Saturday, May 29, 2021

May 2021 Editorial: Buhayin ang Inland Fishery

 May 2021 Editorial: Buhayin ang Inland Fishery

Ang inland fishery ay isang tradisyon sa ating bayan na nagpayaman sa ating kultura. Dahil sa Mangabul, nakilala ang Bayambang sa malangsi o mga isdang tubig tabang.

Napakarami at sari-sari noon ang produktong ibinibenta sa ating Pamilihang Bayan dahil sa yamang ito. Nariyan ang gurami, tilapia, dalag, pantat (hito), ayungin, bunor, alalo, carpa, carpeta, atbp.  Sa katunayan, mayroon pa tayong tinatawag na tamos (maliit na dalag) at gele-gele (dalag na kasinglaki ng kamay). Hidi lang isda -- mayroon pa ngang alireg (suso), beldat (big clam), atbp.

Dahil dito ay nakilala rin tayo sa iba't-ibang uri ng buro (mayroong ang tawag ay mulantong) at ingkalot o inihaw na isda. Tuwing kapistahan ng bayan, malaki ang ating pasasalamat sa biyayang ito, kung kaya't naisipan nating maglunsad ng tinaguriang Malangsi Fishtival. At noon na ngang 2014, sa pagdiriwang ng ika-apat na dantaon ng bayan, nasungkit natin ang isang Guinness Record na "the world's longest barbecue grill."

Dahil sa pagputok ng bulkang Pinatubo noong June 12, 1991, naglaho ang ating ipinagmamalaking Mangabul matapos itong matabunan ng lahar. Sa isang iglap ay napakaraming kabuhayan ang naapektuhan, hanggang gawing isang malawak na bukirin na lamang ang lugar kung saan noon ay banye-banyerang isda ang iniiwan na lamang sa daan kung di na kayang iuwi pa ng mga nangisda.

Salamat na lang at may natitira pang pag-asa ang industriya sapagkat may mga ilan pa ring fishing grounds sa Bayambang, ang Langiran Lake, ang mga palaisdaan sa Batangcaoa, Tanolong, Maigpa, San Vicente, at ang natitirang creek sa dating Mangabul Lake area sa San Gabriel 2nd. Ayon sa Municipal Agriculture Office, ang iba pang inland fishery ay matatagpuan sa Tampog, Warding, Sancagulis, Dusoc, at iba pang barangay kung saan may water reservior na ginagamit sa patubig ng mga magsasaka. Mayroon ding ilang mga backyard hito production. Tinatayang may 487 ektaryang lawak o 8 kilometrong haba ang mga ito kung pinagsama-sama.

Kaya naman ang lokal na pamahalaan ay bumili kamakailan ng mga kagamitang panghukay upang gawing muling produktibo at ibalik ang dating sigla ng kabuhayan ng ating mga fisherfolk.

Nawala man ang Mangabul na parang bula at di man maibalik ang pangmalakasang produksyon at kita mula rito, mayroon namang posibilidad na ibangong muli ang maraming kabuhayan mula sa matagal na pagkaidlip, dahil kung gugustuhin natin ay may paraan.



No comments:

Post a Comment