Thursday, December 24, 2020

Editorial - December 2020 - Ating Tularan si Rizal

Ating Tularan si Rizal

Ang Disyembre 30, 2020 ay ika-124 anibersaryo ng pagkamartir ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Protacio Rizal sa Luneta. Ito naman ang pang-apat na taon ko ng pangunguna sa selebrasyon ng Araw ni Rizal bilang alkalde ng Bayambang, at hanggang ngayon ay di ako nagsasawang gumising ng maaga para rito. Marahil ay nahalata niyo na sa puntong ito na mataas ang aking paghanga kay Rizal -- sa kanyang pag-ibig sa bayan, sa kanyang marubdob na hangaring makita ang mga Pilipino na maging malaya at maayos ang pamumuhay.

Kahanga-hanga si Rizal lalo na sa kanyang paggamit ng panunulat upang lumaban sa mga mapang-aping mananakop, sa pagsasakripisyo ng sarili para sa bayan at kababayan. Ako ay natutuwa nang madiskubre ko mula kay DepEd Region 1 Education Program Supervisor, Dr. Johnson P. Sunga, ang ating naging panauhing pandangal sa SingKapital 2020, na ang Bayambang Municipal Library ay may kopya ng dalawang rare books: ang salin ng "Noli Me Tangare" at "El Filibusterismo" sa salitang Pangasinan. 

Si Rizal ay pinatay ng mga Kastila sa edad na 35, isang edadna maituturing pa ring edad ng kabataan. Itinuturo ni Rizal na hindi hadlang ang edad sa pagkakaroon ng masidhing pag-ibig sa tinubuang lupa. Ano man ang edad, edukasyon, at katayuan sa buhay -- kahit na sino sa atin ay may kapasidad na ialay ang buhay sa bayan, sa pamamagitan ng mga produktibong gawain na ikaangat ng marami, pagsisilbi sa mga kababayan ng walang pasubali at puno ng abilidad sa anumang larangan, lalo na roon kung saan ginalingan ni Rizal: sining at kultura, siyensiya at teknolohiya, industriya, serbisyo publiko, bilang isang estudyante, o bilang isang miyembro ng pamayanan. 

Dahil sa buong tapang na paghayag ng katotohanan upang makalaya sa hulagpos ng pagkaalipin, ngayon ay masasabi nating hindi namatay si Rizal ng walang saysay. Huwag sana nating balewalain ang pamanang ito ni Rizal sa ating bayan magpakailanman. Bagkus ay gawin nating isang ating tungkulin ang protektahan ang kalayaang ipinagbuwis niya ng buhay, ang gampanan ang ating kanya-kanyang tungkulin sa abot ng ating kakayahan, hindi lang para sa ating sariling kapakanan, kundi sa pangkalahatan.

Ating tularan lahat ang mga naging magandang ehemplo ni Dr. Rizal, di lamang sa salita kundi pati sa gawa, sa pagkakaroon ng prinsipyo sa kabila man ng banta sa ating pamilya, ari-arian, katayuan, o mismong buhay; sa pagkakaroon ng adbokasiya na handa nating pangatawanan habambuhay, katulad ng kalayaan ng ating bayan, karapatan ng mga naaapi, o paghayag ng katotohanan. 

Wika nga ni G. Sunga sa kanyang naging talumpati, sana ay dumating tayo sa puntong wala nang isang martir na magbubuwis ng buhay, sapagkat ito ay hindi na kinakailangan pa.

(Talumpati ni Mayor Cezar T. Quiambao sa Araw ni Rizal 2020)

No comments:

Post a Comment