDITORIAL

 

Gising na para sa 408th Town Fiesta!

 

Magpasalamat tayo sa Diyos dahil, matapos ang dalawang taon ng bangungot ng pandemya, narito tayo ngayon, malakas ang pangangatawan at pilit na bumabawi, at tila humahataw pa nga.

Matapos makulong at animo’y makawala sa hawla, tayo ngayon ay nagtitipon-tipon at nagdiriwang para sa Pista’y Baley 2022.

Ang taong ito ay ang 408th din na araw ng pagkakatatag ng Bayambang bilang isang bayan. Napakahabang panahon iyan ng isang pagiging bayan. Kaya’t magtataka ka talaga kung bakit ang ibang bayan ay malayo na ang narating, ngunit ang Bayambang ay tila natulog ng mahimbing at nang magising ay napanganga na lamang dahil masyado nang napag-iwasan.

Kaya’t nang maluklok sa puwesto ang Team Quiambao-Sabangan noong 2016, di na tayo pumayag sa ganoong kalakaran. Tayo ngayon ay patuloy na bumabangong muli at humahataw, rumeresbak para maghabol sa mga nasayang na panahon.

Papayag ba tayong makatulog muli ng mahabang panahon? Sa mga natutulog pa diyan, gising na mga kababayan at imulat ang ating mga mata. Huwag tayong magtulug-tulugan, huwag tayong magbulag-bulagan. Ang nais natin ngayon ay isang magandang gising at mulat na mulat ang mga mata – isang umaga na ikaw ay mapapanganga, hindi dahil sa dismaya, kundi dahil kada isang barangay ay may klinika o ospital, may ambulansya, may gilingan ng bigas at mais, may mga pagawaan, may maayos na tubig at kuryente, may internet, may supermarket, lahat ng pangangailangan ay abot-kamay.

Iyan ang Bayambang na nais natin, kaya’t tayo ay magkaisa upang gumising, bumangon at bumawi. Sabi nga ng tema natin ngayong taon, “Tayo ang Solusyon sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan.”

Gusto ba nating bumalik sa higaan ng pagiging isang kulelat na bayan? Puwes, tanungin natin ang ating mga sarili: Ano pa ba ang posible para sa Bayambang? Huwag tayong matakot mangarap para sa ating sarili at para sa bayan ng Bayambang!

Isang mapagpalang kapistahan sa ating lahat!

 

 

 

No comments:

Post a Comment